"IPINUSTA mo talaga ang BMW mo," bulong ni Gerson sa kaniyang tabi. Kasalukuyan na nakatitog sila pareho kay Tangi na nagsisimula nang maghanda para sa last product na kukunan dito.
Gaya sa nakasanayan ay hindi niya nilingon ang kaibigan. Nanatiling nakakrus ang mga braso niya sa kaniyang dibdib at ang mga mata ay nasa babaeng panggulo pa yata talaga ang ibibigay sa buhay at sistema niya. "Pustahan natin 'yun, okay lang."
"Okay lang na matalo ang BMW mo?"
"Wala pa naman ah," tugon niya, kuyom niya ang kamao na nakakapit sa sariling braso. Paano ay nagsimula nang langhapin ni Tangi ang aroma ng kape. "Hangga't hindi pa tapos ang shoot na 'to, hindi ka pa panalo, Gerson."
"Well, oo. Pero sana ay hindi ka masyadong umasa."
"Lagi namang pinapaalala ni Lolly sa 'kin na huwag akong umasa. Masasaktan lang daw ako sa huli kapag hindi nangyari ang inaasahan ko. So, nagkakamali ka kung inaakala mong inaasahan kong magbabago ang desisyon niya."
May kalakasan na tinapik ng kaniyang kanang kamay ang balikat niya. "Sobrang katapangan ang ilaglag mo ang negosyo mo para sa babaeng binili mo naman kung tutuusin nang dahil lang sa pangako mo sa lola niya."
"Hayup lang ang kaya kong patayin, Gerson. Alam mo 'yan. Kaya nang mamatay sa bisig ko ang lola niya ay sinumpa kong kahit lahat ng yaman ko ay ibibigay ko bilang kabayaran sa nagawa kong mali. Kung d'yan siya magiging masaya at kung d'yan matitigil ang pagrerebelde niya, so be it. Kaya kong tanggapin 'yon. Besides, ang lahat ng mayroon ako ay nakuha ko naman sa hindi maayos na paraan, alam mo 'yan." Nilingon niya ito, "Kung sakaling ikaw ang tama sa pustahan nating ito, sasamahan mo naman akong makabangon ulit, hindi ba?"
Mas lumakas ang tapik ni Gerson sa balikat niya. "Hanggang sa kahuli-hulihang sentimo mo ay kasama mo ako."
Napangiti siya. "Pero maniwala kang hindi 'yon mangyayari. Mahal ni Tangi si Lolly."
Tumikwas ang mga kilay ng matalik niyang kaibigan. "Hindi naman mangyayari talaga 'yon. Ikaw pa ba? Basta hindi mo iindahin, kaya mo 'yan. Isipin mong pagsubok lang 'to. At, paalala lang, si Doña Lolita ay wala pa hanggang sa mga oras na ito. The last time I checked, on the way na raw."
'Yun nga lang. Nasaan na nga ba si Doña Lolita? Hindi naman niya inobliga ang kaniyang abuela na pumunta pero tama rin naman si Gerson na baka malaki ang maitutulong ng presensya nito sa pagbabago ng isip ni Tangi.
"Parang hindi mo siya kilala, ang on the way niya ay pagpapahid pa panigurado ng kung ano-ano sa kaniyang mukha."
Balewalang nagkibit-balikat bilang tugon sa kaniya si Gerson. "Hindi ka na maaaring kumurap pagkatapos niyang matamis na ngiti na 'yan ni Tangi sa harap ng camera," makahulugang ani nito pagkuwan.
Napabuga siya ng hangin. Kailangan na lumuwag ang kaniyang paghinga dahil lethal ang matamis na ngiti ni Natatangi. Wala tuloy sa loob na binuksan niya ang unang tatlong butones ng suot niyang long sleeves.
Hindi na nakakapagtaka talaga na maraming nakuhang puso ang gandang iyon. Hindi nga ba at isa na ang puso niya roon?
Tang'na, umaamin na siya. Ang baduy niya. Pero oo rin, nakuha na nga ng babaeng kinagigiliwan makita ng mga mata niya ang kaniyang pihikan na puso.
Sinumpa niya noon na hindi siya magmamahal ng babae dahil halang ang kaluluwa ng taong gumawa sa kaniya. Natatakot siyang dumating ang araw na lumabas ang demonyo sa loob niya na namana niya rito kaya nga niya ito napatay sa mura niyang edad. Pero binali lamang ni Tangi ang sumpa niyang iyon. Kasehodang sinusubukan pa ngayon ng babae na gisingin ang demonyong matagal nang tulog sa katawan niya.
"Hindi ko alam ang gagawin ko sa 'yo. Hindi ko alam kung ano ang magagawa ko sa 'yo pagkatapos nito, Natatangi."
Ang ginawang pakikipagkasundo pa nga lang ni Tangi sa kalaban niya ay masakit na. Nakakagulat na mas nasaktan pa nga siya sa ginawang iyon ng dalaga kumpara sa kawalan ni Gianna ng utang na loob sa kaniya.
MALAKI ang shirt na suot niya, nakalaylay iyon sa isang balikat, nakasilip talaga ang bra—ililitaw talaga kasi ni Tangi sa harap ng camera ang balikat, kapirasong pasilip sa dibdib at kaniyang leeg. Cycling short lang ang pang-ibaba, messy ang hair, para kaakit-akit ka sa umaga ang vibe.
"I so love this slimming coffee," kapirasong linya niya para sa commercial.
Pagkatapos ay nag-pose na siya na hawak ang tasang may kape. Para naman sa pictures for promotion. Hinipan niya iyon, hinigop nang nakangiti, ninamnam ang lasa nang nakapikit. Saka ibinaba sa mesa ang tasa.
That's it. Another behind the scenes vid ang natapos nila. Ganoon ka-hype sa social media, kailangan may pa-BTS at pa-live. Kasama iyon sa offer niya dahil influencer siya kaya may ganoon silang arte.
"Last one! Last one!" sigaw ng direktor.
Tumango siya. Inayos na niya ang pagkakaupo niya sa countertop gayundin ang damit at kaniyang buhok. Nag-focus na siya. Iniwasan na niyang lumingon sa kabilang kuwarto kung saan naroon ang 'boss' nilang lahat ng mga naroon.
Tapos na siyang umarte na nasiyahan sa nainom na kape. Sinadya niyang nasarapan talaga ang kaniyang itsura nang humigop siya ng kape, nagustuhan iyon ng direktor, dalawang okay sign gamit ang mga daliri ang inangat nito sa ere.
"Simulan na natin ulit, ready!" hudyat ulit ng direktor.
Ngingiti na lang siya, dadamputin ang box ng slimming coffee, ihaharap iyon sa camera at tapos na. . .
"ABA'Y matatapos na pala! Buti nakaabot pa 'ko!"
"L—Lolly!" Kung napakasaya man sa pandinig ng iba ang boses ni Thorn nang batiin niya ang kadarating lang na abuela ay bahala na ang mga ito. Basta siya ay masaya naman talaga sa pagdating ng lola niya. Again, baka kasi mabago pa ng lola niya ang desisyon ni Tangi. "Bakit ngayon ka lang?" Lukot ang ilong na sabi niya sa lola niya. Iningusan niya ito matapos niyang salubungin ng yakap.
"Traffic! Bakit ba kasi 'yung bahay na malapit dito sa company mo ay hindi mo tirhan!"
Siya pa talaga ang sinisi nito. Napakamot na lang ang bilyonaryo sa sariling kilay. Ngali niyang sabihin na mukhang gagawin na nga niya iyon bukas na bukas din.
Isa siyang negosyante, dapat niyang aminin na iindahin niya ang napipintong gagawin ni Tangi pero siya rin naman ang may malaking problema.
Alam naman niya na ganoon na nga, na-confirm niya naman kanina ang hinala ni Gerson, narito na sila, may pagkakataon pa para maawat niya ang plano ni Tangi pero hindi, sinusubukan niya pa rin na mapagbabago ng halik niya at ng kaniyang lola ang isip nito. Nanunubok pa rin ang kaniyang puso. Higit na umaasa ang puso niya na mapagbabago ng kung anong meron sa kanila ng dalaga ang isip nito.
"Soon siguro, Lolly."
"Oo, dyaske ka! Kamahal pala ng kuryente doon sa gusaling tinitirhan mo. 'Pakayabang mo talaga!"
Pagak na lang siyang natawa. Tinalikuran na rin kasi siya ni Doña Lolita.
"'Yan bang magandang modelo ay maaaring istorbohin?"
"Kawayan mo lang, Lolly," si Gerson ang sumagot.
"Kakatukin ko ang salamin," ani Lolly. Bago pa sabihin ay ginawa naman na ang pagkatok sa salamin, saka kumaway.
Kaso ay hindi naman napuna ni Tangi. Inulit ng lola niya, wala pa ring effect.
"Pupunta ako sa kabila," anunsyo ng doña, "Doon ako manonod para makita ako ng aking apo."
Dahil lola niya ito, hindi naman ito papaawat na pumunta sa kabilang kuwarto. Hindi rin ito haharangin ng mga staff niya't takot lang ng mga ito sa abuela niya.
"Si Boss Thorn po ang apo niyo, Lolly," paalala pa ni Gerson.
"Apo ko na rin si Tangi. Pakakasalan siya ni Thorn. Bibigyan nila ako ng apo na wala nang tinik at ako'y rindi na sa mga pangalan nilang dalawa," seryosong sabi ng lola niya kahit alam naman nilang nagbibiro ito.
He couldn't smile though. Kahit kasi siya ay seryosong napalunok na habang nakapamulsa ang dalawa niyang palad.
Nasa box na kasi ng slimming coffee ang mga kamay ni Natatangi.
LIHIM na napalunok si Tangi nang masulyapan na niya ang senyal ng direktor para sa pag-angat sa ere ng box ng kape. Ipapakita iyon sa harap ng camera habang siya ay nakangiti nang walang lilitaw na ngipin, hahalik sa box ng kape at saka ngingiti ulit na ang lahat naman ng ngipin niya ay nakalitaw.
Iyon ang signal na pinakahihintay niya. Nagulat man siya sa nanginginig niyang palad ay dinampot niya pa rin ang box ng kape. Baka dahil lang sa lamig ng kuwarto kaya nanginig ang palad niya. Wala naman sigurong ibig sabihin iyon.
"Alright, ready, Tangi, in three, two. . ."
As usual ay isang pagtango ulit ang tinugon niya rito. Naghanda na siyang mag-project ng ngiti sa harap ng camera. Magtatapos ang ngiti niyang iyon sa tila halakhak niya nang nakatingala. Napakagandang eksena nga. Nababagay talaga sa plano niya dahil siya ang nag-suggest niyon sa direktor.
Simple lang, sinabi niya rito na mukha niya ang naka-front kaya alam niya kung ano-anong anggulo niya ang tunay na maganda sa harap ng camera. Kaagad itong pumayag dahil nakita naman na nagsasabi siya ng totoo.
"One!"
Ngumiti na siya, inangat niya na sa ere ang box ng kape at gaya sa nasa script ay dinampian niya iyon ng halik. Then harap ulit sa camera—
Si Lolly! Natigilan niyang sigaw sa kaniyang isip.
Nagulat siya na naroon ang matandang doña—nakangiting kumakaway pa sa kaniya!
Lihim na napigil niya ang kaniyang hininga. Kung nagulat man siya na naroon ang lola ni Thorn ay mas nabigla naman siya na pati ang apo nito ay pumunta na rin sa kuwartong iyon, kasunod nito si Gerson at si— Aleli. . .
FOCUS! LIVE TAYO! Iyon ang nakasulat sa inangat sa ere na papel ng direktor. Obvious naman na para iyon sa kaniya. Saglit kasi siyang natigilan.
Focus sa goal, Tangi! saway rin niya sa sarili pagkuwan.
Sinimulan na niyang umarte na pabungisngis na ngumiti. Dinikit niya sa kaniyang leeg ang box ng kape, bahagya siyang tumingala habang nakangiti siya na ang lahat ng ngipin ay nakalabas. . .
Hindi niya alam kung bakit sa lahat naman ng araw ay ngayon pa malinaw na sumingit sa diwa niya ang huling pag-uusap nila ng lola niya. . .
"Sinabi ko naman sa inyo, mailalabas ko kayo sa ospital at lalakas ka ulit, Lola," malambing na niyakap niya ang lola niya.
Kakauwi lang niya mula sa mansion kung saan nangangatulong ang lola niya. Diinatnan na niyang naghuhugas ng pinggan ang kaniyang abuela. Nakakatuwa iyong makita dahil magmula nang manggaling sa ospital mula pagkaka-admit sa sakit sa baga ang matanda ay nakitaan na ito ng panghihina. Indikasyon ang paghuhugas nito na unti-unting bumabalik na ang dating lakas nito.
"Apo, nakakahiya naman sa 'yo kung hihilata ako maghapon."
"Lola! Hindi ko sinabing pagurin mo ang sarili mo ha. Alalahanin niyo, wala pa akong nahahanap na asawang mayaman. Hindi pa natin afford na makabalik ka sa ospital," biro niya rito. Hinanda niya sa mesa ang bitbit niyang pagkain.
Dahil nga galing sa ospital ang kaniyang lola, limitado pa ang kilos nito, binilinan niya na huwag na munang magluto at maglaba, nakakapagod kasi ang gawain na iyon.
"Oo apo, magpapagaling ako para hindi mo na kailangan na maghanap ng mapapangasawang mayaman. Siraulo ka talagang bata ka, oo."
Napahagikgik na lamang siya. Masaya siyang marinig ang simpleng salita na iyon mula sa lola niya dahil nang mga nakaraan na araw ay sumusuko na ito at panay ang bilin na mag-iingat siya.
Nang magkasakit at maospital ang lola niya ay saka lang niya nalaman na ang pagpapalaking ginawa sa kaniya nito ay mas lamang sa kainosentehan. Napakaraming gawain pala ang nasa labas ng bahay nila at escuela na ngayon lang niya nalalaman. Buti na lang at madali siyang nakaagapay sa kalakaran ng buhay.
"Magpagaling ka, Lola ha, kapag iniwan mo 'kong mag-isa, kawawa naman ako. Mamamatay rin ako."
Pabiro siyang pintik nito sa noo. "Hindi hihinto ang buhay mo nang wala na ako. Hindi mo kailangan na mamatay kung sakaling isang araw ay datnan mo na akong walang buhay. Ang pag-aasawa na sinasabi mo ay matatagpuan mo pa. Mayroong taong para sa 'yo."
"Kahit wala nang mapangasawa. Basta ikaw ay nariyan pa, Lola. 'Yun ang hiling ko sa araw-araw, pareho lang naman 'yun ah."
Nagpagaling ang lola niya. Nakakakilos na nga nang maayos. Dangan lang at ginimbal siya ng balita na wala na ito dahil sa walang kakuwenta-kuwentang dahilan. Walang kasing sakit iyon para kay Tangi. Iyong masaya na sana sila na kahit paano ay siguradong madurugtangan pa ang buhay nito tapos… mamamatay lang pala ito sa aksidente.
At ang nakaaksidente sa kaniyang lola? Hayun, mataman na nakatingin sa kaniya sa mga oras na iyon. Inakala nitong mababayaran ng pera ang buhay na kinuha nito.
"T—Tata…" nabasa niyang sabi ni Aleli, tinatawag lang siya nito sa palayaw niyang iyon kapag seryoso na itong sa pagsaway sa kaniya.
Iniwasan niya ng tingin si Lolly at si Aleli, sadyang sinalubong niya ang mga mata ni Thorn upang makita nitong walang hindi maaaring gawin ang pusong nawalan. Well, bilyonaryo naman ito, buti pa nga ito, makakabangon pa. E, siya ba?
Nakangiti siya pero ang ngiting iyon ay peke.
Ito lang ang kaya niyang iganti sa isang Thorn Anzurez kaya bakit siya magpapaawat kay Aleli? Bakit niya iintindihin si Lolly gayong ang sarili niyang lola ay pinatay ng apo nito?
Nasa ganoong mga isipin siya nang unti-unti na niyang hilahin ang box ng slimming coffee.
Hindi niya alam kung humihinga pa ba si Thorn, pero malinaw niyang nakikita ang paggalawan ng perpektong mga panga nito habang nakapagkit ang mga mata sa kaniya.
"Come on, Thorn, ito ang tunay na palabas…"
Kailangan na huwag kumurap ang bilyonaryo. Mabilis lang naman kasi ang gagawin niya.
Mabilis lang na mahugot ang karton ng kape na produkto nito upang mabilad sa live na ang itinimpla niyang kape kanina ay coffee product ni Crey Acostal talaga…
Hindi alam ni Tangi kung kaninong malakas na singhap ang narinig niya. Ginawa na niya ang finale ng kaniyang plano—binuhos niya ang kape ni Acostal sa countertop—malalaman na kay Acostal iyon dahil ang pakete ng gatas ay may logo ng product ng huli. Gayundin ang ginawa niya sa mga beauty products kanina—binalatan niya lahat upang ma-reveal sa lahat na ang laman ng mga iyon ay kay Acostal.
"NASA top drawer ko ang susi ng BMW," bulong ni Thorn kay Gerson.
Sa gilid ng mga mata niya ay nakita niyang nagkibit ito ng mga balikat. "Sa 'yo ko rin naman 'yon ibebenta."
"How cruel. Pero matutuwa si Buwi kung hindi siya maglalayo sa g'wapong amo niya."
Gerson chuckled. "Nagtampo na sa 'yo 'yon, baka uminom na 'yun ng gasolina," biro nito.
Pinag-uusapan lang naman nila ang BMW niya na may pangalan na Buwi. Oo, ganoon yata nila kailangan na maaliw ngayon kaya si Buwi ang topic nila.
"'Pag namatay si Buwi, papatayin din kita."
Humalakhak ang kanang kamay niya. Saka tinapik siya sa balikat. "Susundan mo ba 'yan?" Tumango siya, "'De, good luck. Si Lolly kasi ay nauna nang lumabas. Nag-walk out na."
Napailing siya. Alam niyang kaya nag-walk out ang lola niya'y siguradong magpapahid pa ito ng mga luha dahil na-disappoint ito ng 'apong babae' na malakas ang toyo.
Ganoon lang naman kasimple ang plano ni Tangi—ang ibagsak ang in products ng company niya sa market sa pamamagitan ng pag-expose nito sa lahat na ang pinapagamit at pinapainom niya rito at kay Gianna ay products talaga ni Crey Acostal. Gasgas na taktika pero wise but of course, bibilhin iyon ng mundo dahil maraming tangang tao. Lahat kasi ng nakikita, nababasa at napapanood sa social media ay pinaniniwalaan na ng halos lahat. Alam niya ang sinasabi niya dahil negosyante siya na aminadong nakaka-take advantage sa katangahan na iyon.
The world is full of shitty people like him. Why? Again, alam naman niya ang plano nina Tangi at Crey pero hayun at umasa siya sa power ng peste talagang. . . pag-ibig.