“P R I M O . . .”, tawag ni Myco sa ‘kin bago ako tuluyang makalabas ng gate.
Isang malakas na suntok sa kaliwang panga ang agad na sumalubong sa ‘kin pagkalingon na pagkalingon ko. Muntik pa akong sumadsad sa lupa kung hindi pa ako nakahawak sa rehas ng gate nila.
“Para ‘yan sa pang-gagago mo kay Mia noon!”, anito.
Hindi pa man ako nakakabawi ay sinundan agad nito ng isa pang suntok sa kanan kong panga naman. Sa pagkakataong ito ay nasubsob ako sa may halamanan.
“Para naman ‘yan sa pang-gagago mo pa rin sa kapatid ko ngayon!”, dagdag pa nito.
Simula pagkabata ay kilala ko na si Myco bilang tahimik at kalmadong tao. Sa pagkakaalala ko ay isang beses ko lang ‘ata ito nakitang nagalit, at ‘yon ay noong may mga lalaking nambastos kay Macey habang pauwi ito galing sa school. Naalala kong pumunta ako sa kanto nang mabalitaan kong nakikipag-away si Myco para sana awatin ito, pero ang naging ending ay napasama na rin ako sa away para back up-pan din ito.
Imbes na magalit ay medyo natawa pa ako. Sa totoo lang ay mas nagtaka nga ako na ngayon lang ako nito binalikan sa mga ginawa ko kay Mia. Dahil kung tutuusin kulang na kulang pa ang mag-asawang suntok na ibinigay nito sa ‘kin para bayaran ang lahat ng ginawa ko sa kapatid niya.
“Tumatawa ka pang gago ka?!”, gigil nitong turan tsaka ako sinugod at hinila patayo gamit ang kuwelyo ng t-shirt ko.
Kahit medyo umiikot pa ang paningin ko ay pilit kong sinalubong ang tingin nitong nagliliyab sa galit.
Ramdam ko ang panginginig nito sa galit at ang paghigpit ng pagkakahawak nito sa kuwelyo ko. Pero kahit na gano’n ay halata ko pa rin ang pagpipigil nito sa sarili.
Parang gagong napangiti pa ako rito sa kagustuhang asarin ito para mapatid ang pasensya nito at mailabas ang lahat ng galit nito sa ‘kin.
At mukhang tagumpay naman ako dahil sunod-sunod na suntok ang inabot ko mula rito. Sa bawat pagtama ng kamao nito sa akin ay may kasabay na mura. Hinayaan ko lang ito na gawin ang lahat ng gusto niya hanggang sa mapahiga na ako sa lupa.
Sabog ang mukha ko sa mga tinamo kong suntok. I may sound weird, pero gusto ko ang nararamdaman kong sakit. Pakiramdam ko kasi ay kahit na paano, kahit katiting lang, ay nakabawi ako sa lahat ng sakit na idinulot ko kay Mia. I deserve this. Actually, kulang na kulang pa ‘to.
Tumigil lang sa pagsuntok si Myco nang marahil ay mapagod na rin ito. Hinihingal itong umupo sa tabi ko habang ako nama’y parang lantang gulay at duguang nakahandusay na sa lupa.
Ilang sandaling panay paghahabol ng hininga lang ang namagitan sa aming dalawa hanggang napahiga na rin ito sa lupa.
Matagal na walang nagsalita sa amin, tahimik lang kaming nakatingin sa langit na malapit nang takasan ng liwanag.
“Mahal na mahal ko si Mia”, maya-maya ay nasabi ko.
Hindi ito agad sumagot. Ilang saglit ang pinalipas ko bago ko ito nilingon, napangiwi pa akong bahagya sa sakit na dulot ng paggalaw ko. Nakatingin pa rin ito sa langit pero pormal ang mukha.
Bigla itong bumangon kaya’t pilit ko ring ibinangon ang bugbog sarado kong katawan. Nang sa wakas ay magawa kong maupo ay nakita kong nakatayo na ito pero sa ibang direksyon nakaharap.
“’wag puro salita Primo. Patunayan mo”, seryoso nitong sabi tsaka ako dinungaw sa pagkakaupo ko sa lupa.
“Pagbayaran mo habang buhay ang lahat ng pasakit na idinulot mo sa kapatid ko”, dagdag pa nito tsaka nagsimulang humakbang papasok ng bahay nila.
Nakakailang hakbang pa lang ito nang mu tumigil pero nanatiling nakatalikod sa ‘kin.
“Umuwi ka muna, ayusin mo ‘yang sarili mo. ‘wag kang magpapakita kay Mia ng sabog ‘yang mukha mo dahil kahit anong galit n’on sa ‘yo, siguradong malilintikan ako ‘pag nalaman n’on na ako ang me gawa n’yan”, anito tsaka nagpakawala ng marahas na hangin at tuluyang pumasok sa bahay nila.
Naiwan akong nakasalampak pa rin sa lupa. But knowing Myco, alam ko na ang ibig nitong sabihin. Napangiti ako pero nauwi iyon sa ngiwi dahil sa pagkakabanat ng putok kong labi.
Dahan-dahan akong tumayo at iika-ikang lumabas ng gate.
"Tatahi-tahimik lang pero kalakas sumuntok ni gago", mahina kong bulong habang medyo natatawa.