Isang linggo pagkatapos maipa-autopsy ang bangkay ng lola ni Aliah ay ipinatawag naman siya ng kanyang lolo. It was one Saturday afternoon. Maaliwalas ang panahon at naghaharutan ang mga pamangkin niya sa bakuran ng bahay habang ang mga magulang ng mga ito ay umiinom ng tuba sa lilim ng punong langka.
Hindi pa man siya tuluyang nakakalapit sa kubo kung saan seryosong nag-uusap si Yuri at ang lolo niya ay napansin na niya ang pagkakunot ng noo ng binata. Pero kahit ganoon kaseryoso ang mukha nito ay hindi pa rin niya maiwasang humanga sa taglay nitong kakisigan. Habang tumatagal na magkasama sila sa lugar na iyon ay tila lalo lang lumalakas ang atraksiyong nararamdaman niya para rito.
Although walang sinuman sa mga tita o kahit pinsan niya ang nakakaalam ng nararamdaman niya, pilit niya iyong sinasarili dahil alam naman niyang hindi maglalaon ay aalis rin siya sa lugar na iyon. At sigurado siyang kasabay ng kanyang paglisan ay ang pagkamatay rin ng atraksyong nararamdaman niya para kay Yuri.
“Lolo, ipinapatawag mo raw po ako?” bungad niya sa lolo niya nang tuluyan siyang makalapit sa mga ito.
Nasa duyan ang lolo niya samantalang si Yuri naman ay nakaupo sa isang pahabang upuan na yari sa puno ng narra kung saan pwedeng magkasya ang apat na tao. Umupo siya roon at siniguro niyang may sapat na espasyong naghihiwalay sa kanila ng binata. Mahirap na at baka magkadikit na naman ang mga balat nila. Sa tuwing magdidikit kasi kahit ang mga siko lang nila, pakiramdam niya ay para siyang nakukuryente.
May iniabot na isang puting sobre ang lolo niya. Nagtatakang binuksan niya ang sobre para lang muli iyong ibalik sa loob dahil nakita niyang isa pala iyong liham.
“Gusto kong ibigay mo ang sulat na ‘yan sa Lolo Leon mo. Puntahan mo siya sa Cebu at ikaw mismo ang magbasa ng sulat kong iyan para sa kanya.”
Tumango si Aliah sa sinabi ng lolo niya. Wala namang kaso sa kanya kung pupunta siya sa Cebu. Lahat ay gagawin niya para sa kanyang lolo.
“Sasamahan ka ni Yuri sa pagpunta mo sa Cebu.”
Doon siya hindi komporme. “‘Lo, kaya ko na hong bumiyahe nang mag-isa. Ibigay niyo na lang po ang address ni Lolo Leon at ako na ang bahala. Huwag na nating abalahin pa si Yuri,” sabi niya.
Matigas naman ang naging pag-iling ng lolo niya. “Hindi naman nakakaabala sa iyo ang pakiusap kong ito, hindi ba, Yuri?” tanong ng lolo niya na kaagad namang sinagot ng binata sa pamamagitan ng marahang pag-iling.
“Kailanman ay hindi magiging abala para sa akin ang kahit na anong bagay na ipakiusap sa akin ni Lolo Felix.”
“At mainam din na kasama mo itong si Yuri dahil alam niya ang bahay ng Lolo Leon mo. Minsan ko na siyang naisama roon noong medyo malakas-lakas pa ang mga tuhod ko. At mapapanatag lang ang loob ko kapag kasama mo itong si Yuri. At least, may magtatanggol sa’yo kung sakali mang may mangyari sa iyo sa daan. Kaya sana ay huwag ka nang tumutol, apo,” pakiusap ng lolo niya.
Tila wala na rin siyang magagawa dahil mukhang buo na ang desisyon ng lolo niya na pasamahin si Yuri, kaya sa huli ay sumang-ayon na lang rin siya para hindi na lumawig pa ang usapang iyon.
Papasok na sana ulit siya sa loob ng bahay nang tawagin ni Yuri ang pangalan niya. May kung ano sa paraan ng pagtawag nito sa kanya ang tila nagpapagaan sa pakiramdam niya. Para sa kanya ay isang uri ng musika ang paraan nito ng pagbigkas sa pangalan niya.
“Bakit?” tanong niya nang tuluyang makalapit sa kanya ang binata.
Biglang parang natameme naman ang binata sa harapan niya. Akma sana itong magsasalita pero walang anumang salita ang lumalabas kaya kusa rin itong natigilan kapagkuwan. Mga tatlong beses yata iyong nangyari. Gusto niyang matawa sa hitsura nito.
“I have a plan…” sa halip ay sabi niya dahil parang hindi pa rin nito alam kung ano ang sasabihin. “Palalabasin natin na magkasama nga tayong pupunta sa Cebu, pero ang totoo ay iiwanan kita sa Ormoc. Ako na lang mag-isa ang pupunta sa Cebu para hindi na kita maabala pa. Ibigay mo na lang ang address ni Lolo Leon at—”
Hindi na niya nagawang tapusin pa ang anumang sasabihin niya dahil sa isang kumpas lang ng kamay ni Yuri ay biglang tumambad sa harapan niya ang isa pang sobre. Pero hindi iyon kasing lapad ng sobre na ibinigay sa kanya ng lolo niya kanina. Iniabot nito iyon sa kanya.
“Ticket nating dalawa ‘yan. Kailangan nating makarating sa Ormoc bukas bago mag-ala-una ng tanghali dahil iyan na ang last trip ng SuperCat. Kung kaya mong magsinungaling sa lolo mo, ako ay hindi. Kaya sa ayaw at sa gusto mo, sasamahan kita hanggang sa bahay ni Lolo Leon. Huwag kang mag-alala dahil ni hindi mo mapapansin na kasama mo ako sa byahe. Kaya sana ay pagtiisan mo na lang ang presensiya ko.” Pagkasabi nito noon ay naglakad na ito palayo sa kanya nang hindi man lang siya hinayaang makapagsalita.
Ang dating sa kanya ng sinabi nito ay ayaw niya itong makasama. Maaaring iniisip nitong naaalibadbaran siya sa mga pinagsasasabi nito. But that’s not true! piksi ng utak niya. Ni hindi man lang iyon nangalahati sa totoong rason kung bakit hangga’t maaari ay ayaw niya itong makasamang pumunta sa Cebu.
If the truth will be told, isa lang ang rason kung bakit hangga’t maaari ay gusto niyang idistansiya ang sarili mula sa binata: She is afraid to fall in love with him. Wala siyang karanasan pagdating sa bagay na iyon.
Natatakot siya na kapag nahulog siya ay hindi na niya magagawang umahon pa. At hindi iyon imposible dahil taglay ni Yuri ang mga katangiang kadalasang rason kung bakit nababaliw sa pag-ibig ang mga babae.
Bitbit ang dalawang sobre ay tumuloy na siya sa kwartong inookupa niya. Inihanda niya ang mga gamit na kanyang dadalhin para bukas. Pinilit niyang ituon sa ibang bagay ang isip niya, pero hindi rin niya tuluyang maiwaglit sa isipan niya si Yuri dahil kahit anong gawin niya ay para itong multo na bigla na lang gumigitaw sa kanyang balintataw.
Bandang alas-sais ng gabi ay nagkita silang muli ni Yuri sa hapag-kainan. This time ay parang dumoble ang kabog ng dibdib ni Aliah nang hindi sinasadyang nagtama ang kanilang mga mata.