Chapter 3

1499 Words
Maagang naghanda si Sophia kinbukasan. May prelim exam sila sa school at iyon ang pinaghandaan niya noong gabi. Dahil maaga ang pasok niya sa araw na iyon ay kinakailangan niya ring umalis ng maaga dahil walang mga pampublikong sasakyan sa dakong iyon ng lugar nila. Sini-swerte lang siya madalas at nakakasbay siya sa sasakyan ni Mr. Augusto sa paglabas nito upang bisitahin ang farm kaya naihahatid siya sa may sakayan ng tricycle na nasa kulang-kulang isang kilometro yata ang layo mula sa bahay nila na maghahatid naman sa kanya sa sakayan ng dyip. Ngayong hindi niya alam kung nasaan si Mr. Augusto ay baka wala siyang masakyan palabas kaya kailangan niyang maglakad papunta sa sakayan ng tricycle. Paglabas niya ng banyo nila ay nadatnan rin niyang naghahanda na ang Inay niya para sa pag-alis nito papunta sa malaking bahay. Nakabihis na ito at tapos na ring magluto ng almusal nila. "Mag-iingat ka sa pag-alis mo ha. Hindi kita maihahatid at kailangan ko na rin na umalis papunta sa malaking bahay." "Sige po Inay pero mag-almusal ho muna tayo." Mula sa paglalagay ng pinggan sa lamesa ay nilinga siya nito. Ilang segundo siya nitong tiningnan pagkatapos ay ngumiti. "Ang ganda mo diyan sa uniporme mo." Tiningnan niya rin ang sarili. De-butones na puting blusa na kulay itim ang mga bulsa sa tapat ng tiyan ang uniporme niya sa school. Ang manggas niyon ay hanggang siko, at ang may kalakihang kuwelyo na may deretsong kahabaang tela sa magkabilaan na nagsisilbing ribbon kapag itinali ay kulay itim rin. Napaparisan iyon ng itim na palda na pencil cut ang tabas na abot hanggang sa kanyang tuhod. Ano pa't bagay sa kanya ang suot niya. "Para kayong bago ng bago sa akin Inay. Matagal ko na pong uniporme ito pero parati niyo pa ring sinasabing bagay sa akin." "Kasi nga bagay sa'yo." Nginitian niya na lang ito. "Salamat Inay. Baon ko po." Pabiro itong umirap sa kanya. "Nandoon sa tokador, sa drawer doon. Bumili ka ng makakain mo ha. Huwag kang magpapagutom." "Opo, Inay..." Nilinga niya ang tokador na tinutukoy ng Ina. "Kumain na ho ba kayo? Mag-almusal ho muna tayo." "Hindi na. Doon na ako maya-maya at mabigat sa tiyan ang kumilos kapag busog." "Huwag kayong masyadong magpa-sexy Inay. Hindi niyo mabibingwit si Mr. Augusto kahit anong gawin ninyo." Hindi nagsalita ang Inay niya. Ni hindi siya nito tinapunan ng tingin habang isinusuot ang tsinelas nito kagaya ng mga araw na binibiro niya ito tungkol sa amo nito. Sa halip ay tungkol sa pag-alis niya ang isinagot nito habang nagsusuot ng tsinelas. "Mag-iingat ka sa pag-alis mo. Titingnan mo ang daanan ha at baka may maapakan kang kung ano sa daan. Magpasama ka kay Kahel papunta sa labas. May iniwan na rin akong pagkain nun doon sa labas." Ang tinutukoy nito ay ang aso nilang aspin na malabnaw na kulay brown ang kulay pero matingkad naman sa kulay dilaw. Dahil hindi naman ito matatawag na brown ay kahel na lang ang ipinangalan nila na bumagay naman rito dahil sa orange nitong balahibo. May dog house ito sa labas na ibinigay rin sa kanya ni Mr. Augusto noong nalaman nitong may aso sila. Inihahatid nga siya ng dalawang taong aso nila hanggang sa makalabas siya ng property ng amo nila. "Sige po, Inay." "Anong oras pala ang uwi mo mamaya?" "Hanggang ala-una lang po ako Inay. Mamaya ay baka mapuntahan kita ulit at matulungan sa gawain mo." "Huwag ka ng pumunta. Mag-aral ka na lang dito. Eksamen niyo hindi ba?" "Opo." "Huwag mo na akong puntahan. Maaga akong uuwi mamaya para may kasama ka rito." "Sige po. Ingat kayo, Inay." Makaraang makalabas ng Inay niya sa kanilang pintuan ay muli nitong isinara iyon. Katulad ng bilin nito ay nag-almusal siya ng iniluto nito, naglagay ng baong kanin at ulam sa baonan at hindi nagtagal ay umalis na rin ng bahay kasunod si Kahel na amoy ng amoy sa sapatos niya. "Kahel, mapapatid ako sa ginagawa mo. Tigilan mo nga yan." Habang binabaybay ang may kakitirang daanan ay wika niya. Ipinagpag niya ang kanyang mga paa at sinilip ang mga gilid at ilalim ng sapatos upang tingnan kung anong inaamoy ng alaga doon. "Wala namang nakadikit na pagkain rito. Ano bang inaamoy mo sa sapatos ko?" Tumahol ito. "Naiingit ka ba sa bago kong sapatos?" Biro niyang tanong sa aso. "Naiingit ka no? Bigay to sa akin ni Mr. Augusto noong nakaraan. Nakita niya kasing luma na yung sapatos ko dahil sa kakalaro mo kaya ikaw, huwag na huwag mong paglalaruan to ha. Huwag mong kakagatin 'to. Bago 'to." Para itong taong kausap niya at itinuro-turo pa niya ang kanyang sapatos. "Kapag naging mabait ka, bibilhan kita ng laruang buto kapag nakaipon na ako. Gusto mo ba 'yun?" Idinikit ng aso ang ulo nito sa kanyang binti na parang sumasang-ayon sa kanya. "Okay sige. Basta maging mabait ka lang ha?" Tumahol ulit ito. "Halika na at nagmamadali ako. Babalik ka mamaya mag-isa pagkarating natin diyan sa labas, ha?" Medyo paakyat ang bahaging iyon ng daan hindi katulad kung doon siya dadaan sa malaking bahay na bukod sa malawak ang kalsada ay patag pa ang daanan. Ayaw na rin naman niyang umikot pa papunta roon at isa pa ay umiiwas din siya kay Virgil. Ang dulo ng binabagtas niya ay malaking kalsada na rin naman at mula naman doon ay patag na ang lupa papunta sa sakayan ng tricyle. "Pagod na ako, Kahel. Hilahin mo nga ako." Mabuti nga at maaga pa. Mapuno ang daanang iyon at malamig pa ang sinag ng araw na nakakalusot mula sa mga sanga at dahon. Tumakbo paakyat ang aso at pagkatapos ay bumalik ulit sa kanya. "Patatakbuhin mo rin ako? Pagod na nga ako eh." Tumahol ito at pagkatapos ay parang patulak na ipinuwesto nito ang ulo sa likod ng binti niya. "Kaya kong maglakad mag-isa. Huwag mo na akong itulak." Natatawa niyang wika rito pero ng hindi ito tumigil ay tumakbo na siya upang iwasan ang pagtulak nito sa kanya. Nang makarating siya sa may itaas banda ay bumungad sa kanya ang itim na sa sasakyang van na nakaharang mismo sa daanan sa dulong bahagi ng makitid na pathway. Kay Virgil ang sasakyang iyon. Kagyat siyang napatigil at nilinga si Kahel. "Umuwi ka na. Ako na ang bahalang lumabas." Utos niya rito pero ang aso ay dumiritso sa sasakyang itim habang kumakahol. "Kahel! Bumalik ka dito!" Sa halip na sundin siya ay lalong tinahol ng aso ang sasakyan hanggang sa magbukas ang pintuan ng backdoor niyon. "Kahel! Pumarito ka!" Hindi ito nagpatinag sa kanya. Ganoon ito palagi. Kapag nakikita nito ang sasakyang iyon o di kaya si Virgil ay kahol ito ng kahol sa hindi niya malamang dahilan. Pinuntahan niya ang kinaroroonan ng alaga at sinaway ito. "Kahel, tumigil ka na. Sige na, uwi." Mas malakas na kahol ang iginanti nito sa kanya kaya napatingin na siya sa loob ng sasakyan. Sumalubong sa kanya ang tingin ni Virgil na noon ay prenteng nakaupo habang magkatagpo ang mga kilay kasabay ng malamig nitong wika. "Sumakay ka dito." Sunod-sunod na iling ang pinakawalan niya at tumingin sa may unahan ng sasakyan. Naroon si Kuya Dolfo. Ang driver ng binata na siya ring driver ni Mr. Augusto kapag may lakad ito. Nagpapatulong ang tingin na ibinigay niya sa driver na nag-iwas kaagad ng tingin. "Akala mo ba ay gusto kitang kasabay sa sasakyan ko?" Maanghang na tanong ni Virgil ng makita ang reaksyon niya. "Sinabihan lang ako ng Papa na isabay kita kaya huwag kang umastang parang ki-kidnap-in diyan." Ilang beses ng nangyari ang ganoon. Na pasasakayin siya sa sasakyan ng binata pero kapalit niyon ay ang pagpapagawa nito ng kung ano-anong assignment sa kanya. Minsan pa nga ay gumawa pa siya ng book review para dito at gumawa ng buong research project nito. "Mauna na kayo. Hindi ako sasabay." Yumuko siya at hinaplos ang ulo ni Kahel na sige pa rin sa pagtahol. "Tama na... Umuwi ka na." "Para kang sira diyan sa ginagawa mo. Tama bang kausapin mo yung aso?" Pang-iinsulto nito sa kanya. Hindi niya iyon pinansin at dinampot ang aso. Humakbang siya pabalik sa pinanggalingan nila at hindi pansin ang pagsigaw ni Virgil mula sa likuran niya. "Ikaw ang umayaw!" Hindi naglipat minuto ay narinig niya ang pagsasara ng pintuan ng sasakyan at ang pag-andar niyon palayo sa kanya. Dahil tuyo ang kalsada ay naiwan sa kanya ang alikabok at usok ng sasakyan. Nang makalayo ang sasakyan ay noon naman niya binitawan si Kahel. "Sige na, umuwi ka na. Huwag mo na akong susundan ha!?" Bilin niya rito sabay turo dito. Para naman itong nakakaintindi na hinayaan na siyang lumakad hanggang sa makaabot siya ulit doon sa kinaroroonan ng sasakyan kanina. Dumiritso siya ng lakad at nang makalayo ay isang beses na lang siyang lumingon. Kumaway siya kay Kahel ng makitang nakaupo ito sa dulo ng pathway at nakatingin sa kanya. Pagkatapos niyon ay tuloy-tuloy na siyang naglakad hanggang marating ang paradahan ng tricycle sa lugar nila. .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD