Almira’s POV
Pauwi na ako. Inaayos ko na ‘yung mga gamit ko habang pinipilit na i-relax ang isip ko.
Kailangan ko na talagang makita ‘yung diary ko, sabi ko sa sarili.
Hay. Napabuntonghininga ako. Para naman makalma ako kahit papaano.
‘Yung diary lang talaga ang kasama ko sa lahat—‘yung tanging nakakaalam ng mga hinaing ko, ng mga bagay na hindi ko kayang sabihin kahit kanino.
“Kung nailabas ko lang lahat ng bigat kanina…” mahina kong sabi, halos wala nang gana.
Kinuha ko ang sling bag ko at naglakad palabas ng nurse station.
Pero pagdating ko sa pinto—
napahinto ako.
Si Drew.
Nakatayo siya doon, nakangiti, parang may hinahanap.
Napahigpit ako ng hawak sa bag. Naku, hindi ngayon. Wala ako sa mood makipagkulitan.
Agad akong nagtago sa gilid ng pader, sumilip sandali.
Ayaw ko munang makita siya—ayaw kong magpanggap na okay, ayaw kong ngumiti kapag hindi ko naman kayang ngumiti.
At ayaw ko ring maipit na naman sa kung saan-saan kaming taguan dahil may mga fans siyang biglang sumusulpot.
Wala ako sa mood, Drew, bulong ko sa sarili habang nakayuko.
Nang makalampas na siya, dali-dali akong tumakbo palabas ng hallway, halos nakayuko para hindi niya ako makita.
Pagkalabas ko ng building, huminga ako nang malalim.
“Sa wakas…” sabay tawa nang mahina.
“Parang tanga lang, eh. Nagtatago ako parang ako ‘yung stalker.”
Umiling ako, sabay ngiti kahit papaano.
Siguro nga pagod lang talaga ako.
At sa dami ng nangyari ngayong araw… diary ko na lang ulit ang kakausap sa akin.
Almira’s POV
Pag-uwi ko, diretso ako sa kwarto.
Hindi ko na nga yata naramdaman kung gaano ako kabigat o kagutom. Ang gusto ko lang, makaupo. Makahinga.
Umupo ako sa tabi ng kama, binuksan ang drawer—pero wala na ro’n ang lumang diary ko.
“Hay, saan ko na naman nilagay ‘yon…” mahina kong sabi habang binubuksan ang isa pang kahon.
Wala talaga. Saan kaya ko siya nailagay.
Kaya imbes na hanapin pa, kinuha ko na lang ‘yung isang maliit na notebook na may natirang ilang pahina sa dulo.
Simula ulit tayo, bulong ko sa sarili.
Kumuha ako ng ballpen, at sa unang pahina, sinulat ko nang malaki:
“New Diary, Same Me.”
Napangiti ako nang bahagya, kahit may pagod pa rin sa mga mata ko.
Huminga ako nang malalim, tapos nagsimulang magsulat.
Dear Diary,
*Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Ang dami kong gustong sabihin pero parang kahit anong ilabas ko, kulang pa rin.
Kanina, nakita ko ulit si Calix. At si Belle. At sa totoo lang, akala ko okay na ako. Pero hindi pala. Ang sakit pa rin.
Nakakatawa ‘no? Ako pa ‘yung nurse pero ako ‘tong hirap magpagaling ng sarili kong sugat.
Pero okay lang. At least ngayon, alam kong totoo ‘yung naramdaman ko noon.
Si Drew naman… ewan. Ang kulit pa rin. Pero ngayong pagod ako, ayoko muna ng mga ngiti niya. Ayoko muna ng mga joke niya. Gusto ko lang katahimikan.
Sana, Diary, matulungan mo akong ilabas lahat ng ‘to. Kasi kapag hindi… baka tuluyan na akong malunod sa mga hindi ko nasasabi.*
Pagkatapos kong isulat ‘yun, napasandal ako sa headboard. Tahimik.
May bigat pa rin, pero iba na. Parang may konting gaan.
Kinuha ko ang ballpen, dinugtungan ang huling linya:
Bukas ulit. Baka mas kaya ko na.
Drew’s POV
Kanina ko pa hinahanap si Almira pero wala.
Tinanong ko na si Sheila, pero sabi niya, hindi raw nila napansin si Almira matapos magpaalam.
“Sayang,” bulong ko sa sarili. “Hindi ko siya naabutan.”
Napakamot ako sa ulo.
Ni hindi ko man lang nakuha ‘yung number niya. Sana pala, kahit kunwari lang na may kailangan akong itanong, nahingi ko na.
Pero ewan ko—mukhang ayaw niya rin ibigay.
Kaya ayun, dumiretso na lang ako sa ospital para dalawin si Caleb.
May malay na siya pero medyo hirap pa rin gumalaw, lalo na ‘yung mga paa niya.
Pagpasok ko sa kuwarto, nakangiti akong kumaway.
“Musta, pare?”
Ngumiti rin siya, mahina pero may lakas ng loob.
“Buhay pa, hehehe. Pero teka—narinig ko ah, may nililigawan ka raw dito? Nurse daw?” Napataas kilay niya, sabay ngisi. “Ano ‘yan, seryoso ka ba o pampalipas oras mo lang habang bored ka dito sa ospital?”
Napailing ako sabay tawa. “Sira ulo ka talaga.”
“Si Nurse Almira ba ‘yon?”
Nakangiti pa rin si Caleb, halatang nang-aasar.
“Pre, maawa ka naman sa pobreng nurse. Mukhang inosente ‘yon. Baka mamaya, pag niloko mo, hahabol-habol na sa’yo ‘yan. E ikaw pa naman, ang galing mong magpaasa!”
Napailing ako, pero hindi ko mapigilang mapangiti.
Mas gusto ko sana kung ganun nga—kung ako ‘yung hahabulin niya.
Pero syempre, dahil ayokong mabuko, iba ang lumabas sa bibig ko.
“At least,” sabi ko habang tumatawa, “makakaranas siya ng boyfriend na guwapo, magaling mag-romansa, at—” napahinto ako sandali bago ngumiti, “Loko ka, iba si Almira.”
Tahimik sandali si Caleb, pero nakangisi lang.
Hindi namin napansin, nakatayo pala si Jayson sa may pintuan.
Narinig niya ‘yung halos lahat—maliban lang sa huling sinabi ko.
Lumabas siya bigla, sabay buntong-hininga.
“Yare ka sa akin, Drew,” bulong niya habang naglalakad palabas.
“Susumbong kita kay Almira!”