PAKIRAMDAM ni Joanna Marie ay itinulos siya sa kinatatayuan. Ni umawang ang mga labi sa labis na gulat ay hindi niya nagawa. Basta nakatayo lang siya roon, walang kakilus-kilos.
“Kahit magsuklob ka pa ng bayong sa ulo mo ay makikilala kita, Joanna Marie. Kahit kailan, hindi ko nakalimutan ang timbre ng boses mo,” sabi ni Lemuel. Humakbang ito palapit sa kanya, saka siya tinitigan, pagkatapos ay hinaplos nito ang kanyang mukha. “Sinisira mo ang kutis mo sa makapal na makeup. Maghilamos ka, saka tayo mag-usap.”
Napakurap siya, ilang sandaling inulit sa sarili ang sinabi nito bago nakuhang kumilos.
Tapos na ang pagkukunwari. Anuman ang gawin ni Joanna Marie ngayon ay hindi na siya makakapagtago pa. Sapat nang binanggit nito ang buong pangalan niya.
Habang nasa loob ng banyo at nagtatanggal ng makeup ay hindi niya alam kung ano ang iisipin. Saan magsisimula ang pag-uusap nila? At saan kaya iyon magtatapos?
Pagbukas niya ng pinto ng banyo ay muntik pa siyang mapatalon sa gulat. Nakaabang na si Lemuel doon, mukhang naiinip na sa paghihintay sa kanya, pero nabura agad ang ekspresyong iyon nang makita siya.
“Jo,” he said in a breathless tone. Kinabig siya nito at niyakap.
The endearment he uttered brought back sweet and bittersweet memories.
“L-Lemuel,” Iyon lang ang nasabi niya at yumakap na rin dito.
Matagal silang nakatayo lang doon habang magkayakap. Nararamdaman niya ang init ng dibdib nito pero nang may sumagi sa kanyang isip ay agad siyang bumitiw rito.
“May asawa ka na ba?” kinakabahang tanong ni Joanna Marie.
Ngumiti ito. “Wala. Ikaw?”
Umiling siya.
Lalong lumapad ang ngiti ni Lemuel. Hinawakan nito ang kanyang kamay at iginiya siya sa sofa. “Tara, doon tayo mag-usap.” Nagkaroon ng sigla ang kilos nito. Dinampot nito ang intercom at may pinindot na numero doon. “Mag-order ka ng gusto mong kainin.”
“S-sandwich na lang.”
Umiling ito. “Kaya pala sobrang slim ka ngayon,” anito bago nakipag-usap sa telepono. Bukod sa sandwich ay um-order ito ng iba pang pagkain na hindi lang pandalawang tao. “Gutom ako. Saka sumalo ka rin.”
“M-magkukunwari ba tayong walang nangyari?” tanong niya nang ibaba nito ang telepono. “Hindi mo ba ako tatanungin kung bakit ako nandito ngayon?”
Nakangiting tiningnan siya nito. “Ako, hindi mo ba ako babatiin? Birthday ko ngayon,” anito.
“Happy birthday, Lemuel.” Nag-init ang sulok ng mga mata ni Joanna Marie. Nang sabihin niya ang pagbating iyon kanina ay ni hindi niya naisip na makakaharap niya uli ang binata ngayon.
“Thank you. Iyong in-order kong pagkain, treat ko sa iyo.”
“Lemuel...”
“Okay, gusto kong malaman mong magkahalong tuwa at galit ang naramdaman ko nang makilala kita kanina. Tuwa dahil nakita uli kita. Galit dahil hindi ako makapaniwalang napunta ka sa trabahong iyan. O sasabihin mo uli sa akin na first time mo?” Sa pagkakataong iyon ay walang pang-iinsulto sa boses nito.
“May sakit si Mama, Lemuel. Nasa ICU siya ngayon. Malala ang kalagayan.”
Ilang sandaling nawalan ng emosyon ang mukha nito. “Dapat pala, hindi tayo nagsasayang ng panahon dito.” Dinampot nito ang intercom at sa pagkagulat niya ay kinansela nito ang in-order na pagkain. “Let’s go. Puntahan natin ang mama mo.”
“Gusto mo bang makatiyak na hindi ako nagsisinungaling kaya interesado kang pumunta sa ospital?”
Tinitigan siya nito, pagkatapos ay dinampian siya ng halik sa mga labi. It was totally unexpected yet it created a wonderful warmth that touched her heart.
“Alam kong kulang ang mahabang oras para pag-usapan natin ang lahat ng nakaraan natin, pero gusto ko nang sabihin sa iyo ang pinakaimportante sa lahat. Mahal pa rin kita, Joanna Marie.”
“Lemuel...”
“Ako ba, mahal mo pa rin? O baka mayroon nang iba?”
Umiling siya. “Ikaw lang, Lemuel. Mula noon hanggang ngayon.”
Kinabig siya nito at niyakap. “Ang haba ng taong lumipas. Mga taong nasayang sa atin pero babawi tayo. Ngayong nagkita na tayo uli, nasa atin na ang maraming panahon para pag-usapan ang mga bagay-bagay. For now, kailangan nating puntahan muna ang mama mo sa ospital.”
“Lemuel, hindi ka ba galit sa mama ko?” tanong niya.
“Sabihin na nating dati ay galit din ako sa kanya. Sa mga ginawa niya sa iyo. But then, siya pa rin ang mama mo. Kalimutan na natin iyon.”
PAGKATAPOS magpalit ng damit ni Joanna Marie ay umalis na agad sila ni Lemuel. Ang kotse ng lalaki ang ginamit nila papunta sa ospital. Habang nagmamaneho ay hawak nito ang kamay niya, halos hindi nito binibitiwan iyon, maliban na lang kung kailangang magkambiyo.
“Hindi kami natuloy pumunta sa Amerika.” Siya na ang nagkusang magkuwento. Sa ilang pangungusap ay naikuwento niya sa binata ang buhay nilang mag-ina mula nang umalis sila ng Sierra Carmela. “Kapit sa patalim na talaga ang hakbang kong ito. Alam kong mali pero ano ang gagawin ko? Malubha ang kalagayan ni Mama. Gusto ko siyang maipagamot.”
“Naisip ko, blessing in disguise na siguro iyon para magtagpo tayo,” sabi ni Lemuel sa boses na walang halong pang-aakusa. “It’s been years, Jo. Akala ko, napakalayo mo sa akin. Nasa malapit ka lang pala.” Sumulyap ito sa kanya. “Alam mo bang ipinapahanap kita sa Amerika?”
“Detective works? Magastos iyon.”
“Hindi pa naman ganoon. Marami akong naging kaibigan na may contact sa Amerika. Sila ang pinakiusapan ko na magtanung-tanong tungkol sa iyo.”
“Bakit, Lemuel?”
Ngumiti ito. “You’re asking for the obvious, Jo. Alam mong hindi kita nakakalimutan. Mahal pa rin kita. At handang-handa na ako ngayon para ialay sa iyo ang kinabukasang pangarap ko para sa ating dalawa. Alam mo, matutuwa si Nanay kapag nalaman niyang nagkita na tayo. Isang araw, dadalhin kita sa kanya. Pero sa ngayon, ang mama mo muna ang asikasuhin natin.”
Bumuntong-hininga siya. “Marami akong problema, Lemuel. Nakakahiyang pulos problema ang sabihin ko sa iyo.”
“Pera? Hindi ko na iyon problema ngayon, Jo. Tutulungan kita. Lahat ng medical needs ng mama mo, sasagutin ko.”
Napatitig siya rito. “S-sigurado ka ba?”
“Mukha ba akong nagbibiro?”
“N-nakakahiya, Lemuel.”
“Joanna Marie, pera lang iyon. Ang pera, dapat gamitin kung may nangangailangan. Sabi mo nga, kapit sa patalim ka na. Dapat mo na ring kalimutan iyon. Narito na ako sa tabi mo. Sa akin ka na lang kumapit.” Pabiro ang pagkakasabi nito sa huling pangungusap.
“Binigyan na ako ni Irma ng advance na fifty thousand. Saka kanina iyong one hundred thousand. Bayad sa akin sa—”
“Isauli mo sa kanya ang buong bayad sa iyo.”
“Naibayad ko na sa ospital ang iba.”
“Papalitan ko,” sabi nito. “Did you say Irma? Iyong girlfriend ni Amir?”
“Iyon ang sabi niya sa akin noong kausapin niya ako. Pamangkin kasi siya ng landlady namin.”
Tumango na lang ito. Pagdating nila sa ospital ay si Irma rin ang nadatnan nilang nakabantay sa mama niya. Gulat na gulat ito nang makitang kasama niya si Lemuel.