Chapter Nine
"Pabili po ng tsokelit!" malakas na ani ng batang kapitbahay namin. Mukhang nakapuslit na naman sa nanay niya at ngayon ay nasa harap ng tindahan. Babangon pa lang ako sa kinahihigaan ay mas nauna pa si Avery.
"Wala chocolate!" sagot naman ng aking anak. Gumawi sa mga garapong nakahanay ang tingin ko.
"Anak, meron," mahinang ani ko sa bata. Ngunit sumenyas ito sa akin na tahimik lang ako.
"Bakit wala?"
"Wala para sa 'yo. Sarado na kami, Jekjek," natapik ko pa ang noo saka tahimik na lumapit. Walang planong putulin ang usapan ng mga ito.
"Bakit ako bili sarado kayo? Bakit iba bata melon?"
"Wala kaming melon," medyo sumusungit na si aling maliit ko.
"Wala... melon..." giit ng batang lalaki. Wala, Meron? Napahagikhik ako. Umangat tuloy ang kilay ni Avery nang tumingin siya sa akin.
"No tawa, mama. Tell mo sa kanya no chocolate na." Lumapit ako kay Avery lalo para masilip ang bata sa labas. Saka ako bumulong sa anak ko.
"Pero may tinda tayong chocolate, anak," at hindi naman nagpatalo ang anak ko. Bumulong din ito.
"Wala s'ya money, mama. I'm so sure." Saka ko lang naintindihan kung bakit sinasabi nitong wala. Tumingin ako sa batang kapitbahay... sa mismong kamay niya. May dalawang playmoney itong hawak. Kaya naman pala.
"Sorry, Jekjek. Wala kaming chocolate ngayon."
"Iba-iba alang," bulong na ani ng bata.
"Sarado na nga!" sinenyasan ko si Avery na manahimik na muna. Umiinit na kasi talaga ang ulo nito.
"Ala ba, Tita?" ani ng bata. Kawawa naman. Kaso kasi kung palagi itong pagbibigyan ay hindi ito ang nasasanay, kung 'di ang nanay nito.
"Wala, Jek. Balik ka na lang bukas. Baka bukas meron na." Nanulis ang nguso ng batang madungis saka ito tumakbo pabalik sa bahay nila.
Nang tignan ko ulit ang anak ay parang proud na proud ito sa nagawa niya.
"Anak, hindi na pwedeng maulit ito ha. Bawal magsabi ng lies. Remember that, anak."
"Bawal mag-lie? Wala naman kasi siyang pera, mama." Dumedepensa pa. Iniayos ko ang suot nitong headband.
"Kahit pa, anak. Hindi ba't lagi naming bilin ni Tita Mama na bawal sa bahay na ito ang lies?" binuhat ko si Avery at ibinalik sa kinahihigaan namin kanina.
"Mama, hindi naman ito house. Tindahan naman po ito. Sa house lang po ba bawal mag-lie?" napapikit ako dahil parang may pumitik na ugat sa sintido ko. Ganito kami araw-araw. Palaging may rason ang anak ko sa mga sinasabi ko. Matalinong bata. Mabilis mag-analyze at bumuo ng sagot.
"Kahit saan ka pa, Avery. Bawal pa ring magsinungaling. Naintindihan mo ako, 'nak?" tumango ito pero tikom ang bibig. For sure may gusto pa itong sabihin na pangontra sa akin pero ayaw na lang niyang sabihin. "Higa na, Avery. Matulog ka na."
Tatlong taon. Tatlong taon na ang anak ko. Sa tatlong taon ng buhay ng anak ko plus no'ng nasa sinapupunan ko pa lang siya ay si Prim at ang pamilya nito ang naging katuwang ko.
"Higa na po, mama. Ikaw rin sleep na. Tired ka rin po 'di ba?"
"Anak, hindi ako pwedeng matulog. Bantay ako sa tindahan---"
"Mama, sleep!" pinanlakihan pa ako nito ng mata. Kaya inangatan ko ito ng kilay. "Joke lang po," saka dali-dali itong humiga at niyakap ang teddy bear niya na simula baby ay nasa kanya na.
Saktong pasok ni Prim na mukhang tapos na sa trabaho niya.
"Uy, tulog na si Aling Maliit!" pinanlakihan ko ng mata si Prim dahil alam kong may ibig itong iparating. Hindi naman ako nagkamali. Bigla na lang naghilik si Avery na ikinatawa ni Primrose.
"Matulog, Avery," seryosong ani ko sa anak. "Gusto mong lumaki 'di ba? Pwes, matulog ka." Agad na nagmulat ang bata saka naupo.
"Mama, kaya ba hindi lumaki si Lola Dagul kasi hindi siya natutulog? Resulta po ba iyon nang pagpupuyat?" napakainosente ng tanong ng anak ko pero si Prim ay halos gumulong na sa higaan dahil doon. Pinalo ko tulog ang pwet ng kaibigan ko na maluha-luha pa sa katatawa.
"Avery, na-explain ko na sa 'yo kung bakit hindi lumaki si Lola Dagul. Paulit-ulit na lang tayo. Higa." Ang Lola Dagul na tinatawag niya ay nakatira ay may-ari ng water refilling station kung saan kami bumibili ng tubig. Curious ang bata kung bakit matanda na ito pero maliit pa rin. Kailangan talagang ipaliwanag sa kanya ang mga bagay-bagay. Dahil sa edad na tatlo... sobrang tabil na ng dila nito.
Humiga ulit ang bata.
"Tita Mama, help!" paawang ani nito sa best friend kong agad umiling. Pagdating sa pagdedesiplina kay Avery ay hinahayaang ako ni Prim.
"Sorry, Avery. Malalagot ako sa mama mo... matulog ka na lang." Ang tulis tuloy ng ngusong tumango ito.
Ilang saglit lang naman ay nakatulog na ito.
"Saan ka pupunta?" tanong ko kay Prim. Nakaayos kasi ito.
"May date ako, Lia. Iyong sinabi kong nagyayaya sa aking magkape. Pinagbigyan ko na. Gusto ko rin namang magkape ngayon," napahagikhik ako sabay turo sa mga naka-display na kape.
"Marami tayong kape---"
"Hindi lang kape ang gusto kong tikman, bff. Ayaw ko rin ng 3-in-1."
"Okay. Basta huwag uuwi ng late at huwag mag-uuwi ng---"
"Nang lalaki... alam ko iyan, Lia. Sa motel ko lang dadalhin," kumindat pa ito.
"Dala ng condom," bilin ko.
"Doon na lang kami bibili," alam ko namang iyong usapan na iyon ay biruan lang. Puro lang dates ang babae pero hindi pa talaga ito nagkaka-boyfriend. Ayaw ko sa lalaki. Pero hindi naman pwedeng lahat ng mga tao sa paligid ko ay hihimukin kong umayaw rin sa lalaki.
Nang umalis ang kaibigan ko ay inabala ko na lang muna ang sarili ko sa pag-aayos ng paninda. Bukod sa tindahan ay may online job pa rin ako. Madalas ay tinatrabaho ko sa gabi. Pero kung may time sa umaga ay ginagawa ko na rin. Malakas ang tindahan pero kailangan may nakaalalay na ibang trabaho dahil kung doon ko kukunin ang buong ikabubuhay namin ay tiyak na mauubos ang puhunan ko.
Gumawi ang tingin ko sa labas ng may napadaang truck. Huminto iyon sa kapitbahay ko. Simula no'ng tumira kami rito sa El Pueblo ay bakante na talaga ang bahay sa tabi namin. Pero may caretaker namang nagpupunta. Pero ilang linggo na simula no'ng may nag-ayos sa kabila. Bagong pintura na nga rin. Tumayo ako't sumilip. May mga kalalakihan na nagbababa na ng gamit. Mabilis ang kilos nila. Pagkatapos ibaba ang mga gamit ay umalis na rin agad ang truck. Inihinto ko na rin ang pagsilip. Baka mapagkamalan pa akong usyusero.
Nang Wala na akong magawa ay tumabi na rin ako kay Avery. Iyon nga lang nakaidlip ako. Nagising na lang dahil sa boses ng anak ko.
"Pabili ng soft drinks," ani ng lalaki na hindi ako familiar sa boses. Sa tagal ko na sa pagtitinda ay naging familiar na sa akin ang mga boses ng mga bumibili. Kaya naman bumangon agad ako. Nakahinga ako nang maluwag no'ng nakitang sarado iyong maliit na window ng tindahan.
"Bawal po soft drinks... masama po sa health iyon. Magkakasakit ka po. Dapat water lang ang iinumin---"
"Avery," tawag ko rito. Kung ito ang bantay nang tindahan ay tiyak na wala kaming kikitain. "Inom ka muna ng water, 'nak. Ako na d'yan." Agad namang bumaba si Avery sa kinatatayuan niyang upuan. "Ano iyon?" ani ko sa customer.
"Soft drink po... iyonh 1.5 po. Tatlo." Agad naman akong kumuha ng tatlong soft drink sa ref.
"Ano pa?"
"Isang pack ng biscuits... iyan... iyan..." turo nito sa naka-pack na biscuit.
"Bale 280," agad naman nitong inilusot ang bayad. Hindi ko muna binuksan ang window at inayos ko muna ang sukli. Nang kompleto na ay inilagay ko sa maliit na tray bago binuksan ang lusutan ng pinamili.
"Salamat," ani ng lalaki.
"Salamat din po," tugon ko. Binitbit na ng lalaki ang plastic at tumungo na ito sa kapitbahay.
Nang may humintong sports car ay agad tumutok ang tingin ko roon. Medyo naka-park sa tapat namin dahil may nakaharang pa roon sa mismong tapat ng kapitbahay. Bumaba ang isang lalaki na naka-sunglasses. Seryoso ang expression ng mukha... gwapo. Agad akong nag-iwas ng tingin. Anong gwapo, Lia? Tsk. Pero pasimple ring bumalik ang tingin ko rito. Naka-white shirt ito at kapansin-pansin ang braso nito na may biomechanical tattoo.
Mukhang hanggang likod dahil sa bandang batok ay kita rin.
Nang gumawi ang tingin ng lalaki sa tindahan ko'y agad akong nagpanggap na busy ako sa pag-aayos.
"Hi, pogi!" napaiktad ako sa gulat dahil hindi ko namalayan na nakabalik na sa tabi ko si Aling Maliit. Oo, siya iyong nag-hi pogi. Nag-alis ng salamin ang lalaki habang nakatingin dito. Yumuko naman ako kunwari'y walang pake sa sinabi ni Avery. Lintik na batang ito. Marunong nang tumingin ng pogi. Paano ko nasabi? Pogi sa paningin niya ang lalaki, tapos si Jekjek ay hindi.
Napahagikhik si Avery kaya tinignan ko ito. Wala na ang lalaki sa tabi ng sasakyan.
"Bakit?" ani ko rito.
"Nagkaway rin siya like this, mama. He's so pogi," kinalabit ko ang anak. Nang tumingin ito ay nagsalita ako.
"Magtigil ka, Avery Aethere."
"Okay," with matching tulis ng ngusong sagot nito. May papogi-pogi pa itong nalalaman. Tsk. Si Prim kasi talaga ang nagturo no'n sa bata. Hays talaga.