Chapter 3

1723 Words
LORRAINE'S POV Nanlulumo akong umuwi sa aming bahay. Tila ba nawawalan na ako ng pag-asa at hindi ko na alam pa ang gagawin ko. Nakisali pa ang pangungulit na naman nito ni Lumiere kaya dumadagdag pa sa isipin ko. "Bakit ba ayaw niya akong tigilan?" Naisatinig ko. Sa inis ko ay nasipa ko ang lata na lagayan pa yata ng bigas namin kaya lumikha yun ng ingay. "Anak? Ano yung umingay?" Ani nanay na narinig yata ang tunog. Napakalakas talaga ng pandinig ni nanay. Kahit nasa labas siya ay narinig pa rin niya talaga kahit hindi naman sobrang lakas. "Wala po inay. Nabunggo ko lang po ang lata..." Hindi naman na nagsalita si Inay kaya kinuha ko na ang tuwalya at dumiretso na rin ako sa banyo upang maligo dahil sobrang lagkit na rin ng pakiramdam ko. Ang tagal ko kasing naglakad-lakad sa bayan pero wala naman akong napala. Bakit kaya kahit isa ay wala man lang nangangailangan sa kanina. Ang sabi pa ng iba ay hindi naman daw ako bagay na tindera dahil kutis mayaman daw ako. Hays. Pati tuloy kulay ko ay pinipigilan na rin ako. Pagkatapos kong maligo ay nagbihis na lang ulit ako ng short at puting t-shirt. Ito na yata palagi ang suot ko. Baka nga iniisip ng mga nakakakita sa akin ay hindi na ako nagpapalit ng damit. Dito kasi ako kumportable kaya ganito palagi ang damit na suot ko. Binisita ko muna si Nene sa kwarto niya at nakita ko siyang naglalaro ng toys niyang si Tatay pa ang bumili. Pumasok ako at pumwesto agad sa tabi niya. "Kamusta na ang kapatid ko?" Ani ko sabay yakap sa kanya. "Okay lang ate... kaso naboboring na ako rito sa bahay e, hindi ba talaga ako rito pwedeng lumabas?" "Pwede naman kaso kailangan ay may kasama ka. Maalin man sa amin ni Nanay." Pampalubag loob ko sa kanya. "Ayaw ni nanay e, may labada pa raw siya. Ikaw na lang kaya ang sumama sa akin, Ate?" Humarap siya sa akin at nag-beautiful eyes pa. "Oh, sige. Sumama ka na lang sa akin sa center. Wala ka na kasing stock kaya kailangan na ulit natin lumapit sa kanila." "Yehey! Makakapasyal na ulit ako!" Tuwang-tuwa na sambit niya at pinaghahalikan ako sa aking pisngi. Nagpaalam kami kay Nanay. Eksakto naman na aalis rin siya dahil may labada raw ulit siya kaya pinayagan na niya kaming dalawa. Naglalakad na kami ni neneng papuntang center pero ramdam kong pagod na siya kaya pinasakay ko na siya sa likuran ko. Napakadaldal pa rin talaga niya at hindi mo mahahalatang may dinaramdam siya. "Ate, paglaki ko gusto kong maging doctor kasi gusto kong makatulong sa mga may sakit." Kwento niya. "Talaga? Doctor ang gusto mo paglaki mo?" "Oo, Ate! Para maaalagaan ko rin kayo ni nanay kagaya ng pag-aalaga nyo sa akin." "Wow! Ang bait naman ng nene namin, ah. Huwag mo kaming alalahanin, nene. Malakas kami ni Nanay. Ikaw dapat ang magpapakas at magpagaling ng sa gayon ay maiigala na kita sa malayong lugar." "Opo, Ate. Promise ko po yan. Magpapagaling ako," malakas ang loob na sabi niya sabay yakap ng mabuti sa aking leeg. Napangiti ako. Sa simpleng ganyan niya ay lalo pang lumalakas ang loob ko na gagaling din siya ng tuluyan. Halos kalahating oras din ang aking nilakad habang nasa likod ko si Nene. Hindi naman ako nakaramdam ng pagod, bagkus ay nag-enjoy pa akong kasama siya. "Hello po, Ate Myrna. Paubos na po kasi ang stock ng gamot ni Nene, baka po mabigyan mo po ulit kami." Nakangiting saad ko kay Ate Myrna. Sabi niya kasi kapag kailangan namin ng gamot ni Nene ay sa kanya lang kami lumapit. "Naku, Lorraine. Tumigil na sa pagdonate ng gamot ang taong nagbibigay ng supply para kay nene, e. Pasensya ka na dahil hindi kita mabibigyan ngayon-" "P-po? Hindi po ba galing sa center ang mga gamot na yun?" Gilalas ko kay Ate Myrna. "Hindi e, galing lang yun sa isang good samaritan. Ang totoo niyan ay galing pa sa ibang bansa ang gamot na yun pero ngayon yata ay umuwi na siya at hindi na rin nagbigay ng donasyon." "G-ganun po ba... Pwede ko bang malaman kung sino siya, Ate Myrna?" "Sorry, Lorraine, pero hindi pwede ang nais mo. Mahigpit na ipinagbabawal yan. Baka kapag sinabi ko sa'yo ay mawalan ako ng trabaho. Paano naman ang mga anak ko rin." Bigla akong nalungkot sa sinabi ni Ate Myrna pero mas nalungkot ako para kay Nene dahil hindi ko talaga alam kung saan ako kukuha ng pang-maintenance niya para hindi siya mag-seizure ulit. Panay ang hingi ng pasensya sa akin ni Ate Myrna pati na rin kay Nene pero ano pa bang magagawa namin? Hindi pa kami umuwi at ipinasyal ko muna si Nene sa park. Natutuwa naman siyang naglalaro sa duyan at paminsan-minsan ay maglalaro sa slide. Pinagmamasdan ko lang siya habang ang saya-saya niya. "Ate, halika! Dun tayo sa doll house!" Tawag pa niya sa akin kaya tumayo ako at pinagbigyan ko siyang maglaro sa doll house. Bagong tayo lang itong park na ito. May palaruan para sa mga bata pero bibihira naman ang batang pumupunta rito. "I really want a barbie, Ate. Ang ganda-ganda niya diba? Like my doll sa bahay?" "Oo naman. Magkamukha nga kayo e, pareho kayong maganda." Sabay lapat ng dulo ng daliri ko sa tungki ng matangos niyang ilong. "Ikaw din ate, mukha ka rin barbie," nakangiting sambit niya na aabot sa mga mata niya. Pansin kong walang pagsidlan ang tuwang nararamdaman ni Nene ngayon. Sana palagi siyang ganito. Sana mawala na lang bigla ang sakit niya. Hapon na ng makauwi na kami ni Nene. Nasa bahay na rin si Nanay at nagluluto na ng hapunan. "Oh, kamusta ang gala nyong dalawa?" "Ang saya-saya po, nay! Next time po ay dapat kasama ka na namin ni Ate para mas masaya po!" Masayang sagot ni Nene. Lumapit siya kay nanay at humalik sa pisngi nito. "Sige anak, kapag hindi na masyadong busy si Nanay ay tatlo na tayong mamamasyal." "Yehey!" Ani ni Nene habang nagtatatalon pa. "Oh siya. Maglinis na kayong dalawa ng katawan dahil hapon na ay amoy araw pa kayong dalawa!" Birong ni nanay bago kami itaboy papunta sa banyo. Sabay na kaming naglinis ni Nene ng katawan at pagkatapos ay tinawag na rin kami ni nanay upang kumain na. "Nanay? Bakit ang sarap mo pong magluto?" Inosenteng tanong ni nene. "Kasi anak, ang bawat ginagawa natin ay dapat laging hinahaluan ng pagmamahal. At kaya masarap magluto si Nanay dahil may sangkap iyang pagmamahal." "Ganun po ba yun?" "Oo, neneng. Kaya ikaw, kayo ni Ate mo. Dapat sa lahat ng gagawin nyo ay may pagmamahal. Yung hindi kayo napipilitan lang." "Opo, nanay..." halos magkasabay naming sambit ni nene. Ang sarap nilang pagmasdan. Sana palagi na lang kaming ganito. Yung masaya lang. Kahit wala kaming pera ay ayos lang basta wala lang dapat sakit si nene. Kinagabihan ay hinintay ko munang makatulog si Nene bago ko pinuntahan si Nanay sa silid nila ni tatay dati. "Nay? Tulog ka na ba?" Mahinang saad ko kay nanay bago ko buksan ang pintuan. "Hindi pa, anak. Patulog pa lang sana ako, bakit? May kailangan ka ba?" Ani nanay at bahagya pang bumangon sa kanyang higaan. "E, nay. Nanggaling kasi kami ni Nene sa center kanina..." hindi ko agad masabi kay nanay dahil alam kong dadagdag pa ito sa kanyang isipin. "May problema ba?" Nag aalala na agad na tanong ni Nanay. Napabuntong hininga na agad ako. "Hindi na raw po nila mabibigyan ng libreng gamot si Nene..." maging si nanay ay natigilan din kagaya ng naramdaman ko kanina. "Diyos ko, paano na kaya si Nene. Ang mamahal pa naman ng mga gamot na yun. Ilan na lang ang natitiranv gamot ni Nene?" "Tatlo pa po, nay..." mas lalong natahimik si nanay dahil alam niyang hindi na yun aabot ng isang linggo. Maaga ulit akong umalis kinabukasan. Sa barangay naman ako lumapit dahil baka matulungan ako. Kinapalan ko na talaga ang mukha ko. Kahit pang isang linggong gamot lang ni Nene ay malaking tulong na yun sa amin. "Kuya Arron, nandyan po ba si Kapitan Romy?" "Nandito siya, may kailangan ka ba sa kanya? Maari kong iparating." Ani Kuya Arron. "Pwede po bang personal ko siyang makausap?" "Uh- oo! Halika!" Pinapasok na ako ni Kuya Arron sa opisina ng kapitan. Pagpasok namin ay may kausap pa itong isang lalake kaya hinintay pa namin silang matapos bago ako sumunod na kausapin. "Oh, hija? Ano ang iyong hinanaing?" "Uh- Kap. Kakapalan ko na po ang mukha ko. Kung pwede po sana akong humingi ng tulong tungkol sa gamot ng kapatid ko. Narito po ang reseta niya." Kahit hindi pa itinatanong ni Kap ay kusa ko ng ipinakita ang reseta ni neneng. "Sige hija. Walang problema rito," ani Kap. Nagsulat siya sa puting papel at iniabot sa akin. "Ipakita mo lang ito sa botika dyan sa baba at bibigyan ka na nila." "Naku! Maraming-maraming salamat po, Kap! Hulog ka po ng langit!" Walang tigil ang pagpapasalamat ko kay Kap bago ako nagmamadaling bumaba para dumiretso na sa botika ng barangay. Pagkaabot ko nga ng pirma ni Kap ay binigyan agad ako ng gamot ni neneng na good for one week. "Hays, siguro naman bago ito maubos ni neneng ay makakagawa na ulit ako ng paraan," sa isip-isip ko. Masaya akong naglalakad pauwi sa bahay namin. Siguradong matutuwa si nanay nito dahil hindi na niya iisipin pa ang pang-maintenance ni nene sa loob ng isang linggo. "Nay, narito na po ako." Pabatid ko sana kay nanay pero pagdating ko sa bahay ay wala si nanay at nene. "Saan kaya sila nagpunta?" Naisatinig ko dahil sinilip ko na sila sa kanilang mga silid pero wala naman sila doon. Isa pa, ay maaga pa naman. Baka ipinasyal din ni nanay si Nene. Lumabas na lang muna ako ng bahay at tumambay sa may upuan na ginawa ni Tatay dati sa ilalim ng malaking puno ng mangga. "Oh, Lorraine? Bakit nandito ka pa? Hindi ka ba susunod sa hospital?" Si Aling Puring na medyo hinihingal pa. Kinabahan ako kaagad. "Ano pong hospital?" "Aba! Isinugod si Nene doon! Tumawag nga agad ako ng ambulansya! Mabuti ay mabilis ang responde ng ambulansya ng barangay!" At tila ba panandaliang tumigil ang pagtibok ng puso ko dahil sa aking narinig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD