Chapter Four

1692 Words
“Apprentice ba talaga ni Lolo ‘yan?” nakangusong tanong ni Aliah sa pinsan niyang si Maleah na halos kaedad lang niya. Kasalukuyan silang nasa sala ng bahay ng lolo at lola nila dahil katatapos lang ng libing. May mga naiwan pang bisita at ilang malalayong kamag-anak na nag-iinuman sa likod-bahay. Kanina pa pinagmamasdan ni Aliah si Yuri. Nahihiwagaan siya sa pagkatao nito. Parang may kung ano rito na nagiging dahilan para magmukha itong misteryoso. Kanina sa sementeryo ay hindi ito humiwalay sa lolo ni Aliah. Habang nag-iiyakan silang lahat, nandoon lang ito sa tabi ng kanyang abuelo. “Sino? Si Yuri? Iyon ba ang sabi niya sa’yo?” Napatingin siya sa pinsan niya. “Oo. Iyon ang sabi niya kagabi. Na apprentice raw siya ni Lolo. Bakit? Hindi ba?” nalilitong tanong niya. “Well, ang alam ko ay nagpapatulong talaga siya kay Lolo upang maging isang mahusay na karpintero. Ewan ko ba sa isang ‘yan. Sa dinami-rami ng trabaho sa mundo, pagkakarpintero pa ang napagtrip-an,” nakabungisngis na sagot ni Maleah. Kung siya ang tatanungin, wala namang masama sa pagiging karpintero. Iyon ang trabaho ng lolo nila at doon nito binuhay ang mga anak nito. Siguro nga ay walang class ang pagiging karpintero pero marangal na trabaho iyon. And she’s proud that she has a grandfather who is a carpenter. “Saan daw nakilala ni Lolo ‘yan?” tanong niyang muli. Hindi siya komportable na banggitin ang pangalan ng binata kaya palaging ‘yan’ ang ginagamit niyang pantawag dito. Masyado kasing powerful para sa kanya ang pangalang Yuri. Very commanding, wika nga. “Ang sabi ni Lolo, apo raw ng best friend niya noong kabataan niya iyang si Yuri. At sa pagkakaalam ko ay ulilang lubos na rin siya,” sagot naman ni Maleah. “Teka nga, bakit ba ako ang ini-interview mo? Bakit hindi si Yuri mismo ang tanungin mo? Saka, teka nga, crush mo ba siya kaya ka tanong nang tanong?” May himig ng panunukso ang boses nito. “Hindi, ‘no! Naku-curious lang ako sa kanya. Maiwan na nga muna kita at kakausapin ko pa sina Tita Eloisa.” Pumunta siya sa likod-bahay kung saan naroon ang mga tito at tita niya. Nagsiuwi na ang mga nakiramay at tanging mga kapamilya na lang ang naroroon at parang nagkokomperensiya. Tahimik na umupo si Aliah sa tabi ng Tita Eloisa niya at pinakinggan ang sinasabi ng kanyang Tito Leo, ang panganay sa magkakapatid. “Alam ko, lahat tayo nasa state of shock pa rin dahil sa biglaang pagkawala ni Mama. She’s just sixty-five at malakas pa naman. Alam ko, nag-iisip din kayo na baka nga may sumalbahe sa kanya dahil na rin sa sugat na nakita sa braso niya. Saan ba kasi nanggaling ang sugat na iyon? Sa kawayan? Wala namang kawayan sa loob ng balon na ginawa ni Papa.” Ang lolo niya pala mismo ang gumawa ng naturang balon dahil malapit din iyon sa piggery na ipinagawa nito. Nang marinig niya ang salitang ‘kawayan’ ay parang biglang nag-flashback sa isip niya ang kanyang panaginip. “Tito, nanaginip po ako two weeks ago…” Bigla siyang napatigil nang mahinuhang parang imposible ang bagay na ikukuwento niya. Ang pagkamatay ng dalawa niyang pinsan sa panaginip niya ay walang kinalaman sa pagkamatay ng lola niya. Pero sa isip niya, coincidence pa rin ba ang kawayan sa panaginip niya at sa pagkamatay ng lola niya? “Ano ang napanaginipan mo, Aliah?” tanong ng Tita Alison niya. At sa mababang boses ay ikinuwento niya ang kanyang buong panaginip. Natakot ang Tita Eloisa at Tita Alison niya sa kanyang kwento. Pero ang Tito Leo naman niya na isang teacher at nag-masters sa Ateneo ay hindi naniwala sa kanyang sinabi. “Masyado lang active ang imagination mo. Ganyan talaga ang mga writers. You, guys, tend to overthink sometimes.” Pero mabuti na lang at sinaklolohan siya ng ilang tiyahin niya. “But what if Aliah’s dream is actually a representation? Si Abby at si Carlo... Abby represents Mama and Carlo…” Kusa ring pinutol ng Tita Eloisa niya ang sinasabi nito. Maging si Aliah ay ayaw isipin ang implikasyon ng sinasabi nito. Sana lang ay mali siya. Sana ay hindi totoo ang panaginip niya dahil ayaw na niyang mawalan ng isa pang kaanak. It was just too painful. Paglingon niya sa kanyang kaliwa ay nakita niya si Yuri na matamang nakatitig sa kanya. Parang may kung anong emosyong nabuhay sa dibdib niya sa pagtatagpong iyon ng kanilang mga mata. Kahit nasa malayo ito ay para bang kinapos ang kanyang hininga dahil sa titig na iyon. The mere sight of him made her feel weak. Ganoon kalakas ang epekto nito sa kanya. Tumayo na siya at nagpaalam na magpapahinga muna. Dumiretso siya sa kubo sa pagbabaka-sakaling maabutan niya roon ang lolo niya. Pero wala iyon roon. Sa tabi ng maliit na kubo ay may duyan na gawa sa rattan na nakakabit sa isang malaking puno. Parang may kung anong pwersa ang humila sa kanya papunta sa duyan para humiga. At wala pa yata siyang limang minutong nakahiga sa duyan ay parang hinila na siya ng antok para matulog. Sa iyong paglisan ay baon mo ang aming pagmamahal. Mga alaala mo, kailan man ay ‘di makakalimutan. At sa puso namin, ikaw ay habang buhay na mananahan. Hanggang sa muli nating pagkikita aking sinta... Sinubukang hanapin ni Aliah ang pinagmumulan ng napakalungkot na boses na iyon na tila ba tumutula. Tumagos sa puso niya ang bawat salitang binigkas ng lalaking tila nananangis dahil sa labis na lumbay. Pero nang igalaw niya ang mga kamay ay saka lang niya napagtantong parang nasa loob siya ng isang kahon. Napakadilim! Nagsimula nang bumalot ang takot sa dibdib niya. Kahit anong pilit niyang kumawala sa kahong iyon ay hindi niya magawa. Sigaw siya nang sigaw pero tila walang nakakarinig sa kanya. Ito na ba ang katapusan ko? Pero bago pa man tuluyang napuputol ang gahibla na lang niyang hininga ay isang kamay ang yumugyog sa kanyang balikat na siyang nagpagising sa kanya. “Nananaginip ka,” sabi ni Yuri nang imulat ni Aliah hang kanyang mga mata. Naroroon pa rin siya sa duyan. Ilang minuto nga ba siyang nakatulog? Matagal siguro dahil nagsisimula nang dumilim ang paligid. Tinulungan siya ng lalaki na makababa mula sa duyan. At sa pagkakadaop ng mga palad nila ay parang milyon-milyong boltahe ng kuryente ang biglang dumaloy papunta sa kamay ni Aliah. Hindi niya magawang alisin ang mga mata niya sa pagkakatitig sa napakagwapong mukha ng binata. Pero naputol ang tila hipnotismong namamayani sa kanilang dalawa ni Yuri nang marinig nila ang natatarantang boses ng Tita Eloisa niya. “Nawawala si Papa!” Agad siyang lumapit sa tiyahin. “Tita, anong nangyayari?” “Nawawala ang lolo mo. Walang sinuman sa atin ang nakapansin na wala rito si Papa,” sagot nito na bahagyang naluluha. “Maghiwa-hiwalay tayo para mabilis natin siyang makita,” suhestyon ni Aliah, saka naglakad papunta sa balon kung saan nasawi ang lola niya. Ang mga tiyo at tiya naman niya ay inisa-isa ang mga bahay ng ilan nilang kamag-anak. “Aliah?” tawag ni Yuri sa kanya. Hindi niya namalayang sinundan pala siya nito. “Wala rito ang lolo mo.” Pinaglololoko ba siya nito? Alam pala nitong wala roon ang lolo niya pero hindi man lang siya nito pinigilan kanina habang papunta pa lang siya roon. “Niloloko mo ba ako?” naiinis na tanong niya. “Hindi.” “Kung ganoon ay nasaan ang lolo ko?” Sa halip na sumagot ay inilahad nito ang isang kamay kay Aliah. “Hawakan mo ang kamay ko para malaman mo ang sagot sa tanong mo.” Bagaman nawiweirdohan ay sumunod na rin siya sa sinabi ng binata. Lumapit siya rito at hinawakan ang kaliwang kamay nito. Paglapat na paglapat pa lang ng kamay niya ay biglang nagdilim ang kanyang paningin at nagbalik siya sa isang masikip na kahon. Bukod sa madilim ay hindi rin niya magawang igalaw ang katawan niya dahil sa sobrang sikip ng kahon na kanyang kinalalagyan. Kahon? Kahon nga ba ‘to o kabaong? Bigla siyang bumitaw sa kamay ni Yuri at noon din ay biglang bumalik sa normal ang paligid niya. Para siyang nag-time travel mula sa isang mundo papunta sa isa pang mundo. Paano iyon nagawa ni Yuri? Paano nito nagawang dalhin siyang muli sa isang panginip na tapos na niyang mapanaginipan? “So, alam mo na kung nasaan ang lolo mo?” tanong nito sa kanya kapagkuwan. Tumango-tango siya. “Sa sementeryo.” At hindi na nga sila nag-aksaya pa ng panahon. Sumakay sila sa Pajero ni Yuri at ito mismo ang nag-drive noon. Habang nasa daan ay malaking palaisipan pa rin kay Aliah ang nangyari sa kanya kanina. Was it real? Pero bago pa man magkaroon ng kasagutan ang tanong niyang iyon ay humimpil na ang sinasakyan nila sa loob ng sementeryo kung saan inilibing ang lola niya kani-kanina lang. Nakakakilabot ang huni ng mga panggabing insekto, lalo na at halos alas-sais na ng gabi ng mga oras na iyon. Hindi pa man sila tuluyang nakakalapit sa puntod ng lola niya ay nakita na niya ang kanyang lolo na nakatalikod sa kanila ni Yuri. Dahan-dahan silang naglakad palapit dito. At habang papalapit ay may naririnig silang sinasabi ang lolo niya. “Sa iyong paglisan ay baon mo ang aming pagmamahal. Mga alaala mo, kailan man ay ‘di makakalimutan. At sa puso namin, ikaw ay habang buhay na mananahan. Hanggang sa muli nating pagkikita, aking sinta...” Hindi na napigilan ni Aliah ang pagtulo ng kanyang luha. Her grandfather must love her grandmother so much. Lumapit siya rito at bahagya itong niyakap. “‘Lo, uwi na tayo. Gabi na.” Tumingin sa kanya ang lolo niya. “Balik tayo rito bukas, ha? Malulungkot ang lola mo. Siya lang mag-isa rito. Wala siyang kausap.” Dahil sa sinabi ng kanyang lolo ay biglang nag-init ang ilong niya, tanda na malapit na naman siyang maiyak. “Opo, ‘Lo. Dadalawin ulit natin si Lola bukas.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD