Kabanata XI

2447 Words
Unravel Nang mapansin kong abala pa rin si Briella sa pagbulong sa tenga ni Ivan habang nakapatong ang ulo niya sa balikat nito, ako na mismo ang nagpaalam para lumabas. "I'll just get some fresh air." Hindi ko na hinintay ang sagot nila. Tumayo ako at dumiretso palabas ng bar. Nasusuffocate ako. Parang ang liit ng espasyo sa loob at maiipit ako kung hindi ako aalis. Sumalubong sa akin ang malamig na hangin ng gabi. Medyo malayo mula sa pinto, sa gilid ng bar, may upuang walang laman. Doon ako naupo. Malayo sa musika, sa mga tao, sa liwanag. May ilang tao rin ang narito dahil katabi lang nito ang parking. May ilan na tumatambay para manigarilyo, 'yung iba may kausap sa cellphone at iba naman ay kagaya ko, nakaupo sa isang tabi. Tahimik. Maliban sa mahinang tunog ng mga sasakyan sa highway, halos wala akong marinig. Sa wakas, nakahinga ako. Pero kahit wala na ako sa loob, naroon pa rin sa dibdib ko ang bigat. Yung klase ng pakiramdam na hindi mo alam kung saan nanggagaling. Hindi siya sakit. Hindi siya selos. Hindi rin siya galit. Pero hindi rin siya gaanong pakiramdam. Pinagmasdan ko ang mga paa ko. Kinusot ang palad. Hinilot ang sentido. Bakit ba ako ganito? Bakit ba ako naaapektuhan nang ganito gayung wala naman akong dapat ikasama ng loob? I didn't even know him that well. Bakit ba ako nagkakanito dahil sa isang lalaki? We had little interaction at nito ko lang naman siya tuluyang nakilala. But he made me rethink my life choices. Lumipas ang ilang minuto bago ko narinig ang pinto ng bar na bumukas ulit. Hindi ko agad tiningnan kung sino, pero naramdaman ko ang mga hakbang palapit. Umupo siya sa tabi ko. Hindi masyadong malapit, pero hindi rin ganoon kalayo. "Okay ka lang?" tanong ni Daniel, hindi pa rin nakatingin sa akin. Tumango ako kahit hindi niya ako tinitingnan. "Yeah. I just needed to breathe." Tahimik ulit. Pero ibang klase ang katahimikan namin—hindi awkward, hindi rin mabigat. Parang may kasunduan sa pagitan ng katahimikang ito: walang pilitan. Tahimik kaming dalawa, pero parang naririnig niya ang bigat ng mga tanong sa isip ko kahit hindi ko binibigkas. Sa loob-loob ko, gustong-gusto kong magsalita, maglabas ng kahit anong salita na pwedeng magsalba sa bigat na nararamdaman ko. Pero anong sasabihin ko? Na nasasaktan ako kahit wala akong karapatang masaktan? Na nagseselos ako kahit wala naman akong inaangkin? "How long have you known Ivan?" tanong ko, kahit alam kong pwedeng masaktan ako sa kahit anong sagot niya. Pero kailangan kong marinig. Kailangan kong malaman kung gaano kalaki ang puwang na meron sila sa isa't isa, at gaano kaliit ang pagkakataong meron ako—kung meron man. "Since first year," sagot niya. "Same class. Groupmates a couple of times. We don't hang out much, but I know him." Tumango ako, pero ang puso ko parang hindi sumang-ayon. Parang nagtanong ako hindi lang para makaalam, kundi para masaktan. At tama nga ako. "Briella, too," dagdag niya. "Matagal na silang may something. On and off. You know how some couples are—they break up, get back together, repeat." Parang may malamig na tubig na bumuhos mula batok ko pababa. Napalunok ako, at hindi dahil tuyo ang lalamunan ko kundi dahil hindi ko matanggap kung gaano kasimple niyang nasabi. Matagal na silang may something. Kaya pala. Kaya pala ganun sila maghalikan. Kaya pala hindi siya nagdalawang-isip. May karapatan pala talaga siya. Girlfriend niya. Hindi ako. Hindi rin ako magiging ako. Ano namang laban ko sa unang nakilala? Anong maipagmamalaki ko kung wala akong katangian na pwede kong itapat sa kanya? I shifted on my seat. "You? How did you meet him?" tanong niya, this time nakatingin na siya sa akin. "Marco's parents' anniversary," sagot ko. "But I've been hearing about him even before that. I was painting the garden mural at their house and his name just kept coming up." "And now he's everywhere," bulong niya, parang sa sarili lang. Napatawa ako, maikli, kulang sa saya pero totoo. "Exactly." Hindi ko alam kung ilang minuto pa ang lumipas bago kami parehong tumayo. Walang sabi-sabi, pero alam naming kailangan na naming bumalik sa loob. Nadatnan kong nakasandal ang buong katawan ni Briella kay Ivan. Nagtutulog tulugan pero nang makalapit kami ni Daniel ay bumukas ang kanyang mga mata. Pero nanatiling ganoon ang ayos. Sumulyap ng tingin si Ivan, sa nabibilang na segundo ay tumingin rin ako pero ako na ang unang umiwas. Parang hindi ko kayang tagalan. Hindi ko siya kayang kausapin ngayon. Nakita naming nakasandal si Dani sa gilid ng dance floor. Namumula ang pisngi at pawisan. Sumayaw siyang mag-isa, umiikot-ikot, walang pakialam sa paligid. Lasing na siya. Halatang halata. "We should go," sabi ko habang pinagmamasdan siyang muntik nang matapilok. Tumango si Daniel at sabay kaming lumapit sa kanya. Nang makita kami ni Dani ay ngumiti siya at walang tanong-tanong na isinandal ang dalawang braso niya sa mga balikat naming dalawa. Nakalaylay ang katawan niya sa amin, parang wala nang sariling bigat. "Kayo talaga," bulong niya habang humahagikhik. "Ang saya pala dito." Hindi na kami sumagot. Dahan-dahan naming siyang inakay palabas ng bar, palayo sa ingay, sa liwanag, at sa mga tanong na ayaw naming sagutin ngayong gabi. Ako naman ang nasa passenger's seat ngayon. Si Dani ay nasa likod, sakop ang buong back seat dahil sa kanyang higa. Nakapikit ang kanyang mga mata pero may silay ng ngiti ang labi. She must've enjoyed this night. Nang makarating kami sa dorm ay agad kong binuksan ang pintuan ng aming kwarto. Buhat ni Daniel ang kapatid na hanggang ngayon ay mahimbing pa rin ang tulog. Parang wala siyang pakiramdam sa bigat ng kapatid na nakasandal sa kanya—natural lang, sanay na siguro. Binaba niya ito sa kanyang kama, hinubad ang heels at tinabunan ang katawan nito ng kumot. Binuksan ko naman agad ang aircon dahil hindi naman sanay si Dani na matulog na mainit. Hindi ko alam ang gagawin ko. Paano ba mag alaga ng lasing? Hindi naman ako lumaki sa ganitong sitwasyon. Ni minsan, hindi ko pa ito naranasan kay Mama. Lumabas ako ng kwarto at nagpunta ng kusina. Nag ikot-ikot ako doon baka sakaling may gamit akong makita na pwede kong gamitin sa kalagayan ngayon ni Dani. Wala naman siyang sakit, pero bakit bimpo at maliit na palanggana ang kinuha ko? Para bang kailangan kong may gawin—kahit mali. Narinig ko ang marahang pagbukas at pagsara ng pintuan ng kwarto. Nang bumaling ako ay nakita ko si Daniel na nakahubad na ng jacket at hawak na lang ito sa kanyang kanang kamay at ramdam ko ang pagod sa balikat niyang bahagyang bumagsak. Pero kalmado pa rin ang mukha niya. "Sa tingin mo... okay lang ba siya?" tanong ko kay Daniel, habang hawak-hawak ang bimpo at maliit na palanggana na parang nurse na walang lisensya. Tumingin siya sa akin, at kita ko sa mata niya ang pagpigil ng tawa. Mukha siguro akong panic mode na girl scout sa emergency drill. "Hindi ko kasi talaga alam anong ginagawa ko," bulong ko habang tiningnan ang pintuan ng kwarto. "Wala namang lagnat pero kung bakit may dala akong bimpo tsaka palanggana, e-ewan ko rin. Instinct? Panic? Pinterest?" Wala akong lasing na inalagaan sa buong buhay ko. Instinct lang 'to... o panic response. Or baka napanood ko lang sa isang Korean drama. Tumawa siya, yung tipong tahimik pero ramdam mong naaaliw. "She will be fine. Matutulog lang 'yan—unless biglang mag-drama o maghanap ng kwek-kwek sa dis-oras ng gabi. Pero malamang, hangover lang ang kalaban mo bukas." Napakunot noo ako, napatingin sa kanya. "Kwek-kwek? Sa ganitong oras?" "Believe me, nangyari na 'yon dati," sagot niya, sabay kindat. "Wala akong choice kundi hanapin sa GrabFood." Napatawa na rin ako, kahit pilit. Hindi ko alam kung dahil sa imahe ng lasing na si Dani na naghahanap ng kwek-kwek o dahil sa presensya ni Daniel na kahit pa paano, nakakaalis ng awkwardness sa paligid. Pero habang tinitingnan ko siya, hindi ko maiwasang mapansin... ang ayos niya. Hawak lang niya sa kamay ang jacket, naka-tshirt na plain black, medyo lukot pero ang neat pa rin niyang tingnan. At bakit parang sobrang effortlessly cool niya? "Do you need me to stay here?" Tanong niya, kaswal ang tono pero may bahagyang pag-aalangan sa mata. Napatingin ako sa kanya. "Stay, why?" "Para tulungan kang mag-alaga sa kanya," sagot niya, sabay bahagyang kibit-balikat. "She's a grown woman, honestly. I'm sure hindi ka rin naman niya pahihirapan. Pero... just in case magising siyang nagpa-panic at bigla kang tanungin kung nasaan ang ex niya o kung bakit hindi siya sikat na K-pop idol—ayoko namang mag-isa kang humarap sa gano'n." Napakagat ako sa loob ng pisngi para hindi matawa. Bakit parang sanay na sanay siya sa ganitong scenario? At bakit kahit hindi naman siya nagsusuot ng tuxedo, parang effortless pa rin siyang mukhang knight in shining armor? "Ah, I think... I can manage," sagot ko. "Pero salamat. Kung sakaling mag-demand siya ng concert ticket sa gitna ng gabi, tatawagan kita." Ngumiti siya, tipid pero totoo. "Deal. Basta wag lang BTS. Masyadong mahal 'yon." Tumango ako, saka iniabot ang bimpo at palanggana sa lamesa. Pakiramdam ko tuloy, para akong nurse na walang training. Hindi ko alam kung dahil sa pag-aalaga ko kay Dani o dahil may lalaki ngayon sa loob ng dorm namin na mukhang mas composed pa kaysa sa akin. "Hatid na kita palabas," alok ko, sabay hakbang pauna, pero biglang nagdadalawang-isip kung kailangan pa ba talaga 'yon. "I mean... unless kabisado mo na 'yung way out. Which you probably do." "Hindi naman ako madaling maligaw," sagot niya, sabay lakad sa tabi ko. "Pero sige, para formal. Escort me out." Naglakad kami sa hallway, tahimik sa una. Yung tipong katahimikan na hindi naman nakakailang, pero aware kayong dalawa na naroon ito. Pagdating sa may pintuan, huminto siya at humarap sa akin. "Text me kung kailangan mo ng tulong, okay? Kahit magpadala lang ako ng kape o sermon kay Dani kung sakaling magising siyang feeling diva." Napatawa ako, this time mas maluwag na. "Noted. Salamat ulit." Nagkatitigan kami sandali. Yung mga tipong titig na parang may sasabihin pa sana, pero pareho kayong hindi sure kung itutuloy niyo ba o huwag na lang. "Sige," sabi niya, sabay ngiti. "Good night, Nurse Lauren." "Good night, Daniel," sagot ko, pilit na pinipigilan ang hindi maipaliwanag na tuwa sa tawag niya sa akin. At nang maisara ko na ang pinto, napasandal ako sandali. Dahil sa pagod. Pagod na katawan. Pagod na isipan. Pagod na puso. Unti-unting bumibigat ang talukap ng mga mata ko. Senyales na pagod na nga talaga ako. Nang mai-lock ko ang pinto ay agad akong nahiga sa aking kama. Huling sulyap kay Dani na mahimbing pa rin na natutulog bago ako tumagilid para hanapin ang sariling antok. Kinabukasan. Sunday. Maaga akong nagising. Hindi nagambala ang tulog ko. Walang nagdrama o nanghingi ng kwek-kwek kagabi. Tulog pa rin si Dani nang tingnan ko. Nakatagilid na siya ngayon habang balot pa rin ng kumot. Dumiretso na ako sa kusina at nagpainit ng tubig, naghanda ng instant noodle soup. Unti-unting napuno ng amoy nito ang buong silid. May hang over si Dani, sigurado. Makakatulong ang mainit na pagkain sa kanyang sikmura ayon sa nabasa ko sa internet kagabi lang din. Nang matapos ay tinakluban ko lang ang kaldero. Umupo muna ako sa counter at naghintay. Habang tahimik ang buong paligid, sumagi na naman sa isip ko ang dalawang taong nagpapagulo ng damdamin ko. Ivan. Briella. His girlfriend. Umiling ako. Ayokong manatili sa ganitong iniisip. Kaya imbes na magmukmok, kumuha ako ng basahan at sinimulan kong ayusin ang paligid. Inipon ko ang mga baso, pinulot ang mga mumo, inayos ang kumot sa sofa. Gumalaw ako na parang may inaayos na mas malalim kaysa sa kalat. Parang sa bawat tiklop ng kumot, inaayos ko rin ang mga bagay sa loob ko na hindi ko maipaliwanag. Ilang sandali pa ay lumabas na si Dani sa kwarto. Bitbit ang kanyang unan at pikit pa ang isang mata ay hinanap niya ako. "Ren?" Pagtawag niya. Itinabi ko ang walis tambo at kumuha ng mangkok para maisalin ko na ang noodle soup. Umupo naman siya sa dining table. "Masakit ba ulo mo?" Tanong ko nang napansin ko ang paghawak niya sa kanyang sintido. "Slight," mahina niyang sabi. "Ano 'yan?" "Mainit na sabaw. Higupin mo para bumuti pakiramdam mo. Ubusin mo ha." Pinatong ko ang mainit na mangkok sa mesa sa harap niya, sabay upo sa tapat niya. "May tubig din. Kung gusto mo ng yelo, kunin ko rin." Tahimik lang siya habang tinititigan ang sabaw. Halatang inaamoy pa lang niya, bumabagal na ang paghinga niya. "Salamat, Ren." "Walang anuman. Next time, kung iinom ka ulit, paalala lang... tubig muna bago tuloy ang inom. O kaya, huwag nang magpakalasing." Napahagikhik siya, kahit medyo basag ang boses. "Noted. Pero salamat talaga." "Alam mong kahit anong mangyari, nandito lang ako, 'di ba?" dagdag ko pa, halos pabulong. Hindi siya sumagot pero tumango siya nang dahan-dahan habang sinisimulan niyang higupin ang sabaw. Pagkatapos niyang kumain ay naligo lang siya saglit at bumalik na sa kwarto para muling matulog. Masama ang pakiramdam niya kaya hinayaan ko. Mabuti na lang at hindi siya nasuka kundi ay may dagdag linisin pa ako. Nagpatuloy ang araw ko sa paglilinis. Maingat kong sinuyo ang mga kalat—iniayos ang mga unan, pinunasan ang mesa, at tinupi ang kumot ni Dani na kanina lang ay nakasabit sa armrest ng sofa. Sa bawat galaw ko, parang may binubura akong parte ng kagabi. O siguro, mas tama sigurong sabihing sinusubukan kong ayusin ang gulo na hindi ko kayang salitain. Pagbalik ko sa kwarto, napansin ko ang sketchpad ko na nakapatong sa shelf. Tahimik ko itong kinuha at naupo sa kama. Binuksan ko ito sa bagong pahina, at nagsimulang gumuhit. Wala akong malinaw na imaheng gustong mabuo. Ang una kong linya ay walang direksyon. Sunod-sunod ang mga ito—abstarkto, tila mga piraso ng alaala, emosyon, at tanong. Hindi ito si Ivan. Hindi rin si Dani. At hindi rin ako. Mga bitak-bitak na anyo sa loob ng isang hugis na parang salamin—wasak sa gitna, pero pilit pinagdudugtong ng mga linya. Parang pagsasaayos sa isang bagay na hindi na babalik sa dati pero hindi rin nawala ang kagandahan. Sa gitna ng basag na hugis, unti-unti kong iginuhit ang isang maliit na bulaklak—isang daisy. Puting petals, simple, bukas. Galing sa gitna ng gulo. Hindi siya perpekto, pero naroon. Buhay. Huminga ako nang malalim. Mas magaan na. Hindi pa rin ganap na maayos, pero sapat na ang katahimikan para maramdaman ko ito: I'm still here. I'm still me. At minsan, sapat na ang pahinang iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD