Chapter Eight

1164 Words
Huni ng mga ibon at banayad na paghampas ng alon sa kanyang mga paa ang muling nagpabalik sa diwa ni Aliah. Unti-unti niyang iminulat ang mga mata, na kaagad din niyang isinara dahil sa liwanag na bigla na lang sumalubong sa kanya. Naghintay muna siya ng ilang segundo bago niya muling sinubukang buksan ang mga iyon. This time ay mas naging pamilyar na siya sa sinag ng araw bagaman naroroon pa rin ang pagkirot ng sentido niya. Nang ganap na siyang makabangon ay pinagmasdan niya ang kapaligiran. Bukod sa malawak na karagatan at kasukalang nasa likuran niya, wala na siyang ibang makitang palatandaan na nasa isang sibilisadong lugar siya. At habang pinagmamasdan niya ang dagat, tila walang nagdaang unos na siyang dahilan kung bakit siya nasa lugar na iyon. Payapa na ang karagatan at nahawi na rin ang napakakapal na mga ulap kanina. Napatingin siya sa kanyang relo. Mag-a-alas-kuwatro na ng hapon. Umupo siya saglit sa buhanginan at tinitimbang kung saan siya tutungo. Base sa nakikita niyang lokasyon niya ngayon, hindi malabong napadpad siya sa isang isla, at may posibilidad din na hindi lang siya ang nag-iisang tinangay ng alon papunta sa islang iyon. Ang kailangan na lang niyang pagdesisyunan ay kung saang direksyon siya unang pupunta—sa kanan ba o sa kaliwa? Pero bago pa man siya makapag-decide ay nakarinig na siya ng kaluskos na nanggagaling sa likuran niya. Naging alerto siya at mabilis na dumampot ng isang may kalakihang kahoy na maaari niyang gawing pananggalang kung saka-sakali. Abot-abot ang kaba niya habang mahigpit ang pagkakahawak niya sa kahoy na siyang tanging pwedeng magligtas sa buhay niya kung sakali mang atakehin siya ng kung anong uri ng hayop na naninirahan sa islang iyon. Pero sa halip na hayop ay isang lalaki ang nakita niyang lumabas sa kasukalan. At katulad niya ay may bitbit din itong kahoy. Hindi siya nagpakakumpiyansa. Hindi siya sigurado kung isa rin ba ito sa mga pasaherong nakaligtas sa paglubog ng roro. Saglit silang nagsukatan ng tingin. Sa huli ay ang lalaki ang unang sumuko. Binitawan nito ang hawak na kahoy at itinaas ang dalawang kamay sa ere. “I’m MJ. Isa ako sa mga nakaligtas sa paglubog ng roro kanina. I suppose isa ka rin sa mga pasahero kanina at hindi ka isang amazona na nagkukuta sa islang ito?” Napansin niyang cultured ang paraan nito ng pagsasalita kaya hindi mahirap paniwalaang isa nga rin ito sa mga pasaherong nakaligtas sa hagupit ng bagyo kanina. Ibinaba niya ang kahoy na hawak niya pero hindi niya iyon tuluyang binitawan. Mabuti na iyong may pang-self-defense siya. “I’m Aliah,” pagpapakilala niya sa sarili. Might as well na kausapin niya ang isang ito dahil sa ngayon, wala siyang ibang choice kundi ang tanggapin ang presensiya nito. Mabuti na rin iyong may makakasama siya kaysa naman mag-isa lang siya sa islang iyon. At dahil sa biglang pagsulpot ni MJ sa harapan niya, bigla niyang naisip na baka katulad niya at ni MJ ay napadpad din sa islang iyon sina Yuri at ang babaeng tinulungan niya. Hindi iyon imposible. Dahil sa naisip ay bigla siyang nabuhayan ng loob. “Saan ka nanggaling bago ka napadpad sa parteng ito ng isla?” tanong niya kay MJ. “I guess, sa kabilang parte ng islang ito ako napadpad. Nang magkamalay kasi ako ay tinalunton ko lang ang kakayahang ito kaya ako napadpad dito,” sagot ng lalaki. Kung galing ito sa kabilang parte ng isla at dumaan ito sa kakahuyan, pwede nilang ikutin ang buong isla sa pamamagitan ng baybayin. Sa paraang iyon ay mas masusuyod nila ang buong isla. “Iikutin ko ang buong isla at magbabaka-sakali akong bukod sa atin ay may iba pang taong napadpad sa islang ito.” “Pwede bang ipagpabukas na natin ang pag-iikot sa isla? Pagod na ako sa kalalakad. Besides, papalubog na ang araw,” reklamo ni MJ. “Kung gusto mong magpahinga, maghinga ka na lang muna rito. Pero hindi mo ako mapipigil na suyurin ang islang ito. Besides, mas mainam kung may makikita pa tayong ibang makakasama sa lugar na ‘to. Baka sakaling may mga gamit silang nabitbit na pwede nating gamitin habang nandito tayo sa isla.” “Okay, fine. Ikaw ang masusunod,” pagsang-ayon na lang ni MJ. Hindi niya alam kung saan nagmumula ang pakiramdam na iyon, pero malakas ang kutob niya na nasa islang iyon rin si Yuri. Kailangan lang niya itong hanapin. At hindi niya pwedeng ipagpabukas ang paghahanap dahil baka kailangan nito ng tulong niya. Napagkasunduan nila ni MJ na uunahin nilang suyurin ang kaliwang parte ng isla. Kung nagkataong napadpad siya sa islang iyon nang hindi dahil sa bagyo, siguro ay nanaisin niyang bumalik-balik doon. Malinis ang dagat at pinong pino ang puting buhangin na nilalakaran niya. Pagkatapos ng mahigit dalawampung minutong lakaran ay may nakitang usok si Aliah sa ‘di kalayuan. Bigla ang pagtahip ng dibdib niya. Mas lalong lumaki ang mga hakbang niya. Hindi niya alintana ang halos ilang beses na muntikan niyang pagkadapa. Nanggagaling ang usok sa likod ng isang malaking bato. Bitbit pa rin ang kahoy sa kabilang kamay niya, lumapit siya sa malaking bato. Sigurado siya na may maaabutan siyang tao sa likod ng malaking batong iyon. At ganoon na lang ang tuwa niya nang makita niya ang babaeng tinulungan niya kanina na nakasandal sa malaking bato. Nasa tabi ito ng usok na hindi niya alam kung paano nito nagawang paningasin. Dahan-dahan siyang lumapit sa babae. “Miss?” Pagkarinig sa boses niya ay biglang napaigtad ang babae mula sa pagkakaupo. Halatang nagulat ito sa bigla niyang pagsulpot. “I’m sorry. Did I scare you? Ako ‘yong tumulong sa’yo kanina.” Nang makita ang recognition sa mukha nito ay tuluyan siyang lumapit sa babae at hinawakan ang isang kamay nito. Halatang takot na takot ito. Marahil ay na-traumatize ito dahil sa pinagdaanan nila kanina. “May kasama ka ba rito?” Marahang tumango ang babae. At hindi pa man nito nasasabi kung sino ang kasama nito ay nakarinig na siya ng mga yabag mula sa kasukalan. At para siyang nabunutan ng malaking tinik sa dibdib nang makita si Yuri na naglalakad papalapit sa kanila. May hila-hila itong mga dahon ng niyog. Sa sobrang tuwa ay hindi na niya napigilan ang sarili. Tumayo siya at sinugod ng yakap si Yuri. Wala siyang pakialam kahit na alam niyang walang saplot na pang-itaas ang binata at tagaktak ang pawis nito. Ang tanging mahalaga sa kanya ay ang kaalamang ligtas at buhay ito. Hindi siguro niya mapapatawad ang sarili kung sakaling may nangyaring masama sa binata. Kung hindi dahil sa katigasan ng ulo niya, siguro ay wala sana sila sa islang iyon. But then again, kung hindi sila na-trap sa islang iyon, hindi siguro niya mayayakap nang ganito ang binata. Hindi sana niya madidiskubreng masarap pala sa pakiramdam ang makulong sa mga bisig nito. Lalo na ngayong nararamdaman niyang gumanti ng yakap ang binata sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD