PROLOGUE
Prologue
HINDI ako mapakali at pabalik-balik akong naglalakad. Kung may kasama lang ako ngayon ay alam kong sasakit ang mga mata niya at mahihilong panoorin ako. Kanina pa ako naghihintay sa kanya pero ang tagal niyang dumating.
Nang mapagod ako sa ginagawa ko ay umupo na lamang ako sa couch pero agad din akong napatayo nang bumukas ang front door at pumasok na siya sa loob.
“Where have you been?” tanong ko sa asawa ko nang late na siyang umuwi sa bahay namin. Oo, siya ang hinihintay ko kanina pa.
It was already 2:03 in the morning at ngayon niya lang naisipan ang umuwi. Wala namang bago sa ginagawa niya. Mas nauuna pa nga akong umuuwi kaysa sa kanya na galing pa sa school nila at ako naman ay from work pa.
Walang nababakasan ng kahit anong emosyon ang mukha niya at tiningnan ako na tila isang bagay lang na walang kuwenta. Hindi niya rin ako sinagot at nagtuloy-tuloy lang siya sa paglalakad.
“Lazel Hyrroz,” mariin at malamig na sambit ko sa pangalan niya. Sumunod ako sa kanya hanggang sa makapasok kami sa loob ng kuwarto niya.
Nagtanggal siya ng butones ng suot niyang uniform pagkatapos niyang pabagsak na inilapag lang ang backpack niya sa kama.
“Pagod ako. Huwag mo akong guluhin ngayon,” malamig na sabi niya sa akin nang hindi ako tinatapunan nang tingin.
“Kaya kita tinatanong kung bakit ngayon ka lang at saan ka nagpunta para umuwi nang ganitong oras?” strict na tanong ko.
Tuluyan niyang hinubad ang puting polo niya at naiwan na lamang ang suot niyang sando.
“Alam mo? Ang dami mo ng role sa buhay ko,” nanunuyang saad niya at humarap sa akin. Wala pa ring emosyon ang mukha niya at walang pinagbago ang paraan nang pagtitig niya sa akin, na maging ang kaluluwa ko ay tila nakikita niya rin. “Hindi ka na lang isang ina, ate at kuya. Ngayon, ang role mo ay isang strict na ama na hinintay ang sarili niyang anak na hindi umuwi kagabi pero ngayon lang naisipan ang umuwi,” mahabang dugtong niya at napangisi pa siya.
“Malaki ka na, Lazel Hyrroz. Kahit wala ka na sa poder ng mga magulang mo ay alalahanin mo na may isang tao pa ang mag-aalala sa ‘yo,” I stated the fact.
“Ikaw? Ikaw ang taong mag-aalala sa akin? Asawa mo lang naman ako sa papel at hindi ko hiniling sa ‘yo na mag-alala ka sa akin. Sinabi ko na sa ‘yo sa umpisa pa lang ay huwag mo na akong pakikialaman at ganoon din naman ang gagawin ko sa ‘yo,” matigas na saad niya. Ganyan talaga siya. Ganyan katigas ng puso niya at talagang wala siyang pakialam sa akin o kahit sa nararamdaman ko.
“Lazel Hyrroz...”
“Kung wala ka nang sasabihin pa ay lumabas ka na, Lola?” sabi niya na may pang-iinsulto sa boses. This time ay Lola naman ang tawag niya sa akin.
Napabuntonghininga na lamang ako dahil sa sama ng pag-uugali niya at sa hindi maganda niyang pagtrato sa akin.
Tumalikod ako nang huling hinubad niya ang puting sando niya.
“Nakita mo naman na ang katawan ko kaya bakit nag-iiwas ka pa nang tingin sa akin? Ginusto mo naman ang ginawa natin kagabi, ‘di ba? Pinagsamantalahan mo ako habang wala ako sa sarili at lasing,” nang-iinsultong sambit niya at parang sinampal lang ako ng mga katagang iyon. Bayolenteng nagtaas baba ang dibdib ko dahil sa paninikip nang paghinga ko.
“Bago ka matulog ay maligo ka muna o maghugas ng katawan at kung hindi ka pa kumakain ay initin mo na lang ang pagkain na niluto ko kanina,” sabi ko at narinig ko na naman ang matunog na pagngisi niya at ang paglangitnit ng kama, senyales na umupo siya roon.
“Yes po, Manang.” Mariin na napapikit ako dahil sa pagtawag niya sa akin.
Nagtungo na ako sa pinto ng kuwarto niya at sinara ko pa ito nang marahan. Huminto muna ako sandali sa tapat ng pintuan at sumandal. Nag-iinit ang sulok ng mga mata ko at parang gusto kong umiyak. Mabigat sa dibdib. Iyon ba ang dahilan kung bakit ngayon lang siya umuwi? Dahil sa loob ng mahigit isang taon ay may nangyari sa amin ng isang beses lang din? Pareho kaming lasing no’n at wala na rin akong maalala pa sa ginawa namin.
Napapatanong talaga ako sa sarili ko. Hanggang kailan tayong ganito, Lazel Hyrroz?
***
Paggising ko bawat umaga ay maayos nang nakahanda sa sofa bed ang uniporme ko na plantsado na rin. Maging ang black shoes ko ay nakahanda na rin.
Sa kusina ay may mga pagkain na rin ang nakahanda at may sticky note pa ang nakalagay sa fridge. Kinuha ko iyon at binasa ang nakasulat. Maayos at maganda ang penmanship niya. Ganoon pa man, hindi ko pa rin ito gusto.
“Don’t forget to eat your breakfast before you go to school, Lazel Hyrroz.”
-Calysta
Pagkatapos kong basahin iyon ay nilukumos ko ang papel at tinapon sa trashbin. Binuksan ko ang fridge at kumuha ng malamig na tubig. Binuksan ko ang takip at inubos ang laman no’n.
Tiningnan ko pa ang breakfast na handa na sa hapag pero katulad nang madalas kong ginagawa ay hindi ko iyon ginagalaw at ni hindi ako kumakain.
Pumapasok ako sa university na walang laman ang sikmura. Ayos lang, madalas akong pinagbabaunan ni Hanemira. Kaya sa school lang ako kumakain ng breakfast ko.
“Hindi ka na naman nag-breakfast, ‘no?” Napangiti na lamang ako sa tanong niya at dahan-dahan na ngumiti. Kasabay nang paghawak niya sa kamay ko at ibinigay sa akin ang kutsara. “Ako pa rin ang nagluto niyan.” Hindi ganoon kasarap ang mga luto niya pero na-appreciate ko pa rin iyon. Dahil...siya lang ang babaeng gusto ko.
***
Pag-uwi sa bahay ay expected na madadatnan ko siya sa living room nang nakaupo. Umiinom ng kape at abala na naman siya sa laptop niya.
“Hindi ka na naman kumain ng breakfast mo. Ni hindi mo ginalaw ang mga iyon,” bungad niya sa akin. Tumaas ang sulok ng mga labi ko. Sa tagal na palagi niyang sinasabi ‘yan sa akin ay memoryado ko na ang mga katagang iyon.
“Sino ba ang nagsabi sa ‘yo na magluto ka ng breakfast ko?” tanong ko sa kanya at narinig ko na naman ang pagbuntonghininga niya.
Sa katunayan ay wala naman akong nararamdaman sa kanya. Hindi ko siya gusto at hinding-hindi ko mamahalin ang isang babae na sampung taon ang agwat namin sa isa’t isa.
Kinasal lang kami dahil mas mayaman siya kaysa sa pamilya ko at kailangan lang siya ng kompanya namin. Iyon lang naman ang dahilan kung bakit nagtitiis ako sa isang masikip na tahanang ito.
Hindi ko na siya pinansin pa at umakyat na sa hagdanan pero bago ro’n ay huminto ako para itanong siya tungkol sa bagay na ito. “Para sa ‘yo, ano ba ang pag-ibig?”
Kunot-noong lumingon siya sa gawi ko at halatang naguguluhan siya na kung bakit iyon ang itinanong ko sa kanya.
“Bakit mo ‘yan tinatanong sa akin?” she asked me back.
“Gusto ko lang malaman ang opinyon mo. Ano ba para sa ‘yo ang pag-ibig?” tanong ko at interesado akong malaman ang opinyon niya. Na kung ano ba ang pananaw siya sa pag-ibig.
“Ang pag-ibig ay nakakasira ng buhay ng isang tao.” Tumaas ang isang kilay ko sa sinabi niya. Sa paanong paraan ito nakakasira? “Kapag dumating na ito sa buhay mo ay ro’n mo na mararamdaman ang paunti-unting na pagkasira ng buhay mo.”
“Ang g**o nang sinabi mo. Wala akong naiintindihan,” sabi ko.
Matapang na tinitigan niya ulit ako. “Hindi lang isang drugs ang nakakasira, maging ang tinutukoy mong pag-ibig, lalo na kung hindi ka kayang suklian ng taong mahal mo.”
Iniwan ko na siya roon dahil wala naman talaga akong naiintindihan pa. Ang g**o niya. Binaba ko sa kama ang backpack ko at kinuha ang isang envelope.
May plane ticket na ito at nakahanda na ang lahat ng papers ko. Exchange student ako at nakapasa ako sa scholarship ng university namin. Kung gugustuhin ko ay mananatili ako nang matagal sa States. Tatakas sa realidad kasama si Hanemira.
Bago ako umalis ng bansa ay pinirmahan ko muna ang divorce papers para mawalan na rin ng bisa ang kasal namin. Mahigit isang taon ang pagtitiis ko na makasama ang isang taong hindi ko naman gustong makasama. Para sa akin ay masyadong matagal lumipas ang oras na iyon. Pero sa paglipas ng maraming taon ay ang babaeng iyon pala ay mananatili sa isip at puso ko nang hindi ko namamalayan.
Sa bawat paggising ko pala sa umaga ay hahanap-hanapin ko ang madalas niyang ginagawa sa akin. Ang hintayin ang pag-uwi ko at pangangaralan pa ako.
Iniwan ko ang babaeng, kauna-unahang nagbigay sa akin ng kakaibang pakiramdam. Kakaibang pag-aalala at pag-aalaga na kailanman ay hindi ko naramdaman mula sa mga magulang ko at nang muli kaming magkita...
“Nandito raw si Ma’am Calysta. Grabe ang ganda niya, ni hindi man lang siya tumanda. Ganoon pa rin ang mukha niya.”
“Ano kaya ang sekreto ni Ma’am Calysta, ‘no?”
“Oy, hayan na siya!”
“Grabe, ang ganda pa rin talaga niya.”
Napatingin ako nang diretso at doon ko ulit nakita ang mukha niya. Maganda pa rin siya, mabigat at masyado pa ring malamig ang presensiya niya. Nakaka-intimidate pa rin ang aura niya. Tama nga sila na walang pinagbago ang mukha nito at ni hindi halata na malapit ng mag-40s.
Bumilis ang pintig ng puso ko nang magtagpo ang mga mata namin pero ni hindi tumagal nang isang minuto at nag-iwas siya ng tingin sa akin saka niya ako nilagpasan, kasama ang dalawang babae na nasa likuran niya. Hindi ako sigurado kung nakita ba niya ako o naalala. Wala rin kasi akong mababasa na rekognasyon sa mga mata niya.
Darating pa rin ang panahon na magiging tagahanga na lamang ako sa kanya at kailanman ay hindi na mapapansin pa. Sinayang ko ang pagkakataon na makasama siya habangbuhay.
“Hindi ba may anak na si Ma’am Calysta?” Kumunot ang noo ko sa narinig.
“Paano kaya siya nagkaroon ng anak. Eh, alam naman natin na walang asawa si Ma’am Calysta.”
Walang asawa...pero may anak na?