Chapter 2

1551 Words
MULA sa Mandy’s ay tumuloy sila ni Justin sa bookstore. Bumili siya ng dalawang paperbacks ng paborito niyang author samantalang bumili si Justin ng mga kulang na supplies para sa opisina ng Mandy’s. Nananghalian muna sila sa malapit na fast food bago tuluyang umuwi. “Kumusta na kayo ni Marianne? Akala ko ba nagkausap na kayo?” Tumango lang si Justin. May kung ano itong inayos sa kotse kaya hindi nito narinig ang itinanong niya. “So, kayo na uli?” Umiling ito matapos makapasok sa kotse. Nagbukas ito ng isang chocolate bar at iniabot iyon sa kanya. Tiningnan niya si Justin dahil ayaw nito na kumakain siya ng tsokolate kaya nagulat siya sa ginawa nito. “Pero sabi mo, plano mo siyang yayain na tumira sa bahay, hindi ba?” “That’s against the rules. Bawal ang magdala ng babae sa bahay, you made that very clear.” Oo, iyon ang number one rule at ang pinakaimportanteng house rule nila. “Forget about the rules, Justin. Kung talagang gusto mo siyang itira sa bahay, forget about the house rules. Rules are just rules anyway.” “Wala na kami,” simple nitong sabi. “Ganoon lang iyon?” Hindi lang masabi ni Amanda na ‘praise God’, natauhan rin. Dalawang taon na niyang kilala si Marianne. Oo, maganda ito, mabait, pero sa tingin niya ay hindi ito bagay kay Justin at pakiramdam niya ay ginagamit lang nito si Justin - na alam naman raw ng dakila niyang kaibigan, at ang totoo ay ginagamit lang rin naman nito ang kasintahan. Pero minsan, kapag nagkakaproblema ito tungkol kay Marianne ay halos mabingi ang tainga niya sa mga sentimyento nito at sa paghingi nito ng payo kung paano makikipagbalikan sa babae’ng iyon. Siyempre, hindi naman puwedeng umarte si Amanda na masaya sa balita ni Justin, kahit pa nga medyo masaya siya. “I’m sure, ilang araw lang, okay na uli kayo.” Umiling ito. “You didn’t really like Marianne, did you?” sa halip ay tanong nito sa kanya nang huminto na ang sasakyan sa parking area ng condominium. “H-hindi naman sa gano’n.” Of course, it was a lie. “She’s nice…” And beautiful. Maputi ito, mahaba ang buhok, mukhang modelo. “…and it really doesn’t matter kung gusto ko siya o hindi. Ikaw naman ang boyfriend, hindi ako.” Nakita niyang ngumiti si Justin at alam niyang hindi ito naniniwala sa sinabi niya. “Okay, okay, I didn’t like her that much.” Tumangu-tango lang si Justin, ang ibig sabihin ay all along, alam na nito na ayaw niya kay Marianne. “J-just so you know, I tried my best to like her. Para sa iyo, Justin.” “And thank you for the effort. Don’t worry, hindi mo na kailangang gawin iyon.” Salamat sa Diyos, nasabi ni Amanda sa sarili. Nakahinga siya nang maluwag pero kahit paano ay nalulungkot pa rin siya sa kinahinatnan ng love story nina Justin at Marianne, kung love story nga iyong matatawag. Saksi siya sa away-bati ng dalawa at alam niya na marami na ring pinagdaanan ang mga ito. Kahit paano, nasasayangan rin siya kung mauuwi lamang ang lahat sa wala. “In fairness naman kay Marianne, parati siyang nariyan para sa iyo. Sa tingin ko, mahal ka talaga niya.” Tiningnan siya ni Justin. “Sa tingin mo?” “Hindi naman siya magtitiyaga ng ganyan sa iyo kung hindi,” nakangiti niyang sagot. Sa totoo lang, hanga rin siya kay Marianne dahil sa lahat yata ng babae na nagkaroon ng kaugnayan kay Justin, ito lang ang talagang matiyaga. At ito lang ang talagang nakilala niya nang husto. Iyong iba kasing naging girlfriends ni Justin, isa o dalawang beses lang niya nakita. “Ano ba talaga kasing nangyari sa inyo?” hindi niya napigilang tanong. “She wanted to move in…and if she does, you naturally have to leave.” Tumango siya. “Naturally.” “Exactly my point. Ayokong umalis ka sa bahay.” “Pero-“ “Forget it, Amanda. No one’s moving in, no one’s leaving. End of discussion.” “Paano si Marianne?” taka niyang tanong, na ipinag-kibit-balikat lang ni Justin. “I don’t need her or anybody else. Basta’t kasama kita, okay na ako.” Natawa siya dahil hindi naman iyon ang unang pagkakataong narinig niya iyon mula sa kaibigan. “Justin, okay lang sa akin na tumira siya sa bahay. In the first place, it’s your condo, not mine. Ako na ang bahalang mag-adjust.” “Hindi na kailangan, Amanda,” sabi ni Justin nang pareho na silang nakalabas ng kotse. “Ikaw na ang pinili ko.” Magkatabi silang nakatayo sa harap ng pinto elevator at nang bumukas iyon ay sabay silang pumasok roon. “Are you flirting with me again, Mr. Lewis? Napangiti si Justin pero hindi ito lumingon sa kanya. “Masyado bang obvious?” Tumangu-tango siya. So, Single nang muli si Justin. Iyon na ba ang simula ng love story nila ni Justin? Iyon ang akala ni Amanda dahil pagkaraan lang ng isang linggo, nakatanggap siya ng tawag mula kay Marianne. Inimbitahan siya nitong mag-lunch at alam na niya ang ibig sabihin noon. Dahil hindi iyon ang unang beses na tinawagan siya nito at niyayang kumain sa labas. Matapos nilang um-order, nagsimula na itong mag-imbistiga. “M-may nasabi ba siya sa iyo?” Umiling si Amanda. It takes a great deal of experience to master the art of lying, just for dear friend Justin. “Hindi na niya ako tinatawagan, hindi ko na siya ma-contact. Ano bang nangyayari sa kanya?” Nilaru-laro ni Marianne ang hawak nitong tissue paper. Napabuntung-hininga siya. “A-actually, medyo busy siya nitong mga nakaraang linggo. Baka nagkakataon lang na busy siya kapag tumatawag ka.” Na totoo naman dahil talagang busy si Justin sa restaurant, at sa marami pang mga bagay. “M-may iba na naman bang babaeng kinalolokohan si Justin?” “Marianne, kilala mo si Justin, kilala nating lahat si Justin.” Ang pagiging numero uno’ng playboy ang tinutukoy ni Amanda. Ilang beses na siyang kinausap at kinulit ni Marianne tungkol sa isyung iyon at palagi niyang pinagtatakpan ang mga kalokohan ng kaibigan. Minsan nga, naiinis na rin siya sa sarili dahil sa totoo lang ay kinu-condemn to hell niya ang mga lalaking tulad nito. Pero ayon pa rin siya, walang magawa dahil kaibigan niya ito. “Amanda, mahal na mahal ko si Justin. Nasasaktan ako kapag nalalaman kong may mga babae siya.” “Don’t worry too much. Maaayos n’yo rin iyan.” Muli siyang napabuntung-hininga. Isa lamang si Marianne sa napakaraming babae na nabola at napaiyak ni Justin at hindi niya alam kung isa ba talaga sa mga hobbies nito ang magpa-asa ng mga babae. At tuluyan nang umiyak si Marianne. Hindi niya alam kung nag-o-over react lang ito o talagang nasasaktan ito sa mga nangyayari. “Kahit mga simpleng bagay, pinag-aawayan namin ngayon. Ang pagluluto ko, pagtitiklop ko ng mga damit. Hindi ko alam pero pakiramdam ko, matagal na niya akong gustong hiwalayan, naghahanap lang siya ng dahilan.” “Kakausapin ko si Justin, huwag ka nang mag-alala,” aniya kahit pa sa tingin niya ay parang ganoon na rin ang nangyayari. At siguro rin, may bago na namang kinahuhumalingan ang playboy na iyon. “Amanda, huwag mo na sanang babanggitin sa kanya na nagsumbong ako sa iyo, ha? Lalo lang iyong magagalit sa akin. Sabi kasi niya, huwag na huwag raw kitang idadamay sa away namin.” “Wala akong sasabihin,” nakangiti niyang sabi. “Hay, salamat, ha. Alam mo, kung hindi ka lang ganyan kabait sa akin, kahit ikaw, pagseselosan ko. Noon, hindi ko maintindihan kung bakit may kasamang ibang babae si Justin sa condo at hindi ako naniniwala na walang nangyayari sa inyo. Imposible.” “Unusual, pero hindi imposible.” Sa wakas ay ngumiti si Marianne. “Hanga ako sa iyo, Amanda. Alam mo bang napakaraming babae ang nagkakandarapa na mapansin ni Justin samantalang ikaw, araw-gabi mo siyang kasama.” Ngumiti lang siya at uminom ng tubig. Kung alam lang nito kung gaano kahirap maging housemate si Justin. Kung alam lang ni Marianne kung ano ang mga pinagdadaanan niya sa araw-araw na kasama niya si Justin. “Amanda, iyong totoo, kahit kaunti ba, wala kang gusto sa kanya?” Isang malakas na tawa ang sagot niya. “Kay Justin? Matagal na kaming magkaibigan no’n at hanggang doon lang talaga kami,” sabi niya. Hindi lang niya masabi na hindi siya ganoon ka-tanga para maniwala sa mga bola ni Justin dahil ayaw naman niyang pagmukhaing tanga ang kaharap dahil hinayaan nito ang sarili na mahulog sa bitag ni Justin at ngayon, hayan iiyak-iyak. Hindi lang niya masabi kay Marianne na dapat ay masanay na ito dahil sa unang banda, dapat ay inaasahan na nito ang ganoon, at katangahan lang ang iyakan si Justin. Pinasok nito ang ganoon, she must face the consequences. At hindi dapat ito umasa na pang-habang buhay ang relationship nito kay Justin dahil kalokohan talaga iyon.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD