Dalawang linggo ang mabilis na lumipas. Nakapag-adjust na si Aliah sa buhay probinsya at kahit papaano ay nalilibang na rin siya sa dami ng mga pamangkin niya na pawang makukulit. Tuwing hapon ay nasa bahay ng lolo niya ang karamihan sa mga ito kaya kahit papaano ay nagiging maingay ang buong kabahayan kahit na hindi pa sila tuluyang nakakapag-adjust sa biglaang pagkawala ng kanyang lola.
At katulad ng mga nagdaang araw, maaga siyang nagising nang umagang iyon. Wala pang alas-sais ay gising na siya at nagkakape na sa maliit na veranda ng bahay. Masarap pagmasdan ang mga pananim ng lolo at lola niya na parang sumasayaw sa ihip ng pang-umagang hangin.
Paglingon niya sa kaliwang bahagi ng bahay ay nakita niya si Yuri na papalabas mula sa kubo na tinutulugan nito. Simpleng itim na sando at boxer shorts lang ang suot nito pero para sa kanya ay ang gwapo-gwapo pa rin ng binata. Para itong pinilas mula sa pahina ng isang fashion magazine at inilagay sa harapan niya.
“Hi! Good morning,” bati nito sa kanya. Sinikap niyang huwag mapatunganga rito kahit ang totoo ay para siyang kakapusin ang hininga lalo na ngayong nakalapit na ito nang husto sa kanya. Napansin niya ang stubbles nito na siguradong nakakakiliti kapag dumikit sa balat niya.
“Hi. You want coffee? Ipagtitimpla kita,” alok ni Aliah rito.
Umiling ito. “Hindi ako nagkakape o umiinom ng gatas. But thanks, anyway.”
Katahimikan ang sumunod na namayani sa kanila. Iniwasan niyang mapadako ulit ang paningin dito dahil parang tangang nagwawala ang puso niya kapag mapapatingin siya sa binata. Itinuon na lang niya ang pansin sa kanyang kape at sa kalikasang nasa harapan niya.
Maya-maya ay narinig niyang tumikhim si Yuri. “Talaga bang desidido na kayo sa gagawin niyo mamaya?”
Bigla siyang napatingin dito dahil sa tanong nito. “What do you mean?” clueless na tanong niya.
“Wala bang sinabi sa’yo ang mga tita mo?” nakakunot-noong tanong ng binata sa kanya.
Saglit siyang nag-isip at inalala kung may napag-usapan ba sila ng mga tita niya na mangyayari ngayong araw subalit wala talaga siyang maalala. “Wala silang sinasabi,” sabi na lang niya.
Bago pa man makapagsalita ulit si Yuri ay nakarinig na sila ng busina ng kotse mula sa kalsada. Nakita niyang umibis mula sa itim na Toyota Revo ang Tito Leo niya. Napansin niyang bukod sa sasakyan nito ay may isa pang puting van na pumarada ‘di kalayuan sa sasakyan nito.
Tumayo si Aliah at ihinanda ang sarili sa pagharap sa tito niya. Nang tuluyan itong makalapit sa kanila ni Yuri ay doon lang niya napansin ang pangangalumata nito. Parang ilang araw na itong hindi nakakatulog nang maayos.
“Good morning po, Tito.” Nagmano siya sa tiyuhin.
“Good morning din. Aliah, pakisabi naman sa Tita Eloisa at Alison mo na nandito na ako. Kung sasabay sila pasementeryo, maghanda na ‘kamo sila at kailangang maaga tayong matapos ngayon.”
Bagaman nagtataka ay tumalima siya sa sinabi nito. Pero bago siya tuluyang makapasok sa loob ng sala ay nakita niyang nilapitan ni Tito Leo si Yuri at tila may importanteng sinabi sa binata.
Nagkibit-balikat na lang siya at saka pinuntahan ang kwartong tinutulugan ng dalawa niyang tiyahin. Kakatok pa lang sana siya pero eksakto namang bumukas na ang pinto. Bahagya pa silang nagkagulatan ng Tita Eloisa niya.
“Oh, Aliah. Bakit?”
“Hmm…Tita, dumating po kasi si Tito Leo. Ang sabi niya, kung sasabay raw kayo sa pagpunta sa sementeryo ay maghanda na raw po kayo.”
Naging mailap ang tingin nito nang sabihin niya ang ipinapasabi ng kanyang tito.
“Tita, ano po ba ang meron? Anong gagawin ninyo sa sementeryo nang ganito kaaga?”
Hinila siya nito papasok sa kwarto at isinara muna nang maigi ang pinto bago nagsalita. “Hindi na sana namin sasabihin sa’yo ito, pero napagkasunduan naming magkakapatid na ipa-autopsy ang katawan ni Mama.”
“Po?” Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito. Ang implikasyon kasi noon ay hindi naniniwala ang mga ito na aksidente ang naging sanhi ng pagkamatay ng lola niya.
“Para na rin sa ikatatahimik naming lahat. Hindi rin naman kami mapapalagay hangga’t hindi namin nalalaman kung ano ang totoong sanhi ng pagkamatay ni Mama. May mga tanong sa isip namin na tanging autopsy lang ang makakapagbigay ng kasagutan, katulad na lang ng sugat sa braso ni Mama.”
“Iniisip po ba ninyo na may sumalbahe kay Lola?” tanong niya.
“Honestly, hindi rin namin alam. But we’ll find out later,” anang tita niya na marahang pinisil ang kanyang kamay. Halatang mas tensyonado ang kanyang tita kumpara sa kanya. “And one more thing, Aliah…hindi pwedeng malaman ng lolo mo na ipao-autopsy natin ang katawan ng lola mo dahil siguradong hindi siya papayag. Sarilinin na lang natin ang bagay na ito, okay?”
“Okay po.”
Kunsabagay, siguradong kapag nalaman ng lolo niya ang balak ng mga anak nito ay siguradong hindi ito papayag na ipahukay ang bangkay ng mahal nitong esposa. At minsan na siyang nakabasa ng artikulo hinggil sa proseso ng pag-o-autopsy at hindi iyon kaaya-aya.
Nagsimula na silang maghanda para sa pagpunta sa sementeryo. Isa-isa lang silang umalis ng bahay para hindi makahalata ang lolo niya. Si Yuri naman ay naatasang aliwin ang matanda. Tuwing hapon pumupunta sa sementeryo ang lolo niya kaya alam niyang safe ang gagawin nilang iyon.
Noong nasa sementeryo na sila ay doon nagsimulang mag-iba ang atmosphere. Binubuksan pa lang ang nitso ng lola niya ay humahagulhol na ang Tita Eloisa at Tita Alison niya. Medyo malayo ang kinaroroonan nila sa mismong nitso ng lola niya.
“Mama…Mama, sorry…” Salitan ang mga ito sa pagsambit ng mga salitang iyon.
Bago buksan ang kabaong ay may lumapit munang mag-o-autopsy sa kanila para tanungin kung sino ang titingin sa aktuwal na proseso para maipaliwanag ng mga ito ang magiging findings.
Bukod sa Tito Leo niya ay si Aliah lang ang nagkaroon ng lakas na lumapit sa kabaong. Bahagya pa siyang natigilan nang makita ang mga materyales na gagamitin ng mga ito. Mayroong lagari, may maliit na gunting at kung anu-ano pa na hindi niya alam ang pangalan.
“Sisimulan na po natin, Ma’am, Sir.”
Kinuha ng isang lalaki ang lagari at sinimulang hiwain ang ulo ng lola niya. Napatakip siya sa bibig at napahagulhol nang makita ang ginagawa ng lalaki sa katawan ng kanyang abuela.
“Lola, sorry…” tahimik na usal niya.
Habang isa-isang inilalabas at hinihiwa-hiwa sa maliliit na parte ng lalaki ang internal organs ng lola niya ay may sinasabi ito na kung anu-ano.
Pagkatapos ng proseso ay nanlalambot na napaupo si Aliah sa isang nitso. Hindi na niya maiwasang mapahagulhol habang isa-isang ibinabalik ng nag-autopsy ang mga organs ng lola niya sa loob ng tiyan nito. Basta na lang nitong pinaghalo-halo sa loob ng tiyan ng lola niya ang lahat ng organs nito.
Hindi na niya tinapos ang panonood sa pagtatahi ng katawan ng lola niya at pagbabalik ng katawan nito sa kabaong. Bumalik na siya sa kinaroroonan ng mga tita niya at saka nanghihinang umupo sa isang stool.
Tigagal ang buong pagkatao niya sa nasaksihan kani-kanina lamang. Sana ay maunawaan at mapatawad sila ng lola niya sa ginawa nila sa katawan nito.
“Ano raw ang cause ng pagkamatay ni Mama?” namamaos na tanong ng Tita Alison niya.
Namumugto ang mga mata niya nang tumitig siya rito. “High blood. At ang sugat sa braso niya ay sanhi ng pagputok ng isa sa mga ugat niya. Walang foul play na nangyari, Tita.”
And with that, they could all move on now with their lives.