Chapter Four
Mama: "Lia, iyong monthly payment huwag mong kalimutan. I love you, anak."
Text iyon ni mama na para bang hindi nang-agaw ng boyfriend ng anak niya. Okay naman ang mama ko. Mabuting ina ito at kahit iniwan kami ni papa ay solo niyang binuhay ang pamilya namin. Kaya no'ng kaya ko nang magtrabaho ay ako na ang bumuhay sa kanila ng kapatid ko. Pero dahil sa nagawa nitong panloloko ay hindi ko na makita iyong mamang nirerespeto ko. Nagkaroon na iyon ng bahid... ng mantsa.
Mama: "Anak, uwi ka na. Usap tayo."
Mama: "Nakausap mo ba ang Lola mo, anak? Bigyan mo naman ng chance si mama na makausap ka, 'nak."
Deretso bura ang ginawa ko sa mga message na iyon. Isang linggo na akong hindi umuuwi. Lahat ng mga pampasok ay hiniram ko lang kay Prim. Nahihiya man ako sa pamilya ni Prim pero sa ngayon kasi'y hindi ko pa talaga alam ang dapat kong gawin. Inayos ko ang mga gamit ko. Malapit na ang uwian at mahirap kung babagal-bagal sa paglabas ng gusali. Agawan kasi sa taxi. Mahirap sumakay lalo na kapag rush hour.
"Lia, tawag ka ni boss," ani ng secretary nito na sinadya pa yatang tawagin ako na rinig ng lahat. Inihinto ko ang ginagawa at tumayo para puntahan ang boss namin.
Kumatok lang ako ng tatlong beses bago ko binuksan ang pinto. Ang matandang boss sa department na ito ay uncle na, ninong pa ni Harvey. Hindi ko alam ang dahilan nang pagtawag nito sa akin. Pero kung ano man iyon ay kinakabahan na ako ngayon.
"Pasok," seryosong ani ng matanda. Pagpasok ko, akma pa lang sanang uupo nang narinig ko ang sinabi nito.
"You're fired," para akong nabingi. Hindi makapaniwalang napatitig dito.
"Ano po iyon, sir?" ani ko.
"Nabalitaan ko na hiwalay na kayo ng pamangkin ko. Tama lang na umalis ka na rin sa trabaho."
"Po?" naguluhan ako.
"Magaling ka, hija. Malaki ang naitulong mo sa department ko. Pero hindi ko na kailangan pa ang serbisyo mo. Tutal kailangan kong magtanggal ng isa sa inyo... break naman na kayo ng pamangkin ko... ikaw na lang ang pinili ko."
"Sir, pinaghirapan ko ang trabaho kong ito. Pinaghusayan ko. Dahil lang po break na kami ni Harvey ay aalisin n'yo na lang ako basta?" disappointed ako. Hindi lang pala love life ko ang nagulo, tanggal pa ako sa trabaho. Ano bang maling nagawa ko sa mundong ito para ibuhos sa akin ang mga problema?
"Hindi ko na kailangan ang serbisyo mo, hija. You're fired. Magligpit ka na. Ayaw ko nang makita ang mukha mo sa gusaling ito." So unfair! Pero anong magagawa ko pa? Mataas ang katungkulan ng uncle ni Harvey rito sa company. Kahit magmakaawa ako'y hindi na ako pakikinggap pa nito. Kung irereklamo ko ang hindi tamang pagtanggal nito sa akin ay tiyak hindi rin papansinin ang reklamo ko. Tumayo ako't bagsak ang balikat na lumakad palabas. "Hija," tawag ng matanda sa akin. "Kung hindi na pwede sa pamangkin... pwede namang sa uncle na lang," hindi ko alam kung seryoso ba ito o nagbibiro lang. Pero nakaramdam ako nang pandidiri. Tuloy-tuloy na akong lumabas at tumungo sa table ko.
"Anong sabi?" tanong agad ni Prim.
"Tanggal na ako sa trabaho, Prim. Break na raw kasi kami ni Harvey."
"What? Dahil lang doon? That's not fair!" nanlalaki pa ang mata nito.
"Hayaan mo na. Pakitulungan na lang akong magligpit."
"Hoy! Seryoso ba?" tumango lang ako at sinimulan ng ayusin ang gamit ko. Nag-log-out din ako sa computer. Iyong files na pinakiusap ni sir na iayos ko para sa kanya ay binura ko na. Hindi ko naman trabaho iyon. Nagmagandang loob lang akong gawin iyon dahil hindi kaya ng mga katrabaho.
Bitbit na namin ang dalawang box ni Prim nang lumabas si Sir sa office niya. May hawak itong flashdrive.
"Lia, iyong files na pinagawa ko?" ani ng matanda. Tinignan ko ito't ngumiti ako saka inginuso ang computer. Dali-daling lumapit naman siya roon at isinalpak ang flashdrive.
"Saan dito?" ani nito na mabilis na naghahanap.
"D'yan sir... d'yan ko binura," confident na ani ko. Nanlaki ang matang napatingin ito sa akin.
"Ano? Bakit mo binura? Hindi mo ba alam kung gaano kaimportante no'n? Hindi mo in-save? Nasaan na?" napatingin na ang mga kasama namin. Iyong mga pauwi na ay nahinto at napatingin din. "Ibalik mo, Lia. Kailangan ko iyon."
"Sorry po. Hindi na ako employee ng company na ito para sumunod sa utos mo. Good bye, sir." Lumakad na ako at agad namang sumunod si Prim. Honestly, gusto ko na namang umiyak dahil sa labis na inis. Pero pinigilan ko ang sarili ko dahil ayaw kong makita ng mga tao rito kung gaano ako ka-vulnerable sa mga oras na ito.
Paglabas namin ni Prim ay kagat-kagat ko na ang labi ko. Parang doon kumakapit ang natitirang pisi ng pagpipigil kong umiyak. Ayaw kong umiyak. Hindi ako pwedeng umiyak at makita ng mga ito.
Paglulan namin ni Prim sa taxi at saktong pagsara ng pinto ay sunod-sunod nang pumatak ang luha ko. Hindi ko na napigilan pa. Nagulat pa si Prim pero hindi na nagsalita. Sinabi na lang nito sa driver ang location. Hindi sa bahay nila, kung 'di sa tambayan naming dalawa. Sa seaside deck na malapit lang din naman sa bahay nila. Isang sakay lang.
Pagbaba namin ay pumwesto agad kami sa bench. Ipinagpatuloy ko roon ang pag-iyak ko habang nakapatong pa sa mga hita ang bitbit na box.
"Bakit tinanggal ako? Bakit ang unang naging option niya ay alisin na lang ako sa pwesto dahil lang break na kami ni Harvey? Ginusto ko bang lokohin ako ng boyfriend ko? Hindi naman ah!" ang sama-sama ng loob ko. Pinaghirapan ko ang pwesto ko sa trabaho. Ako na iyong niloko, ako pa itong nawalan ng trabaho.
"Kupal iyang si Harvey. For sure sinabi niya sa uncle niya ang nangyari. Huwag mo nang iyakan. Sa husay mo sa trabaho ay tiyak makakahanap ka rin ng kapalit. Tahan na," alo nito sa akin. Pero hindi kasi gano'n kadali iyon. Parang masyadong sabay-sabay na bumabagsak sa akin ang problema. "May ipon ka ba, Lia? Hanap ka na lang ulit ng bagong trabaho."
"Prim, alam mo namang lahat ng sahod ko'y napupunta sa bahay. Idagdag pa iyong sasakyan ni mama. Wala talaga. Iyon lang sahod na parating bukas ang meron ako. Paano ko pagkakasiyahin iyon?"
"Pwede kitang pahiramin. Huwag kang mawalan ng pag-asa, Lia. Magpakatatag ka. Baka tine-test ka lang ng tadhana. Fighter ka 'di ba? Ang daming pagsubok na ang dumating sa 'yo at nalampasan mo ang lahat ng iyon. Lia, laban lang. Tatagan mo ang loob mo." Niyakap ko ang kaibigan. Hinagod naman nito ang likod ko para pakalmahin ako.
"Kailangan ko silang harapin, Prim. Kailangan kong masampal si Harvey dahil sa ginawa niya. Tiyak na siya ang may gawa. Kaya dapat lang masampal ko man lang siya... mag-asawang sampal... hindi... hindi iyon enough. Mabayagan ko man lang ang tanginang iyon."
"Iyan! Ganyan nga! Umuwi ka't gawin mo iyan. Pero remember this... hindi mo kailangan isiksik ang sarili mo sa bahay ninyo. Sinabi naman ng parents ko na welcome ka roon. Habang wala kang malipatan ay roon ka muna sa amin."
"Thank you so much, Prim. Pero pwede mo ba akong samahan?" agad itong napangisi at nag-thumbs-up.
"Oo naman. Sasamahan kita para ma-witness ko kung paano mo bayagan ang tanginang iyon. Porke hindi ka natikman ay nanay mo na lang ang tinikman n'ya. Gago siya." Pinunasan nito ang luha ko. "Cheer up, Lia. Hindi lang si Harvey ang lalaki sa mundo. Marami pang iba d'yan. Pwede sa susunod dalawahin o tatluhin mo na para marami kang mapagpilian."
"Siraulo. Igagaya mo pa ako kay Papa at Harvey."
"Pwede rin naman iyong naka-one-night-stand mo---"
"Wala iyon, Prim. Hindi kasama sa option iyon," umiling pa ako rito. Hindi ko nga maalala ang mukha ng taong iyon. Sa labis na kalasingan ay naibigay ko sa estranghero ang sarili ko, pero hindi ko nagawang ibigay sa ex ko. Pero mas mabuti na iyon.
"Wala ka bang balak kilalanin? Paano kung mabuntis ka---"
"Prim!" pinanlakihan ko ito ng mata. Malabo iyon. Hindi naman siguro.
"Well... sinasabi ko lang ang mga possibility, Lia. t**i pa rin iyon. Nag-s*x pa rin kayo. Sabihan mo lang ako kung kailangan mo na ng PT," umiling na lang ako. Huwag naman sana. Masyadong magulo ang buhay ko para mabuntis pa't mandamay ng inosenteng bata sa magulo kong mundo.