Kabanata 30
S U N N Y
After ng training namin sa araw na 'yon, nakisuyo si coach Ry na pick-up-in 'yong dinner namin para sa gabing iyon sa restaurant ng kaibigan niya. Kaya lang ang mga loko, nagtuturuan naman kaya ako na mismo ang nag prisinta na kumuha ng dinner namin. Kaya nga lang wala akong sasakyan kaya naisip kong mag cocommute na lang ako. Ayos lang naman sa akin dahil sanay naman ako na nag cocommute saka hindi naman masyadong malayo 'yon. Sa QC lang naman iyon at hindi naman ganoon kalayo ang QC dito sa amin. Isa pa, sanay naman akong mag commute dahil wala naman akong sasakyan. Hindi din naman ako marunong magmaneho. Aaralin ko pa lang para pag nakaipon ako at makabili ng sasakyan ay marunong na ako.
"Are you sure, Rain? Here, gamitin mo ang sasakyan ko," ani coach sabay abot sa susi ng kanyang sasakyan.
Kami na lang ang naiwan dito sa gaming room pati si Alistair na may inaayos sa PC niya. Lumabas na ang iba para magpahinga sandali bago kami mag dinner. Maaga ulit pinauwi sila manang dahil balak nga namang um-order na lang ng makakakain sa restaurant ng kaibigan ni coach sa may QC.
"Uh, mag commute na lang ako, coach. Hindi naman ako marunong magmaneho." Ngumiti ako.
"Ako na lang ang pipick up," biglang sabi ni Alistair sabay tayo. Medyo nabigla ako sa kanya.
"Huh? Ah, okay lang. Ako na lang. Sanay naman akong mag commute."
Tamad akong binalingan ni Alistair.
"Mas mapapadali kung may sasakyan. Ako na ang kukuha."
"Uh, samahan na lang kita kung gano'n!" agap ko nang magsimula siyang lumakad palabas ng kwarto. Binalingan niya ako ng sandali bago napipilitang tumango at lumabas ng gaming room.
Napangiti ako at agad nang nagpaalam kay coach para sumunod kay Alistair, mamaya bigla akong iwan ng isang 'yon, eh. Hindi ko pa naman minsan maintindihan ang trip ng lalaking 'yon. Baka mamaya mabadtrip kapag pinaghintay ko ng matagal. Mukha pa namang napilitan lang na sumama ako sa kanya.
Sumakay na ako sa sasakyan niya. Hindi ko maiwasang mamangha habang nasa loob ng sasakyan niya. Hindi ako makapaniwalang nakasakay ako ngayon dito sa sasakyan ng taong matagal kong hinangaan lang mula sa malayo. Ang sarap lang sa pakiramdam. Parang kailan lang, nilalagpasan niya lang ako na parang hangin ngayon kasama ko na siya sa team, sa iisang bahay at higit sa lahat sa iisang kwarto. Hindi na parang hangin lang sa kanya ngayon dahil nakikita na niya ako.
'Yon nga lang hindi ang totoong ako ang nakilala niya dahil nagpapanggap lang ako ngayon bilang ang kakambal ko. Magkakaroon pa kaya ng chance na maipapakilala ko din sa kanya ang totoong ako? Pwede pa ba 'yon? Kung ipapakilala ko ang totoong ako, kailangan kong aminin sa kanya ang totoo kong katauhan, pero pag ginawa ko naman 'yon siguradong katapusan na ng mga pangarap ko.
Kaya dapat lang na makontento na ako sa mga bagay na ito. Hindi na ako dapat nahahangad ng mas mataas pa dito. Sobra-sobra na ito. Makausap nga lang siya kahit sandali noon ay isang malaking karangalan na sa akin. Ang mapabilang pa kaya sa team niya at ang makasama siya sa iisang bubong? Sobra na kung hihiling pa ako.
"Uh, nakapunta ka na ba doon?" pagsisimula ko ng usapan habang sinisimulan niyang paandarin ang sasakyan. Hinintay niya pa munang maikabit ko ang seatbelt ko bago niya pinaandar ang sasakyan.
Simpleng tango ang isinagot niya sa akin.
"Sa QC lang naman 'yon, di ba? Malapit lang?"
Hindi siya sumagot. Ang hirap namang kausapin nito. Hindi ko alam kung nagbibingi-bingihan lang ba siya o hindi niya lang narinig ang tanong ko. O sadyang ayaw niya lang akong kausapin?
"Uh, ayos lang ba sa'yo na sumama ako?"
Saglit niya akong sinulyapan bago ibinalik muli ang tingin sa daan.
"Pumayag ako kaya ano sa tingin mo?"
Kinagat ko ang ibabang labi ko at umayos ng pagkakaupo. Hinawakan ko ang seatbelt na nakasuot sa akin para lang may mapaglibangan.
"Baka lang kasi napipilitan ka lang um-oo kanina. Baka ayaw mo talaga akong kasama kasi naiirita ka sa akin."
Nagsalubong ang mga kilay niya habang nakatuon ang tingin sa daanan pero wala namang sinabing kahit ano. Napakamot ako sa batok ko.
Ano ba naman ito! Ang hirap makipag-usap sa isang 'to, ah. Kapag sinisimulan kong kausapin siya, sa una lang siya sumasagot pero pag hindi na patanong ang sinabi ko tatahimik na lang siya at wala ng sasabihin. Ang aga tuloy napuputol ng conversation, kaya heto ako at iisip nanaman ng bagong topic na pwedeng itanong sa kanya para lang makausap ko siya ng mas matagal.
Ang hirap pala kapag ikaw lang 'yong interesadong makipag-usap, ano? Ang hirap mag-isip ng topic na ikukwento mo sa kanya at ng tanong na ibabato mo para lang sagutin ka niya.
"Madalas siguro kayong kumain doon, ano? Madalas din ba kayong gumigimik tulad kagabi?"
Saglit akong sinulyapan muli ni Alistair.
"Why? You don't like going out at night? You are free to refuse if you don't like going out late."
"Hindi naman sa ganoon. Naisip ko lang itanong. So, tama nga ako, madalas kayong gumimik sa gabi? Lagi bang sa bar ang punta niyo kapag gumigimik kayo ng gabi?"
"Where else can we go at night?"
Tumango ako. May point nga naman.
"Eh, bakit kasi sa gabi kayo gumigimik? Hindi ba kayo pwedeng gumimik ng may araw pa?"
"I thought you're a fan? Nakakapagtaka na mukhang hindi mo yata alam na mahilig kaming mag travel."
Oh! Oo nga pala. Bakit nga ba nakalimutan ko iyon? Madalas ko ngang makita sa mga social media account nila ang mga lugar na pinupuntahan nila kapag walang training o katatapos lang ng tournament. Madalas nga pala silang mag travel at isa nga iyon sa kinaiinggit ko sa kanila. Para bang sobrang exciting ng mga ginagawa nila palagi kapag may pinupuntahan silang ibang lugar. Tapos parang ang saya-saya pa nila kapag magkakasama. Puro asaran pero alam ko din namang biruan lang iyon para sa kanila at hindi naman nila sineseryoso. Isa din iyon sa mga nagustuhan ko sa kanila, kahit madalas silang mag-asaran at minsan ay umaabot pa sa pikunan, hindi naman nila pinpersonal. Isang araw lang ay okay na agad sila.
Saka gustong-gusto ko din talaga ang pagiging adventurous nila. Kaya hindi ako makapaniwalang nakalimutan ko ang bagay na iyon sa mga oras na ito.
"Oo nga pala. Sorry, nakalimutan ko ang tungkol sa bagay na 'yan. Mahilig nga pala kayong magpunta sa kung saan-saan at sumubok ng kung ano-ano."
Ngumiti ako at napa peace sign na lang.
"Napapanood ko nga 'yong mga video niyo na umaakyat ng bundok at kung minsan naman nag iisland hopping. Ang saya sigurong experience no'n, ano? Sana isang beses makasama na din ako sa inyo kapag nag travel ulit kayo. Isa talaga 'yon sa mga inaabangan ko sa inyo, eh. 'Yong mga travel vlogs niyo. Mabuti na lang at masipag mag-upload si Bren ng mga travel escapade niyo kaya nakaabang ako lagi sa channel niya, eh. Inaabangan ko palagi kung may latest upload na siya kasi doon lang din ako nakakasagap ng update tungkol sa'yo…" Wait. That doesn't sound right. Tumikhim ako.
"I mean… Ikaw lang kasi sa inyong lahat ang hindi madalas mag live kaya sa mga vlog na lang ni Bren na kasama ka, ako nakikibalita." Fvck! Parang ganoon pa din iyon, ah? Tunog… ewan ko.
Napakamot ako sa batok ko.
"So, you're not just inventing things when you said I was the one you idolize the most?"
Napaawang ng bahagya ang mga labi ko. I can't believe he's asking me that. I cleared my throat before responding to his sudden question.
"Sino bang nagsabi na nag-iimbento lang ako? Ikaw lang naman itong malaki ang pagdududa lagi sa akin, eh. Pero ayos lang. Gets ko naman na ayaw mo lang agad ibigay ang tiwala mo. Saka wala pa naman talaga akong napapatunayan sa inyo kaya ayos lang naman siguro na pagdudahan mo ang kakayahan ko sa umpisa. Ang hindi ko lang siguro matanggap ay ang ayaw mo akong bigyan ng pagkakataon na patunayan ang sarili ko. Paano ko mapapatunayan ang sarili ko kung umpisa pa lang gusto mo na agad akong patalsikin sa team niyo, di ba?"
Bumaling ako sa kalsada nang huminto ang sasakyan niya. Akala ko nakarating na kami sa restaurant ng di ko namamalayan, na-traffic lang pala kami.
"Bakit, akala mo ba nagsisinungaling lang ako nang sabihin ko na ikaw ang pinaka iniidolo ko sa inyong lahat? Akala mo siguro sinabi ko lang iyon para matanggap mo ko agad, ano?"
"Well, you seem too close to Bren."
Napakunot ang noo ko doon.
"Naisip mo siya talaga ang pinaka idolo ko dahil lang siya palagi ang kasama at kausap ko? Na sinabi ko lang talaga na ikaw ang idolo ko kasi gusto kong makuha ang tiwala mo?"
Hindi siya sumagot. Nakatingin lamang siya sa daan. Bahagya akong natutuwa dahil kahit papaano ay nagkakaroon na ng improvement ang pagsubok kong magkabuo ng conversation with him. Mas mahaba na siyang sumagot ngayon kaysa kanina. Hindi kaya unti-unti na din siyang nagiging komportable sa akin? Ako kasi aminado ako na hindi pa din ako masyadong komportable kausap siya pero gustong-gusto ko siyang kausapin. Ganoon naman yata talaga kapag iyong taong gusto mo ang kausap mo. Ang uncomfortable pero ginugusto mo pa din siyang kausapin. Mali, hindi uncomfortable, sadyang naco-conscious lang ako ng madalas kapag kausap ko siya. And I think that's normal kapag kausap mo ang taong gustong-gusto mo simula pa noon.
"Si Bren lang siguro kasi ang pinaka approachable sa inyong lima kaya akala mo sa kanya ako pinaka malapit. Saka halos pareho kasi kami ng personality kaya siguro mas nagkakasundo kami."
Huminto ulit ang sasakyan niya, but this time, nasa harapan na kami ng isang restaurant. Agad kinalas ni Alistair ang seatbelt niya at nauna nang lumabas ng sasakyan. Ganoon din ang ginawa ko at sumunod na din sa kanya. Hinintay niya pa ako nang makitang naiiwan ako sa paglalakad, at sinabayan ang paglalakad ko. Pinigilan ko ang sarili kong mangiti.
Hindi ito ang tamang oras para kiligin ako. Wala naman kasing dapat ikakilig dito. Ang OA ko lang. S'yempre, hindi lang ako sanay na ganito siya. Sanay ako na iniignora niya lang ako palagi. Samantalang ngayon, sinasabayan na niya ako sa paglalakad. Well, siguro ayaw niya lang ding maging bastos sa akin dahil kami na nga lang ang magkasama tapos iiwan niya pa ako, di ba? Hindi naman yata tama iyon.
S'yempre pagpasok namin sa restaurant ay nakuha na agad niya ang atensyon ng mga taong nandoon at kumakain. Expected ko na iyon dahil sikat na sikat talaga ang isang ito pro-scene. Sa panahon ngayon, ang mga pro-players nagiging instant celebrity na din. Maya-maya, maiaanunsyo na din ang pagiging new member ko, magiging ganito na din kaya ang buhay ko? Sa totoo lang, ayaw ko ng buhay na nakabukas sa publiko dahil gusto ko lang ng pribadong buhay. Pero wala akong magagawa, dahil ganito na talaga ang buhay ng mga pro-players ngayon. Hindi ko naman kasi masisisi ang mga tao kung gusto nilang ipakita ang paghanga nila sa mga players dahil isa din naman ako sa mga iyon. Isa din ako sa mga humahanga sa magagaling na pro-players sa Pilipinas.
Naisip ko lang kung ayos lang ba kay Alistair ang ganito? Sobrang pribado din kasi ng isang ito sa buhay niya. Kaya nga siguro madalang siya kung mag live stream, ni hindi nga manlang yata siya nag-uupdate sa mga fans niya, eh. Ang hirap din siguro ng ganitong buhay para sa kanya na sobrang pribado sa buhay.
May mga nagtangkang lumapit amin para magpa-picture pero agad silang hinarang ng mga crew na naroon. Siguro instruct na silang gawin iyon ng owner nitong restaurant na kaibigan daw ni coach Ry. Baka si coach Ry din ang nag request noon sa kaibigan niya dahil kilala niya itong si Alistair at alam niyang medyo mailap ang isang ito sa mga tao.
Sandali lang kaming nanatili doon at nakaalis na din agad pagkatapos bumati saglit ni Alistair sa owner. Babae pala ang owner ng restaurant. Akala ko no'ng una lalaki dahil matalik na kaibigan daw ni coach iyon. Hindi ko naman alam na may matalik palang kaibigan si coach na babae. Ang ganda pa.
Bakit kaya ganoon kapag gwapo ka ang gaganda din ng mga babaeng nakapaligid sa'yo?