16

1466 Words
MAY TV sa sala ng hotel room pero hindi iyon magawang buksan ni Joanna Marie. Baka mamaya ay nasa channel pa iyon ng nagko-cover ng PBA games at magkaroon pa siya ng ideya kung sino ang lalaking darating na mayamaya. Huminga siya nang malalim. Ano ba ang date ngayon? Kung sino man ang may birthday ngayon ay hindi lang ito basta suwerte. Maipagmamalaki niya ang kalinisan niya. At isusuko niya iyon sa isang estranghero. Natigilan si Joanna Marie nang maisip ang petsa. Birthday rin ngayon ni Lemuel. Sa kauna-unahang pagkakataon ay muntik na niyang makalimutan ang birthday nito, palibhasa ay naging abala siya sa pag-aasikaso sa kanyang ina. Pumikit siya nang mariin. Lemuel again... Wala nang balita si Joanna Marie tungkol sa lalaki. Kahit namalagi silang mag-ina sa Maynila ay hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong makabalita sa kahit na kanino sa kaklase niya noong high school maliban kay January. At tulad niya, ito man ay wala na ring interes sa kanino man sa mga kaklase nila. Mula nang maulila ito sa ina ay ito na ang nagsilbi sa mga kapatid nito. Inaasikaso pa nito ang baldadong ama. Kagaya niya, nakatutok ito sa pamilya at sa pagkita ng pera. “Happy birthday, Lemuel,” mahinang bulong niya. “I still love you. S-siguro, may asawa ka na ngayon. Siya na ang kasama mong nagse-celebrate ngayon,” pigil ang hikbing sabi niya. Bumuntong-hininga si Joanna Marie. Hindi niya kailangang isipin si Lemuel ngayon. Isang malaking pagsubok sa buhay ang gagawin niya mamaya. Kung si Lemuel pa rin ang iisipin niya, baka umatras siya nang wala sa oras. Dahil ang buong puso’t isip niya ay nangakong para lang dito ang lahat-lahat sa kanya. Napangiti siya nang mapait. Palagi yata siyang maiipit sa pagitan ng kanyang ina at ni Lemuel. Pero wala na si Lemuel ngayon. Matagal na silang nagkahiwalay at malamang ay siya na lang ang nagmamahal. Masakit man ay baka nakalimutan na siya nito. Tumayo si Joanna Marie at naglakad-lakad. Ibabaling na lang niya ang isip sa kanyang mama na nakaratay ngayon sa ospital. Ito ang dahilan kaya nandoon siya sa silid na iyon. Hindi na niya kailangang mag-isip pa ng ibang tao. Tiningnan niya ang oras. Medyo matagal na rin siyang naghihintay. Muli siyang napasulyap sa TV. Nilapitan niya iyon at binuksan. Sa tantiya niya ay tapos na ang PBA games. Hindi na niya mapapanood ang laro. Tapos na nga ang laro. Isang newsbreak ang iniere nang mga sandaling iyon, laman ang balita ng mga team na naglaro. “Isang magandang regalo para sa kaarawan ng miyembro ng team na si Lemuel Crisostomo ang pagkapanalo ng kanilang team ngayon...” “Lemuel?!” Napasinghap siya. Hindi alam ni Joanna Marie kung mamamanhid ang buong katawan niya. Bigla siyang naghinala. Birthday ngayon ni Lemuel. At birthday rin ng lalaking basketball player na makakatagpo niya mayamaya lang. Bukod pa roon ang pagkagulat niya na pareho lang pala silang nasa Maynila pero sa mahabang panahon ay hindi sila nagkaroon ng tsansang magkita. O mabalitaan man lang niya na sikat na basketball player na pala ito. Parang nalaglag ang kanyang puso nang marinig ang malakas na pag-doorbell. Parang biglang nanigas ang buong katawan niya at hindi niya maigalaw ang mga paa. Paano kung si Lemuel ang mapagbuksan niya? Nang muling tumunog ang doorbell ay napilitan na siyang kumilos. Huminga muna siya nang malalim bago binuksan ang pinto. At hindi nga siya nagkamali ng akala. SI LEMUEL Crisostomo, ang lalaking sa buong buhay ni Joanna Marie ay minamahal niya. Napakalakas ng kabog ng kanyang dibdib. Alam niya, sa kabila ng hindi pa nababawing pagkagulat, mas umaapaw sa puso niya ang hindi nawalang pag-ibig niya para dito. Siguro, kung sa ibang pagkakataon sila nagkita uli, hindi siya mag-aaksaya ng oras na basta nakatayo lang sa harap nito. Siguradong yayakapin agad niya ito nang mahigpit. Ang laki ng ipinagbago ni Lemuel. Parang tumangkad pa ito at naging matipuno ang katawan. Napakakinis ng kutis nito. Wala na ang mangilan-ngilang tagihawat na dati ay nakakasira sa guwapong mukha nito. Nakatunghay ito sa kanya pero wala siyang makitang rekognisyon sa mga mata nito. “Carla?” “Y-yes. T-tuloy ka.” Humakbang siya para bigyang-daan ito. Pumasok ito, pagkatapos ay naupo sa sofa. “Halika. Dito tayo mag-usap,” kaswal na sabi