Kabanata 33
S U N N Y
S’yempre kahit wala si coach kailangan pa din naming mag practice kaya pagkatapos kumain ng iba ay dumiretso na kami sa gaming room para mag ensayo. Naging maayos naman ang kinalabasan ng pag-eensayo namin. May mga sinubukan kaming strategy na pupwede naming magamit sa tournament. Hindi pa nga lang namin masyadong gamay ang mga strategy na iyon pero konting practice lang naman ang kailangan at magagamay na din namin iyon.
Nag-aya sina Dylan na kumain sa labas pero tumanggi ako dahil ang lala ng sakit ng puson ko. Dini-dysmenorrhea nanaman yata ako. Halos hindi na nga ako makaakayat kanina sa kwarto sa sobrang lala ng pananakit ng puson ko. Ganito talaga ako kapag una at pangalawang araw pa lang ng period ko. Madalas talaga akong magkaroon ng dysmenorrhea.
Halos mamilipit na ako sa kama ko sa sobrang kirot ng puson ko. Uminom na ako kanina ng gamot para sa sakit pero hindi iyon tumatalab sa tindi ng dysmenorrhea ko. Gusto kong aliwin ang sarili ko gamit ang phone ko pero hindi ko naman magawa dahil sobrang lala talaga ng sakit na nararamdaman ko.
“Are you okay?”
Nilingon ko si Alistair nang marinig kong magsalita ito. Akala ko umalis din siya kasama ang iba para kumain sa labas kaya medyo nagulat pa ako nang marinig ko siyang magsalita.
“A-Ayos lang,” nanghihina kong sabi kahit parang hindi ko na yata kayang tiisin ang nararamdaman kong sakit.
Gusto ko ng umiyak sa sakit. Nakita ko ang pagkabahala sa ekspresyon ni Alistair.
“Are you sure? You don't look okay to me. Do you need anything?” Bakas ng pagkabahala na nahahalinhinan ng pag-aalala ang boses niya. Pinilit kong umiling kahit na halos mamilipit na ako sa sakit dito.
“I'll take you to the hospital.”
“No. Hindi na kailangan… K-Kaya ko naman tiisin ito. Normal lang ito…”
Ugh! Bakit ko ba sinabi ‘yon? Paano kung magtanong siya kung paanong normal lang itong sakit na nararamdaman ko. Hindi naman siya umimik, tinignan niya lang ako na para bang tinatansya niyang maigi kung kaya ko pa ba o dadalhin na niya ako sa hospital. Halata sa kanyang nahihirapan din siyang magdesisyon sa kung anong bagay.
“Madalas talaga sumakit ng ganito ang tiyan ko. H-huwag kang mag-alala mawawala din naman ito mamaya-maya lang.” Pinilit ko pa talagang sabihin iyon ng tuloy-tuloy para lang hindi na siya mag-alala pa sa kalagayan ko. Ang hirap naman ng ganito.
Hindi ako pwedeng magpadala sa hospital dahil malalaman niya kung ano talaga ang dahilan ng pagsakit ng tiyan ko. Saka totoo namang normal lang talaga ito sa akin. Madalas talaga akong magka dysmenorrhea kapag first day or second day ng period ko. Usually mawawala din naman ito pagkalipas ng ilang oras. Minsan tumatagal hanggang tatlong oras pero may mga pagkakataon na saglit lang ay nawawala din agad.
“May kailangan ka bang gamot?” Malumanay na ang boses niya sa pagkakataong iyon pero bakas pa din ang pagkabahala doon.
“Ayos na. Nakainom naman na ako ng gamot para sa pain. Hihintayin ko na lang umepekto ang ininom kong gamot… S-Salamat nga pala.”
Nag-iwas siya ng tingin sa akin at kinunot ang noo.
“I’ll stay here. Hihintayin kong bumuti ang pakiramdam mo. Kapag hindi mo na kaya magsabi ka lang, I’ll take you to the hospital.”
“Ayos lang talaga ako. Wala lang ito.”
“Wala lang? Halos mamilipit ka na sa sakit kanina nang maabutan kita dito tapos sasabihin mo sa akin ‘yan? Pinagloloko mo ba ako?”
Kinagat ko ang ibabang labi ko.
“Uh, ganito talaga itong tiyan ko. Mabilis masira. Pasensya na sa abala pero hindi mo naman ako kailangang bantayan dito. Kaya ko namang tiisin ito.”
Agad siyang umiling bago nagtungo sa kama niya at naupo sa gilid nito.
“No, I’ll stay. Hanggang sa makatiyak akong maayos na talaga ang pakiramdam mo. Magpahinga ka d’yan and don’t mind me,” aniya na sobrang ikinabigla ko pero dahil sobrang lala ng pananakit ng puson ko hinayaan ko na lang siya at hindi na inintindi pa ang sinabi niyang iyon.
Gusto ko ng maiyak sa sakit pero pinilit ko pa ding tiisin hanggang sa nakatulugan ko na lang ang sakit. Naalimpungatan nga lang ako nang may maramdaman akong mainit na kamay na dumapo sa noo at leeg ko.
Minulat ko ang mga mata ko at ang mukha ni Alistair ang unang bumungad sa akin. Nakayuko siya habang seryosong dinadama ang temperatura ko pero nang makitang nakadilat na ako ay agad siyang lumayo at tumuwid ng tayo.
“Wala ka namang lagnat. Ayos na ba ang pakiramdam mo?”
Dahan-dahan akong bumangon. Medyo nawala na nga ang pananakit ng puson ko. Ilang oras ba akong nakatulog? Talaga bang binantayan niya lang ako dito at hindi lumabas ng kwarto?
“Ayos naman na. Sabi ko naman sa’yo mawawala din ‘to agad.” Tumingala ako para tignan ang oras sa orasan. Nagulat ako nang makitang alas kwatro na ng hapon. Ang tagal ko pa lang nakatulog dito. Ganoon din ba niya ako katagal binantayan?
Halos maglilimang oras yata akong nakatulog pero paggising ko narito pa din siya kaya baka nga seryoso siya sa sinabi niya kanina na dito na lang siya at babantayan ako. Hindi lang ako masyadong makapaniwala kasi sino ba namang mag-aakala na gagawin ito ni Alistair para sa akin?
Hindi siya sumama sa lakad ng team para lang mabantayan ako dito, baka nga hindi din nakakain ng tanghalian ang isang ito sa kababantay sa akin. Fudge!
“Uh, salamat nga pala sa pag-aalala… Naistorbo pa tuloy kita.”
Nagsalubong ang mga kilay niya at agad iniwas ang tingin sa akin. Para bang may kung anong biglang pumasok sa isip niya.
“Kumain ka na ba?”
Umiling siya. Namilog ang mga mata ko at napagtantong hindi pa nga talaga siya nakakapagtanghalian dahil sa akin. Talaga bang hindi niya ako iniwan kahit noong nakatulog na ako dito? Kahit sandali lang sana para kumain? Bakit? Akala niya siguro kung ano na ang nangyayari sa akin kanina. Namumutla na din kasi ako noong naabutan niya ako ditong halos mamilipit na sa sakit. Natakot siguro siyang iwan ako dahil sa kalagayan ko.
“You mean, hindi ka pa kumakain ng tanghalian?” Paninigurado ko dahil hindi talaga ako makapaniwala na nag skip siya ng lunch meal para lang masamahan at mabantayan ako dito.
Umiling muli siya, lalo lang akong nagulat. Hindi tuloy ako agad nakapagsalita.
“Ikaw din hindi ka pa nagtatanghalian. Magpapahatid ako kina manang ng makakain mo dito. Dito ka na lang kumain para hindi mo na kailangan bumaba pa,” mataman niyang sinabi.
Umawang ang labi ko.
“Huh? Uh, magpahatid ka din ng makakakain mo para sabay na tayong kumain dito kung ganoon.”
Hindi siya kumibo agad, tinignan niya lamang ako. Saka ko lang napagtanto ang kamalian sa sinabi ko.
“K-Kung ayos lang naman sa’yo…” Dagdag ko.
Kinagat ko ang ibabang labi ko at nag-iwas ng tingin sa kanya. Ang assuming ko naman at naisip ko talaga na sasabay siyang kumain sa akin dito. Hindi na nga siya nakalabas ng ilang oras dahil sa pagbabantay sa akin tapos gusto ko pa na dito na lang din siya kumain kasama ako?
Bakit, sino ka ba, huh, Sunny? Sino ka ba sa kanya para pag-aksayahan ka niya ng oras? Naawa lang talaga ‘yan sa’yo kanina kaya ka niya hindi iniwan.
“Pwede din namang sa baba na lang din ako kumain. Kaya ko naman na.” Dagdag ko pa ulit. Nakakahiya na kasi talaga sa kanya at mag-aabala pa siyang magpahatid ng pagkain ko dito.
“Ipapahatid ko dito ang pagkain nating dalawa,” sabi niya sa pinal na paraan bago tuluyang lumabas ng silid.
Napatitig ako sa pintong pinaglabasan niya. Kagat-kagat ko ang labi ko habang hinihintay siyang bumalik. Hindi ko maiwasang mangiti sa ipinapakita niyang pagmamalasakit sa akin. Tama nga talaga si coach Ry. Mabait naman talaga ang supladong iyon. Sadyang wala palang talaga siyang tiwala sa akin noong una kaya siguro pilit niya akong iniiwasan.
Sumilay ang napakalaking ngiti sa mga labi ko. Ang sarap pala sa pakiramdam kapag alam mong nagmamalasakit sa’yo ang taong matagal mo ng gustong-gusto. Samantalang noon, wala ngang pakialam sa akin ang isang ‘yon. Para akong hangin sa kanya kung lagpasan niya lang ako noon.
Kaya hindi niyo ako masisisi kung sobrang saya ko ngayon. Binantayan lang naman ako ni Alistair habang masama ang pakiramdam ko. Ibig sabihin concern din siya sa akin kahit gaano pa siya ka suplado.
Natigil ako sa mga iniisip ko nang bumalik si Alistair sa kwarto namin. Inayos niya ang maliit na lamesa sa aming kwarto para pagdumating na ang mga pagkain namin ay doon na lang ilalapag at doon na lang din kami kakain.
“Pwede ka ba sa seafoods?” tanong niya nang matapos sa pag seset-up ng lamesa.
Tumango ako.
“Pwede naman.”
Tango lang ang isinagot niya at hindi na ulit umimik hanggang sa maihatid na ang pagkain namin.
“Salamat manang,” aniya kay manang nang kuhanin mula dito ang tray ng pagkain naming dalawa.
Dumungaw ako para makapagpasalamat na din kay manang na nagdala ng pagkain namin.
“Salamat po.”
Ngumiti lang si manang bilang tugon bago umalis. Sinarado na ni Alistair ang pinto gamit ang kanyang paa at nagtungo sa lamesa para doon ilapag ang mga pagkain namin. Ako naman ay tumayo na mula sa kama ko at lumapit na sa kanya.
“Kumain na tayo,” aniya nang naiayos na ang mga pagkain sa lamesa.
Ngumiti ako at tumango. Sa totoo lang kanina pa talaga ako nakangiti dito. Nagmumukha na nga akong tanga kakangiti dito ng malawak. Hindi ko kasi mapigilang hindi mangiti. Kusa na lang umaangat ang magkabilang sulok ng mga labi ko. Hindi ko talaga mapigilan. Ang saya ko lang at ang gaang ng dibdib ko.
“Are you sure, wala ka ng nararamdaman?”
Umiling ako ng nakangiti pa din. Kumunot ang noo niya, napansin na siguro niya ang kanina ko pang ngiti. Tumikhim ako at tinikom na lang ang mga labi. Sinimulan ko na lang galawin ang pagkain ko.
“Kapag nangyari ulit iyon magsabi ka. Hindi iyong magkukulong ka dito sa kwarto. Paano kung wala ako?”
Nahinto ako sa pagnguya nang sabihin niya iyon.
“Uh, sanay naman na kasi ako na ganoon. Madalas talagang mangyari sa akin ‘yon. Sirain kasi ang tiyan ko.”
Tinignan niya lang ako at wala namang sinabi.
“Pasensya ka na talaga, huh? Naistorbo pa tuloy kita. Nalipasan ka din ng gutom dahil sa akin. Hmm.”
Suplado niyang iniwas ang tingin sa akin.
“Pero ayos lang naman sa akin kung iniwan mo na lang ako dito kanina noong nakatulog na ako. Para nakakain ka na agad. Masama pa namang magpalipas ng gutom.”
Sinulyapan niya lang ako saglit at wala na uling sinabi.
“Babawi na lang ako sa’yo. Libre na lang kita bukas. Ayos lang ba?”
Muli niya akong binalingan. Hindi ko mabasa ang ekspresyon na ipinapakita niya.
“Ikaw ang bahala.” Nagkibit balikat siya.
Muli nanaman tuloy akong napangiti. Pumayag siya! Ibig sabihin ayos lang sa kanya na lumabas kaming dalawa bukas at sabay kumain. Ang sarap naman sa pakiramdam no’n. Pero s’yempre susubukan kong yayain sina Bren dahil baka biglang magtampo ang mga iyon kapag hindi namin sila inaya.
“May gusto ka bang i-suggest na kainan para doon na lang tayo. Kaso wala akong sasakyan, ayos lang ba kung ang sasakyan mo na lang ang gamitin natin, o kaya commute na lang tayo kung ayaw mong magmaneho.”
“Ang sasakyan ko na lang ang gagamitin natin.”
Muli akong ngumiti. Kinagat ko ang ibabang labi ko para matigil ang napakalawak kong ngiti. Mamaya makahalata na ang isang ito na kanina pa ako kinikilig dito sa napaka simpleng pinag-uusapan namin. S’yempre para sa akin hindi lang basta-basta itong mga pinag-uusapan namin. Para sa akin malaking bagay na ito.