N A K A T A G I L I D . . . at nakabalot sa kumot nang magising ako. Hindi ako gumalaw pero dahan-dahan akong nagmulat ng mga mata. Tanging ilaw lang na nagmumula sa lampshade na nasa bedside table ang nagsisilbing liwanag ng silid.
Hindi ko namalayang nakatulog pala talaga ako kanina. Balak ko lang na magtulog-tulugan para takasan ang kahihiyan dahil sa mga pinaggagawa ni Macey sa harap ni Primo kanina. Pero dahil na rin siguro hindi pa rin ako talaga magaling ay natulog akong tuluyan.
Nakita ko si Macey na nakahiga sa sofa. Mukhang nakatulog ito. Nakapagpalit na ito ng damit at nakapag-ayos na rin. Hindi na ito mukhang sabog na hindi natulog ng pitong gabi.
Bago pa ako makagalaw ay biglang bumukas ang pinto at nakita ko agad ang puting coat kaya alam kong doktor ang pumasok. Mabilis na ipinikit ko agad ang mga mata ko para magpanggap na natutulog.
Akala ko ay aalis din ito kapag nakita nitong tulog kami pareho ng kapatid ko. Pero ilang sandali ang lumipas ay hindi ko narinig ang pag-alis nito, kaya nagpasya akong silipin ito. Tama nga ako, doktor nga ang pumasok, pero hindi lang ito basta kung sinong doktor, si Primo pala iyon. Nakatayo ito habang nakatingin kay Macey. Maya maya ay dinulugan nito ang huli.
"Macey?" mahuna nitong tawag sa kapatid kong himbing na himbing sa sofa habang marahan itong niyuyugyog.
Unti-unti namang nagising si Macey tsaka pupungas-pungas na naupo.
"Kuya Primo, andito ka na pala," tugon ni Macey habang nagkukusot pa ng mata.
Nakita kong tumango si Primo.
"Pahinga ka na. Ako na dito," wika nito sabay bahagyang ginulo ang buhok ni Macey.
Agad namang nagprotesta ang huli at pilit na inalis ang kamay ni Primo.
Napangiti ako. Naalala kong gan'on nga ang madalas gawin ni Primo kapag inaasar nito si Macey noong mga bata pa kami.
Noon naman bumukas ang pinto kaya sabay na napatingin doon ang dalawa. Iniluwa niyon si Travis na nakasuot diin ng white coat. Mukhang alam nito na naroon si Primo dahil hindi ito nagulat na maabutan ang huli doon. Sa katunayan ay mukhang si Primo pa nga ang pinunta nito doon.
Iniabot nito ang dala nitong chart kay Primo. Sandali namang binasa ng huli ang mga nakasulat doon tsaka tumango-tango.
"Thank you," ani Primo kay Travis na nagkibit balikat lang.
"I have another favor to ask" kaswal na sabi ni Primo sa huli.
"Pwede mo bang ihatid si Macey para makapagpahinga siya ng maayos?" tanong nito kay Travis.
"Sure," tugon naman ng huli.
Higit sa ano pa man ay mas hindi ako makapaniwala sa kung gaano ka-kaswal at ka-komportable ang dalawang ito sa isa't isa ngayon. Samantalang sa pagkakaalala ko, noong huling magkita ang mga ito ay para itong mga bulkang laging sumasabog sa init ng mga ulo nito sa isa't isa. Lalo na si Primo na talo pa ang buntis na naglilihi kay Travis.
"Hindi na kailangan. Kaya ko namang umuwi mag-isa. Tsaka 24/7 naman ang mga tricycle d'yan sa labas ng ospital," pagtanggi ni Macey habang inaayos ang mga gamit niya.
"Macey, wag na matigas ang ulo. Sige na, magpahatid ka na kay Travis at delikadong mag-isa ka pa sa ganitong oras," giit ni Primo sa kapatid ko na para bang batang paslit lang ang kausap.
"Pero Kuya--"
"Mas mapapanatag ako kung masisiguro ko na ligtas kang nakauwi," putol ni Primo sa akmang pagpoprotesta ni Macey.
"Make sure na makita mong nakapasok siya ng bahay nila bago ka umalis ah," baling nito kay Travis na para naman itong tatay na nagbibilin sa kasintahan ng anak niya, na kung tutuusin ay mas matanda pa nga ito sa kanya.
"That's a given, Primo. You don't have to tell me that 'cause that's what I intend to do anyway," sagot naman ni Travis.
Akala ko ay maiinis si Primo sa paraan ng pagsagot ni Travis, pero laking gulat ko nang tumango lang ito.
"Sige na, Macey," pagtataboy nito sa kapatid ko na wala nang nagawa kung di tumalima dito.
Pupungas-pungas pa itong naglakad palabas ng pinto habang si Travis naman ang nagdala ng bag at iba pang mga gamit nito.
Nakita kong nagtanguan lang sina Travis at Primo tsaka tuluyang lumabas na ang dalawa.
Binalingan ako ni Primo kaya agad akong pumikit ulit at nagkunwaring natutulog.
Ramdam ko ang paglapit nito sa akin hanggang sa naramdaman ko ang pagdampi ng labi nito sa bumbunan ko. Bigla tuloy akong na-conscious dahil siguradong amoy anit na ako dahil kahapon pa ang huli kong ligo.
Nang maramdaman ko ang paglayo nito ay muli akong sumilip ng bahagya.
Nakita kong hinubad nito ang puting coat tsaka iyon ihinagis sa arm rest ng sofa. Tapos ay pabagsak itong naupo na para bang pagod na pagod ito. Niluwagan nito ang suot na neck tie tsaka sandaling pumikit.
Ganap naman akong nagmulat para samantalahin ang pagkakataong pagmasdan ang gwapo nitong mukha habang nakapikit pa ito.
Hindi ko mapigilang hindi maalala ang mga sinabi nito kaninang umaga doon sa kalokohang laro ni Macey.
"Mahal mo ba ang ate ko?" tanong ni Macey.
"Mahal na mahal," sagot naman ni Primo.
Nanghaba ang leeg ko para mas lalo kong mapagmasdan ang bawat detalye ng mukha nito. Hindi ko mapigilang hindi mapangiti sa kilig na nararamdaman ko.
Paano kayang mahal daw ako ng gwapong nilalang na 'to? tanong ko sa sarili.
Biglang nagring ang cellphone nito kaya mabilis din akong bumalik sa pagkakabalot ko sa kumot at muling nagpanggap na tulog.
Dinig ko ang mga kaluskos gawa ng paggalaw nito.
"Ma," narinig kong sabi nito.
"She's sleeping. But her labs came back fine. CRP has gone down 24 hours after antibiotics, so we're in the right track," wika ulit nito sa kausap.
Sa pagkakataong ito ay muli akong sumilip para tingnan ang ekspresyon nito.
"Yeah, I'm okay. Si Talia?" tanong ulit nito.
Tahimik itong nakinig, kapagdaka'y tumango-tango.
"Good. Bukas pagdating ni Macey, uuwi akong saglit para magshower at magpalit ng damit. I can pick her up then so she can come and see Mia," sabi ulit ni Primo.
Sandali pang nag-usap ang mga ito bago tuluyang nagkapaalamanan.
Inilapag ni Primo ang cellphone sa maliit na lamesa sa gilid tsaka hinilot ang sentido niya.
Nakaramdam tuloy ako ng habag para dito.
"Alam mo hindi mo naman ako kailangang bantayan ngayon eh," sa wakas ay sabi ko.
Mukhang nagulat pa ito sa bigla kong pagsasalita. Pero nang makabawi ay agad din itong ngumiti at nilapitan ako.
"Hey, how are you feeling?" malamyos nito tanong.
Pinilit kong maupo kaya inalalayan naman ako nito. Nginitian ko ito bilang pasasalamat.
Tinapik ko ang espasyo sa tabi ko bilang tanda na gusto ko siyang maupo doon. Medyo nag-alangan pa ito noong una pero nang hilahin ko siya paupo ay hindi na rin ito nagprotesta. Hindi na rin nito pinakawalan ang kamay ko at marahan lang na pinipisil-pisil iyon.
Hindi ko alam kung gaano katagal kaming nagtititigan lang nang hindi nagsasalita. Ang alam ko lang, magaan na ang pakiramdam ko.
"Pwede ba akong magtanong?" basag ko sa katahimikan.
Tumango naman ito.
"Tungkol sana sa...sa nanay ni Talia," medyo alangan kong sabi.
Tiningnan ko muna kung makikitaan ko ito ng pagkailang, pero kalmado lang itong naghintay ng tanong ko.
"A-Anong nangyari?" tanong ko.
Sa totoo lang, marami akong gustong itanong tungkol sa bagay na iyon, pero ang tanong na iyon lang ang nagawa kong isatinig.
Ibinaba nito ang tingin sa mga kamay ko habang marahang hinihimas-himas iyon gamit ang hinlalaki ng magkabila niyang kamay.
"Her name is Caragh"