nito. Hindi alam ni Joanna Marie kung ano ang mararamdaman. Para kasing hindi ito interesado sa dapat sana ay natural na pakay nito sa pagpunta roon. Pero gusto rin niyang magpasalamat. Baka magkahimala at hindi siya patulan nito. Pero nag-aalala rin siya. Paano ang perang ibinayad sa kanya? Babawiin ba iyon sa kanya ni Irma? “Alam mo ba kung bakit ka nandito?” tanong nito nang lumapit siya. Tumango si Joanna Marie. “B-birthday mo. R-regalo ako ng mga kaibigan mo sa iyo.” Tinitigan siya nito mula ulo hanggang paa. “Maganda ka. At normal akong lalaki.” Ngumiti ito nang matabang. “Kung sasabihin ko sa iyong maghubad ka na, gagawin mo ba?” Gusto niyang mapangiwi. Pero sinabi niya sa sarili na hindi iyon ang dapat na maging kilos niya. Tumango siya. “M-maghuhubad na ba ako?” Natawa ito. “Magagawa mo ba? Mukhang natatakot ka.” Napalunok siya. Baka makahalata si Lemuel. Sa dami ng eksenang pinangarap niya sa muli nilang pagkikita, hindi kasali ang sitwasyong iyon. Kaya hindi siya dapat na makilala nito. “Isang h-hubaran lang naman ang damit na ito. Ano ang gusto mo, hilahin ko paibaba o paitaas?” tanong ni Joanna marie, pilit nilalakasan ang loob. Hinawakan niya ang laylayan ng damit na suot at bahagyang hinila iyon. Lumitaw ang puno ng kanyang dibdib. Dumako roon ang mga mata nito. Sumikdo ang dibdib niya nang makitang nagkaroon ng kislap ng pagnanasa ang mga mata nito. Parang gusto niyang takpan ang buong katawan niya. Pero mayamaya ay kumunot ang noo nito at biglang umiling. “Maupo ka nga,” utos nito. Nang tumalima si Joanna marie ay bahagya pa siyang gumiwang dahil sa sobrang kaba. “Dati mo na bang trabaho ito?” tanong nito. Gusto niyang yumuko pero pinigilan niya ang sarili. “Hindi.” Tumaas ang mga kilay ni Lemuel. “First time mo?” Tumango siya. “Malaki ang ibinayad sa iyo ng teammates ko?” Tumikhim siya. “A-ang alam ko, magse-service ako sa iyo. Puwede bang huwag ka nang magtanong at n-nang masulit na ang ibinayad sa akin?” Tumawa si Lemuel nang mahina pero mahihimigan doon ang sarkasmo. “Hindi bagay sa iyo ang ganyang linya. Parang mas kapani-paniwala sa una mong sinabi, Carla. Kung Carla nga ang talagang pangalan mo. Pero hindi rin. Baka second time mo ito or third time. Matanong ko lang, bakit mo naman ito ginagawa?” Nakaramdam ng galit si Joanna marie. Insulto sa kanya ang tanong na iyon. Nang mga sandaling iyon ay mas gusto pa niyang wala nang salitang mamagitan sa kanila at gawin na lang ang katapat ng perang ibinayad sa kanya. At ituturing pa niyang biyaya na si Lemuel Crisostomo ang lalaking iyon. “I’m asking you, Carla,” tanong nito. Tumingin siya sa lalaki. “May sakit ang nanay ko.” Nanunuya ang tawa nito. “May sakit ang nanay? Malubha? Wala na bang ibang dahilan? Iyong may originality naman.” Napipikon nang tumayo si Joanna marie. “Hindi issue rito kung original man ang sinabi ko o hindi. Nagsasabi ako ng totoo! Kung... kung gusto mong magdamag na tanungin ako, sige, itanong mo ang lahat ng gusto mo. Mabuti nga siguro iyon para hindi na marumihan ang katawan ko.” Parang nagulat naman si Lemuel sa sinabi niya. Ilang sandaling nakatitig lang sa kanya. “Lumapit ka nga nang kaunti,” utos nito. Tumalima si Joanna Marie. “Kikilatisin mo ba ako nang mabuti?” magkahalo ang sama ng loob at pagkapikong tanong niya. “Bakit, ano ba ang sabi sa iyo ng mga kaibigan mo? High-class p********e ako? First-timer? O malaki lang talaga ang pangangailangan?” Kumilos si Lemuel sa pagkakaupo at hinawakan siya sa batok. Muntik na siyang mapasubsob dito pero nabawi agad niya ang panimbang sa pamamagitan ng paghawak sa sandalan ng inuupuan nito. “Ano’ng ginagawa mo?” tanong niya nang haplusin nito ang kanyang mukha. Hindi ordinaryong haplos iyon, may kakaibang diin iyon na parang binubura ang makapal na makeup sa mukha niya. “Ano ba?” paangil na sabi niya. Dumiin ang daliri nito sa kanyang noo, sa pekeng nunal na inilagay ni Irma. “Peke,” sabi nito nang matanggal iyon. Mabilis siyang umiwas at humakbang palayo. “Pinapakialaman mo ang diskarte ko,” kunwari ay naiinis na sabi niya. Ang totoo ay kinakabahan siya. Kung huhulas ang makeup niya ay makikilala na siya nito. “Diskarte na mag-disguise? Bakit, akala mo ba hindi kita makikilala, Joanna Marie Arceo?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD