"DUMATING ang ambulansya no'n pero dineklara nang wala na ang lola mo kaya diniretso na nila sa… I'm sorry again, Tangi."
Hindi ito kumibo. Nagtaas-baba ang dibdib ng dalaga pagkatapos ng ilang segundo na pananahimik lang. Marahas din itong lumunok. Nawalan ng kulay ang mga knuckles na nakapaikot sa hawak na ballpen.
She pressed her lips firmly before she replied, "Okay."
Sa lahat naman ng salitang okay na narinig ni Thorn ay iyon na ang hindi ayos pakinggan. Napaawang na lang ang labi ng bilyonaryo nang simulan na ng pinagmamasdan niyang babae na harapin ang papel na nasa harapan nito…
Iyon na yata ang pinakamahabang segundo na pagpirmang hinintay niya sa buong buhay niya.
Pagkatapos niyang sabihin kay Tangi na siya nga ang taong naglagak sa lola nito sa funeraria ay walang salitang pinirmahan ng dalaga ang kontrata na nagsasaad na ito ay binayaran na niya.
"Done." Kibit-balikat na sambit sa kaniya nito. May kapiraso pang ngiti sa labi.
Kalmado. Sobrang kalmado ni Tangi at dapat na aminin ni Thorn na mas kinakabahan siya ngayon sa astang iyon ng babae.
Tumayo ito, huminto sa paglalakad nang mapatapat sa kaniya.
"Ta—Tang—"
Daliri ng dalaga ang pumutol sa kaniyang sinasabi.
"Tang 'na ka, Thorn. Sinasabi ko na nga ba at isa kang malaking tinik sa lalamunan ko," maanghang na wika ni Tangi. Ibinaba nito ang daliri pagkuwan. Bumuga ng hangin. "Magpapahinga na 'ko. Bukas ko na lang kukunin 'yang cash na 'yan."
"'Yan lang ba ang sasabihin mo pagkatapos kong aminin sa 'yo ang tungkol do'n?" Inawat niya ang paglalakad ng babae.
Tumigil naman ito ngunit hindi siya nilingon man lang. "Uh–huh. Hindi ko na gustong pag-usapan pa ang tungkol d'yan."
"Goodnight then."
She shrugged. "Goodnight din, Thorn. 'Wag ka sanang bangungutin ngayong gabi."
Huwag daw sanang bangungutin. Pero huwag ka, gustong-gusto naman na maitali siya para makaganti.
***
NAKALIGO na ang Tangi na nagbukas ng pinto. Nakasuot ng simpleng shirt na litaw ang impis na tiyan at maong na literal na short—sa iksi.
Nag-cross arms ito at sumandal sa haba ng pinto bago siya pagmasdan nang nakataas ang isang kilay.
"Good morning," alanganin man ay binati pa rin ito ni Thorn.
"Hmn, anong sa 'tin?"
"Uh, mag-aalmusal na, pinapatawag ka ni Lolly." At least, totoo ang sinabi niyang iyon.
"Sa dami ng maid mo, ikaw pa talaga ang narito para tawagin ako?"
Luminga-linga ang dalaga sa pasilyo. Hinahanap yata ang mga bodyguards niya o maids?
"Walang bodyguards sa loob ng bahay. Nando'n sila sa pintuan lang kapag hindi naman ako lumalabas," aniya.
"Ah… kaya pala."
"So, let's go?" kayag niya rito. Hindi na siya masyadong nag-alangan dahil maayos naman ang gising ng kausap.
Mukhang maayos naman talaga at nauna nang maglakad nang kayagin niya.
"'Wag mo nang masyadong pakatitigan 'yang kuyukot ko, mas-stress ka lang d'yan."
"Huh?" Hindi naman siya—okay, awtomatiko siyang napatingin sa pang-upo ni Tangi nang tumalikod ito pero unintentionally naman iyon—
"Mas-stress ka lang dahil hanggang titig ka lang d'yan," seryoso ang tinig na wika pa sa kaniya ni Tangi.
Pagak siyang natawa. Hindi siya makapaniwala sa salita nito ngayon sa kaniya. "Alam mo ba na may mga bagay na mas mainam na pagmasdan lang?"
Sinulyapan siya ng dalaga. "Wow. Alam mo pala 'yan?" sarkastiko nitong sambit.
Mas natawa lang ang bilyonaryo. "Oo naman. Katulad niyang katawan mo at katawan ng kahit sinong babae. Kung ayaw magpahawak, bakit hahawakan? Kung hanggang titig lang, bakit naman kami mas-stress?"
"Nakaka-stress kasi kahit anong gawin mo, hindi mo naman 'yan makukuha o mahahawakan man lang."
"Kapag ginusto ko ay kinukuha ko."
"Binibili mo. And sadly, nabili mo ako pero hindi nang buo," ganting salita ng babae. Saka tumalikod na ulit.
Kung ganito ang makakausap mo sa araw-araw, ewan na lang ni Thorn kung hanggang kailan magiging matino ang utak niya.
"Hindi ko naman hiniling na bilhin ang kabuuan mo."
Neon pink naman ang kulay ng tsinelas ni Tangi pero hindi niya alam kung bakit nang lumipad iyon patungo sa noo niya ay huli na para mailagan niya.
Ah, mas hindi niya alam alam ang rason kung bakit siya hinagisan ng tsinelas ng may-ari niyon…
"Akina 'yan!" bulyaw nito, kinukuha ang tsinelas na ito naman ang naghagis. Kasalukuyan na niyang nadampot kasi iyon.
Magaan ang tsinelas, buti na lang at goma, hindi siya gaanong nasaktan kahit nasapul naman siya ng dalaga.
"Ikaw ang lumapit, ikaw naman ang may kailangan."
Lumipad na naman ang kapares ng tsinelas! Na sa pagkakataong iyon nailagan naman na niya.
Pag-iling na lang ang tanging nagawa ng bilyonaryo nang habulin niya ng tingin ang dalagang nagmartsa na palayo.
NAIPILIG na lang niya ang sariling ulo nang mahagip ng kaniyang tingin ang paglunok ni Lolly. Natakam kasi ang doña sa inilapag sa mesa ng maid na si Eva na pork adobo.
Nakakatakam naman talaga iyon dahil walang sabaw ang pagkakaluto. Nagmamantika. Mabango.
"Tangi, hija, alam mo ba na ang ganda mo," out of the blue ay puri sa kaniya ni Lolly.
"Lolly, yes, alam ko 'yun." Nakangiti niyang tugon. "Pero alam ko rin po na hindi dapat narito ang pork adobo na 'to dahil almusal lang naman ang kinakain natin. Makakasama rin po sa inyo 'to. Ms. Eva, please, pakialis 'to," aniya kay Eva pagkuwan.
"Pero request kasi 'to ni Sir Thorn…" alanganin na sagot ng maid sa kaniya.
Oo nga naman, ang huli nga pala ang amo nito.
"Thorn, iutos mo nang alisin 'to," baling niya sa lalaki na nasa gawing kanan niya.
"Hija, paborito kasi 'yan ng apo ko."
"Lolly, may bacon na sa breakfast mo," pakikipagtawaran naman niya sa doña.
Tumikhim ang magaling na apo nito. "Eva, sige na, pakialis na lang."
Nalukot ang ilong ni Doña Lolita. "Hay, akala ko pa naman ay mabobola kita, hija!"
"Kahit totoo ko po kayong lola, hindi uubra ang pambobola niyo. Besides, again po, hindi ka naman nawalan ng pork, Lolly." Minuwestra niya ang bacon strips na nasa hapag. "Sobrang daming fats no'ng adobo na 'yon. Kung nais nang mamatay nitong apo niyo, hayaan niyo na siyang mag-isa."
Natawa ang doña. Maluwag siyang nakahinga dahil doon. Akala niya kasi ay susungitan siya nito na naman sa pangingialam niya. Chill lang naman sa kaniya kung nagkataon, tiwala kasi siya na kaya niyang paamuhin ang matanda at trained na siyang gawin iyon sa kaniyang yumaong lola.
"Missy, mao-ospital muna ako kung sakali bago ang kamatayan," ani Thorn.
