KABANATA 5
Sabado nang umaga ay maagang bumangon si Lucius, hindi niya alam kung bakit nagbabakasakali siya na makita muli si Chaaya. Gusto niya lang muling masilayan at makausap ang dalaga kaya naman inagahan niya ang kanyang gising. Alam niya kasi na may schedule si Manang Susan sa kanilang mansyon t’wing Sabado para maglinis sa paligid hanggang sa dalampasigan kaya hindi malabong kasama niya ang panganay niyang anak. Hindi lubos maisip ni Lucius na may panganay pa palang anak ang Ginang at ganoon pa kaganda, maganda naman si Suzzie kaya nga nahuhumaling ang kanyang kapatid sa kanya. Pero iba ang ganda ni Chaaya para siyang may lahi.
Pero napaka-imposible ng kanyang iniisip dahil purong Pinoy ang mag-asawa. Kahit na anong tingin niya rin ay hindi magkamukha sina Suzzie at si Chaaya, hindi niya man makita kung ano ang pagkapareho ng dalawang magkapatid o maging ang mga magulang nila.
Pinilig ni Lucius ang kanyang ulo dahil may mga pagkakataon naman na hindi talaga kamukha ng magulang ang kanilang mga anak o kaya naman ay hindi magkamukha ang dalawang magkapatid. May pagkakataon na tumulad ang mukha ng anak sa iba nilang kamag-anak dahil ganoon ang genes. Nasanay lang siguro siya na lagi siyang pinapakihawig sa kanyang ama at sa kanyang kapatid dahil kitang-kita ang similarities nilang tatlo. Laging sinasabi sa bayan nila na magkamukhang-magkamukha sila ng kanyang ama samantala ang kanyang bunsong kapatid naman ay ang maamong mukha sa kanilang tatlo pero kamukha din naman.
At siguro ay nasanay siya na laging magkamukha ang mga kapatid dahil… bigla siyang napahinto sa babaeng naalala niya. Mapait na lang siyang napangiti nang makita niya sa utak niya ang kanyang mukha ng dalawang babae. Kumusta na kaya sila ngayon? Wala na rin siyang balita simula noong iniwan na niya ang buhay niya sa Manila.
Kinuha na niya ang kanyang towel dahil kakatapos niya lang maligo. Pinilig niya na lang ang kanyang ulo dahil mas kailangan niyang magfocus sa kanilang business ngayon bilang pambawi sa kanyang ina dahil nagkaroon sila ng alitan noon. At kailangan na rin niyang pagtuunan ang kanilang business dahil malapit ng ipasa sa kanya ng kanyang ama iyon, ayaw din naman ng kapatid niyang si Lukas sa mundo ng business dahil may iba itong pangarap kaysa ikulong niya ang kanyang sarili sa kanilang kumpanya. Wala siyang choice kung hindi siya ang mamahala doon. Busy din kasi ang kanyang ama sa pulitika habang ang kanyang ina ang hands-on sa kanilang mga business.
“Magandang umaga po senyorito,” bati sa kanya ni Manang Amelia, siya ang namamahala sa kanilang mga kasambahay. Matagal na siyang nagsisilbi sa pamilyang Agravante simula pa noong mga bata sina Lucius. Lumaki na sila na naging parte na nang pamilya nila si Manang dahil malayong kamag-anak din ito ng kanilang ina kaya tiwala na sa kanya. Naging pamilya na rin ni Amelia ang mag-anak at tinuring na niyang apo ang dalawang senyorito dahil siya ang nagpalaki sa dalawa habang busy sa pulitiko ang kanyang ama at sa business naman ang kanyang ina.
“Magandang umaga, manang.” Masiglang bati sa kanya ni Lucius tiyaka siya naupo sa upuan kung saan naka-serve na ang kanyang almusal. Luminga pa siya sa paligid tiyaka niya tiningnan ang kanyang wrist watch kung anong oras na. “Si Lukas?” pagtatanong niya sa kanyang kapatid dahil alas siyete na pero hindi pa rin bumabangon ang kanyang kapatid. Alam naman niya na Sabado ngayon at walang pasok ang binatilyo pero maaga pa rin gumigising si Lukas t’wing Sabado para pakainin ang kanyang kabayo.
“Umalis kaninang umaga ang iyong kapatid, senyorito.” sagot ni Amelia. Kahit na tinuring na niyang apo ang dalawa ay hindi pa rin mawala ang tawag niyang senyorito para hindi malimutan ng dalawang binata kung sino talaga sila. Pwera na lang kapag galit siya sa dalawa at pagsasabihan niya, doon niya palang tinatawag sa pangalan ang dalawang binata.
“Bakit? Saan siya pumunta?” pagtatanong ni Lucius tungkol sa kanyang kapatid. Alam niyang maloko ang kanyang kapatid pero hindi naman siya gigising ng ganoong kaaga para lang sa kalokohan niya. “Sumama siya kay papa?” pagtatanong pa ni Lucius dahil siya ang laging sinasama ng kanyang ama sa pulitika dahil modelo ang kanyang kapatid kapag napupunta sila sa Manila. Hindi nga lang niya masyado pang sineseryoso ang showbiz pero alam niya na iyon ang gustong pasukin ng kapatid niya keysa sa kanilang negosyo o sumunod sa yapak ng kanyang ama.
“Sinamahan niya raw si Suzzie sa palengke para magtinda ng mga isda na nakuha ni Juan, kilala mo naman ang kapatid mo.” wika ni Amelia habang naglalagay siya sa pagkain ng binata. Maagang kumakain ang mga kasambahay para hindi na sila sumabay sa mag-anak kaya nakakain na rin siya dahil sinasabayan niya ang iba pa nilang kasama sa bahay.
“Hindi pa ba siya umaamin?” malokong tanong ni Lucius kay Amelia kaya natawa ang matanda dahil alam niya ang asaran ng dalawang magkapatid.
“Ikaw talaga at lagi mo na lang inaasar ang kapatid mo tungkol diyan,” panenermon ni Amelia sa binata kaya natawa si Lucius. “‘Magkaibigan lang kami’ iyan palagi ang sagot ng kapatid mo sa usapin na ‘yan.” umiiling na sagot pa ni Amelia.
Kumain na ng agahan si Lucius. At dahil wala naman siyang naka-schedule na gagawin ngayong araw ay hindi naman niya binilisan ang kanyang pagkain. Mabuti nga at walang pinapagawa ang kanyang mga magulang ngayong Sabado at bukas na Linggo dahil lagi nila itong tinatambakan ng ginagawa lalo na ang kanyang ina dahil katulad ni Isabella ay masama pa rin ang loob nila sa ginawa niya noon. Hindi naman siya nagsisi kung ano man ang desisyon niya noon dahil alam niya na doon siya sasaya kahit na hindi man siya ang pinili ng taong mahal niya. Wala siyang pagsisihan dahil alam niya na ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya para ipaglaban ang pagmamahal niya sa babae.
Pagkatapos niyang mag-agahan ay wala siyang magawa kaya pumunta siya sa kuwadra ng mga kabayo pero nakasalubong niya ang isa nilang tauhan at kakatapos lang niyang pakainin ang lahat ng kanilang kabayo kaya wala na siyang gagawin doon. Tingnan na lang niya tuloy ang kalagayan ng mga kabayo bago siya muling lumabas sa kuwadra.
Tiningnan niya ang kanilang mga tauhan na maaga pa lang ay nililinis na ang paligid ng mansyon. Ayaw kasi ng kanyang ina ang marumi at makalat kaya kahit na malinis na ay nililinis pa rin ito. Maarte ang kanyang ina kaya naman araw-araw ay may naglilinis sa labas at loob ng mansyon maging sa dalampasigan. Pero habang naglalakad-lakad siya ay hindi niya makita ang pamilyar na mukha na kanyang hinahanap. Nagpasya siyang maglakad sa may dalampasigan kung saan niya unang nakita ang dalaga.
Ngunit nadismaya lang siya sa kanyang nakita dahil wala doon ang mukha na gusto niyang masilayan. Huminga siya ng malalim bago siya nagpasyang magtanong sa isang Ginang na sa tingin niya ay ka-edaran lang ni Manang Susan para magtanong.
“Manang,” pagtawag niya kaya agad naman tumayo ng tuwid ang ginang dahil ang senyorito ang tumawag sa kanya.
“Ano po iyon, senyorito?” magalang na tanong niya. Ginala muna ni Lucius ang kanyang mata para sa hiling pagkakataon ay makita niya kung wala nga ba talaga ang dalaga.
“Si manang Susan po?” pagtatanong niya dahil alam niya na baka hindi pa kilala ng ibang tauhan nila ang panganay na anak ni manang Susan.
“Ay wala po siya ngayon sa trabaho,” sagot ng matanda. Kumunot ang noo ni Lucius dahil alam niyang hindi naman lumiliban ang ginang sa kanyang trabaho. “Masama raw ang pakiramdam, pumunta kanina dito ang kanyang panganay na anak para ipaalam. Pinayagan siya ni Madam Amelia kanina at sinabihan na alagaan na lang po niya ang kanyang ina kaya wala ang dalawang mag-ina dito,” pagkwento ng matanda sa kanya kaya dahan-dahan siyang napatango.
“Ganon po ba? Sige po, salamat po.” Ngumiti si Lucius bago siya nagpaalam at tiyaka na siya umalis at muling umakyat kung saan ang kanilang mansyon.
Maganda ang araw ngayon, hindi masyadong mainit siguro ay dahil maaga-aga pa naman. Nagdesisyon siyang lumabas sa mansyon at naglakad-lakad na lang para ma-refresh siya kahit papaano dahil puro trabaho na lang ang inatupag niya sa mga nakalipas na araw o Linggo. Sadyang hindi talaga siya pinagpahinga ng kanyang mga magulang at may malaking deal pa siya na kailangan makuha kaya naman babad siya sa kanyang trabaho, mabuti na lang ay na-close na niya ang deal na iyon kaya may oras siya para sa kanyang sarili.
Habang naglalakad siya ay hindi niya alam kung bakit dinala siya ng kanyang mga paa sa isang bahay. Hindi lang para daanan kung hindi huminto rin siya sa bahay na tila may hinihintay siyang lumabas sa maliit na bahay na pinaghalong kubo at semento. Kabisado na niya ang daan papunta doon dahil lagi ba naman nagpapasundo ang kanyang kapatid sa kanyang motor kapag tumatakas siya sa kanilang mga magulang para mag-stay sa bahay nina Suzzie.
Bigla siyang napaayos ng tayo ng bumukas ang pinto pero hindi iyon ang taong inaasahan niya ang makikita niya. Nagulat din si Susan dahil nasa labas nila ang Senyorito kaya naman bigla siyang napa-yuko ng ulo para mabigay ng pansin sa presensya ng Senyorito.
“Senyorito,” bati ni Susan, lumabas siya para bumili ng sibuyas sa malapit na tindahan sa kanila dahil naubusan na pala sila at kailangan niyang magluto ng tanghalian para sa dalawa niyang anak na nasa palengke at nagtitinda ngayon kasama ang kanyang asawa dahil kargador ang asawa niya pagkatapos na pagkatapos niyang mangisda.
“Ma-manang,” bati ni Lucius tiyaka siya tumikhim dahil nautal siya. Para siyang batang nahuli na may gustong masilayan. Kinakabahan siya na nahihiya kay Susan dahil panganay na anak niya ang gusto niyang masilayan.
“Naparito po kayo?” pagtatanong ni Susan dahil baka may mahalagang ipinapasabi ang Senyora sa kanya. Kung hindi susunduin ni Lucius ang kanyang kapatid ay iyon lang naman ang pakay ni Lucius kapag pumupunta siya sa kanilang bahay at ngayong nasa tapat siya, wala naman ang isang senyorito sa kanilang bahay ay baka may mahalagang gustong iparating ang Senyora.
“Ah,” hindi alam ni Lucius kung ano ang idadahilan niya kaya napaiwas siya ng tingin sa matanda dulot ng hiya na nararamdaman niya. “Ah… napadaan lang po ako,” wika ni Lucius, kahit na nagtataka ay dahan-dahan na tumango ang matanda. “Ah, nagja-jogging lang po ako dito at napadaan ako dito, hehe.” nahihiyang sambit ni Lucius tiyaka niya iginaya ang daan at umakto na nag-jogging siya.
Dahan-dahan muling napatango ang matanda kahit na nang tiningnan niya ang Senyorito na naka short lang at isang puting t-shirt na hindi naman mukhang nag-jogging at medyo sumisilay na ang araw ay tumango na lang siya sa dahilan ng Senyorito kahit na hindi masyadong kapani-paniwala ang kanyang dahilan.
“At ah,” napansin ni Lucius ang pagtingin sa kanya ng matanda at nakita niya na nagtataka ito dahil sa suot niya kaya kailangan niya muling mag-isip ng palusot. “Nasabi po sa akin ni Aling Amelia na may sakit daw po kayo kaya napadaan lang ako para kumustahin kayo.” mabilis na sabi niya dahil iyon na lang ang natitira niyang pwedeng idahilan kung bakit siya nandito.
“Medyo bumuti na po ang pakiramdam ko, Senyorito,” hindi pa rin maalis ang pagtataka kay Susan dahil noong mga may sakit din naman siya noon ay hindi siya dinalaw ng ganito ng Senyorito sa halip ay tinatanong niya ito kapag muli na siyang naglinis ng mansyon kaya alam niya na may kakaiba ngayon sa kinikilos ng binata. “Sa katunayan ay bibili na po ako ng sibuyas diyan para mapagluto ko po ng tanghalian ang aking mga anak,” biglang nabuhayan si Lucius sa sinabi ni Susan. Iyon ang hinihintay niyang marinig kanina pa.
“Ganon po ba? Nasaan po ba ang mga anak niyo? Balita ko po kay Manang Amelia ay kasama ni Suzzie ang aking kapatid.” Sambit niya, sa wakas ay may nagawa rin naman mabuti ang kanyang kapatid at nagamit niya pa itong palusot. Hindi niya rin kasi maintindihan ang kanyang mga paa kung bakit bigla na lang siyang dinala ng kanyang mga paa sa tapat ng bahay nina Manang Susan.
“Nasa palengke sila ngayon Senyorito, tinulungan niya kanina si Suzzie na magbenta ng isda dahil medyo masama pa ang pakiramdam ko kaninang madaling araw,” pagpapaliwanag ni Susan kay Lucius.
Tumikhim muna si Lucius bago siya magtanong muli patungkol sa kanyang panganay na anak.
“Wala po ba kayong kasama?” pagtatanong niya para masigurado na nasa palengke nga ang kanyang panganay na anak. Kumunot ang noo ni Susan dahil parang ramdam na niya kung bakit napadpad sa tapat ng bahay nila ang Senyorito.
“Sumunod din si Chaaya sa palengke dahil baka biglang iwanan ng kapatid mo ang anak ko at magkaroon ng emergency sa inyong mansyon at walang makakasama si Suzzie.” sagot ni Susan. Alam niya na minsan ay nagkakaroon ng emergency sa mansyon kung saan pinapatawag ang dalawang Senyorito kaya nag-aalala siya sa kanyang anak na baka wala siyang makasama doon kaya pinasunod na lang niya si Chaaya para malibang din ang dalaga. Mukhang nag-aalala din kasi si Chaaya sa kanya kanina dahil nanghihina siya kaya pinilit niya ang dalaga na sundan na ang kanyang kapatid.
“Ah ganon po ba,” bahagyang natawa si Lucius kahit wala naman nakakatawa. Hindi niya lang alam kung ano pa ba ang isasagot niya sa Ginang dahil kita niya sa mukha ni Manang Susan na naguguluhan na siya sa kinikilos at sinasabi ng binata.
“Ganoon nga ho, Senyorito.” sagot ni Susan. “May emergency po ba sa inyo kaya hinahanap niyo si Senyorito Lukas?” pagtatanong ni Susan sa binata. Tiningnan niya ang paligid pero wala namang dalang sasakyan o body guard man lang ang Senyorito kaya alam niya na wala naman emergency.
“Ah hindi naman po, may lakad po kasi kami ngayon. Mukhang nakalimutan niya lang po.” Agad na sagot ni Lucius dahil alam niyang naghihinala na ang ginang. “Sige po at pupuntahan ko na lang po siya sa palengke.” Paalam niya sa ginang tiyaka na siya naglakad paalis sa bahay.
Hindi maintindihan ni Susan kung bakit ganon na lang ang inakto ng binata at mukha pa siyang kabado. Alam na alam niya ang ekspresyon na ganoon ng Senyorito dahil minsan na niyang nakitang ganoon ang binata kaya naman lalong umusbong ang paghihinala sa kanyang dibdib at sa magkasabay na pagkakataon ay nakaramdam siya ng kaba dahil kilala niya ang Senyora.
Habang padabog naman naglalakad si Lucius pabalik at pinagsasabihan ang kanyang sarili dahil nakakahiya ang ginawa niya ngayong araw. Hindi niya maintindihan kung bakit siya biglang pumunta sa tapat ng kanilang bahay para lang masilayan ang dalaga. Nagmumukha siyang stalker, hindi niya maiwasan na sabunutan ang kanyang sarili dahil sa kahihiyan na ginawa niya pero kahit na ganon ay mas pinili niya pa rin pumunta sa palengke para kumustahin ang kanyang kapatid.
Dahil medyo malayo ang palengke ay pumara siya ng tricycle, mabuti na lang at dala niya ang kanyang wallet ay may pambayad siya. Nakarating din naman agad sila. Sumalubong sa kanya ang dami ng mga tao at ang maingay na palengke. Wala siyang magawa kung hindi pumasok sa loob kung saan nakapwesto ang mga nagtitinda ng mga seafoods at karne dahil nandoon ang pwesto ng mag-anak. Alam niya kung saan ang pwesto ng mag-anak dahil sa kanyang kapatid at isa pa kapag kasama siya ng kanyang ama na namamasyal sa palengke para kumustahin ang kanilang mga kasama sa isla ay nakikita niya ang mag-ina na sina Suzzie at manang Susan na nagtitinda sa kanilang pwesto.
Malayo pa lang siya ay natanaw na niya ang kanyang kapatid na ngiting-ngiti sa mga bumibili at nagtatawag naman si Suzzie nang mga bibili ng kanilang paninda. Ito lang kasi ang palengke sa kanilang isla kaya naman maraming mga tao ang nandito. Agad na pumukaw sa kanyang mata ang babae na tahimik at mukhang hindi sanay sa ganoong paligid habang pinapaypayan niya ang kanilang paninda gamit ang isang stick na may plastik sa dulo para maitaboy ang mga langaw.
Napatigil siya dahil sa angkin nitong kagandahan. Habang tinitingnan niya nang matagal ay doon niya narealize na hindi bagay ni Chaaya ang palengke. Dahil sa kanyang kutis ay parang naliligaw siya sa mga nakakasalamuha niyang tao. Magkasing-vibe sila ng kanyang pinsan na si Isabella na lumaking spoiled brat dahil unica iha siya ng kanyang tiyo. Para bang ganoon din ang pagpapalaki sa kanya ang kaso nga lang ay alam niyang anak siya ni Manang Susan kaya imposible kung ano man ang iniisip niya.
Nang makapagbayad nag customer ay sumali si Lucas sa pagtatawag ng customer kay Suzzie kaya nakita niya ang kanyang nakakatandang kapatid sa malayo, kinawayan niya ito dahil alma niya na sa banda nila ito nakatingin pero mukhang focus lang ang kanyang kuya kaya sinundan niya ang tingin nito hanggang dumapo ang tingin niya sa nakakatandang kapatid ni Suzzie. Napangisi si Lucas dahil alam na alam niya ang tinginan ng kanyang kuya at hindi rin lingid sa kanyang kaalaman na ayaw niya sa palengke hindi dahil maarte siya kung hindi ayaw niya sa maingay mas gusto ng kuya niya ang tahimik kaya nakakapagtaka na bigla siyang bumisita sa palengke na hindi kasama ang kanilang ama.
“Nandito ang dalawang anak ng mayor,” rinig ni Lucas na sila ang pinag-uusapan ng mga dalaga na nautusan ng kanilang mga magulang para mamalengke.
“Si Senyorito Lucas ay hindi na bago na nandito siya dahil sa kanyang kaibigan,” rinig niyang sagot ng isa. Kung hindi magkaibigan ang dalawang nag-uusap ay baka magpinsan sila na sabay namalengke. “Pero ang Senyorito Lucius ay nakakapagtaka na nandito siya at hindi niya man lang kasama ang mayor,” maging ang mga tao ay nagtataka kung bakit nandito ang kanyang kapatid na hindi kasama ang kanyang ama dahil nasanay na ang mga tao na bumibisita lang ang kanyang kuya kapag kasama ang kanilang ama.
Napangisi si Lucas tiyaka siya napailing dahil ramdam na niya na mukhang tatamaan na naman ang kanyang kuya at may bago na naman magiging stress ang kanilang ina. Tiningnan niya muli si Chaaya na tahimik lang nagpapaypay ng kanilang paninda, konti na lang din naman ang kanilang paninda dahil maraming bumibili sa kanila.
“Si Senyorito Lucius ba iyon?” binangga pa ni Suzzie ang kanyang balikat tiyaka ito bumulong kay Lucas para itanong iyon. Agad na sinamaan ni Lucas ng tingin ang kanyang kaibigan.
“Ilang beses ko bang sasabihin na tawagin mo siyang kuya at huwag senyorito?” naiinis na tanong niya dito pero inirapan lang siya ni Suzzie.
“Senyorito Lucius!” nagulat ang dalawang magkapatid maging si Chaaya nang sumigaw ang kanyang kapatid kaya napatingin sa kanya si Lucius habang napatingin naman si Chaaya kung saan ang tingin ng kanyang kapatid at kung sino ang sinisigawan nito habang kumakaway ito sa kanya. Muling sumigaw si Suzzie dahil gusto niyang palapitin ang ang Senyorito sa kanila.
“Dito po kayo!”