Chapter Seven

1326 Words
Papasikat pa lang ang araw ay nakagayak na sina Aliah at Yuri para pumunta sa Cebu. Hindi na hinayaan pa ni Aliah na tulungan siya ni Yuri na ilagak ang mga gamit niya sa likod ng lumang Terrano ng binata na siyang sasakyan nila hanggang sa Ormoc City. Iiwan lang nila ang sasakyan nito sa pantalan dahil doon sila sasakay ng roro. “Mag-iingat kayong dalawa sa pupuntahan ninyo. Yuri, ikaw na ang bahala sa apo ko.” Muling nakaramdam ng lungkot ang dalaga nang mahigpit siyang yakapin ng lolo niya. For how many years, ngayon na lang ulit may yumakap sa kanya nang ganoon kahigpit. Ramdam niya ang pangungulila sa yakap ng lolo niya. “Huwag po kayong mag-alala, mag-iingat po kami, ‘Lo. Ano po ba ang gusto niyong pasalubong pag-uwi namin?” Umiling ang lolo niya. “Kahit wala na, hija. Ang mahalaga ay maluwalhati kayong makauwi rito sa atin. Oh siya, umalis na kayo at baka mahuli pa kayo sa biyahe ng roro.” * * * * HABANG nasa daan ay hindi alam ng dalaga kung paano aakto sa harap ng binata. Iniisip niyang baka galit pa rin ito dahil iniisip nitong ayaw niya itong makasama. Or worse, baka iniisip ni Yuri na ayaw ni Aliah sa kanya. Kaya sa halip na ma-stress sa kaiisip sa kung anong taktika ang gagamitin niya para mawala ang ‘awkwardness’ na namamagitan sa kanila ni Yuri, mas minabuti na lang niyang pagtuunan ng pansin ang cellphone niya. Sinagot niya lahat ng importanteng messages na hindi niya nagawang reply-an habang nasa Javier siya. Pero pagkalipas ng mahigit isang oras na byahe ay hindi na siya nakatiis. Nilingon niya ang binata na eksakto namang lumingon din sa kanya. Seryoso ang mukha nito, na hindi nagtagal ay bumalik din ang atensyon sa daan. “Galit ka ba?” Sa wakas ay nagawa rin iyong itanong ni Aliah sa binata. “Kung galit ka kasi iniisip mong ayaw ko sa’yo, forget it. Hindi lang tayo nagkaintindihan kahapon.” Muli siyang tinapunan ng tingin ng binata. “Hindi naman ako galit. At sorry sa inasal ko kahapon,” malumanay sa sabi nito. Nang mga oras na iyon ay tuluyan nang nakaakyat sa langit ang haring araw. At kay gandang pagmasdan ni Yuri nang mga sandaling iyon. Ang kaliwang kamay nito ay nasa bintana ng sasakyan habang ang isang kamay naman ay nasa manibela. At nakadagdag pa sa tila cinematic effect ng tanawing nakikita ngayon ay ang pagtama ng sinag ng araw sa mukha ng binata. It was beautiful—or even more beautiful than the word itself. Kung marunong lang siyang magpinta, siguro ay iginuhit na niya ang napakagandang tanawing iyon. Malapit na sila sa siyudad ng Ormoc nang magsimulang pumatak ang ulan. At habang palapit sila nang palapit sa sentro ng Ormoc kung saan naroroon ang pantalan ay tila lalo namang dumidilim ang kalangitan. Ganap nang naging ulan ang manaka-nakang patak ng ulan nang makapag-park sila ni Yuri sa pantalan. At kahit anong pigil ni Yuri sa kanya ay hindi siya natinag at sinuong pa rin niya ang medyo may kalakasang ulan marating lang ang port kung saan naghihintay ang ibang mga pasahero. “You shouldn’t have done that! Magkakasakit ka sa ginagawa mo!” narinig niyang pagbubusa ni Yuri nang sa wakas ay nasa loob na sila ng port. “Sanay akong mabasa ng ulan, so there’s no need to fret. Hindi ako basta-basta tinatablan ng sakit.” Naghanap sila ng mauupuan nila dahil labin-limang minuto pa bago ang schedule ng SuperCat na sasakyan nila. Pero ganoon na lang ang panlulumo ni Aliah nang ianunsyo na kanselado ang biyahe ng SuperCat kung saan sila sasakay sana. Hindi pa man tapos ang anunsyo ay tumayo na siya. “Saan ka pupunta?” pagpigil ni Yuri sa kanya habang hawak-hawak ang kaliwang braso niya na siyang sanhi para bumilis ang t***k ng puso niya. Bakit ba ganoon na lang ang reaksyon ng katawan niya sa tuwing mapapalapit siya sa binata? “I’m sure hindi lahat ng roro eh...nag-cancel ng biyahe. Hahanap ako ng ibang pwede nating masakyan. I can’t just sit here at maghintay kung kailan bibyahe ulit ang SuperCat. I need to go to Cebu as soon as I can.” “Pero delikadong bumyahe ngayon. Nakikita mo naman siguro ang pagsusungit ng panahon. Ipagpabukas na natin ang pagpunta sa Cebu. Siguro naman bukas ay maayos na ang panahon.” “I can’t, Yuri. Unless nag-cancel nga ng biyahe ang lahat ng roro. So pwede ba, bitawan mo ako para makahanap na ako ng masasakyan natin?” Hindi na rin nakipag-argumento pa ang binata. Binitawan siya nito at hinayaang gawin ang gusto niya. Fortunately ay may isang kompanya na hindi na nag-cancel ng biyahe. Mabilis siyang nagpa-book ng ticket at wala pang tatlumpong minuto ay nakasakay na sila ni Yuri sa Don Marcelo shipping lines. Hindi na siya kinausap pa ulit ni Yuri. Basta nanatili lang itong nakatabi sa kanya. Nang tingnan niya ang relong pambisig niya ay bahagya pa siyang nagulat nang mahinuhang mag-aalas-onse pa lang pala ng umaga. Paano kasi ay sobrang dilim ng paligid. Halos mag-zero visibility na ang dagat dahil sa lakas ng ihip ng hangin na sinamahan pa ng malakas na buhos ng ulan. Paminsan-minsan din ay pumupunit sa kalangitan ang napakalakas na kulog na may kasamang kidlat. Takot si Aliah sa kidlat kaya hindi niya namamalayang napapahawak na pala siya sa braso ni Yuri. Mabuti na lamang at hindi nagrereklamo ang binata. Sa ikatlong pagkulog at pagkidlat ay naramdaman na lang nina Aliah at Yuri ang tila malakas na pag-alog ng roro. At ang sumunod na namalayan nila ay ang sigawan ng ibang mga pasahero. “Sunog! Nasusunog ang roro!” “Lulubog ang roro! Lulubog ang roro!” Ilan lang iyon sa mga sigaw ng mga tao na tumimo sa isip ni Aliah. After that, tila kusang nag-shut down ang isip niya. Basta ang alam lang niya ay mahigpit na hinawakan siya ni Yuri sa isang kamay at pilit na isinuot sa kanya ang life jacket. Matapos siguruhing nakakabit na nga ang life jacket niya ay ang sarili naman ang sinuutan nito. May mga nagsisigawan pa ring mga pasahero. At kung hindi marahil dahil sa iyak ng isang dalagita na malapit sa kanya ay hindi babalik sa huwisyo si Aliah. Dinaluhan niya ang babaeng nakasalampak sa tabi ng mga nakahilerang bakal na upuan. Kahit na hirap na hirap siyang maglakad dahil pagiwang-giwang na ang roro ay nagawa pa rin niyang daluhan ang babae at ipinasuot niya rito ang isa pang life jacket na nasa ilalim ng upuan. “Kailangan na nating tumalon sa dagat. Ilang sandali na lang ay lulubog na ‘tong barko.” Magkatulong na hinila nina Yuri ang dalagitang babae papunta sa brandilya ng roro. Nasa gitna nila ang babae dahil tila hindi nito magawang itayo nang mag-isa ang mga paa nito. “Pagbilang ko ng tatlo, sabay-sabay tayong tatalon. Isa, dalawa, tatlo…” At sabay-sabay nga silang tumalon sa dagat. Sa unang pagbulusok nila sa dagat ay tila ba hinihigop sila ng malakas na pwersa na nagmumula sa roro na nagsisimula na ring lamunin ng dagat. Habang pilit niyang itinataas ang sarili ay ganoon naman ang pagpupumilit ng dagat na higupin siya. Hanggang sa mabitawan niya ang kamay ng dalagitang kanina ay sinagip niya. Pati si Yuri ay hindi na rin niya maaninag sa ilalim ng nagngangalit na dagat. Unti-unti ay nakaramdam na siya ng pagkahapo. Nagawa niyang iangat ang sarili sa dagat pero ramdam na niya ang pananakit ng kanyang mga binti. Nang makita niya ang isa pang malaking alon na paparating, pumikit siya at nagdasal. “Lord, kung ito na po ang katapusan ko…patawarin Niyo po sana ako sa lahat ng mga naging kasalanan ko.” Sa paghampas ng dambuhalang alon sa kanya ay tuluyan na siyang nawalan ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD