Kabanata 19
S U N N Y
Naglaro ulit kami ng isa pa pero si Marcus na muna ang pumalit kay Alistair dahil hindi na ito bumalik ulit. Naging maayos naman ang naging laro ko, hindi na ako pumalpak ng sobra tulad kanina noong si Alistair ang core namin. Siguro na pressure lang talaga ako sa kanya kasi umpisa pa lang ng game ay pinagagalitan na niya ako kapag may nagawa akong hindi niya nagustuhan.
Hindi katulad ni Marcus na relax lang maglaro, si Alistair naman umpisa pa lang mainit na agad ang ulo. Ni hindi ko alam kung ano ang ikinaiinit ng ulo niya. Siguro nga ayaw niya lang talaga sa akin pero siguro naman magbabago iyon kapag napatunayan ko na ang sarili ko sa kanya.
Sa sumunod na araw ay naging maayos naman ang lahat kahit si Alistair ulit ang core namin. Hindi nga lang siya masyadong umiimik sa laro. Hinahayaan niya kaming gawin ang gusto naming gawin. Hindi ko tuloy alam kung nagugustuhan niya ba ang larong pinapakita ko o naiinis nanaman siya sa akin.
Mabuti na lang at kahit hindi masyadong umimiimik si Alistair ay nanalo pa din kami. Ganoon din sa mga sumunod na araw. Bawat laro namin ay tahimik lang siya, magsasalita minsan pero sobrang dalang no’n. Mabuti na lang at nandyan si coach para sabihan kami sa mga dapat naming gawin. Kaya lang pansin ko walang pinagbago sa strategy na ginagamit namin. Tulad pa din ito ng strategy na ginamit nila noong nanalo sila sa Asian Tournament. Si Alistair ang nagpauso ng strategy na ito, pero ngayon parang wala siyang ganang mag-isip ng bagong pakulo para manalo kami. Ramdam ko nga din nitong mga nakakaraang araw na para bang tamad na tamad siyang maglaro.
Dahil ba ito sa akin?
“Coach, hindi pwedeng ganito maglaro si Ali. Hindi tayo mananalo ng ganito lalo na at balita ko mas lalong lumakas ang Alpha.”
Natigilan ako sa paglalakad nang marinig ko ang boses ni Bren.
“Hindi ko na nga din alam kung anong gagawin ko sa isang ‘yon. Gusto niyang matanggal sa team si Rain. Sinabi niya iyon sa akin noong isang araw.”
Parang may biglang kumurot sa dibdib ko nang marinig iyong sabihin ni coach.
“Hindi ko maintindihan kung ano bang problema niya kay Rain. Maayos naman itong maglaro at hindi naman siya makakapasok dito ng basta-basta kung hindi siya talaga magaling.”
“‘Yan din ang sinabi ko sa kanya pero mukhang sarado ang isip niya sa bagay na ‘yan. Gustong-gusto niyang maalis si Rain sa team.”
Kaya ba wala siyang ganang maglaro ay dahil sa akin? Kasi gusto niyang matanggal ako dito sa team pero hindi pumapayag si coach? Mas lalo pang kumirot ang dibdib ko sa naisip na ‘yon. Ang sakit pala. Alam ko naman na ayaw niya sa akin pero ang marinig na gusto niya akong ipatanggal sa team ay masakit talaga. Hiniling niya pa talaga na ipatanggal ako dito. Bakit?
Bakit sa lahat ng tao siya pa talaga itong ganito sa akin? Tinitingala ko siya mula pa noon tapos ganito, malalaman ko na ayaw niya sa akin at gusto niya akong patalsikin. Hindi manlang niya ako bigyan ng chance na patunayan ang sarili ko. Gusto na niya agad akong tanggalin?
Nangilid ang mga luha sa mga mata ko pero pinilit kong pigilan ang pagbagsak noon.
“Kung papipiliin ako ni Alistair sa kanilang dalawa ni Rain… wala na talaga akong magagawa. Hindi ko pwedeng bitawan si Alistair, hindi din papayag si president na pakawalan siya.”
“Naiintindihan ko, coach, pero hanggat maaari sana huwag niyo ding bibitawan si Rain. Nakikita niyo naman ang pagsisikap niyang patunayan ang sarili niya, di ba? Saka isa kayo sa pumili sa kanya dahil nakita niyo na may ibubuga siya. Ako din, coach, may tiwala ako na kaya naming mag champion kasama si Rain. Kitang-kita naman na marunong siya, coach, eh. First time niya lang ito sa pro-scene pero nagagawa naman niyang makipagsabayan sa amin, di ba?”
Narinig ko ang malalim na buntong hininga ni coach.
“Tama ka d’yan pero wala na tayong magagawa kung papipiliin tayo ni Alistair.”
Nagkaroon ng sandaling katahimikan sa pagitan ng dalawa. Sumandal ako sa pader na nasa tabi ko at pinakinggan ang mga susunod nilang sasabihin.
“Anong mangyayari kay Rain kung ganoon?”
“Baka ipalit siya sa ibang player,” mahinang sambit ni coach na para bang hirap siyang sabihin iyon.
Kumuyom ang mga palad ko at umayos ng tayo. Tumalikod ako at muling bumalik sa kwarto para makausap si Alistair.
“Pwede ba tayong mag-usap?” tanong ko sa kanya nang makapasok muli sa aming kwarto. Naaabutan ko siyang nakaharap sa kanyang computer.
Agad siyang bumaling sa akin nang may malamig na ekspresyon. Wala siyang sinabi manlang. Sinarado ko ang pinto ng kwarto at lumapit sa kanya. Kumunot ang kanyang noo sa paglapit ko at sa pagiging seryoso ng aking ekspresyon.
Bumuntong hininga ako bago nagsalita.
“Totoo ba na gusto mo kong patalsikin sa team?”
Nawala ang kunot sa kanyang noo. Balik nanaman ang kanyang ekspresyon sa pagiging malamig nito.
“Hindi ka nararapat para dito.”
Sarkastimo akong ngumisi.
“Bakit? Ano bang karapatan mo para sabihin na hindi ako nababagay dito? Bakit pala ako nakapasok dito kung hindi naman pala ako nararapat dito?”
“Alam mo sa sarili mo na hindi ka nararapat dito,” tila may laman niyang sabi.
“Talaga? Bakit hindi mo ko bigyan ng pagkakataon na patunayan ang sarili ko? Gusto mo agad akong ipatanggal ng wala namang dahilan. Bakit? Hindi ko maintindihan, eh. Ano bang ginawa ko sa’yong masama para gawin mo ito sa akin? Para magalit ka ng ganito sa akin, huh?”
Tinignan niya ako na para bang nanghahamon.
“Hindi mo alam? Sigurado ka ba d’yan? Hindi mo alam kung ano ang ginawa mong masama?”
Bahagyang nanlaki ang mga mata ko. Teka lang… Posible bang alam niya na… isa talaga akong babae? Hindi! Imposible ‘yon. Hindi ako naniniwalang alam niya ang sikreto kong iyon. Paano niya malalaman, di ba?
“O, bakit, meron ba? Ang laki ng respeto ko sa inyong lahat dito lalo na sa’yo! Kung alam mo lang, matagal na kitang tinitingala at hinahangaan tapos malalaman ko na ganito ka pala. Mabilis manghusga. Dahil ba baguhan ako sa pro-scene ay pagdududahan mo na ang kakayahan ko? Hindi naman yata ako papayag na ganoon.”
Ngumisi siya at umiling-iling na para bang gusto niyang matawa sa sinabi ko.
“Kung may respeto ka nga talaga sa amin tulad ng sinasabi mo, aalis ka ng kusa.”
“At bakit ko gagawin ‘yon? Pinaghirapan kong makapasok dito, hindi ako basta-bastang susuko na lang at aalis dito. Nakapasok ako dito dahil sa pagsisikap ko, wala kang karapatang basta na lang akong paalisin dahil lang gusto mo.”
Tinignan niya ako ng mariin.
“We don’t need you here,” sa matigas niyang sabi.
Kumuyom ang mga palad ko sa galit.
“Bakit ba ang sama-sama mo sa akin? Ano bang ginawa kong masama sa’yo, huh?”
“Why don’t you ask yourself?” Madilim ang mga mata niyang nakadirekta sa akin.
Nahinto ako at sinuklian ang masamang titig niya sa akin. Hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang mga sinasabi niya. Imposible naman na malaman niya na nagpapanggap lang akong babae. Gayong sina Bren nga na mas madalas kong makasama ay hindi manlang nakakahalata. Saka umpisa pa lang naman ayaw na sa akin ni Alistair. Kung alam niyang nagpapanggap lang ako na isang lalaki, eh di sana binuko na niya ako noong una pa lang para matanggal na agad ako dito sa team. Tutal ayaw naman talaga niya sa akin noong umpisa pa lang. Kaya medyo imposible talaga na alam niyang nagpapanggap lang ako.
“Hindi ako aalis dito!” mariin kong sabi.
“Really? Tingin mo may magagawa ka sa bagay na ‘yan?”
“Bakit, sino ka ba para paalisin ako dito? Si coach at president ang nagpasok sa akin dito. Hindi ikaw! Sila ang boss ko at sila ang susundin ko. Wala kang magagawa.”
“Well then, let’s see kung wala nga ba talaga akong magagawa.”
Tumikom ng mariin ang mga labi ko.
“Ang sama-sama mo!”
Tinignan niya lang ako ng malamig, walang sinabi. Hindi ako makapaniwala na ang sama-sama pala talaga ng ugali ng lalaking ito. Gusto niya akong patalsikin sa team na ito ng wala manlang dahilan bukod sa ayaw niya lang talaga sa akin at wala siyang tiwala sa kakayahan ko.
“Bakit hindi na lang tayo maglaban? One on one! Kapag nanalo ka aalis ako ng kusa. Ako mismo ang hihiling kay coach na ilipat na lang ako ng team pero kapag ako naman ang manalo, wala kang magagawa kundi ang hayaan akong manatili dito sa team.”
Umawang ng bahagya ang mga labi niya na para bang nagulat siya sa paghahamon ko. Pero agad ding sumilay ang ngisi sa kanyang mga labi, na para bang natatawa siya sa hamon ko.
Minamaliit ba ako ng lalaking ito? Anong akala niya? Hindi ko siya kayang talunin? Akala niya ba siya ang pinakamagaling sa buong mundo? Oo, magaling siya pero hindi ibig sabihin noon ay siya na ang pinaka magaling sa lahat at wala ng makakatalo sa kanya. Patutunayan kong kaya ko din siyang talunin at karapat-dapat akong manatili sa team na ito.