"PARE, TAMA na 'yan. Ikaw na lang ang tao rito," awat ni Wryle kay Denim. Huling set na iyon ng mga singsing at maaari na niya iyong i-deliver. Alas nuwebe na ng gabi pero walang kaso sa kanya iyon. Kapag natapos iyon ay sisimulan niya ang panibagong order. Kahit ano basta huwag muna siyang umuwi sa bahay nila. Halos magiisang buwan na siyang ganoon. Hangga't maaari ay iniiwasan niya ang lolo niya. Lalo nitong pinagdidiinan na tama lang na naghiwalay sila ni Ethel. Marami siyang hindi nagustuhan na ginawa nitong pakikialam sa lahat. Naiintindihan niya ang punto nito pero dahil mahal talaga niya si Ethel ay pinaglaban niya, kesehodang magalit ang lolo niya. Asang-asa siya na matatanggap din nito ang lahat pero nanlumo siya na pagkatapos niyang ipaglaban si Ethel ay nakipaghiwalay ito sa k