Inismiran niya ito. "Okay. Basta lagi mong isipin na dapat ay mag-isa ka na lang, 'wag ka nang mandamay."
Nginisian lang naman siya ng tukmol.
"Sige na nga. Kakalimutan ko na ang pork adobo na nagmamantika at walang sabaw. Gosh! Ang hirap ayawan ng pork, hija, sa totoo lang," anang ginang.
"Mahirap po talaga kaya maliit na portion a day po ay sapat na."
Bumalik si Eva, napasulyap siya saglit dito. May bitbit naman na condiments ang maid, dumiretso ito sa puwesto ni Thorn.
"Mahilig kasi ang apo kong 'yan sa rice meal sa umaga saka sa maalat."
"Wala namang problema sa hilig niya, Lolly, basta lang sana ay kaya niyang mag-sacrifice for you. Sumakit na nga po ang tuhod niyo kagabi e," pasensyosa pa rin na turan niya sa matandang babae.
Nirolyohan lang siya nito ng mga mata, nakangiti naman. Nag-focus na sila pareho sa pagkain na nasa harap nila pagkuwan.
"Masarap ka kaya, Tangi?"
Natigil ang akmang pagsubo ni Tangi sa kinakain niya. Gayundin si Doña Lolita. Sabay nilang nilinga ang apo nito.
Napabungisngis na agad ang matanda, siya naman ay napanga-nga, paano ay nakabitin lang naman sa ere ang bote ng toyo—wagayway ng apo nitong tukmol!
Mas napanga-nga na lang siya nang itaktak ng bilyonaryo ang toyo na iyon sa kanin nito!
Bilyonaryong napag-ulam niya ng toyo sa sariling bahay nito? Gah, dapat niyang aminin na nakakahiya iyon ngunit hinding-hindi niya gagawin dahil sinabi lang naman nitong isa siyang toyo!
"Fried rice na mas maraming Tangi, hmn, not bad. Masarap naman pala…"
***
"WHAT?! Pa'no nangyaring bigla na lang kay Acostal na mag-e-endorse si Gianna Harmonica?!"
Bahagyang napatalon sa gulat si Tangi nang marinig niya ang pagdagundong ng boses na iyon ni Thorn. Hinahanap niya ang huli nang maulinigan niya nga na tila may nag-uusap sa isang gawi ng malaking bahay na iyon.
Kukulitin niya sana ito kaya niya hinahanap—kukulitin niya dahil iyon lang ang nakikita niyang maaari niyang gawin sa bahay na iyon nito. Ang brainy niya talaga minsan!
"Wala pa siyang kontrata sa company mo, that's why," anang tauhan ng lalaki na si Gerson.
"Sinasabi mo sa 'kin ngayon na ganito sila kapabaya? Pinabayaan nila si Gianna, kahit alam naman nila ang tindi ng kompetisyon sa amin ni Crey Acostal!" galit na sabi na naman ni Thorn.
Hirap man siya ay sinilip niya pa rin ang mga nag-uusap. Kandabali man ang kaniyang leeg, wala siyang pakialam. Tsismis is life.
Saka, parang kilala niya ang nabanggit na Crey Acostal…
"Thorn, kalma lang. Pasasaan ba at magagawan natin ito ng solusyon," pagpapakalma ni Gerson sa amo.
"Dapat lang! Nyemas! Maghanda kayo, sasadya ako sa opisina ngayon din," mariin na utos ng boss sa mga tao nito.
Mayamaya pa ay naulinigan niyang naglakad na ang mga ito. Papalapit na sa puwesto niya ang mga yabag, manlaki man ang mga mata ng dalaga ay late na niyang na-realize na wala naman siyang ibang puwesto na pagtataguan!
"H—Hi!" tanging nasabi na lang ni Tangi nang magkita sila sa mga mata ni Thorn. Alanganin niyang nginitian ang lalaki.
"Anong ginagawa mo d'yan?" agad na sita sa kaniya nito, kunot na kunot ang makapal na mga kilay.
"Ahm, nakikinig?—pinakinggan ko kayo," reply niya.
Aba, alam naman niyang kapag buking ka na ay pag-amin na lang ang tamang gawin 'no!