Pagsikat
PINAGPAPAWISAN ng malapot si Reden habang hinihintay matawag ang pangalan niya. Kung ilang ulit na siyang nag labas-masok sa CR dahil sa matinding kaba. Di naman nakakapagtaka dahil ilang litro na yatang tubig ang naiinom niya. Daig pa niya ang buntis na magpapa ultra sound sa dami ng fluid na pumasok sa pantog niya. Mayamaya ay tinawag ang pangalan niya.
"Mr. Reden Rodriguez, please, you may come in," sabi ng sumilip na magandang babae. Ngumiti pa ito sa kanya na parang kilala na siya. May picture nga pala ang resume niya. Tumayo siyaat bago tuluyang pumasok ay bumuga muna ng hangin.
"Congratulations, Mr. Rodriguez!"
Maraming sinabi ang kausap niya ngunit hindi niya naintindihan ang karamihan. Pakiramdam niya ay may mga dagang nagrarally sa dibdib niya. May mga lumilipad yatang agila sa tiyan niya. Basta ang malinaw na naintindihan niya ay istorya niya ang napili ng publisher, na gusto rin nitong makita ang iba pa niyang sinulat. Balak nitong i publish ang magugustuhan. Kapag nagklik sa merkado ang mga gawa niya ay magkakabonus pa raw siya. Parang nakalutang ang mga paa niya habang naglalakad. Dumaan siya sa simbahan at nagpasalamat.
Tuwang-tuwa din si Caloy sa balita ni Reden. Tumakbo ito sa puntod ng lola nila. Nakasunod sa kanya si Reden.
"Lola, sikat na si Reden. Writer na si Reden!" Nagkakandaiyak nitong balita sa yumaong agwela.
"Totoo ang sinasabi ni Caloy, lola. Writer na talaga ako, published writer na. Sa wakas la, napansin na ang istorya ko. Yung paborito mo..." umiiyak na rin si Reden. Nag-akbay ang dalawang binata at iyak-tawa ang nangyari habang kinakausap ng mga ito ang puntod ng kanilang lola, at ng lolo na sa picture at kwento lang nila nakilala.
Do'n nila naalala ang MALAKING PUNO, sa dami ng mga nangyari ay nawala na ito sa isip nila. Hindi sila nakabalik para tignan kung tinanggap ba ng puno ang alay nila. Marahil ay tinanggap nga dahil nagkatotoo ang hiling na mapansin ang mga istorya ni Reden. Ang mabigyan ito ng break at sumikat. Biglang nalungkot si Reden.
Napansin yon ni Caloy. "Anong iniisip mo?" tanong nito kay Reden.
"Paano kung totoo yung sinabi mo na kaluluwa ang kapalit ng hiling? Baka may kinalaman ang puno sa pagkamatay ng lola?" Nangingilabot na tanong ni Reden.
"Hindi siguro. Matanda na ang lola at may sakit. Natural ang pagkamatay niya. Walang kinalaman dun ang puno." Sagot ni Caloy kahit ang totoo ay iyon din ang naisip niya. Ayaw niyang panghinaan ng loob ang kaibigan, kilala niya si Reden. Alam niyang nagkukunwaring naka move on na ito para hindi na siya mag alala. Madalas ay nakikita niyang umiiyak pa rin ito habang tinitignan ang litrato ng kanilang lola. At ngayon na lang uli sumaya. Magkakaroon na uli ito ng gana sa buhay at gusto niya itong suportahan.
Gaya nang inaasahan ay nag hit ang unang kwento ni Reden. Sold out ang lahat ng kopya sa mga sikat na bookstore. Ang sumunod na sinulat niya ay naging hit na naman. Nag-ikot si Reden sa mga mall para mag authograph signing, dahil na rin sa dami ng fans na pumupunta at sumusulat sa opisina na gusto siyang makita nang personal. Sikat na talaga si Reden. Inuumpisahan na ang shooting ng una niyang obra.
Nakabili na ng bahay at lupa si Reden, malapit ito sa sementeryo na dati nilang tinitirhan. Ang bagong care taker na ang pinatira nila sa bahay ng kanilang lola kasama ang pamilya nito. Nagtayo sila ng business ni Caloy. Tinulungan sila ng kababata nilang manager para makapag franchise ng ihawan. Malakas din ang benta sa nakuha nilang pwesto. Panghatak ng ihawan nila ang litrato ni Reden. Kinuha nilang trabahador sa kitchen si Digoy at ang ilang bataan nito. Laking pasalamat nila kay Reden at Caloy dahil pinagtiwalaan sila kahit walang pinag aralan. Naging mabuting trabahador naman ang dating mga tambay lang.
Ang obra ni Reden ay umani ng mga papuri. Nakakuha ng maraming award pati sa ibang bansa.
Nanatiling mababang loob ang binata. May mga tinutulungan silang bahay ampunan. Maraming kapitbahay na nangangailangan ang natutulungan nila ni Caloy. Alam nila ang pakiramdam ng walang malapitan. Kung hindi sila tinulungan ng lola nila ay hindi nila mararating ang narating nila ngayon.Ang tagumpay niya ay tagumpay din ni Caloy at ng kanyang lola.