"NASAAN ba yang boss niyo?"
Nagkatinginan muna ang apat na lalaki bago lumingon ang mga ito sa gawing likuran.
Napaawang na lang ang labi ni Tangi nang mamataan niya roon si Thorn-malawak ang ngiti nito, kumaway pa ang lalaki mula sa nakabukas na bintana ng magarang kotse nito!
"Nice," parang nakakaloko na sambit ni Aleli sa kaniyang tabi.
Hindi niya alam kung ano ba ang sinasabi ng kaibigan niyang baliw na nice. Dahil seryoso, may nice ba kay Thorn? Saan banda bukod sa alam na niyang guwapo ang lalaki at bilyonaryo?
"Ilaban mo na 'yan sis, hindi ka na lugi," bulong sa kaniya ni Aleli. Inirapan niya lang ito.
Lahat silang naroon ay hinintay ang paglapit ni Thorn sa kanila. Oo, bumaba nga ang bilyonaryo sa kotse nito at ngayon ay palapit sa kanila.
Napahalukipkip siya, tinaasan niya ito ng isa niyang kilay nang makalapit na sa kaniya. Tinapon niya muna ang sigarilyong nakaipit sa daliri niya dahil hindi naman siya bastos na tulad ng lalaking ngayon ay kaharap na niya.
"May problema ba rito?" bungad sa kaniya ni Thorn.
"Meron. Itong mga tauhan mo, inalisan mo raw ng trabaho, dinamay mo pa 'ko. So, sa madaling sabi, ikaw ang malaking problema rito. Ikaw ang malaking tinik sa buhay naming lahat. Paano kami kakain sa ginawa mong 'to? Paano ang pamilya nila? Paano ang luho namin? Ang needs para mabuhay?" sunod-sunod na kastigo ng dalaga sa bilyonaryong siraulo.
"Easy ka lang, Natatangi. Ang dami mo namang sinabi, hindi ko masundan."
"Ha-ha, natawa ba kayo sa joke nito, guys?" binalingan niya ang mga tauhan ng lalaki at si Aleli. Hindi kumibo ang mga tao ni Thorn pero ang kaibigan niya ay oo!
"Ha-ha! Natatawa ako sa cuteness ni Sir Thorn—ay, kilig yata ang tawag dito, sis!"
Napipika na nagkamot ng leeg si Tangi nang dahil sa sinabing iyon ng haliparot niyang kaibigan.
Si Thorn naman ay mas malawak lang na napangisi. Bahagyang lumitaw ang ngipin nitong maputi.
Sa totoo lang, ang perfect ng lalaking ito, kaya hindi na rin siya magtataka kung kasalukuyang na nagiging tinik niya ito sa kaniyang lalamunan.
"Kawawa naman talaga sila. Kawawa ka rin naman," sabi sa kaniya ng bilyonaryo. Umarte pa na humikbi. "But seriously speaking, kaya nga binibili kita, para hindi mo na kailangan na magtiis dito sa trabahong ganito, Tangi."
Tinumbasan niya ang ngisi ng lalaki. "Hibang ka ba ha? Pa'no kung ayaw kong magpabili sa 'yo?"
Sa inis niya ay pinagmasdan lang siya ng lalaki mula ulo hanggang paa niya, at pabalik.
"Pasensya na, hindi ko bibilhin ang arte mong 'yan. Kilala kita. Kaya nga hindi nagbibiro ang mga tao ko na mawawalan sila ng trabaho kung hindi ka sasama sa 'min. Oo, ginamit ko sila para mapapayag kita," mayabang na sambit ni Thorn.
"Ako rin, p'wede akong magpa..." Nginiwian siya ni Aleli nang samaan niya ito ng tingin. "Kamot! Sir Thorn, pakikamot nga ng likod ko, hindi ko maabot kasi."
Napaka-epal ng kaibigan niyang ito. Epal din ang lalaki—kinamot nga ang likod nito!
"Uy, sis, kilala ko rin si Sir Thorn, salbahe raw 'to. 'Pag sinabi, sinabi. Tatanggalin talaga sa trabaho ang mga tao kapag hindi ka sumama," pakunwaring bulong ni Aleli sa kaniya.
Inikutan niya lang ito ng mga mata.
"P'wede kong idamay si Manong Guard—" Kandaubo si Thorn, hinagis lang naman ni Tangi sa dibdib niya ang bag nito. Walang warning, binigla. Buti at nasalo nga niya.
"Kung gusto mo 'kong bilhin, ihanda mo na ang cash mo. Hindi ako tumatanggap ng cheke," ani Tangi. Dire-diretso na itong naglakad. Nilagpasan na siya, humalo ang pabango nito sa hangin. "O? Ano pang hinihintay mo? Tara na," kayag sa kaniya.
Kinuha ni Gerson sa kaniya ang halukipkip niyang bag nito.
Inis man siya sa ginawa ng babae, naglaho na iyon nang matuon ang mga mata niya sa maumbok nitong pang-upo.
"Ibabalik mo sa trabaho ang mga 'to—ora mismo. Cash lang ang tatanggapin kong pera, no touch without my permission."
"Hindi ko ugaling mamilit ng babae—pagdating sa touch, I mean," agad niyang sambit. Tinignan kasi siya ng masama agad ni Tangi.
"Handaan mo 'ko ng kontrata para malinaw sa 'kin ang magiging trabaho ko sa buhay mo. Probinsyana ako pero hindi ako tanga," pagpapatuloy nito.
"Alam ko," simpleng sagot naman niya sa babae.
Sa katunayan, kayang-kaya nga ng babaeng ito na magtrabaho sa iba at hindi sa club na pinanggalingan dahil sadyang matalino ito at may skills pa. Dangan lang at nakarating sa kaniya ang balita na mas pinili nito ang trabaho nito sa club dahil nga pakiramdam ng babae ay tumigil na ang mundo nito sa pagkamatay ng lola na nagpalaki at nagtaguyod dito.
"Kaya ko rin manakit kapag nakakatagpo ako ng perv€rt na lalaki."
Napangisi siya. "Alam ko rin 'yan."
Iyong sinipa nito sa pundilyo noong nakaraang buwan, ang balita niya ay hindi na nakuhang tumingin man lang sa mga babae pagkatapos ng ginawa nito.
Suki si Tangi ng mga lalaking perv€rt kaya natuto na rin ito na lumaban.
"Kung plinano mo 'kong bilhin para sa 'yo, magdalawang isip ka na muna, Thorn Anzurez."
Sinalubong niya ang magagandang mata ng dalaga. "Binibili kita ngayon dahil bilyonaryo ako, Tangi."
"Right. Pero gusto kong magkalinawan tayo—hindi mo ako pag-aari. Nobody owns me. Pagbibigyan lang kita ngayon. Susuportahan kita dahil mukhang trip mong mag-aksaya ng pera."
"Hindi pag-aaksaya ng pera ang bilhin ka."
Ano raw? Bakit sa dami ng mga salitang pinukol nila ni Thorn sa isa't isa mula kanina pa ay sa sinabi nitong iyon siya natigilan?
Ah, ang puso niya pala ang natigagal. Tila naging drum din ang pagkabog niyon...
Pasimple siyang lumunok, baka sakaling umayos ang t***k ng kaniyang puso.
"Marami ka lang kasing pera kaya hindi ito pag-aaksaya para sa 'yo."
"Hindi ito pag-aaksaya ng pera para sa 'kin dahil ikaw naman ang bibilhin ko. Ililigtas kita, Tangi, dahil natatangi ka," makabag-damdamin na turan nito sa kaniya. Pagkatapos ay kumindat.
Dapat na ipagbawal sa mundo ang ganito kagandang lalaki sa totoo lang. Hindi healthy sa puso. Daig pa ni Tangi tuloy ang nakalaklak ng kapeng barako.
"Siya sige na, tayo na, pumasok ka na sa kotse mo bago pa magbago ang isip ko."
KUNG ikaw ang basta na lang bibilhin ng isang bilyonaryo na magandang lalaki, matikas, may maugat na mga braso at siguradong matigas ang dibdib—ano ba ang dapat mong isipin?
