SA burol ng lola niya, halos hindi magawang ihakbang ni Aliah ang kanyang mga paa papalapit sa kabaong ng matanda. Napatingin ang mga tao sa kanya nang magsimulang pumatak ang kanyang mga luha lalo na at hindi siya kilala ng karamihan sa mga ito dahil bihira siyang umuwi ng Leyte.
Maya-maya lang ay sinalubong siya ng Tita Alison niya na siya ring nagbalita sa kanya na pumanaw na nga ang kanyang butihing abuela.
“Wala na si Mama, Aliah. Wala na ang lola mo.” Punong puno ng lungkot ang boses ng tita niya nang sabihin ang mga katagang iyon.
Parang may kung ano na biglang bumara sa puso niya pagkakita niya sa hitsura ng tiyahin. Namumugto ang mga mata sa kakaiyak at halos hindi na nito nagawang magsuklay.
Magkahawak-kamay silang lumapit sa kabaong ng kanyang lola. May isa pa siyang tita na siyang kumuha ng travelling bag niya. Katulad ng Tita Alison niya ay namumugto rin ang mga mata nito.
Muling bumukal ang masaganang luha sa kanyang mga mata nang mapagmasdan ang lola niya na payapang nakahiga sa loob ng kabaong.
“I’m sorry, ‘La, hindi man lang ako nakapagpaalam sa’yo. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, sana pala ay dinalaw na kita noon pa. I will miss you so much, Lola,” tahimik na sabi niya sa kanyang lola na alam niyang kahit kailan ay hindi na niya magagawang yakapin pang muli.
Pagkalipas ng ilang minuto ay niyaya siya ng tita niya sa kusina. Naroroon ang ilang pinsan niya at mga kapatid ng kanyang mommy. Sa pagkakatanda niya ay nasa sampu ang kapatid ng kanyang ina, samantalang ang daddy naman niya ay nag-iisang anak. Sa pagkakaalam niya, ilang taon pa lang ang nakalilipas nang kilalanin ng daddy niya bilang half sister ang Auntie Vivien niya.
Inilibot ni Aliah ang kanyang paningin sa loob ng bahay. It’s a small house with just two bedrooms. Sa pagkakaalam niya ay regalo iyon ng Tita Alison niya sa kanyang lolo at lola.
“Kumain ka na ba, Aliah?” tanong ng isa pa niyang tiyahin na Eloisa ang pangalan.
“Hindi pa po ako nagugutom, Tita,” tugon niya. Sa estado ng emosyon niya ngayon, mahihirapan yata siyang kumain ng kahit na anong pagkain.
“Kumusta ang naging biyahe mo?” tanong ng Tita Alison niya.
Pilit siyang ngumiti. “Okay naman po. Tita, ano po ba talaga ang nangyari kay Lola?”
Huminga muna nang malalim ang Tita Alison niya bago sumagot. “Nasa Tacloban ako nang mangyari ang aksidente. Pero ang sabi ng Tita Rosario mo, pumunta raw siya ng Dorelco para magbayad ng kuryente.” Ang tinutukoy nitong Tita Rosario ay kapatid din ng kanyang ina. “Noong paalis siya, binilinan pa raw niya si Mama na huwag pupunta sa balon, lalo na at mag-isa lang siya. Nasa kabilang barangay kasi ang lolo mo at may trabaho nang mga oras na iyon.”
“Bandang alas-tres ng hapon pumunta rito ang Tito Leo mo para sana i-check si Mama pero hindi niya ito makita maging sa palibot ng bahay. Nang tingnan niya iyong balon na kung tutuusin ay mababaw lang naman, nakita niyang lumulutang na ang tsinelas ng lola mo. Doon na siya kinabahan. Aalis na raw sana siya nang mapansin niya ‘yong planggana na laging ginagamit ni Mama kapag naglalaba siya. Nung itaas iyon ng tito mo, saka lang niya nakita si Mama. Pero wala na. She’s already dead.”
Dahil sa narinig ay muli na namang tumulo ang mga luha ni Aliah. Parang nai-imagine niya ang nangyari sa lola niya. Hindi malabong mangyari na natakluban nga ito ng planggana dahil maliit lang ang lola niya. Mahigit lang yata ng kaunti sa apat na talampakan ang height nito at medyo kuba na rin kung maglakad.
Maya-maya ay nagsalita naman ang Tita Eloisa niya. “Pero ang nakapagtataka, Aliah, may nakitang sugat sa kabilang braso ng lola mo nang maiahon na siya. Ang iniisip namin ay baka may sumalbahe sa kanya.”
“Pero sino naman po ang gagawa noon kay Lola? Napakabait ni Lola para gawin sa kanya ang bagay na ‘yon,” pagsasatinig niya sa iniisip. Kilala ang lola niya bilang masayahin at mabait na tao.
Wala ni isa man sa mga tito o tita niya ang sumagot sa tanong niyang iyon. Nagpaalam siya na lalabas lang saglit para sumagap ng hangin. Pakiramdam kasi niya ay nahihirapan siyang huminga sa loob ng bahay, lalo na at nagkukumpulan ang mga pinsan niya.
Paglabas niya ay sinalubong siya ng huni ng mga kuliglig. Tumingin siya sa mga taong naglalamay. May naglalaro ng baraha, may nag-i-scrabble at meron din namang nagkukuwentuhan lang.
Matagal na panahon na rin simula nang huli siyang tumapak sa lugar na iyon kung saan ipinanganak at lumaki ang kanyang ina. Nang mawala ito ay mas lalo niyang iniwasang umuwi sa Leyte dahil naroon ang lahat ng bagay na nagpapaalala sa kanya sa mommy niya.
Biglang umihip ang malakas na hangin at tinangay noon ang ilang hibla ng kanyang buhok at tumabing iyon sa kanyang mukha. Nang ayusin niya iyon ay nakatayo na sa harap niya ang isang lalaki na nagtataglay ng maitim na pares ng mga mata.
Bahagya pa siyang nagulat sa presensya nito. Paano ito nakalapit sa kanya nang ganoon kabilis? At sino ito? Bakit parang hindi ito pamilyar sa kanya? Isa rin ba ito sa napakarami niyang pinsan?
“Ipinabibigay po ng Tita Eloisa mo,” sabi nito, sabay abot sa kanya ng isang sandwich at juice sa tetra pack.
Pagkakita sa sandwich ay biglang kumalam ang sikmura niya. Parang nakakaramdam na siya ng gutom kaya tinanggap na rin niya iyon. “Thanks,” sabi niya sa lalaki na ngayon ay unti-unti nang rumirihistro sa kanyang paningin ang pagiging gwapo.
Marami na siyang nakilalang gwapo sa Maynila pero kakaiba ang lalaking nasa harapan niya ngayon. He has a shoulder length hair na bumagay sa hugis ng kanyang mukha. Malalantik ang mga pilik-mata nito na mas lalo pang nagpaganda sa napakaitim nitong mga mata. He has a slightly crooked nose na bumagay rin sa mamula-mula nitong labi.
It was almost eight in the evening pero malinaw pa rin sa mga mata niya kung gaano kagwapo ang lalaking ito. Paano pa kaya kung nasa liwanag sila?
“Are you one of my cousins?” tanong niya bago pa man dumako sa kung saan ang kanyang imahinasyon.
Umiling ang lalaki. “I’m Yuri. Apprentice ako ng lolo mo,” pagpapakilala nito sa sarili, sabay abot ng kamay sa kanya.
“Yuri?” Such a nice name. And it was such a relief for her knowing that he’s not her cousin. “Nasaan nga pala si Lolo?”
Itinuro ni Yuri ang isang kubo na ilang hakbang lang ang layo sa bahay na pinanggalingan niya kanina.
“Thanks for these, Yuri,” aniya sabay turo sa hawak na tinapay at inumin. Pagkatapos ay humakbang na siya papunta sa kubong itinuro ng lalaki. Pagdating niya roon ay nakita niya ang lolo niya na malungkot na nakaupo sa isang papag na gawa sa kawayan. “‘Lo?” aniya na parang maiiyak na naman.
Ilang taon na ba niyang hindi nakikita ang lolo niya? Hindi na niya matandaan.
Saglit na inaninag muna siya nito at parang inisip pa kung sino siya kaya nagpakilala na siya. “Si Aliah po ‘to, ‘Lo. Kumusta ka na?”
“Aliah na apo ko kay Mikaela?” tanong pa nito.
“Opo, ‘Lo.”
Nang tuluyan siyang makilala nito ay mabilis siya nitong niyakap. “Apo, apo... mabuti at nakauwi ka. Wala na ang lola mo. Iniwan na niya tayo.”
Nakita niya ang tahimik na pagtangis ng kanyang lolo. Awang awa siya rito. Katulad ng lola niya, napakabait din nito. Mahal na mahal nito ang lola niya.
“Bakit ka nandito, Lolo? Tara, lipat tayo sa kabilang bahay. Kumain ka na po ba?”
“Dito lang ako, apo. Doon sa kabilang bahay, maaalala ko lang ang lola mo. Alam mo bang sobrang lungkot ko ngayon? Bigla na lang niya ako iniwan.”
“‘Lo, tama na po.”
Pero kahit siya ay hindi rin maampat ang pagtulo ng luha. It was so heartbreaking to see her lolo cry. Niyakap niya ito ng mahigpit. Sa pamamagitan man lang noon ay maiparamdam niya ritong hindi ito nag-iisa.