Chapter 1.1: When We Were Strangers
Alas-singko pa lang ng madaling araw ay gising na si Rosalie Carranza-Salazar. Tutok na tutok siya sa paghiwa ng sibuyas at bawang kahit ramdam na ramdam pa niya ang matinding pagod. Nagpuyat kasi siya kagabi sa paggawa ng lesson plan. Pero kahit puyat, nagawa pa rin niyang bumangon nang maaga para ihanda ang hapag-kainan.
Isang public school teacher si Rosalie sa Maynila. She teaches Grade 5 in a local elementary school. Ang asawa niyang si Ramon ay isang seaman na kasalukuyang nasa barko at naglalayag sa ibang bansa.
Hindi talaga siya tubong Maynila. Taga-Cebu siya. Natutunan lang niyang mamuhay sa lungsod nang kunin siyang kasambahay ng isang kakilala mula sa probinsya noong siya’y nag-aaral pa sa kolehiyo.
Kapalit ng pagiging kasambahay ay ang kanyang pagkakataong makapag-aral. Sa kabutihang-palad, nakapagtapos siya ng Education at matagumpay na pumasa sa Licensure Exam for Teachers. Kaya heto siya ngayon, isang ganap na guro sa isang pampublikong paaralan sa Maynila.
Dito sa Maynila niya nakilala si Ramon. Noong una ay naging matalik silang magkaibigan, kalaunan ay nagka-ibigan, hanggang sa nagkatuluyan. At ngayon, namumuhay silang tahimik bilang mag-asawa.
May isa silang anak na babae. Eto ay si Lia Beatriz Salazar.
Labing-walong taong gulang na si Lia, at kasalukuyang nag-aaral bilang Senior High School student sa isang private school na hindi kalayuan sa pinagtatrabahuhan ni Rosalie.
First day of school ni Lia ngayon. Kaya naman nagdesisyon si Rosalie na magluto at maghanda para sa anak, at para na rin sa sarili, dahil ito rin ang unang araw ng pagbabalik niya sa trabaho bilang guro.
Matapos hiwain ang bawang at sibuyas, sinimulan na niyang igisa ito sa kawali. Binuksan niya ang de-latang corned beef at dahan-dahang isinunod ito, hinalo-halo niya ito habang inaamoy ang pagbango ng aroma.
Pagkatapos magluto ng ginisang corned beef, kumuha siya ng apat na itlog para isunod. Nang mapansin niyang luto na rin ang sinaing sa rice cooker, mabilis niyang binunot ang power plug sa saksakan.
Pagkatapos ng lahat ng iyon, tumungo siya sa isang kwarto. Kumatok muna siya bago marahang binuksan ang pinto.
Bumungad sa kanya ang kadiliman ng silid, kaya binuksan niya ang ilaw. Doon, nakahiga ang isang payat at hindi kataasang dalagita na balot pa ng kumot.
Si Lia iyon.
“Lia, gumising ka na riyan, baka ma-late ka sa pasok mo ngayon,” malumanay pero mariing sabi ni Rosalie.
“Uyy! Bangon na at maligo ka na para makakain na. Dapat pag-alis ko rito, nakabangon ka na, ha?”
‘Yon na lang ang huling sinabi ni Rosalie bago siya bumalik sa kusina para ituloy ang kanyang paghahanda.
Naalimpungatan si Lia sa kanyang pagkakatulog dahil sa boses ng kanyang mama. Nakapungay ang kanyang mga mata habang bumabangon, magulo pa ang kanyang mahaba at itim na buhok.
Kinuha niya ang cellphone na nasa side table at agad na tiningnan ang oras.
5:30 AM.
Maaga pa yata para gumalaw, lalo’t antok pa siya. Gusto pa niyang mamaluktot sa kama kahit ilang minuto pa.
Pero hindi puwede. Kahit gustuhin pa niyang umidlip, alam niyang magagalit ang kanyang ina. Pinag-usapan pa naman nila kagabi na siya ang maghahain ng almusal ngayong umaga bilang pag-consider sa pagka-puyat ng kanyang ina sa paggawa ng lesson plan.
Hindi na siya nagdalawang-isip. Bumangon siya, niligpit ang kama, at lumabas ng kwarto.
Pagdating sa dining area, nakita ni Lia na handa na ang almusal. Nakasalubong niya ang kanyang ina. Nakangiti ito at parang hindi obvious na napuyat kagabi.
“Maligo ka na at kumain pagkatapos. Mamamalantsa pa ako ng uniporme mo,” bilin ng kanyang ina.
“Ma, ako na po sana,” pag-aalangan ni Lia.
“Maligo ka na. Huwag mo na akong pinipilit. Bilisan mo at baka ma-late ka.”
“Eight o’clock pa naman po ang first class ko, ‘Ma. Maaga pa,” palusot ni Lia.
“Ano’ng maaga pa? Hapon na! Bilis na riyan. Maligo ka na at kumain pagkatapos. Ako naman ang mag-aayos,” sagot ng kanyang ina at sabay na napairap ng mata.
Wala nang nagawa si Lia kundi sundin ito.
Kahit malamig ang tubig mula sa gripo ng banyo ay tiniis niyang binuhos ito sa buong katawan. Nang buhusan niya ang sarili, tuluyan na ngang nawala ang antok na nanalantay sa katauhan niya. Ilang minuto lang ay tapos na siyang maligo.
Tinapisan niya ng tuwalya ang katawan at binalot ang buhok ng isa pa. Paglabas niya ng banyo, makikitang fresh na fresh na siya at gising na gising.
Napansin niyang wala sa sala ang ina nang siya ay pumanhik doon. Pero nakita niyang naroon ang kanyang uniporme na bagong plantsa pa habang nakasabit sa may bintana.
First day of school. First day of Grade 12.
Huminga siya ng malalim nang maisip iyon. Alam niyang magsisimula na naman ang kalbaryo niya sa paaralan. Magsisimula na naman siyang labanan ang stress, gawin ang mga assignments buong gabi, at mag-aral para sa mga darating na exams. Ngunit wala siyang magagawa. Kailangan niyang mag-aral. ‘Yan kasi ang bilin ng kanyang mga magulang. At higit pa roon ay gusto rin niyang matupad ang mga pangarap niya sa buhay.
Napailing si Lia habang kinukuha ang unipormeng nakasabit sa bintana. Sabay ring lumabas si Rosalie mula sa kwarto habang may kausap ito sa cellphone.
“Oo, nandito ‘yong anak mo. Ang bagal-bagal kumilos, alam naman niyang pasukan ngayon,” sumbong nito sa kausap sa kabilang linya habang umiiling na nakangiti.
Narinig ni Lia ang pamilyar na boses mula sa kabilang linya.
“Ibigay mo sa kanya at kakausapin ko.”
“Eto, oh,” sabi ni Rosalie at saka nito inabot sa kanya ang cell phone.
“‘Pa?” sagot ni Lia nang tanggapin niya ang cell phone.
Sa screen ng cell phone ay lumitaw ang imahe ng isang mataba at kalbong lalaki. Ito ang kanyang ama na si Ramon. Sa video call, kasalukuyang nasa kama ito, nakahiga, at halatang pagod, pero masaya dahil kausap niya ang pamilya.
“Lia, kumusta ka na, anak?”
“Okay lang po. Kayo po?”
“Okay lang din naman. First day of school niyo?”
“Opo, ‘Pa.”
“Be good at school, okay? Make me proud.”
“Opo, ‘Pa. Salamat po. Ingat po kayo palagi riyan.”
“Salamat, anak.”
Maikli lang ang naging usapan nila ng kanyang ama. Hindi dahil wala silang gustong sabihin sa isa’t isa, kundi dahil si Lia ay nahihiya kapag kausap na niya ang ama.
Bata pa lamang siya nang matutunan niyang hindi palaging nasa tabi ang kanyang ama. Isang seaman si Ramon. Laging anim na buwan itong naninilbihan sa barko, at kung uuwi ito para magbakasyon, hindi naman ito gaanong nagtatagal dahil kailangan na rin nitong sumampa sa bagong barko na ia-assign sa kanya ng agency.
Kaya kahit nandiyan ito bilang financial provider nila, hindi niya ito tunay na nakasama habang lumalaki siya. Kay medyo naiilang siya kapag kausap ang ama.
Pagkatapos ng tawag, ibinalik ni Lia ang cellphone sa ina at pumasok sa kanyang kwarto para magbihis. Narinig pa niya mula sa ama na magpapadala ito ng pera para sa kanilang mag-ina. Isinantabi niya muna ang narinig at nagpatuloy sa kanyang pag-aayos.
Ilang minuto ang lumipas, nakaayos na si Lia at bumalik sa kusina upang kumain ng almusal. Nag-toothbrush siya, nag-ayos ulit ng buhok at gamit, at nang handa na siya ay sabay na rin silang lumabas ng bahay ng kanyang ina.
Sumakay sila ng tricycle papuntang bus terminal. Pagdating doon, agad silang nagpaalam dahil magkaiba sila ng destinasyon na pupuntahan.
“Wala kang nakalimutan?” tanong ni Rosalie.
“Wala na po.”
“Baon mo?”
“Nasa bag ko na po.”
“Pera mo?”
“Nandito na rin sa pitaka ko, ‘Ma.”
“O siya, ingat ka papuntang school, ha. Diretso uwi mamaya, huwag ka nang magpagabi. May karne sa freezer, pwede mong lutuin para sa hapunan ‘yon. Huwag mo na akong hintayin at baka gabi na ako makauwi. May dala akong susi, kaya i-lock mo ang pinto bago matulog, okay?”
“Okay po, ‘Ma.”
“Ingat ka, anak,” ani ng kanyang ina sabay halik sa pisngi ni Lia. Gumanti naman siya sa ina ng halik sa pisngi.
“Ikaw rin po, ‘Ma. Ingat po.”
Matapos nilang magbigay ng paalam sa isa’t isa, agad namang tumakbo si Lia sa nakaparadang jeep na naghihintay ng iba pang pasahero. Habang si Rosalie naman ay agaran ding bumalik sa tricycle na kanilang sinakyan kanina upang tumungo na sa paaralan na kanyang tinatrabahuan.
Alas-siyete na ng umaga. Sa ganitong oras ay ramdam na ramdam na ni Lia ang init ng araw kahit maaga pa. Gitgitan din kasi sa jeep kaya medyo pinagpapawisan siya.
Mga sampung minuto ang lumipas bago siya tuluyang nakarating sa private school na kanyang pinapasukan—ang St. Matthew Academy of Manila.
Naghahalo ang lamig ng hangin at mainit na sikat ng araw nang bumaba siya mula sa jeep. She clutched her sling bag and started scanning the familiar school grounds.
Bagong school year. Bagong classroom. Same old butterflies in her stomach.
Iyon ang iniisip niya habang pinagmamasdan ang paaralang naging ikalawa na niyang tahanan. Simula junior high school hanggang ngayon na senior high school na siya ay hindi pa rin niya magawang lisanin ang eskwelahang ito. Ang dami niya kasing naging core memories dito, at kung magta-transfer siya ng ibang paaralan, siguro ay mami-miss niya ang mga taong nakilala niya sa paaralang ito.
Huminga nang malalim si Lia upang tanggalin ang nakabarang kaba sa kanyang dibdib. Sinubukan niyang pagaanin ang sarili upang mawala ang takot na dumadagan sa kanyang puso. Kaya mo ’to, Lia, sambit niya sa kanyang sarili.
Mabilis siyang naglakad papunta sa main gate ng SMAM. Hindi pa siya nakararating doon nang makita niya ang pamilyar na guard na sobrang kilala na ng mga estudyanteng nag-aaral sa St. Matthew. Mabilis siyang napatingin sa kanyang dibdib at napahinga ng maluwag nang makitang suot-suot niya ang kanyang ID. Mabuti na lang at hindi niya nakalimutang dalhin ito, dahil kung hindi, tiyak na hindi siya papapasukin ng istriktang guard.
Nang tuluyan na siyang makapasok sa malaking main gate ng SMAM, muling bumalik ang kaninang kaba na dumadaga sa kanyang dibdib. Laging ganito tuwing unang araw ng klase niya. Kahit ano’ng gawin pa rin niyang pagpapakalma sa sarili ay hindi pa rin niya magawang itaboy ang takot sa puso. Kaya sinubukan niyang i-shake ang dalawang kamay niya at nagbabaka-sakaling maging okay ang pakiramdam niya.
Alam ni Lia na normal lang itong nararamdaman niya at mawawala rin kapag nakilala na ang bagong blockmates niya. STEM strand kasi ang kinukuha ni Lia ngayong nasa senior high na siya. Gusto kasi niyang mag-Nursing pagtungtong sa kolehiyo dahil iyon talaga ang pangarap niya noon pa.
For almost two years, naging maganda naman ang takbo ng pag-aaral niya. Kahit mahal ang tuition sa SMAM, ginagawa niya ang lahat para maging isang top student sa klase. ‘Yan kasi ang bilin sa kanya ng ama—"Make me proud. Be good at studies."
At kapag naging maganda ang grades niya, pangako ni Ramon na pag-aaralin siya nito sa magandang unibersidad sa abroad. Gusto niya iyon, kaya hindi siya nagpapakampante.
Si Lia ay isang ambivert. Marunong siyang makisalamuha sa maraming tao, pero sobrang komportable niya kapag nag-iisa. Kaunti lang ang kanyang circle of friends at lagi niyang inuuna ang pag-aaral, just a typical student kumbaga.
Mabilis siyang nakarating sa STEM building matapos niyang maglakad ng ilang minuto. Kinuha niya sa bag ang class schedule at binasa kung ano ang unang subject na papasukin niya sa araw na iyon.
“Practical Research 2 – Room 108.”
Tumingala siya para hanapin ang room number. Dahil hindi siya gaanong biniyayaan ng Diyos ng katangkaran, kailangan pa niyang tumingkayad para makita ang mga numerong nakapaskil sa itaas ng pinto.
“Room 100... 101... 102... 103... 104... 105…”
Hindi pa siya nakararating sa Room 106 nang may bumangga sa kanyang balikat. Hindi iyon gaanong malakas pero sapat iyon para mapalingon siya sa lalaking nagbangga sa kanya.
“Sorry,” sabi pa ng lalaki. Ni hindi man lang ito lumingon sa kanya at patuloy lang itong dumaretsong naglakad paalis sa kanyang kinatatayuan.
Napangiwi siya habang nakabusangot ang kanyang mukha. Medyo suplado para kay Lia ang lalaking bumangga sa kanya. Sa uniporme pa lang nito ay halatang STEM student din ito kagaya niya. Imbes na patulan, napailing na lang siya at nagpatuloy sa paghahanap ng kanyang classroom.
“Lia!”
May malakas na boses ang tumawag sa kanya. Pagtingin niya sa harapan ay nakita niya ang matalik na kaibigang si Xyriel. Kumakaway pa ito at nakangiti habang patakbong papalapit sa kanya. Eto nga pala si Xyriel na halos taon-taon na silang magkaklase sa halos lahat ng subjects na kanyang pinapasukan.
“Nandito ka? Ano’ng subject mo today?” tanong ni Xyriel kay Lia nang ito’y makalapit sa kaibigan. Hinahabol pa nito ang hininga dahil galing ito sa pagtakbo.
“Practical Research 2. Ikaw ba?” sagot ni Lia.
Halos magtinginan ang iba pang mga estudyanteng nakatambay sa hallway sa kanila nang sumigaw ito. “Hoy! Same! Patingin nga ng class schedule mo.”
Ibinigay naman ni Lia ang papel na kanina pa niya hawak-hawak. Sabay silang namilog ang mata nang mapansing magkapareho nga sila ng schedule na papasukan this school year.
“Hala ka, Te! Magkapareho tayo ng class schedule! Last year din ganito nangyari!”
Medyo nagulat din si Lia. “Oh my God! Totoo ba ‘yan?!”
“Oo! Kita mo ‘yan. Meant to be talaga tayo as best friends, ‘Te,” sagot ni Xyriel, nakangisi.
“OA mo. Kung ikaw masaya na magkasama ulit tayo this school year, ako naman, e, maiiyak ulit dahil maririndi na naman ang tenga ko dahil sa kaingayan ng bibig mo,” daretsahang sagot niya sa kaibigan.
“Grabe siya, o,” nasabi na lamang ni Xyriel habang nakangiti siya. But deep inside, may namumuong guilt sa dibdib niya dahil totoo ang sinabi ng kaibigan niya sa kanya. “Hayaan mo. Promise ko sa ‘yo na hindi na akong magiging madaldal this year,” natatawang dagdag pa niya kay Lia. Kulang na lang itaas niya ang kanang kamay para mas lalong kabilib-bilib ang pangako niya.
“Talaga lang, a,” nasabi na lang ni Lia.
“Oo naman. At saka ang swerte natin, ‘Te, kasi may classmate tayong pogi. Si Vince Alvaro Reyes, ‘yung matalino sa batch natin. Usap-usapan na sa Room 108 din daw ang klase nito sa PR 2. ‘Di ba, doon din tayo.”
Napaismid si Lia. Laman ng isip niya kung sino ang tinutukoy sa kanya ng kaibigan. Hindi niya kasi ito kilala. “Ha? Sino'ng Vince Alvaro Reyes pinagsasabi mo d’yan? Hindi ko siya kilala, ‘Te.”
“Hala! ‘Te, si Vince?! ‘Yung gwapo sa STEM! Siya nga ‘yung kumanta ng ‘I Think I’m Fallin’ ni Janno Gibbs sa intrams last year!”
Napailing siya. “Wala ako noon, ‘di ba? Nagkasakit ako.”
“Ah oo nga pala. Basta, makikilala mo rin siya. Ka-blockmate raw natin ngayon. So expect na makakasama natin siya the whole year!” excited na excited na sabi ni Xyriel sa kaibigan.
“Ganun ba,” mahinang tugon na lamang ni Lia. Patuloy pa rin niyang inaalala kung saan nga ba niya unang narinig ang pangalang Vince Alvaro Reyes. Pamilyar kasi, sabi niya sa sarili. Hanggang sa may naalala siya.
Ito ba ‘yong may jowa na volleyball player sa school?
Hindi siya sigurado. Dahil ayaw niyang ma-stress ngayong first day of school, binale-wala na lang niya ang iniisip at hinayaang hilahin siya ni Xyriel papunta sa Room 108 kung saan doon ang first class nila ngayong Lunes.
Pagpasok nila sa Room 108, agad niyang nakita roon ang mga estudyanteng hindi pamilyar sa kanya ang mga mukha. May iba roon na medyo pamilyar na sa kanya, pero hindi niya gaanong naging close ang mga ito. ‘Yong iba naman ay hindi niya talaga kilala.
Napahawak bigla si Lia sa kamay ni Xyriel. Nang maramdaman iyon ni Xyriel, alam na niya kung ano ang nangyayari sa kaibigan.
“Mukhang back to zero tayo rito, ‘Te,” bulong ni Xyriel sa kaibigan. “Halos wala tayong kilala sa kanila. Nasa kabilang block siguro ‘yong mga dating naging kaklase natin last year.”
Nagkibit-balikat si Lia. “No choice. Upo na lang tayo roon sa likod.”
Tumango lang si Xyriel bilang pagsang-ayon bago sila sabay na pumanhik sa loob patungo sa likod ng classroom, at pinili nilang umupo sa pinaka-huling hilera ng mga upuan, doon malapit sa may bintana.
A few minutes later, sa wakas ay dumating na rin ang kanilang teacher sa PR 2. Mabilis na nagkatinginan sina Xyriel at Lia nang makilala ang pumasok na teacher—si Ms. Leah Dimagiba Castro.
Nang makita rin ng ibang mga kaklase nila ang teacher na pumasok sa classroom, dali-dali ring pumasok ang ilang estudyanteng nakatambay sa labas. ‘Yong mga estudyanteng nanatili naman sa loob ay agad ding umayos ng upo. May ilan pa sa mga ito na nagtatawanan at nagkukuwentuhan nang pumasok si Ms. Leah Castro, pero natahimik din ang kanilang mga bibig nang ihagis ng matandang teacher ang makapal na libro sa mesang nakatayo sa unahan.
Halos mapatalon naman sa upuan sina Xyriel at Lia dahil sa malakas na pagbagsak ng librong itinapon ni Ms. Castro.
“What is the commotion all about?” malditang tanong ng matandang teacher sa kanila habang nakapamewang ito’t nanlilisik ang mga matang nakatingin sa kanilang lahat.
Ni isa sa kanila ay walang sumagot. Bumalot sa kabuuan ng classroom ang katahimikan, na kahit ang tunog ng lamok ay mukhang maririnig na yata nila.
“You’re all in Grade 12 now. I expect more maturity,” sabi ni Ms. Castro sa matigas nitong tinig, at habang patuloy na nagsasalita ito, hindi maiwasan na mapatingin si Xyriel sa kaliwa niya nang may isang lalaking umupo sa isang upuan hindi kalayuan ng sa kanila ni Lia. Kung tutuusin ay tatlong upuan lang ang agwat nila ng lalaking iyon, at nang makilala ni Xyriel kung sino iyon, halos mapatili siya dahil sa tuwa.
Mabuti na lang napahawak siya sa kamay ni Lia na kasalukuyang nakapatong sa kanyang arm desk. Kunot-noo namang napatingin si Lia sa kaibigan na tila ba parang nagpipigil na huwag dumumi sa kinauupuan.
“Oh my God! Si Vince!” bulong ni Xyriel kay Lia. Tinuturo pa niya ang lalaking walang kamuwang-muwang sa kanila.
“‘Wag kang maingay. Just save it later,” bulong naman ni Lia kay Xyriel upang tumigil ito. Mahirap na baka makita sila ni Ms. Castro at pagalitan silang dalawa.
Maya-maya, nagsimula nang mag-discuss si Ms. Castro sa harap tungkol sa kanilang syllabus. Abala naman ang lahat sa pagsusulat sa kanilang notes habang nagsasalita ang matandang guro.
Nasa kalagitnaan na sila ng isang oras nang muling mag-announce si Ms. Castro.
“So today, we’ll be forming groups for your year-long capstone project. This will determine a big chunk of your final grade.”
Nagulat naman ang lahat lalo na sina Lia at Xyriel. First day of school, may mangyayaring grupuhan na kaagad para sa kanilang research project.
Kahit labag sa kalooban ay wala silang nagawa kundi sundin ang gustong mangyari ng kanilang guro. Si Ms. Castro kasi ang isa sa mga pinaka-terrifying na guro sa STEM building, at wala talagang palag kapag ang guro na ang nagsalita.
Later on, nagsimula nang magtawag ng mga pangalan si Ms. Castro para sa Group 1 and 2. Nang dumating sa puntong mga pangalan para sa Group 3 na ang tatawagin, napahinto si Lia sa kanyang upuan.
“Okay, sit down now, Group 2. Now, let’s proceed to Group 3. When I call your name, please stand up and form your group here,” utos ni Ms. Castro habang tinuturo nito ang kabilang panig ng upuan.
“REYES, VINCE ALVARO. SALAZAR, LIA BEATRIZ. SANCHEZ, DENISE. And lastly, SANTOS, ANGELO. Please form your group here. Faster!” sigaw ng guro habang may kasamang pagpalakpak.
Hindi agad na-proseso ni Lia ang utos ng guro dahil isa sa mga pangalang binanggit nito ang nakapagbigay sa kanya ng pansin.
Vince Alvaro Reyes?
Naputol ang pag-iisip niya nang biglang sumigaw ulit si Ms. Castro sa ikalawang pagkakataon para mabuo ang kanilang grupo. Mabilis na tumingin si Lia kay Xyriel upang magpaalam na lilipat siya ng upuan. Kinuha rin niya ang kanyang bag at dali-dali lumipat sa kabilang panig ng upuan upang makisama sa Group 3.
As she sat down on her assigned seat, she noticed an empty chair beside her. She glanced around and wondered who was missing. Then, when she looked from the other side of the room, there was a guy standing up and walking towards them. He has fair skin, tousled hair, and sleepy-looking eyes. His polo was a little wrinkled, but he had that effortless cool aura.
At nang makilala niya kung sino ang lalaking ito, doon nagsimulang mamilog ang kanyang mga mata—it was the guy who bumped her in the hallway.
Kahit hindi niya nakita ang mukha ng lalaking bumunggo sa kanya kanina ay kilalang-kilala naman niya ang tindig nito, at hindi nga talaga siya nagkakamali.
“So this is Vince Alvaro Reyes?” sabi ng kanyang isipan. “Pero teka… bakit parang narinig ko na ang pangalan niya? Saan ko nga ba ‘yon narinig? Ah, oo, siya nga pala ‘yong may jowang volleyball player dito sa school tapos—”
“Hi.”
Naputol ang pag-iisip ni Lia nang magsalita ang lalaki sa kanya. Nang itaas niya ang tingin dito, nakita niya kung paano ito tipid na ngumiti sa kanya, dahilan upang lumabas ang dalawang biloy sa magkabilang-pisngi nito. Naramdaman naman ni Lia na halos maiatras na niya ang dila ng subukan niyang magsalita rito.
“H-Hello,” she said. Sinubukan niyang alisin ang tingin niya sa lalaki dahil hindi niya nagugustuhan ang pagbilis ng kabog ng puso niya. Hinayaan lang niyang umupo ang lalaki sa tabi niya bago ito muling nagsalita.
“I’m Vince,” he said while smiling at her. Hindi niya maiwasang tumingin ulit sa katabi. Sinubukan din niyang ngumiti kahit tipid lang.
“Lia,” she replied with a shy smile. Nang makitang gustong makipag-shake hands si Vince, doon siya parang naging estatwa habang nakatingin sa kamay nitong nananatiling nakalahad.
“Hindi madumi ang kamay ko,” sabi pa nito na siyang bumalik sa kanyang pagkatao.
Nahihiyang napailing tuloy siya. “Sorry. Ang dami ko lang iniisip,” pagdadahilan niya bago pa niya kinuha ang kamay nito upang makipag-shake hands. “Nice to meet you, V-Vince.”
“Nice to meet you too… Lia,” he said, smiling again.
Nang mapansin ni Lia na nakatitig lang si Vince sa kanya, agad niyang inalis ang tingin sa lalaki dahil nakakaramdam siya ng awkwardness dito. And, afterward, they both fell quiet.
Matapos ang grouping, hindi tuloy maiwasan ni Lia na mapalingon sa likuran. Nakita niya roon si Xyriel at halos hindi maipinta ang mukha nito dahil sa inis nang makita na magkatabi sila ni Vince.
Napangiti siya. Alam niyang inggit na inggit ito sa kanya ngayon.
Maya-maya, inilipat ni Lia ang tingin niya sa bagong katabi at may kung anong puwersa ang nagpangiti lalo sa kanyang labi nang pagmasdan niya ulit ang gwapong mukha ng lalaki. At doon… tuluyan na ngang bumilis ang t***k ng kanyang puso.