Alam naman ni Tangi na maganda siya. Pero parating sinasabi sa kaniya noon ng kaniyang lola na hindi sapat ang ganda lang. Kailangan ay may alam ka. Kailangan ay hindi ka tatanga-tanga sa mundo pero maaari naman na magtanga-tangahan ka lalo kung alam mong kinakailangan.
"Bahay mo 'to?"
"Bakit? Ayaw mo ba rito?" balik-tanong sa kaniya ni Thorn.
Ngumisi siya. "Ayos ka rin ah, ako ang nagtatanong tas sasagutin mo 'ko ng tanong din."
"Tangi, maigi na kasing alam ko kung ano ang mga gusto mo sa hindi," anang bilyonaryo. Hangin na naman ang inilalabas sa bibig.
Oo, maere ang isang ito para sa kaniya.
"Eventually ay malalaman mo naman ang mga gusto ko at hindi dahil makakasama mo 'ko sa iisang bahay," simple niyang saad.
"Well, that's good then."
"Sa ngayon, gusto kong malaman kung paano mo nalalaman na umaga na o gabi sa ganitong bahay bukod sa s'yempre ay titingin ka sa relo?" walang kuwentang follow up question niya.
Wala lang, gusto lang niyang magtanong.
Napalunok siya nang bumukas na ang pinto ng elevator.
Sinulyapan siya sandali ng bilyonaryo bago ito nag-anunsyo sa mga kasamang bodyguards, "Walang sasakay."
Napaawang ang labi niya. "O—Okay lang. Ano ka ba," saway ni Tangi. Hindi siya VIP para gumanoon pa ito sa mga kasama!
"No, you're not."
"Ang tigas talaga ng ulo nito," bulong niya.
"Katabi mo lang ako, hindi mo kailangan na bumulong na para kang bubuyog, Ms. Natatangi."
Inismiran niya ito. Humakbang na rin siya papasok sa elevator. "Hindi ka marunong makinig. Tolerable naman ang phobia ko sa masikip na lugar. Hindi mo na sana sila pinaghintay ro'n."
"Trabaho nilang sundin ang utos ko at hindi ang utos mo. The last time I checked, ako pa rin ang boss nila. Kaya hayun, naiwan sila ro'n nang dahil pinag-utos ko. Klaro na ba sa 'yo?"
Nagkiskisan na lang ang mga ngipin ng dalaga sa inis sa pagiging sarcastic ng kaharap. "Fine!"
"May bintana ang gusali na 'to. Centralized, of course, pero may mga bintana na puwede mong buksan kung kailan mo gustuhin. Besides, ang magiging kuwarto mo rin naman ay may terasa. Don't worry, ma-e-enjoy mo pa rin ang init ng araw sa labas kahit nandito ka sa gusaling ito at nasa pinakatuktok," sagot ni Thorn sa kaninang tanong niya.
Hindi na lamang niya ito pinansin. Tuloy-tuloy na lumabas na lamang siya sa elevator nang bumukas iyon sa palapag na pinindot ng lalaki.
"Ano ang eksaktong magiging trabaho ko sa 'yo, Thorn?" tanong niya rito habang naglalakad na sila pareho sa pasilyong sa tingin niya ay wala nang katapusan.
Daig pa ang munisipyo ng building na ito!
Sinulyapan niya ang bilyonaryo nang hindi siya tugunin nito. Awtomatikong pinaningkitan niya ito ng mga mata dahil nakasapo ito sa sariling dibdib.
"Ano na namang arte 'yan?"
"Tangi, dapat na yata kitang utusan na 'wag bastang babanggitin ang pangalan ko. Nagkakabuhol-buhol ang kung ano sa puso ko dahil sa 'yo e," parang akala mo naman ay tunay na ani Thorn.
She rolled her eyes. "Siya sige, Tukmol, ano ba ang magiging trabaho ko sa 'yo?"
Napaawang na lang ang labi ng dalaga nang tumawa si 'Tukmol' nang pagkalakas! Nakatingala pa ito at sapo ang sariling tiyan na tila tuwang-tuwa sa narinig!
"Anong ingay ba 'yan, Thorn?!"
Bahagyang napaatras si Tangi sa kung sinong bumungad sa gawing likuran niya—may edad na babae, mataas, tuwid na tuwid kung tumayo at kahawig ni… Tukmol?
Mga mata lang niya ang lumipad sa huli upang magtanong.
"Lolly!"
Lola naman pala, kaya kamukha.
"Lolly, ano'ng ginagawa mo rito?"
"Bakit? Bawal na ba 'kong pumunta sa bahay mo nang walang pasabi?"
Nagkamot sa sariling ulo ang binata. "Hindi naman sa gano'n, pero kasi, may bisita ako ngayon, Lolly."
"Nakita ko nga. Kung kailan gabi na, saka ka pa nagkaro'n ng bisitang babae?" Tinaasan siya ng kilay ng matandang babae. Pinagmasdan siya mula ulo hanggang paa—pinakita talaga sa kaniya kung paano siya sipatin sa pamamagitan ng tingin.
"Magandang gabi ho," bilang paggalang ay ani Tangi. Yumukod pa siya upang magmano.
Hindi tumanggi ang matandang babae ngunit dama niyang natigilan ito sa kaniyang ginawa.
"Sino naman ang babaeng 'to?"
"Ako po si Tangi," pakilala na niya sa sarili. Para malaman ng matandang babae na hindi siya kayang i-intimidate nito.
Kung nalalaman lang nito na ang sariling apo ang nagdala sa kaniya roon, aba naman, siya pa ba ang mahihiya kaya siya napunta sa lugar na iyon? Siya pa ba ang mag-a-adjust?
"Siya nga si Tangi, Lolly," segunda naman ni Thorn. "Bagong personal assistant ko."
"Kailan mo pa kinailangan ng personal assistant?" gulat na sambit ng lola sa apo.
"Ngayon lang."
Kita mong kasiraan talaga ng ulo ng biyonaryong walang magawa sa buhay!
"Ah eh, kailangan na po kasi talaga ng PA nitong apo niyo Lolly, at may mga araw na dapat ho siyang itali sa kama," pagsingit ng dalaga sa usapan.
"Itali sa kama?!" gulat na bulalas ng matandang babae.
Si Thorn naman ay napamulagat, sinasaway siya gamit ang mga mata.
Lihim siyang napahagikgik tuloy. Maano bang paglaruan niya ang bilyonaryo? Nakakatuwa naman pala ang itsura sa harap ng lola nito. Ang kaninang matapang at pasupladong itsura ay tila umamong aso—hindi naman puwedeng maging tuta ang malaking tao na tulad nito—kaya oo, aso nga. Pagkatapos ng tukmol ay aso naman ngayon.
"Opo. Kailangan niyang itali sa kama minsan dahil binabangungot po siya. Nagpa-check up na po 'tong apo ninyo, 'wag na kayong mag-alala Lolly, at ako na po ang bahala. May alam po ako sa masahe."
"Ma—Masahe?! Ano? Ano ba 'tong babaeng ito, apo?!" Kandalukot ang mga kilay ng matanda sa kaniya.
Nang sulyapan niya ang apo nito ay lukot din pala ang makakapal na kilay niyon.
Ngumiti siya, labas ang lahat ng kaniyang ngipin. "Opo. E, minamasahe kasi 'yung mga ganyan na lalaki. Kayo naman po, parang hindi kayo dumaan sa ganitong edad."
"Santisima!" tugon sa kaniya ni Lolly. Parang biglang nahilo ito dahil napasapo sa sariling noo.
To the rescue naman siya, kung may malapit na tao sa puso niya ay ang mga matatanda iyon. Kaya nga ba magaan sa kaniya na biruin ang matandang babae, nami-miss na kasi niyang gawin iyon sa lola niya.
To the rescue rin naman ang apo nito, pareho nilang hinawakan sa likod nito si Lolly. Ang siste, tatlo tuloy silang tila nagyakapan ngayon.
"Personal assistant o type ka lang nitong apo ko?"
"Lolly naman!"
Doon na napahagikgik si Tangi. Nakakatawa naman kasi ang itsura talaga ni Thorn—nanlaki lang naman ang mga butas ng ilong nang dahil sa tinuran ng sariling lola nito.
ANG akala ni Tangi ay nagbibiro lang ang lola ni Thorn nang dumaing ito kanina na sumakit ang tuhod bigla.
Sa mga napapanood niya kasi na palabas sa TV o telenobela ay kinakawawa ng mga lola o nanay ng bidang lalaki ang babaeng inuwi nito. E, hindi niya nais na mailagay sa kategorya na 'bidang babae' kaya nga biniro niya si Lolly na may maganda palang pangalan—Lolita. Doña Lolita ang tawag dito ng mga maid na naroon pero hindi siya makikitawag ng ganoon dahil mas feel niya na may tinatawag siyang lola na naman.
"Ayos na po ba ang pakiramdam niyo?" tanong ng dalaga sa ginang. Alam naman din niyang ayos na ang pakiramdam nito dahil hindi na matigas ang mga muscles sa gawing binti nito.
"Okay na 'ko, hija. Salamat ah, marunong ka pala talagang magmasahe."
Napangiti siya. "Biro ko lang po 'yun. Hindi po ako propesyonal na masahista. Natutunan ko lang 'yan sa pag-aalaga po sa lola ko. May rayuma rin kasi siya."
"Naku, e, ang isang maid ni Thorn dito na si Eva, marunong din daw magmasahe at maghilot, mayroon pang langis na may dasal galing daw sa probinsya nila pero naka, no'ng hawakan na ako ay ang bigat ng kamay!" reklamo ni Lolly Lolita.
Pagak siyang natawa. "I-relax niyo lang po ang muscles niyo sa tuwing susumpong 'yan. Pasensya na, mukhang na-stress kayo sa biro ko kanina kaya po nanakit 'yan."
"Hay, hindi naman. Talaga lang nananakit ito kapag gusto."
"Baka rin kasi sa lamig, Lolly." Tumayo na siya. Hininaan niya ang aircon sa kuwarto nito nang pumayag itong bawasan niya iyon.
"Sige na, iwan mo na 'ko rito at mag-uusap pa kayo panigurado ng apo ko. Unang gabi mo pa lang dito ay naistorbo na kita. Si Thorn ang boss mo ay ako pa ang nangailangan ng service mo kaagad."
Tipid niyang nginitian lang ang doña. "Wala hong problema sa service. Flexible naman po ako."
"Ay, kaya ka pala nagustuhan ng apo ko."
Napahagikgik na naman siya. Palabiro rin talaga si Lolly. Bago siya lumabas sa kuwarto ay naisip niya tuloy na bakit ba siya humahagikgik sa ganoong kasimpleng pagbibiro ng matandang babae? Baka isipin pa ng doña na tila siya kinikiliti dahil doon.
Naipilig na lang niya ang sariling ulo upang mapalis ang kung ano-anong naiisip niyang kalokohan. Samatalang ang dapat niyang isipin ngayon ay ang dahilan ni Thorn sa pagbili sa kaniya. Iyon naman rin kasi ang siyang dahilan niya kung bakit siya pumayag na sumama sa bilyonaryo. Kung hindi niya gustong alamin ang rason nito, alam niya sa kaniyang sarili na hindi siya mapapayag ng lalaki sa gusto nito kahit tanggalan pa nito ng trabaho ang lahat ng tao sa mundo.
Nalaman ni Thorn na maawain siya kaya iyon siguro ang napili nitong ipang-blackmail sa kaniya, pero dapat na alam din nitong ibang usapan na kapag ang gusto na niya sa hindi.
Dapat na alam din nitong hindi siya napipilit ng kung sino kapag ayaw niya. Kaya sisiguraduhin niyang magtutuos sila ng bilyonaryo ngayong gabi na mismo.
For real.
"KUMUSTA si Lolly?"
Tipid niyang nginitian si Thorn na kaagad siyang sinalubong nang lumabas siya sa kuwarto ng abuela nito. "Okay na. Nag-relax na ang muscles niya."
"Salamat sa pag-asikaso sa kaniya. Kung si Eva na naman ang humawak sa kaniya ay magrereklamo na naman siya."
"Kung ang lola mo ang magiging trabaho ko sa 'yo, buong puso kong tatanggapin 'yan," aniya sa lalaki. Dumiretso siya sa sofa at naupo siya roon. Napuna niya kasi ang mga papel na naroon ay ballpen.
Hindi nga siya nagkamali ng hinuha na kontrata iyon.
"Actually, wala naman akong planong ipatrabaho sa 'yo sa bahay na ito, Tangi."
Kunot-noo na nag-angat ng tingin ang dalaga. "Nabasa ko nga dito," sabi niya sa bilyonaryo, tukoy ang kontrata na hindi na niya kinagulat na pirmado ng lawyer kaagad kahit sabihin pa na magkasama sila kanina pa ni Thorn.
Napabuga ng hangin ang lalaki na naupo rin sa kabisera niya. "Ginusto ko lang na bilhin ka dalhin gusto ko lang."
"At alam mong kahit sa pandinig mo ay isa 'yang kabaliwan."
Thorn shrugged. "Honestly, siguro nga ay kabaliwan. Hindi ko naman masasabing obsessed ako sa 'yo dahil bago pa maganap ang lap dance ay binili na kita sa manager mo."
Nagulat si Tangi. Hindi niya alam iyon. "Baliw ka na nga yata. Hindi ako nagpapabili and yet, binili mo 'ko. Wala kang dapat na iligtas sa 'kin dahil hindi naman ako humihingi ng saklolo and yet, sinabi mo kanina na ililigtas mo ako—"
"Ililigtas nga kita sa kabaliwan na ginagawa mo sa buhay mo. Hindi ka nararapat sa cheap na beerhouse na 'yon pero naro'n ka at pinapayaman lang 'yung matabang babae na politiko," putol ni Thorn, inulit lang ang sinabi sa kaniya kanina.
Napabuntong-hininga siya. "So, wala kang konkretong dahilan. Trip mo lang talaga ang lahat…"
"You can say that," balewalang sagot sa kaniya ng binata. "Puwede mong isipin na ginawa ko lang 'to para maging maluwag ang lahat sa 'yo. Nang malaman ko ang ginagawa mo sa sarili mo, ang ginagawa mong pagrerebelde dahil sa pagkamatay ng lola mo ay naantig ako."
"At inaakala mo talaga na bibilhin ko 'yan?" Nakataas ang isang kilay ni Tangi na sambit. "Kahit sinabi ko na sa 'yo na noon ay ginusto kong makapag-asawa ng mayaman pero hindi na ngayon dahil wala na ang lola ko?"
Kailangan ni Thorn na magsabi sa kaniya ng totoo. Kung hindi ay lalayasan niya ito ora mismo. Pinaparating niya ang mensaheng iyon dito sa pamamagitan ng tingin niya at daliri niyang kasalukuyang nilalaro na ang ballpen na hinanda nito para sa kalokohan na kontratang nasa kaniyang harap.
"What if… ang rason ni Lolly ang sabihin ko sa 'yo ngayon?"
Iningusan niya ito. "Tigilan mo 'ko, Thorn," banta niya rito pagkuwan.
"Alright. I'm sorry Tangi, ginagawa ko lang 'to dahil sa guilt na kumakain sa 'kin. Tama ka sa sinabi mo na binabangungot ako."
Nalukot ang mga kilay niya. Totoo ba ang sinasabi nito sa kaniya? O sadyang baliw talaga ito?
"Ano?"
Titig na titig sa kaniya ang lalaki. Humugot muna ito ng malalim na hininga bago siya sagutin. "Pinangako ko sa lola mo na hindi kita pababayaan."
"K—Kilala mo si Lola?" Nang tumango si Thorn ay hindi niya alam kung saan galing ang kaba na biglang dumunggol sa dibdib niya. "Paano mo siyang nakilala? Walang kakilala ang lola na ganito kayaman na tao, sigurado ako, 'yung… ano lang…"
"Yung taong kamuntikan nang makasagasa sa kaniya. I'm sorry, Tangi, ako nga ang taong 'yon. Bago siya malagutan ng hininga sa bisig ko ay pinangako ko sa kaniya na hindi ko pababayaan ang nag-iisa niyang apo."