Eight years ago...
"Okay... okay. Kaya ko ito. Fighting!" bulong ni Reign sa sarili habang nakatingala sa isang kumpol ng mga mangga. Mariin niyang ikinuyom ang kanang kamao at napatango. Wala siyang pakialam kung naka-uniporme pa siya. Basta aakyatin niya ang punong iyon. Ilang araw na niya iyon tinitingala kaya sa pagkakataong iyon, hindi na niya palalampasin ang pangangasim. Aba, ready kaya siya. May baon siyang ginisang alamang at tubig. Hindi na niya iyon babalatan. Huhugasan na lamang niya. Napalunok siya sa pangangasim.
Ibinaba na niya ang bag. Galing siya sa eskwela at tumakas siya sa coffession. Nag-aaral siya sa isang all-girls catholic school. Ayaw niya sanang mag-aral doon pero mapilit ang kanyang abuelo at abuelo. Ayaw niya dahil boring doon. At dahil nababagot siya at walang kaibigan—dahil masungit daw siya—ay lagi siyang tumatakas.
Isa pa'y lagi naman siyang tinutukso doon. Ang sabi ng mga katulong sa kanya, hiwalay ang kanyang mga magulang at iniwanan siya sa rancho Fariñas. Modelo ang kanyang ina sa ibang bansa at sagabal lang daw siya sa pangarap nito. Ang ama naman niya ay mayroong ibang pamilya sa Canda at hindi rin siya tinatawagan. Dahil doon ay lagi siya noong tinutukso mula pagkabata na hindi siya mahal ng mga magulang.
At dahil nakakanti ang senstibong parteng iyon sa puso, hindi niya natiis na hindi lumaban. Tama na ang anim na taong pambu-bully sa kanya. Dahil doon ay nasipa siya noong first year high school siya. Nagalit ang lolo niya at doon siya tinapon sa catholic school para daw magtanda siya. Mahigpit kasi doon.
Sa ngayon, masasabi niyang wala namang nambu-bully sa kanya doon. Dangat lamang ay matunog ang pangalan niya sa lahat ng eskwelahan dahil una, sila ang pinakamayaman doon at pangalawa, dahil sa ginawa niya noong first year sa isang kaklaseng nanunukso sa kanya na inaway niya sa loob ng silid. Para wala na lamang gulo ay sinusungitan niya ang mga lumalapit sa kanya para hindi na siya makuhang tuksuhin pa.
Napahinga siya ng malalim at nakaisang sampa pa siya ay katabi na niya ang isang kumpol ng mga hilaw na manga. Pakiramdam niya ay nagtagumpay siya. Naigala niya ang paningin. Tanaw niya ang berdeng luntian ng rancho. Napangiti siya at ipinangako niya sa sarili na dadating ang isang araw, siya mismo ang kukuha ng larawan doon. Ayaw kasi siyang bilhan ng camera ng lolo niya dahil mahal daw.
Napasimangot siya ng naalala iyon. Iyon pa naman ang hilig niya, ang magkolekta ng mga pictures at pinapangarap niyang magiging ganoon din siya. Siya mismo ang kukuha sa magagandang sandali ng isang tao. Naks.
"Bumaba ka nga at baka mahulog ka!"
Napatingin siya sa baba at nakita niya ang napaka-sungit na lalaki, si Wryle. Lagi siya nitong sinusuway at pinagsasabihan. Anak ito ng taga-luto nila at ito ang taga-pagalaga ng kabayo niyang si Tweety. Kahit sabihin pang senyorita siya nito, kapag dadalawa lang sila nito'y hindi siya nito pinalulusot kapag may mali siya.
Kagaya na lamang ng oras na iyon. Mukhang naiinis na naman ito pero hindi maitatago ang pagaalala sa guwapo nitong mukha. Pinandilatan niya ito para inisin. "Ayoko. Maganda rito. Mahangin." Aniya saka feel na feel na pumikit.
Isang matunog na buntong hininga ang pinakawalan nito at natawa siya ng marahas nitong kamutin ang ulo. "Kapag hindi ka bumaba, sasabihin ko sa lolo mo na tumakas ka."
Napalabi siya pero kinabahan pa rin. Masesermunan siya ng bongga kapag ginawa nito iyon. "Paano mo na laman, ha. Nanghuhuli ka lang." naiinis na saad niya. Hindi niya alam kung anong klaseng tao si Wryle. Para itong detective. Masyadong matunog kaya naiinis siya rito.
Tiningnan nito ang relong pambisig at napailing. "Sinabi ng lola mo sa nanay ko na mamaya pa ang uwi mo. Narinig ko lang sa kusina kaninang tanghalian. Dito naman talaga ako dumadaan at nakita kita. Lagot ka na naman," panakot nito sa kanya. "Bumaba ka na,"
Napaungol siya sa inis. Malungkot na tiningnan niya ang mga mangga at napabuntong hininga. Wala siyang nagawa kundi bumaba pero sa kasamaang palad, nabali ang tinatapakan niya at mabuti na lamang ay malakas ang pagkakahawak niya kaya hindi siya nahulog! Napangiwi na lamang siya dahil nasugat ang binti niya sa nakausling kahoy.
"Ano ba 'yan! Sinabing magingat ka!" ani Wryle na napuno na ng pagaalala ang tinig nito. Maluha-luha siya sa sakit! Napatingin siya sa ibaba, medyo mataas iyon kung tatalunin niya.
"T-Tulungan mo ako..." aniyang natataranta na. Bigla siyang kinabahan dahil dama na niya ang dugo sa binti at nangangalay na siya. Agad na umakyat si Wryle sa punung mangga. Dahil hindi naman siya ganoon kalayo sa katawan ng mangga sa kung saan nakatungtung si Wryle ay agad siya nitong nakuha. Hindi naman niya kayang isampa ang paa dahil sa nararamdamang sakit sa binti niya at ngalay. Mabilis nitong ipinalibot ang bisig nito sa baywang para protektahan siya.
Napakapit siyang maigi rito dahil sa labis na takot. Nang mapatingin siya rito ay tumalon ang puso. Seryoso ito at nababakas ang matinding takot at pagaalala sa mukha nito. Nakaalalay itong maigi sa kanya at gamit naman nito ang isang kamay para makapababa sila.
"Kumapit kang maigi sa akin,"
Nagkada-letse-letse ang utak niya ng maamoy ang mabangong hininga nito. Ang guwapo pala nito sa malapitan. Kulay brown ang mga mata nito. Ang makakapal na kilay nito na lagi ng nakakunot sa tuwing pinagsasabihan siya ay hindi na masungit ang dating sa kanya. Ang ilong nito'y matangos at mapupula ang labi nito. Napalunok siya ng mapatingin doon.
Napayakap pa siyang maigi rito ng muntikan na silang mahulog. Lalong kumabog ang dibdib niya.Saglit itong tumigil at niyakap siya ng mahigpit. Na tila takot itong mabitawan siya.
"Shh... hindi kita pababayaan, okay?" masuyo nitong saad dahil pansin na nito ang panginginig niya sa pinaghalong damdaming pinukaw nito at takot ng mga sandaling iyon.
Napatango siya rito at nang magtama ang mga mata nila ay napalunok siya. Parang umakyat ang puso niya sa lalamunan.
Diyos ko... anong nangyayari sa puso ko? Parang hawak niya sa higpit kaya hindi ako makahinga... napalunok na naman siya.Ilang sandali pa ay nagawa rin nilang makababa.
"Naka-short ka ba?" untag ni Wryle. Agad siyang tumango rito. Nakagat niya ang ibabang labi dahil naiiyak na rin siya sa sakit. Napabuntong hininga ito at tumayo ulit ng tuwid. Hinaplos nito ang buhok niya. "Huwag ka ng iiyak. Titingnan ko 'yung sugat mo, ha? O, tahan," masuyo nitong saad.
Kahit papaano'y gumaan ang dibdib niya at napanatag. Gayunman, pumalit doon ang kakaibang kabog ng puso niya na binuhay nito. Bigla kasing nagbabago ang pagtingin niya sa nakikitang pagiging gentleman nito.
Ilang sandali pa ay yumukod ito upang tingnan ang sugat niya sa binti. Tumayo ang bahalibo niya ng maramdam ang init ng palad nito. Nahigit niya ang hininga ng maingat nitong punasan ang dugo doon at nilinis gamit ang panyo nito. Ilang sandali pa ay tinali nito iyon ng panyo saka kinuha ang mga gamit niya. Isinabit na rin nito ang sariling back pack at nabigla na lamang siya ng buhatin siya nito.
Naturete na naman ang puso niya at doon niya napagtanto na habang tumatagal ay tumitindi ang banyagang pakiramdam na nadarama niya para kay Wryle.
"Kailangang madala ka sa doktor para makasiguro tayong walang naiwan na kahoy sa balat mo," nagalalang saad nito at paspas ito sa paglalakad.
Napatitig siya rito. Napayakap na lang siya sa leeg nito ng bigla itong napatingin sa kanya. Muli niyang naamoy ang bango nito. Naghatid iyon ng kakaibang gaan sa kanyang dibdib. Hindi normal ang t***k ng puso niya. Pakiramdam niya, parang may paru-parong nagliliparan sa sikmura niya. Napasinghap siya ng humigpit ang hawak nito sa katawan niya upang lalo siyang isiksik rito. Ramdam niya ang init ng katawan nito sa matipuno nitong dibdib.
"Huwag mo ng uulitin iyon." nagaalalang saad nito at nanahimik na lamang siya. Parang gusto niya itong hangaan. Oo at ganoon na ito sa kanya pero ngayon ay iba ang nadama niya. Marahil ay nakita niya ang labis nitong pagaalala noong muntik na siyang mahulog sa puno at naghatid iyon ng kakaibang init sa puso niya.
Pagdating nila sa mansion ay nagkagulo ang mga kawaksi. Doon niya muling naalala ang sitwasyon. Umalis si Wryle. Pagbalik nito ay dala na nito ang first aid kit at ito mismo ang naglinis ng sugat niya.
"Wryle, tama na 'yan. Dadalhin na namin siya sa doktor," ani Nana Berta, ang personal niyang yaya.
Napahinga ito ng malalim at tumayo. Halatadong pagod na ito dahil pawisan na at hinihingil dahil sa pagbuhat nito sa kanya. Nabibilib siya sa effort ng lalaking ito. Inalalayan na siya ng mga kawaksi doon at isinakay na siya sa sasakyan. Nagulat na lamang siya ng humabol si Wryle at iniabot sa kanya ang isang kahoy na rosario.
"Magdasal ka, ha," masuyong bilin nito sa kanya.
Napatanga siya rito dahil noon lang niya ito kinakitaan ng ganoong concern na walang halong inis. Hinaplos nito ang buhok niya saka ito marahang lumayo. Ang lakas-lakas ng heartbeat niya!
"Kahit lagi mong inaaway si Wryle, concern din sa'yo 'yung tao," untag ni Mang Gerry, ang driver niya.
Wala sa sariling kilig na napangiti siya at hinalikan ang rosario na binigay ni Wryle. Gusto niyang batukan ang sarili. Masakit na nga ang sugat niya, nakukuha pa niyang kiligin. Napangiwi na lamang siya ng masagi iyon ng palda niya. Napabuntong hininga na lamang siya at kinalma ang damdamin.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
"Good morning!" masayang bati ni Reign sa mga matatanda. Nakabihis na siya para pumasok sa eskwelahan. Bakit naman hindi gaganda ang umaga niya? Ang sweet naman kasi ni Wryle. Pagkauwi niya noon buhat sa ospital—awa ng diyos ay hindi na kailangang tahiin kundi nilinis lamang maigi ang sugat niya—ay nandoon na ang isang bungkos ng mangga na pinanggigilan niya. Ipinagluto pa siya nito ng alamang at mas masarap iyon kaysa sa alamang na dala niya. Binili lang kasi niya ang alamang sa labas ng eskwelahan nila.
Dahil doon ay halos mamilipit na siya sa hiyang nagpasalamat dito. Pangiti-ngiti lang ito sa kanya at pinagbalat pa siya. Tatlong araw siyang hindi nakapasok dahil masakit ang kanang binti niya sa sugat. At sa tatlong araw na iyon ay binilinan siya ng paulit-ulit ni Wryle na huwag na siyang aakyat ng puno. Kung may gusto raw siya ay sabihan na lamang niya at ito na raw mismo ang kukuha.
Ang saya niya dahil doon. Malamang, noong una'y naiinis siya dahil sa nakikitang kasungitan nito. Magmula ng dumating ito kasi noong sampung taong gulang ito ay hindi niya magawang makalaro. Lagi itong tumutulong sa ina at sa kalauna'y naging taga-pagalaga niya ng kabayo. Mas matanda si Wryle sa kanya ng dalawang taon. Hindi rin niya ito kasama sa eskwelahan dahil sa pampubliko ito nag-aaral.
Gayunman, madalas sila nitong magkasama kapag dumadating ito. Siya ang una nitong tinitingnan upang kumusahin ang sugat niya. Ginawan pa siya nito ng enseladang manggang sa tanghalian at inasikaso. Dahil doon ay tumindi pa ang kilig niya rito. Aba'y bakit naman hindi? Ang guwapo naman kasi ng tagabalat niya ng mangga!
Nagtungo siya sa kusina para magtimpla ng sariling gatas. Ayaw niya ang timpla ng Nana Berta. Kahit na anong timpla nito'y matamis iyon sa panlasa niya. Lalo siyang napangiti ng makitang nandoon din si Wryle. Bagong ligo ito at nag-aalmusal sa maliit na mesa doon. Agad itong tumayo at nagulat na lamang siya ng kuhanin nito mula sa bag ang maliit na thermos. Nahigit niya ang hininga ng lumapit sa kanya at ibinigay iyon sa kanya.
"Gatas 'yan," nakangiting imporma nito sa kanya at pinagmasdan pa siya. Madalas na siya nito ngitian ng ganoon at naiilang siya sa kilig! Natuturete ng heart niya! Kinakabahan na naman siya!
Kaya tuloy lagi niya itong naiisip bago matulog. Laging naglalaro sa isip niya ang magagandang mata at boses nito. Minsan, pakiramdam niya ay tinatawag siya nito. Hindi niya maintindihan kung bakit gayun na lamang ang epekto nito sa kanya na maging sa pagtulog ay dinadalaw siya ng mga ngiti nito.
"Naks! Talagang pinapaganda mo ang umaga ko, ah," ngiting-ngiti na sagot niya.
Ngiti lang ang itinugon nito. gayunman ay hindi siya nakatiis. Luminga siya at nang masigurong sila na lamang ang sa kusina ay pasimple niyang inamoy ang polo nito. Naks! Ang bango pa! Lalong gumanda ang umaga niya.
Natawa ito sa ginawa niya. "Ikaw talaga... kumain ka ng marami, ha. Para may lakas ka sa school,"
"Thanks," aniyang ngiting-ngiti rito. Dasal niya na sana ay lumabas ang mga dimples niyang mala-kuting ang dating. Mayroon daw siya niyon sa ilalim ng mga mata at cute daw siya—ayon kay nana Berta—sa tuwing lumalabas iyon.
Nagkatunong ang ngiti nito saka tumango. "Sige na. Sumabay ka na kina Señora,"
Tumango siya at tumalikod. Magaan ang loob niyang nagtungo ng hapag dahil nakadiga siya ng kaunti kay Wryle. Napahagikgik siya sa naisip. Lalo siyang napangiti ng matikman ang gatas na binigay ni Wryle dahil sakto iyon sa panlasa niya. Mukhang nag-research ang kanyang ultimate crush! Kilig to the bones siya. Hindi siya maaaring sisihin kung bakit siya biglang tinubuan ng paghanga rito. Inasikaso siya nito, inalagaan at isa lamang siyang dalagitang may pusong marunong humanga sa moves nito.
Gusto niyang matawa sa naisip. Noon ay hindi niya pansin ang pagha-paghangang iyon pero magmula ng tumibok ang puso niya dahil kay Wryle ay doon niya napagtantong masarap din pala ang may taong hinahangaan. Masarap kasi iyon sa pakiramda at sa tuwina'y tila lumulatang siya sa alapaap. Taglay din ni Wryle ang mga bagay na maaaring magustuhan ng isang babae.
Isa pa'y gusto niya kung paano nito mahalin ang ina. Kapag napagod ito sa pagluluto'y naririnig niyang pinagpapahinga na nito ang ina at ito na ang maglilinis ng kusina kahit pa tambak ang assignments nito. Nagbigay iyon ng impresyon sa kanyang magiging mabuti itong nobyo. Guwapo na, mabait, masipag at alam niyang may utak ito. Lagi iyong pinagmamalaki ng ina nito dahil matataas ang grado raw ni Wryle.
Hay... hindi tuloy niya maiwasang mainis sa sarili kung bakit ngayon lang niya iyon nakita. Sana noon pa para maaga na siyang nakapagpa-cute rito. Gayunman, hindi pa naman huli ang lahat at handa siyang bawiin ang mga oras na nasayang. Naks naman!
Ilang sandali pa ay lumabas na siya. Pagdating niya sa harap ng mansion ay muli siyang napangiti ng makitang naghihitay si Wryle. Halos huminto na naman sa pagtibok ang puso niya sa kapogian nito.
"Ingat ka, ha." Nakangiting saad nito saka tumayo. Ilang sandali itong napatingin sa kanya na parang mayroong gustong sabihin pero tumango na lamang sa huli.
Agad niya itong pinigilan. Halos maihi na siya sa pananabik ay bigla na lamang siya nitong lalayasan? "May gusto kang sabihin. Dali, ano 'yun?" pigil hiningang tanong niya.
Natawa ito at napailing. Saglit siya nitong pinagmasdan hanggang sa napabuntong hininga. "Mag-aral kang mabuti, ha?"
Napalabi siya. "Opo..."
Natawa ito at nahigit niya ang hininga ng pinisil nito ang baba niya. Para siyang tinamaan ng kidlat sa ginawi nito. Gusto niyang mapagulong-gulong sa kilig! Gusto niya iyon, promise! "Ikaw talaga... may pa-opo-opo ka pa."
"Akala ko pa naman sasabihan mo ako ng 'I love you...'" aniyang halos hindi pa rin nakakahuma sa pagpisil nito sa baba niya.
"Reign!" anitong biglang-bigla. Napalingon ito sa paligid at nang masiguro nitong hindi iyon narinig ng driver nila ay namumula ang mukha nitong hinarap siya. "Ano ka ba? Bakit mo naisip 'yan?" anitong kabado.
"Nakikita ko naman sa'yo na love mo ko, eh." Napangiti siya. It's her time to shine, wika nga. Hindi na niya palalampasin iyon! "Love mo ko, 'no?" nakangiting untag niya at siniko niya pa ito para kulitin. "Love din kita. Totoo 'yon..."
"Reign!" halos mamutla na ito sa pagkabigla at napahagikgik siya. Mukhang mahinhin din si Wryle pero siya ay wala ng hiya-hiya! Aamagin siya kapag iyon ang inuna niya.
"Okay lang. Nararamdaman ko naman," aniyang ngiting-ngiti rito at lalo siyang na-cute-an sa pamumula nito! "Dadating ang araw, maipagmamalaki ko rin ang grades ko sa'yo. Gusto ko rin naman makita mo na hindi lang ako cute, may utak din naman ako,"
Napatanga na ito sa kanya at natatawang iniwanan na lamang niya ito. Kahit nakasakay na siya sa loob ng sasakyan ay hindi pa rin ito nakahuma. Binigyan niya ito ng flying kiss. Napahalakhak na lamang siya ng mamula na rin ang tainga nito sa pagkabigla!
Kilig na niyakap na lamang niya ang bag habang tinatalunton ang daan palabas ng rancho. Naka-round one na siya! Jusme! Success ang pakiramdam niya. Muli siyang napahagikgik.
.;�.