Tila mas lalong naramdaman ni Sophia ang hapdi ng tama ni Virgil ng pagpasok nito sa loob ng classroom ay makita niyang putok ang labi ng lalaki. Saglit niya lang itong natingnan dahil nagkataon din na dumating na ang professor nila at hindi rin naglaon ay tinawag ang huli at pinapunta sa opisina ng administrator ng eskwelahan.
Bitbit ang bag nito ay lumabas ito ng silid ng walang lingon-likod kasunod ang professor nila.
Ilang beses na niyang nakita ang ganoong senaryo.
Ilang beses na niyang nakitang naipatawag ang lalaki ng pamahalaan ng eskwelahan dahil sa mga kinasasangkutan nitong gulo simula noong high school sila. Hanggang ngayong kolehiyo ay ganoon pa rin ang nangyayari kaya siguro para dito ay wala na lang ang mga iyon.
"Parang bigla akong naawa sa Virgil na 'yun." Wika ni Cindy habang nakatingin sa pintong nilabasan ng lalaki katulad niya. "Sa tingin ko ay may puso din naman pala yung taong 'yun."
Nanatili siyang nakatingin lang sa pintuan. Sana nga ay malaman iyon ng lahat.
"Promise, hindi ko talaga inaasahan 'yun. Akala ko lalabas lang yun kanina eh tapos biglang natumba na lang yung mayabang na Cris na yun... Pero mabuti nga sa kanya."
"Ano bang ginawa ni Virgil kanina?" Mahina niyang tanong dito.
"Bigla na lang yung sumulpot eh. Sinagi niya si Cris gamit yung siko niya. Hindi ko nga akalain na ganun pala yun kalakas? Nakakatakot ng lumapit-lapit doon at baka masagi din tayo..." May himig biro ng kaibigan pero seryoso ang tono nito.
"Malalagot na naman tuloy yun sa Papa niya. Pinagalitan pa lang yun noong nakaraang araw..."
"Eh kung hindi niya ginawa yun, siguradong sakit ng ulo ang abot mo. Humarang ka ba naman sa harapan ko eh."
"Eh ikaw naman ang masasampal kung hindi ako humarang?"
Ngumiti ito ng may pasasalamat. Maari ngang tomboyin ang kaibigan niya pero alam niya kung gaano ito kababae pagdating sa mga crush nito. Hindi na nga niya mabilang sa daliri niya kung ilan na ang itinuro nito sa kanyang lalaki sa school at sa daan na ayon dito ay tipo nito kaya hindi rin naman siya papayag na mamamarkahan ang mukha nito ng pasa.
"Ano kayang mangyayari doon ngayon?" Muli nitong tanong na nagpatahimik muli sa kanya. Iyon din mismo ang iniisip niya ng mga sandaling iyon. Kung sa eskwelahan lang ay alam niyang walang mangyayaring masama dito dahil katulad ng narinig niya mula kay Mr. Augusto ay malaki ang naibibigay nitong donasyon sa school kaya hindi magagalaw ng mga ito ang binata. At dahil hindi naman sadyang saktan ni Virgil si Cris ay hindi naman makatarungan kung mapaparusahan ito ng malala. Si Cris pa nga ang dapat na maparusahan dahil sa muntik na nitong pananakit sa kanila ni Cindy at pagnununtok nito kay Virgil.
Katok galing sa pintuan ang nagpa-pokus ng atensyon niya. Student assistant iyon ng kanilang Admin. Katulad nila ay graduating student na rin ito na minsan ay nakausap na rin niya.
"Ipinapatawag ni Admin si Cindy at Sophia."
Nagkatinginan silang magkaibigan pagkatapos ay tila excited na nagtaas ng kamay ang kaibigan niya sabay hila sa kamay niya at taas niyon. "Kami po yun!"
"Tawag kayo." Anitong ngumiti pagkatingin sa kanya.
Mabilis na tumayo si Cindy na hindi binibitiwan ang kanyang kamay. Siya man ay tumayo na rin kaagad nang hilahin siya nito sa braso.
Alam niyang ang excitement ng kaibigan ay dahil sa oportunidad na makita ng malapitan ang binatang Administrator ng school nila. Paano ay isa iyon sa apple of the eye ng kaibigan niya.
Sinundan nila ang sumundo sa kanila. Dahil nasa third floor sila at nasa first floor ang opisina ng administrator ay medyo nainitan rin siya hanggang sa makarating sila sa pakay. Doon ay nadatnan nilang nakaupong magkaharap sa upuang nasa unahan ng lamesa sina Virgil at Cris habang ang administrator ay seryoso ang mukhang nakatingin sa dalawa. Naroon din sa loob ang kanilang professor at ang security guard na pumito kanina.
Pagpasok nila ay sabay-sabay na nagtinginan ang mga naroon pero si Virgil ay kaagad na umilap ang mata ng magtama ang tingin nila. Itinuro sa kanila ng student assistant ang bandang likod ng kinauupuan ni Virgil na siya namang tinungo nila.
Ilang sandali ang lumipas bago sila binalingan ng administrator. Salitan itong tumingin sa kanila ni Cindy na ikinakaba niya.
"Cris here is saying that you both are the reason of this commotion. What happened?" Panimula nitong ihinihilamos ang dalawang palad sa mukha at pagkatapos ay sa kanya tumutok ang mga mata. "You of all people, Ms. Censo. You are running for c*m Laude tapos madadamay ka lang dito?"
"Uhm..." Lumunok muna siya ng laway at naghanda na sa pagsasalita pero bago pa man iyon ay naging mabilis na maagap ang kaibigan niya.
"Wala pong kasalanan si Virgil. Kami rin po ni Sophia ay wala rin hong masamang ginawa. Sadyang madumi po ang isip ni Cris na pinagbintangan pong may relasyon kami ni Sophia tapos noong nakipagsagutan ho ako ay bigla na lang po niya akong sasampalin pero humarang po si Sophia tapos dumaan ho si Virgil tapos nasagi po siya kaya siya natumba." Nakataas ang noong dire-diretsong wika ni Cindy. Daig pa nito ang sundalong inutusang magsalita ng opisyal nito na magkasalikop pa ang mga kamay sa likod nito.
Ilang sandaling dito tumuon ang tingin ng administrator nila at pagkatapos niyon ay unti-unting tumingin sa kanya. Para itong naghihintay pa ng sasabihin ng kaibigan niya at nang wala ng idinugtong ay siya naman ang tiningnan.
"Wala-" Naputol siya sa kanyang sasabihin nang muling magsalita ang kaibigan.
"Hindi rin ho gumanti si Virgil sa kanya nang suntukin siya ni Cris kaya si Cris po ang may kasalanan ng lahat..."
Inapuhap niya ang kamay ng kaibigan para patigilin na ito sa pagsasalita dahil muli na namang natuon dito ang atensyon ng lahat maliban kay Virgil na nakatalikod sa kanila. Si Cris na nadidiin sa sitwasyon ay kita ang galit sa mukha.
Pero si Cindy ay hindi nagpatinag. Muli itong nagsalita nang makita ang masamang tingin ni Cris sa kanila.
"Ganyan na ganyan po ang tingin niya sa akin kanina nung sasampalin niya po ako pati kay Virgil po. Buti nga po ay humarang si Sophia kaya hindi natuloy ang pananampal niya."
Ang kaninang masusing tingin ng kanilang administrator sa kanila ni Cindy ay muling nabaling kay Cris. Unti-unti namang nagbawi ng tingin ang huli nang mapansin ang tingin rito ng mga kasama sa kwarto.
"What can you say? Lahat sila ay ikaw ang itinuturo."
"Pinagkakaisahan lang po nila ako. Hindi ho totoo ang sinasabi nila."
Narinig niya ang marahas na paghinga ng kaibigan at umamba pa ng isang kamao sa kaklase nila. Kaagad naman niya iyong hinila sa pag-aalalang makita ito ng administrator na noon ay screen ng computer na ang tinitingnan.
Kung hindi siya nagkakamali ay CCTV footage ang tinitingnan nito na hindi kaila sa kanilang mga estudyante. Lahat ng classroom nila ay may naka-install na CCTV. Hindi nalingid sa kanya ang pagbabago ng upo ni Cris habang si Virgil naman ay parang walang anuman na sumandal pa sa upuan habang siya ang kinabahan para dito lalo na ng makitang umiling na ang administrator. Hudyat rin iyon upang lahat sila ay manahimik lalo na si Cindy na parang na-estatwa na sa pagkakatitig sa crush nito.
Pagkatapos ng ilan pang minuto ay narinig na nga nila ang kanina pang nagbibigay ng kaba sa kanya.
"I will be talking to your parents! Both of you!" Mariing wika ni Mr. Santos.
.....