Naiiyak na si Almira kakahanap ng diary niya. Naiinis na siya sa sarili kung saan niya ba ito nailagay.
“Hay, ano ba ‘to? Saan ko ba nailapag ‘yon?” bulong niya, halos halughugin na ang buong hospital, mula nurse station hanggang locker area—sa kakahanap.
“Hey, Mira, anong hinahanap mo?” tanong ni Jayson, kapwa nurse na palaging nakabuntot sa kanya.
“Huwag ka munang magulo. May hinahanap ako,” iritado niyang sagot, hindi man lang tumingin dito. Naku, eto na naman. Mamaya, aamin na naman ‘to ng feelings.
“Para nga matulungan kita,” mahinahon pero may lambing na sabi ni Jayson.
Umiling si Almira. “Huwag mo lang akong kulitin, okay?” sagot niya, sabay buntong-hininga.
“Hoy, lovers! Anong drama niyo diyan?” biglang singit ni Bea, isa ring nurse at kaibigan niya, habang nakangisi.
“Isa ka pa,” inirapan ni Almira.
“Uy, inom daw tayo sabi ni Sheila,” yaya ni Bea, sabay kindat.
“Pass muna ako,” mabilis niyang sabi habang patuloy pa rin sa paghahanap. “May importante lang akong hinahanap.”
“NO! Hindi puwede!” pilit ni Bea, sabay hawak sa braso niya. “Bukas mo na hanapin ‘yan. Baka mamaya nasa bag mo lang din pala. Tara na, relax ka muna.”
Dahil sa kakulitan ng mga kaibigan, wala nang nagawa si Almira kundi ang sumunod. Pero habang naglalakad papalabas ng hospital, hindi pa rin mapakali ang isip niya. Saan ko ba nilagay ‘yung diary ko? Diyos ko, sana hindi napunta sa maling kamay.
Maingay at madilim sa loob ng resto-bar—malakas ang tugtugan, halatang Friday night crowd. Pito silang lahat na lumabas: siya, si Bea, Sheila, Art, Jayson, at si Martin—ang nurse na kilalang bakla sa shift nila.
“Dito tayo!” sigaw ni Martin habang kumakaway sa waiter. “Ang daming guwapo rito, besh! Grabe, parang fashion show!” Halos kiligin ito habang nakatingin sa mesa ng mga lalaki sa kabilang side.
“Hoy, loyal ako kay Drew, ha,” sabat ni Bea na agad ngumiti nang marinig ang pangalan ng ultimate crush niyang aktor.
“Drew Montesa pa rin talaga?” pang-aasar ni Sheila. “Eh ilang taon na siyang crush mo, girl. Move on na.”
Napailing na lang si Almira, napangiti ng bahagya. Si Bea talaga, hanggang ngayon si Drew pa rin. Nasaan na kaya ang diary ko? Kung alam lang niya kung sino ang may hawak ng diary ko… Diyos ko, baka hindi ako matahimik buong gabi.
Habang nagkakasiyahan na sina Almira at ang mga kasamahan niyang nurse, abala sa tawanan at kwentuhan, biglang may nakakuha ng atensyon niya mula sa may sulok ng bar.
Parang huminto ang mundo niya sandali. Si Calix.
Agad bumilis ang t***k ng puso niya. Ano’ng ginagawa niya rito? tanong ng isip niya habang pinagmamasdan ang lalaki—nakaupo mag-isa sa isang mesa, may hawak na baso ng whisky, at tulad ng dati, kalmado at tahimik lang.
Huminga muna siya nang malalim, pilit pinapakalma ang sarili. Okay, Almira. Chill ka lang. Casual lang, parang wala lang.
Lumapit siya, may ngiting pilit na pinakawalan. “Alone?” tanong niya, kunwaring walang ibig sabihin.
Napalingon si Calix, bahagyang nagulat pero agad ding ngumiti. “Ikaw pala,” mahinahon niyang sabi. “Yeah, nag-unwind lang. Ikaw, musta ka na?”
Ngumiti rin si Almira, kahit may kaba sa loob. “Ito, okay lang naman. Long time no see. Kasama ko mga kaibigan ko, mga kapwa nurse din. Nagtanggal lang kami ng stress.”
Tumango si Calix, tinitigan siya nang sandali. “That’s good. You deserve a break,” sabi nito, may lambing sa tono na hindi niya alam kung imahinasyon lang ba niya o totoo.
Napalunok si Almira at pilit na ngumiti. Bakit ba parang bumabalik lahat ng naramdaman ko dati?
“Ikaw din,” sabi ni Almira, nakatingin kay Calix. “Deserve mo rin ‘yan. Minsan, pahinga ka rin. Lalo na kung may mabigat kang iniisip.”
Sandaling natahimik si Calix. Napatingin siya kay Almira, parang tinamaan sa sinabi nito. She still sees right through me, naisip niya.
“You’re right,” mahinahon niyang sabi, sabay buntong-hininga. “I need some time… a break. Minsan, labas tayo?” tanong nito, may kasamang ngiti na bahagyang nakapagpatigil sa puso ni Almira.
“Yeah, sure,” tipid niyang sagot, sabay pilit na ngiti. “Ah, sige, Calix—hinahanap na ako ng mga kaibigan ko. Wag kang magpapalasing, ha? Nag-aalala sa’yo si Tita Sofia.”
Ang tinutukoy niya ay ang mommy ni Calix, na minsan ay naging malapit din sa kanya.
Ngumiti si Calix, medyo nagbiro. “Yes, thank you. Kaya, kaibigan ka ni Mommy, eh. Baka ikaw pa ang paborito kaysa sa’kin.”
Natawa si Almira, bahagyang naiilang. “Baka nga,” sabi niya, sabay lingon sa direksyon ng mga kaibigan. “Sige na, enjoy your night.”
Habang papalayo siya, ramdam pa rin niya ang titig ni Calix, ‘yung tinging parang may gustong sabihin pero pinipiling itago. At kahit ayaw niyang aminin, sa bawat hakbang niya pabalik sa mesa, bumibigat ulit ang dibdib niya. Bakit parang hindi pa rin talaga tapos ‘to?
Lumalalim na ang gabi, pero wala na sa mga kaibigan niya ang atensyon ni Almira. Ang tawanan, ang musika, at ang ingay ng resto-bar ay unti-unting naglaho sa pandinig niya habang nakatingin siya mula sa malayo—doon kay Calix.
Tahimik lang itong nakaupo, hawak pa rin ang baso ng alak, parang malalim ang iniisip. At habang pinagmamasdan niya ito, parang dinudurog ang puso niya nang dahan-dahan. Ganito pa rin pala… kahit gaano katagal, siya pa rin ang nagpapabilis ng t***k ng puso ko.
Napakagat-labi si Almira. May problema kaya sila ni Belle? tanong niya sa sarili, habang pilit na pinipigilan ang urge na lapitan ito. Gusto niyang kamustahin, gusto niyang itanong kung okay ba siya—pero alam niyang wala na siya sa posisyon para gawin iyon.
Huminga siya nang malalim at pilit na ngumiti, tinatakpan ang lungkot sa mga mata. Hindi ako ‘yung babaeng mahilig mangialam. Lalo na kung siya ang masasaktan ko sa huli.
At kahit nakatalikod na siya, naroon pa rin sa likod ng isip niya ang imahe ni Calix—at ang alaala ng isang pag-ibig na hindi niya kailanman tuluyang nakalimutan.
Hanggang sa tumayo na si Calix mula sa mesa nito. Halata sa kilos niya na paalis na, kaya napahinto si Almira sa pagsasayaw kasama sina Bea. Nagtama ang mga mata nila—at parang saglit na huminto ang paligid.
Lumapit si Calix, may mahinang ngiti sa labi. “I’ll go ahead,” sabi niya, kalmado pero ramdam ni Almira ang pagod at lungkot sa tono.
Ngumiti lang siya, pilit na pinanatiling magaan ang boses. “Sige, ingat ka. Text mo na lang ako kapag nakauwi ka, ha?”
Tumango si Calix. “Sure,” sagot nito, sabay ngiti—‘yung pamilyar na ngiti na minsan ay nagpahulog sa kanya.
“Goodnight, Almira.”
“Goodnight, Calix,” mahina niyang tugon.
At habang pinagmamasdan niyang palabas si Calix ng bar, naramdaman niya ang kirot na matagal na niyang iniiwasan. Kahit ilang beses ko pang sabihin sa sarili kong tapos na ‘to… bakit parang nagsisimula ulit?