AWTOMATIKONG nilapitan sila ni Gerson, may bitbit na bottled water at candies. Kinuha ang plastic na pinagsukahan ng babaeng napapangiwi sa pandidiri.
"Sorry," hinging paumanhin ni Tangi, in no particular, para sa kaniya saka kay Gerson.
"Normal na masuka kung kinawawa ang atay."
Tumawa ito. "Grabe ka naman sa kinawawa! Ang tagal na nang huli akong uminom e."
"So, puwede na ba tayong umuwi?" tanong niya. May pakiramdam kasi siyang kung magtatagal pa sila nito roon ay malulunod siyang lalo sa ganda nito.
"Saglit lang."
Tsk. Nakakainis. Tumawad pa kasi ito. Bumalik sa kaninang puwesto. Ang pagkalunod sa ganda nito na kinatatakot niya ay nangyari na nga.
"Nagagandahan ka sa 'kin, 'no?"
"No'ng una pa naman kitang makita ay nagagandahan na 'ko sa 'yo." Para saan ang pagde-deny? Hindi naman na sila teenager.
Dumilat si Tangi, hinarap siya. Nakangiti. "Hindi ka rin ba magde-deny kung tatanungin kita ngayon kung gusto mo 'kong halikan?"
He crossed his arms. Mataman niyang pinagmasdan ang mukhang iyon na hinding-hindi niya pagsasawaan na pagmasdan. "'Yun ang gusto kong gawin sa 'yo mula pa kanina."
"Ang honest naman pala neto!" buska ng dalaga sa kaniya. Bahagya pa siyang sinagi sa kaniyang balikat.
Nang hindi siya tumugon ay sinuklian lang ni Tangi ang titig niya.
Hindi naman na bago sa kaniya ang pagbibigay ng signal ng isang babae kapag pumapayag itong magpahalik, mas lalong hindi siya tanga para hindi niya pagbigyan ang gusto niya kaya walang pagdadalawang-isip na hinaplos niya ang batok ni Tangi, hinapit niya ito palapit sa kaniya upang masunggaban niya ito ng halik.
Naghiwalay lamang sila nang pareho na nilang kailangan na sumagap ng hangin.
"Let's go home. Baka hindi ko na tigilan ang labi mo, Tangi," bulong niya, haplos ang pisngi ng huli.
"Wala namang magbabawal sa 'yo."
He smirked. "No. Mas gusto kong sa susunod na halik ko sa 'yo ay pareho na tayong nasa huwisyo."
***
MARAMING nagnakaw ng halik sa kaniya magmula noong grade 1 pa lamang siya. Halos lahat ng iyon ay sa pisngi siya nahalikan.
Wala siyang naging nobyo. Bawal at conservative kasi ang kaniyang lola, lubos lang niyang naunawaan ang salitang iyon nang siya ay nagkaisip na. Kaya rin bilang pagrerebelde sa mundo ay nagwala siya nang mawala ang nag-iisang tao na kumalinga sa kaniya. Hindi nga lang umabot sa puntong ibinigay niya ang kaniyang sarili ng basta ganoon na lamang dahil kahit paano naman ay alam niya pa ang salitang limitasyon.
Ang dami niyang sinabi, nagising lang naman siya na haplos ang sariling labi dahil hanggang ngayon ay dama pa rin niya ang halik ni Thorn.
Hindi pala madaling kalimutan ang unang halik.
Totoo pala ang tila pamamaga niyon…
"Hay, gising, Natatangi!" Mahinang tinapik niya ang sariling pisngi bilang panggising sa nangangarap niyang diwa. Delikado kasi na maglakbay siya sa romantikong daan gayong hindi naman na siya lasing ngayon.
Lasing siya kagabi kaya hindi na niya maalala ang naganap pagkatapos ng halik ni Thorn. Tama. Kukumbinsihin na lang niya ang sarili siya sa mas malaking kalokohan iyon.
Buti na lang, biglang tumunog ang mobile phone niya na nakapatong sa bedside table.
"Bru, saan tayo magkikita mamaya?" bungad sa kaniya ng kaibigang si Aleli.
"Sa labas ng company ni Thorn. Sa may gilid, may mga stone bench do'n, makikita mo," walang pasakalyeng tugon niya.
"Totoo ba ang balita? Na nag-kiss kayo ng boss mo? Ikaw ha, tirador ka ng tinik!" Tumawa ang siraulo niyang kaibigan, self support sa joke nito.
"Shutaca, acla, sineryoso mo talagang i-textmate si Gerson?!" nanlalaki ang mga mata niyang sambit. Biniro lang niya kasi sima Gerson at Aleli sa isa't isa, binigay niya ang number ng bawat isa, at mukhang nagkatotoo sa mga ito ang salitang—the rest, is history!
"Ay, hindi ko pala nasabi sa 'yo? Naku, cha—choppy—ka—"
She rolled her eyes. "Sige na, bye na. Maliligo na 'ko. One ng hapon eere ang live ng final shoot ko sa company ni Thorn. So by 12:30 tayo magkita ha? 'Wag na hindi ka magpapakita sa 'kin," banta pa ni Tangi rito. Mahirap nang baka magbago ang isip ni Aleli kung kailan last minute na.
Hindi ang isang halik lang ang sisira sa mga plano niya.
Tuloy ang plano niya, kahit gaano pa kasarap ang halik na pinalasap sa kaniya ni Thorn. Period.
***
"KAKATAPOS lang na magsuka 'nung babaeng hinalikan mo kagabi, paalala ko lang, kanina ka pa kasi nakangiti na parang timang. Lahat ng empleyado mo ay nagtataka na sa lawak ng ngiti mo."
Thorn shrugged his shoulders. "Nakaayos na ba ang lahat do'n?" malayo sa sinabi ni Gerson na tugon niya.
"Ayos na ayos na. 'Yung babaeng nagpapangiti na lang sa 'yo ang kulang at ikaw na ultimate fan niya," Gerson said sarcastically. "Hindi ko naawat ang halikan niyo dahil nagtapon ako ng sinukahan niya kagabi. Kumusta? Maasim-asim ba?"
"Nope. Salamat sa Snowbear na binigay mo kay Tangi."
Gerson snorted. "Ayos ah. In love ka na nga yata."
"And? What's wrong with that? Hindi naman ako married."
"So, kailan ang proposal mo? Saan? Ano ang theme?" Nakataas ang isang kilay na balik salita sa kaniya ng kaibigan.
"Babalitaan kita, soon," mas sarkastiko niya namang sagot dito.
Nang umiling na lamang si Gerson at hindi na nagsalita, alam niyang doon na nagtatapos ang kung anong pinag-uusapan nilang dalawa na sa simula pa lamang naman ay sila nang dalawa lang ang nakakaunawa.
"Sige na, ihanda mo na 'yang mga pipirmahan mo. Itse-check ko lang kung gising na ang Natatangi ng buhay mo." Tumayo ito, naghanda na sa muling paglabas ng office niya.
"Gerson, 'wag mong kalimutan na ipaalala kay Tangi ang halik na namagitan sa 'ming dalawa. Pakisabi ay pag-usapan namin ang kung ano ang mayroon sa amin pagkatapos ng final shoot niya mamaya," bilin niya rito in sarcastic tone.
Saludo lang ang tinugon ng kanang kamay niya.
Nang mapag-isa siya ulit sa apat na sulok ng office niya ay naipilig niya ang sariling ulo. Gusto niyang mainis sana sa pagiging over protective ni Gerson sa kaniya pero huwag na lang.
Hindi ito ang makakasira sa good mood niya ngayon. Hindi niya kailangan ngayon ang guts ng kanang kamay niya, sabihin pang gaano man iyon ka-accurate. Kahit alam niyang maraming beses siyang iniligtas ng guts na iyon nito mula sa mga pangil na nakaambang sa kaniya pagdating sa kaniyang negosyo.
***
HINDI na-intimidate si Tangi sa unang pagkikita nila ni Thorn kaya siguro nanibago siya nang makaharap niya si Crey Acostal. Isang video call ang pinaunlakan niya sa negosyante. Magandang lalaki rin ito ngunit mukhang arogante. Unlike her Thorn—
Uh, her Thorn?
Saan galing ang kaharutan na iyon? At sa gitna pa talaga ng video call kung saan ang kaharap niya ay katunggali sa negosyo ng lalaking inaangkin niya sa kaniyang isip? Medyo makapal ang mukha niya sa part na iyon kaya napatikhim siya.
"I'm glad that your decision is still final at this point of time, Tangi."
First name basis agad si Acostal sa kaniya, arogante nga maging ang kilos, nag-cross arms ito at sumandal sa kinauupuan.
Tipid siyang tumango. "Hindi basta nababago ang mga plano ko kapag nakahanda ako. Sana ay ikaw din."
Tumawa ito. "Nahalata mo yata na hindi ako masyadong handa, nakakahiya naman sa 'yo," ani nito sa nagbibirong tono.
"Ah, hindi naman masyado. Nakarating lang sa 'kin ang naganap na kasal niyo ni Gianna Harmonica."
"That was so fast, hindi man lang kita naimbita," anang negosyante, animo close sila para sabihin nito iyon.
"No worries. Pasensya na, secret wedding niyo 'yun pero nalaman ko. Tsismosa talaga ako sa past life ko e."
Mas natawa pa ito. "I don't mind, really. Ang sikreto naman ay hindi forever na maililihim."
Speaking of, siyang dating ni Gianna Harmonica sa kuwarto kung saan naroon si Crey, kinastigo nito ang huli. Hindi niya naririnig ang sinasabi dahil agad nag-mute ang negosyante ng audio. Hanggang sa naglaho ang mga ito sa screen nang walang paalam.
"Married couple problems," bulong ni Tangi sa sarili.
Bahala na ang mga ito sa issue nila. Isa lang ang sigurado niya, sa pagtatalo ng dalawa ay halata naman na may kinalaman iyon sa magaganap mamaya. Kung maging hadlang sa plano si Gianna, tiyak din naman na hindi ito hahayaan ng asawa.
Basta siya, okay na siyang malaman na mamaya ay nakahanda ang back up get away vehicle niya—courtesy of isa pang batang bilyonaryo sa Pilipinas—Crey Acostal of Acostal Empire.
***
MALAWAK siyang napangiti nang ilang minuto lang ay hindi siya nainip sa pagdating ni Aleli. As usual ay taong bar ang get up nito. Ang suot nitong hikaw ay humahalik na sa mga balikat.
"Grabe, bru, ang lawak pala ng company na 'to ng future josawa mo!" maingay na bungad ng kaibigan niya sa kaniya. Namamanghang inililibot ang mga mata sa paligid.
"Strict ang kaluluwa ng lola ko, hindi pa 'ko puwedeng magkaro'n ng future asawa," tipid niyang tugon naman dito.
"Bruha! Anong strict? E, kay Thorn ka nga ibinilin! Kung hindi ka ba naman slow din talaga!"
Iiling-iling na lang na kinuha ni Tangi mula rito ang bitbit nito na kanilang napag-usapan. "Tigilan mo na nga 'yan. Ang mag-asawa ay nagmamahalan."
Seryoso? Saan na naman galing ang salitang iyan, Natatangi?
"Mahal ka naman no'n ah, manhid ka lang," hindi papatalong sabi ni Aleli.
Nakatulong naman iyon pangpalis sa kalokohan sa kaniyang isipan kaya napabuntong-hininga na lang siya. Dapat na kumbinsihin niya ang sarili niya na lasing lang siya kaya nangyari ang pagpayag niya sa halik ng bilyonaryo. Siya na rin ang nagsabi, iba na lang at huwag na si Thorn. Hindi niya na nararapat isama ang salitang 'mahal' dahil mas kokomplikado lang ang lahat.
"Kung mahal ako no'n, malalaman mo mamaya. Hindi ako makakatay kung totoo 'yang sinasabi mo. Ang alam ko kasi ay ang negosyo niya ang mahal na mahal niya, kaya ka nga narito," kaswal niyang saad. Isinilid na niya sa kaniyang bag ang sinadya ng pagkikita nila ni Aleli.
"E, alam mo naman pala. Nabanggit pa sa 'yo ng lola niya, tapos ay heto ka," nangongonsensyang wika nito sa kaniya.
Bumuga siya ng hangin. "Heto, pamasahe. Mag-taxi ka kasi wala namang ibang sasakyan na nakakapasok sa kalye na 'to kundi taxi lang."
Aleli rolled her eyes. "Grabe na siya talaga. Dedma kung dedma!"
Bineso niya na lang ito saka marahan na itinaboy na. "Sige na, sige na, mauna na 'ko. Salamat dito ah," aniya, saka mabilis at walang lingon na siyang tumalikod.
Kung lilingunin pa sana ni Tangi si Aleli ay malalaman niyang naroon sina Gerson at Thorn, biglang lumitaw sa likod ng kaniyang kaibigan.
Hinintay lamang ng dalawa na siya ay makaalis.
***
SANAY naman siyang humarap talaga sa camera at umarte-arte roon na ngingiti. Hindi man pinangarap ni Tangi ang trabahong iyon, na siyang ginagawa na nga niya para kay Thorn, hindi pa rin naman niya maiwasan na bumilib sa sarili.
Suntok sa buwan at literal na sugal ang ipain niya ang sarili na kapalit ng sikat na endorser na si Gianna Harmonica dahil modelo naman na talaga ang babae bukod sa lumabas na rin sa ilang pelikula na supporting actress. Samatalang sino ba siya? Isang hamak na lap dancer lang.
"Perfect!" untag ng direktor sa pagmumuni-muni ng diwa niya. Malakas itong pumalakpak pagkuwan, iyon ang senyales na panghuling product na ang kukunan nila—ang slimming coffee.
Napangiti siya. Sinilip niya ang mga audience niya na nasa kabilang kuwartong may salamin lang na division. Maluwag siyang nakahinga nang makita niyang wala pa rin si Lolly. Nagsabi kasi kanina ang doña na male-late at may importanteng lakad na tumapat sa schedule ng final shoot niya. Ang naroon lamang ay ang mga bodyguards ni Thorn at siyempre, ang boss ng mga ito.
Magbababa na sana siya ng tingin dahil busy naman ang grupo nina Thorn, kaya lang ay nagtama ang mga mata nila ng huli. Mula nang maganap ang halik na namagitan sa kanila kagabi ay iyon pa lang ang kanilang 'pagkikita' nila ulit—literal na sa mga mata pa. Ni hindi pa sila nagkausap, kaya yata awtomatikong bumilis ang pintig ng kaniyang puso dahil sa titigan nilang iyon.
"Tangi, ready na ang slimming coffee," tawag sa kaniya ng isa sa mga staff na naroon.
Saka lang naputol ang titigan nila ni Thorn.
"Okay, thanks," tipid niyang sagot.
Tumalikod na siya't naghanda na para sa last product na kukunan.
Malalim siyang bumuntong-hininga nang hawakan niya ang box ng slimming coffee. Huling product na, iyon ang pinakamahalaga sa lahat ng product na kukunan nang kasama siya.
Mataman niyang tinitigan ang box ng slimming coffee habang kinakausap niya ang sarili at kinukumbinsing kaya niyang ituloy ang nasimulan—kakayanin niya. Para sa lola niyang pinatay ng bilyonaryong si Thorn. Pagkatapos niyon ay quits na sila. Pagkatapos niyon ay kakalimutan niya ang kahit anong namagitan sa kanila.
Kakalimutan na niya maging ang halik ni Thorn. At mas lalong kailangan na tigilan na niya ang pag-iinarteng parang higit pa sa halik ang naganap sa kanila.
Picture niya ang kinukunan nila para sa kung ano-anong promotion at kapirasong clip para naman sa billboard kaya mabusisi ang lahat sa kaniyang itsura.
"Pakikabisado na ang movements, Tangi. Hindi natin afford ang magkamali, alam mo naman."
Tatango-tango niyang sinagot ang direktor. "Yes po."
Madali lang naman ang kapirasong clip, aamuyin at iinumin niya lang ang kapeng nasa tasang transparent na may golden letter ng pangalan niya para sa purpose na ipakita ang kulay at texture ng kape kapag iyon ay nakatimpla na. Pagkatapos ay uupo siya sa ibabaw ng countertop, aarte siya roon na parang may bahay na kagagaling lang sa pakikipagniig since dapat niyang ipakita na sexy siya, slimming coffee kasi iyon.
Ang final na gagawin niya matapos humigop ng kape at umarte ay ang pag-angat ng box ng kape sa harap ng camera upang ipakita sa lahat kung ano ang kape na kaniyang iniinom. Ganoon lang kadali, kaso ay live shoot iyon. Bagong gimik dahil napapanahon, kailangan na sumabay ng lahat sa kung ano ang in.
"Ready na ba tayo?"
Tinanguan niya ang direktor. "Start na po." Nang matapos na 'to, ngali-ngali niyang idagdag.
"Okay, okay, let's go!" Maingay na ulit itong pumalakpak bilang senyal sa lahat ng naroon.
Ilang sandali pa ay nagsimula nang mag-roll ang camera. Humugot muna siya ng malalim na hininga bago pikit ang mga matang umusal ng sorry sa kaniyang isip—para sa kaniyang lola na siguradong hindi matutuwa sa gagawin niya at para kay Lolly na sobrang napamahal na sa kaniya't mahal na mahal ang nag-iisang apo.
Trabaho at personal lang po ang nagsabay, sorry, Lola. Sorry, Lolly. . .