Chapter 1 Ang Nurse at ang Matinee ni Idol.
“Late na naman ako….” Bulong ni Almira Crizano habang halos tumatakbo papasok ng St. Benedict Medical Hospital. Pawis na pawis siya kahit malamig ang aircon sa hallway
Pagdating niya sa Nurse Station,sinalubong agad siya ng isang mataray na tingin ng head nurse.”Bakit ngayon ka lang? Marami ngayon mga pasyente.”
“Pasenya na po, Ma’am, Hindi na po mauulit.” Mabilis niyang sagot sabay yuko.
Pero bago pa siya nakapaghanda ay nagsigawan na ang mga tao sa paligid. Nasa Emergency ang ingay at may mga kasamang bodyguards at personal assistant
“ Si Drew nariyan raw!” Kinikilig na sabi ni Bea sa isa pang nurse.
“Talaga? Maya maya mapuntahan nga. Crush na crush ko yun eh.” Sagot ng isa.
Hindi na pinansin ni Almira ang mga nurse na nagkakagulo sa hallway dahil sa presensya ng guwapong aktor. Sanay na siya sa mga ganitong eksena sa ospital, mga sigawan, kilig, at bulungan tuwing may sikat na dumadating.
Hanggang sa pinatawag siya ng head nurse.
“Crizano, ikaw ang na-assign sa emergency. Ingat sa pagkilos, VIP ang pasyente.”
Huminga siya ng malalim bago nagtungo sa emergency room. Mabilis ang kilos ni Almira, wala kasing puwang ang mabagal sa ganitong sitwasyon.
Sa pagmamadali niya—
BLAG!
Nabunggo niya ang isang lalaking naka-hood at naka-mask. Muntik na siyang matumba.
“Ay!” gulat niyang sigaw, agad niyang hinawakan ang braso niya.
“Naku, nakaharang ka kasi!”
Hindi na niya tiningnan pa kung sino ang nabangga. Tuloy-tuloy lang siyang tumakbo papunta sa emergency.
Nanatiling nakatayo naman ang lalaki, hawak ang dibdib na tinamaan. Napakunot ang noo niya.
Hindi man lang nag-sorry?
Pero bago pa siya makagalaw, may napansin siyang nahulog mula sa bulsa ng babae , isang maliit na notebook. Pinulot niya ito at napatingin sa direksyong tinakbuhan ng dalaga.
Wala sa loob niyang inilagay ang notebook sa bulsa ng jacket ng kaibigan niyang naaksidente kanina sa motor.
Habang abala si Almira sa pag-aasikaso ng mga gamit at pasyente, hindi niya namalayang may mga matang kanina pa nakasunod sa bawat galaw niya.
Si Drew Morales, ang sikat na matinee idol, ay tahimik na nakamasid mula sa gilid ng emergency room.
Hindi niya alam kung bakit, pero parang biglang bumagal ang oras habang pinapanood niya ang dalaga.
“Ang ganda niya…” bulong niya sa sarili, halos hindi napigilan ang ngiti.
“What if… this time, nurse naman ang maging girlfriend ko? Masarap kaya magmahal ang nurse? At… mag-romansa?”
Napailing siya agad sa sariling biro at napatawa nang mahina.
“Ano ba, Drew,” bulong niya muli, pinilig ang ulo. “Nasa bingit ng kamatayan ang kaibigan mo, tapos kung ano-anong naiisip mo.”
Pero kahit anong pilit niyang ibaling ang atensyon sa kaibigan, hindi niya mapigilang muling sulyapan si Almira — lalo na’t nakikita niya kung gaano ito kaseryoso at mabilis kumilos.
Ang bawat galaw nito, may kumpiyansa at lambing.
At sa di niya maipaliwanag na dahilan… parang gusto niyang makilala pa ito.
Pagkatapos ng halos dalawang oras sa emergency room, bahagyang napahinga si Almira. Tagaktak ang pawis niya sa pagod, pero may ngiti sa labi, buhay ang pasyente. Isa na namang kaluluwang nailigtas.
Habang inaayos niya ang mga chart, naramdaman niyang parang may nakatayo sa likuran niya. Napalingon siya — at halos matigilan.
Si Drew Morales.
Mukhang kakagaling lang sa labas ng ospital, nakasuot ng itim na hoodie at cap, pero kahit gano’n, hindi maitago ang karisma nito.
“Hi…” mahinang bati ni Drew, may bahid ng kaba sa boses. “Ikaw pala ‘yung nurse kanina sa ER?”
Tumango lang si Almira, medyo nagulat. “Opo, ako po ‘yung naka-assign sa kaibigan niyo. Stable na po siya ngayon.”
“Salamat ha,” seryosong sabi ni Drew. “Kung hindi dahil sa’yo, baka…”
Sandali siyang tumigil, saka ngumiti. “Ayokong tapusin ‘yung sentence na ‘yon.”
Ngumiti rin si Almira, bahagyang nahiya. “Trabaho lang po, Mr. Morales.”
“Drew na lang,” mabilis niyang tugon, sabay abot ng kamay.
“At ikaw si…?”
“Almira.”
Bahagyang nagtagpo ang kanilang mga mata. Para bang saglit na tumigil ang paligid ,naroon lang sila, sa gitna ng amoy ng antiseptic at mahinang tunog ng monitor.
“Almira…” dahan-dahang ulit ni Drew, para bang sinusubok bigkasin ang pangalan na kanina pa tumatak sa isip niya. “Bagay sa’yo.”
Bahagyang natawa ang dalaga, umiwas ng tingin. “Siguro po pagod lang kayo, Mr—este, Drew. Kailangan niyo ring magpahinga.”
“Siguro nga,” natatawang sagot niya, “pero parang bigla akong nagising nung nakita kita ulit.”
Ngumiti si Almira, pero agad ding umiwas at tumalikod. “Magpahinga na po kayo."
At habang papalayo siya, sinundan lang siya ni Drew ng tingin, muling naramdaman ang hindi maipaliwanag na kuryente sa dibdib.
Nurse pa lang ‘to, ha… pero parang ako na ‘yung pasyente.
Almira POV
Habang nagpapahinga sa nurse’s lounge, napahilig si Almira sa upuan at muling naalala ang mukha ni Drew Morales.
Ang guwapo niya pala talaga…
Napangiti siya nang bahagya. Naiisip niya kung gaano ka-gusto na makita ni Ate Lyka, na matagal nang celebrity crush si Drew.
Kaya pala Fan na Fan si Ate sa kanya, may dahilan naman pala.
Sandaling natawa si Almira, pero agad ding umiling.
“Pero kahit gaano siya kaguwapo, hindi pa rin siya ang Celebrity crush ko babaero kaya yun,” mahina niyang bulong sa sarili.
Ang totoo, may laman na ang puso niya — si Calix.
Noong unang beses pa lang silang nagkakilala, ramdam na niya ang pagiging gentleman nito. Tahimik pero matulungin, laging may respeto, at hindi nagyayabang.
Yun ang tipo ng lalaking gusto niya.
Hindi katulad ni Drew na halatang sanay sa atensyon ng mga babae — at siguro, sa paglalaro ng puso ng iba.
Napailing siya, sabay hinga nang malalim.
“Ayoko ng komplikado,” sabi niya sa sarili. “Si Calix lang. Siya ang gusto ko.”
Pero kahit anong pilit niyang ibaling sa iba ang isip, hindi niya maitago ang ngiti sa tuwing sumasagi sa isip niya ang mga mata ni Drew kanina — ‘yung tingin na parang may gusto siyang sabihin, pero hindi niya masabi.
“Almira, may bisita ka. Si Governor Aiden,” sabi ni Jayson, isa rin sa mga nurse.
Napatingin agad si Almira, bahagyang napangiti.
“Si Kuya?” tanong niya, sabay tayo. “Sige, pupuntahan ko.”
Habang naglalakad palabas ng lounge, napangiti siya nang bahagya. Miss na miss na niya ang kuya niya — si Governor Aiden, ang matalino pero maalagang kapatid na palaging nag-aalala sa kanya kahit gaano ito ka-busy.
Paglapit niya sa lobby, nakita niya itong nakangiti.
“Kuya!” tawag niya, sabay yakap.
“Namiss kita,” sagot ni Aiden, ginantihan ang yakap. “Kumusta ka na, bunso?”
Umiling siya, pilit na nagpipigil ng emosyon.
“Okay lang ako, Kuya. Busy pa rin sa duty.”
Ngumiti si Aiden, pero bakas sa mga mata nito ang pag-aalala.
“Narinig ko ‘yung tungkol kina Calix at Belle…” maingat na sabi nito.
Bahagyang natigilan si Almira, pero ngumiti pa rin.
“Okay lang po ako. I’m happy for them, actually. Oo, masakit, pero… never naman naging akin si Calix.”
Sandaling natahimik si Aiden, marahang pinisil ang balikat ng kapatid.
“Almira, kahit kailan, hindi mo kailangang itago ‘yung sakit. Pero proud ako sa’yo — kasi kahit nasasaktan ka, marunong ka pa ring magpasalamat.”
Ngumiti si Almira, kahit may kislap ng luha sa kanyang mga mata.
“Kuya, minsan kasi… mas madali nang masaktan kesa maging dahilan ng sakit ng iba.”
Tahimik lang si Aiden, pinagmamasdan ang kapatid.
Sa loob-loob niya, ramdam niya — hindi lang basta nasaktan si Almira; marahil, natutong tanggapin ang mga bagay na hindi para sa kanya.