CHAPTER THREE

2340 Words
Kabadong inayos ni Reign ang buhok bago kumatok sa silid na inoukupahan ni Wryle. Ang sabi ng ina nitong si Nana Martina ay nandoon daw ang anak nito at gumagawa ng assignment. At dahil nangangamote siya sa Math nila ay gusto niyang magpatulong dito. Huu! Style mo lang! Tudyo ng isip niya at lihim siyang napahagikgik. Aaminin niyang gusto niyang magpa-cute. Sa katunayan, ilang beses na niya iyong ginagawa dahil magmula ng biruin niya ito noon sa harap ng mansion ay tila naiilang na ito sa kanya. Gayunman, aaminin niyang mas lalo niyang ginustong mapalapit dito. "Wryle..." tawag niya habang kumakatok. Napahinga siya ng malalim dahil sa labis na antisipasyon. Mayroon na rin siyang ginawang love letter at palihim iyong isisiksik sa gamit nito. Kilig na napabungisngis siya dahil naalala niya ang malulupit niyang banat sa sulat. Sinigurado pa niya ang grammar para naman hindi nakakahiya kay Wryle. Ilang sandali pa ay bumukas iyon at lumukso ang puso niya ng tumambad si Wryle. Kahit magulo na ang buhok nito ay napakaguwapo pa rin nito. Lalo siyang napangiti ng makitang mukhang namutla ito at agad na lumabas saka tumingin sa kapaligiran. "A-anong ginagawa mo rito? Gabi na. Halika, ihahatid na kita sa mansion," anitong medyo nataranta. Napakunot ang noo niya. "Bakit ka ba parang natatakot? Nagpaalam ako dahil magpapaturo ako ng assignment sa'yo. Parang ayaw mo akong makita," Tulirong napahagod ito sa buhok at ilang beses na napatikhim. "Hindi... hindi naman sa ganoon. Kasi... ugh..." anito saka nalilitong napakamot ng batok hanggang sa napabuntong hininga. "Huwag ka ng sumimangot. Ano ba 'yan?" "Math..." nagkakandahabang ngusong sagot niya. "Halika na nga." Anito saka napabuntong hininga. Nahigit niya ang hininga ng pisilin nito ang baba niya. "Tuturuan na kita. Huwag ka ng malungkot," Uminit ang puso niya ng makitang lumabot na ang mukha nito habang pinagmamasdan siya. Lihim siyang nagdiwang dahil nakikita niyang hindi rin siya nito kayang tiisin. Kinikilig na naman siya dahil sa pagpisil nito sa baba niya at hindi niya maiwasang mapahawak doon. Gustong-gusto niya ang gawi nito. Ilang gabi siyang hindi nakatulog noong unang ginawa nito iyon. Mukhang hindi na naman siya makakatulog dahil inulit nito! "Patingin ako ng notes mo. Nasaan na ba kayo?" untag nito sa kanya at agad niyang naalala ang assignment. Agad niyang binigay at tiningnan nito ang libro niya. Napakagat siya sa ibabang labi habang kinuha niya ang isang libro nito sa mesa at pasimpleng isinilid ang sulat niya. Biglang-bigla, gusto niyang sumigaw ng 'success!' dahil nagawa niya ang isang pakay. Ilang sandali pa ay dumikit pa siya rito at nakibasa sa libro. Hindi tuloy niya maiwasang mapatingin sa mukha ni Wryle. Hindi na niya napansing tinitingnan na niya ang lahat ng gawi nito. Ang pagkunot ng noo nito at marahang paghagod nito sa labi habang nagiisip ito hanggang sa tumango ito. Napatingin siya sa labi nito ng magsalita ito pero hindi niya marinig ang boses nito dahil ang nasa isip lamang niya ay kung ano ang pakiramdam ng mahalikan nito... "Reign? May problemaba?" Bigla siyang napaupo ng tuwid at lihim na hinagod ang pusong nagwawala sa loob ng ribcage. Nawawala talaga siya sa sarili sa tuwing napapatitig dito. Ang guwapo naman kasi nito at mabango. Gayunman, inulit nito ang explanation sa problem at sinubukan niyang i-solve iyon. Nang matapos iyon ay nakangiti niya iyong ipinasa rito. "Kapag tama ang sagot ko sa assignment ko, iki-kiss mo ako, ha?" Nagkandasamid-samid ito at muntik pa yatang malaglag sa kinauupuan. Natawa siya sa nakitang pamumula nito. Wala naman siyang makitang masama sa hinihingi niya. Premyo niya iyon sa paghihirap sa letseng problem. Dapat lang na may gantingpala siyang makamit. "Reign. Anu-ano ang naiisip mo," anitong bahagyang naiilang na. Panay ang tikhim nito at bahagya pa itong inusog palayo ang upuan. Umusog naman siyang papalapit dito at muli itong lumayo. Doon na siya napabunghalit ng tawa. "Bakit noon hindi ka naman umiiwas ng ganyan sa akin? Nagkagusto ka lang sa akin, bigla ka namang nailang. Dapat nga nililigawan mo na ako, eh. Kailan mo ba ako liligawan?" dire-diretso niyang tanong dito. Muli itong nagkadasamid-samid. Ilang beses itong hinirit ng ubo samantalang siya ay tila inipit na ang baga kakahintay ng sasabihin nito. Ilang beses nitong nahagod ang buhok hanggang sa tumalon ang puso niya ng mapatingin ito sa kanya at lumabot ang ekspresyon ng mukha nito. "Reign, hindi magandang nagtatanong ng ganyan sa isang lalaki. Huwag mo na itong uulitin." Mahigpit nitong bilin saka pinagtuunan ng pansin ang notebook niya. Napalabi siya at nakaramdam ng bahagyang pagkadismaya sa sinabi nito. "Fourteen naman na ako at sixteen ka na. P'wede mo naman na akong ligawan..." aniyang nagtampo na rito. Bahagya na itong natawa at sa pagkakataong iyon, hinagod na nito ang ulo niya. Uminit ang puso niya sa gawi nito. Madalas nitong gawin iyon noong nalulungkot siya kapag napapagalitan ng mga matatanda. "Reign... unahin natin ang Math mo. Limang problem lang, iisa lang ang tama mo. Tama na muna 'yang ganyan, ha?" Bigla siyang nahiya ng ipakita nito ang notebook niya. Namumula ang pisngi niyang nakinig sa leksyon. Ang lakas ng loob niyang dumiga pero sablay naman siya sa Math. Itinuon na niya ang pansin doon at naisip niyang tama ito. Kapag nakakuha siya ng magandang marka, magpapalibre siya rito. Lalambingin na rin niya ito. Masarap kasi itong lambingin. Napapangiti niya ito sa ganoon. "Ganyan..." ani Wryle at tuwang hinagod nito ng tingin ang notebook niya. "Alam mo, ang grade mo ang magiging passport mo sa page-enrol mo sa magandang school ng college. Kaya mag-aaral kang mabuti, ha?" Ngiting-ngiti siyang tumango rito. "Iki-kiss mo ako n'un, ah." Nagkatunog na ang ngiti nito at napailing na lang na inayos ang gamit niya. "Ikaw talaga... bakit ba gusto mong magpahalik sa akin?" Nagpa-cute pa siya ritong ngumiti. "Bakit ikaw? Ayaw mo ba akong mahalikan?" tudyo niya rito. Gusto niyang mapahalakhak ng gumalaw-galaw ang Adam's apple nito at ilang beses na napatikhim. Mukhang hindi na naman ito mapakali sa tabi niya hanggang sa napabuntong hininga ito. "Ikaw talaga... tama na nga ito. Ihahatid na kita." Hindi siya na-disappoint dahil nababasa naman niya sa kilos at mga mata nito ang kasagutan. Naamoy niya na may gusto rin ito sa kanya pero mayroong pumipigil dito. Lalo siyang napangiti dahil gagawin niya ang lahat para hindi na ito mahirapang umamin. Napahagikgik siya sa naisip. Pagdating nila sa pinto ng kusina ay nginitian niya ito. Natatawang napailing na lamang ito sa pagpapa-cute niya. "Sige na. Goodnight," anito. Lihim siyang napatingin sa kapaligiran at tumalikod pero agad din niya itong binalikan saka ninakawan ng halik sa pisngi.Hindi pa siya nakuntento, niyakap pa niya ito ng mahigpit sa baywang at nagbilang ng one-two-three. Tumigas ang katawan nito sa ginawa niya at bilang pang-finale ay inipon niya ang lahat ng bango nito sa ilong niya saka kilig na tumakbo palayo rito. Pagpasok niya sa loob ng silid ay doon lamang siya nakahinga at impit na napatili sa kilig. Sobra pa iyon sa diga! Muli siyang napahagikgik sa kilig. Pagkahiga niya ay nangarap siya. Pinangarap niya ang kanyang prinsipe: si Wryle. Napabungisngis siya sa kilig. . . . . . . . . . . "Very good, Miss Fariñas," anang guro ni Reign nang iabot nito ang test paper. Sa wakas! Mataas ang nakuha niyang marka sa Math. Katatapos lang ng pagsusulit nila at nagbunga ang gabi-gabi nilang pagre-review ni Wryle. Bukod doon ay umakyat halos lahat ng score niya sa iba pang subjects. Masarap pala kapag ang crush niya ang nagtuturo sa kanya. Mas lalo siyang gumagaling! Napahagikgik siya sa naisip at maingat na tiniklop ang test paper. Ipapakita niya iyon kay Wryle! Buong maghapon ay sa pag-aaral niya itinuon ang atensyon. Pagdating ng uwian ay agad niyang inayos ang mga gamit at halos liparin na niya ang parking lot sa kung saan ay hinihintay na siya ni Mang Gerry. Agad siyang nag-request na daanan si Wryle dahil excited na siyang ibalita ang lahat dito. Saglit itong natigilan hanggang sa tumango ito sa huli. Bigla siyang kinabahan. Natatarantang binuksan niya ang bag saka nagsuklay. Nag-pulbos din siya at nagwisik ng cologne. Nang makita niya ang bubong ng eskwelahan ay umikot ang sikmura niya dahil sa labis na antisipasyon. Paghinto nila sa hindi kalayuan ay saktong nakita niya itong palabas. Agad siyang lumabas at tinawag ito, kesehodang nakuha niya ang pansin ng lahat ng tao roon. Mukhang nabigla ito ng makita siya. Lalong lumuwang ang ngiti niya at kinawayan ito. "Ano'ng ginagawa mo rito?" takang tanong nito at napatingin ito sa paligid. Nang makita nito si Mang Gerry ay saglit itong natigilan hanggang sa alanganin itong ngumiti. "Bakit ka nandito? May kailangan ka sa school namin?" Napangiti siya. Ngiting pa-cute, of course! Kilig siyang napatitig dito. "Oo, ikaw ang kailangan ko," Natawa siya ng mamula ang tainga nito. "Puro ka talaga biro." Muli siyang napangiti. "Seryoso ako sa'yo," Napatikhim ito. Para itong kinabahan na hindi niya maintindihan hanggang sa natatawang tinapik niya ito sa balikat. "Hindi na kasi ako makapaghitay. O-ha! Ang galing ko, ano?" aniya saka mayabang na pinakita ang mga test papers niya. Natatawang napakamot ito ng ulo. Pero ng makita niya itong napatango-tango sa nakikitang score ay bigla siyang nakaramdam ng kakaibang yabang para sa sarili. "Ang galing mo nga. Gusto mo ng mangga? May nagtitinda doon," Nasabik siya ng ituro nito ang kabilang panig ng kalsada. May mga tinuhog na mangga nga at agad siyang nangasim. "Ililibre mo ako?" kumukutikutitap na tanong niya. "Oo, treat ko dahil maganda ang grade mo," Ngiting-ngiti na siya rito. Saglit silang nagpaalam kay Mang Gerry at agad na silang tumawid. Kinikilig siya kahit maasim ang mangga. Paano naman kasi ay ito pa ang naglagay ng alamang sa mangga niya. Feel na feel tuloy niya ang pagsisilbi nito sa kanya. "Mahilig ka talaga sa mangga, ano?" untag nito sa kanya. Agad siyang napatango habang nilalantakan ang mangga. "Alam ko kung ano ang paborito mo," aniya rito. Napakunot ang noo nito. "Ano?" "Eh, 'di ako!" Naibuga nito ang kinakaing mangga at nagkadaubo ito sa banat niya. Natatawang dinaluhan niya ito. Alangan naman ganoon lang ang siste? S'yempre'y hindi niya palulusutin ang pagkakataong malambing ito. Sa tingin niya ay wala namang masama sa ginagawa niya. Ine-express lang niya ang pagsinta niya rito. "Ikaw talaga. Puro ka kalokohan..." anito nang makabawi. "Affected ka lagi sa akin," tudyo niya rito at tinusok niya pa ito sa tagiliran. Tawang-tawa siya sa nakikitang pamumula nito. "Aminin mo na. Hindi naman ako magagalit. Matutuwa pa nga ako na ang isang tulad mo ay ako ang paborito," "Reign naman," naiilang na angil nito at napapatingin sa mga ibang estudyante patingin-tingin sa kanila. "Baka may makarinig sa'yo," Minulagatan niya ito. "Eh, ano kung may makarinig? Totoo naman na may gusto ka sa akin. Nahihiya ka pa..." "Reign!" anitong pulang-pula na ang mukha sa pagkapahiya. Natawa siya rito. "Reign ka ng Reign. Kaya siguro hindi ako makatulog sa gabi dahil pati sa panaginip mo, tinatawag mo ako?" Napaungol ito sa kadesperaduhan. Tawang-tawa siya dahil natutuwa talaga siyang makitang naiilang ito sa kanya. na affected to the max ito sa kanya. "Pati rin naman ako, lagi kitang naiisip kaya huwag ka ng magtaka kung hindi ka makatulog sa gabi," Napatitig ito sa kanya at gumalaw-galaw na naman ang lalamunan nito. na tila nais nitong may sabihin pero hindi nito magawa. Gayunman ay ngumiti siya rito, tanda na totoo ang mga sinabi niya. umamin na siya kaya sana ay umamin na rin ito! "Nabasa mo na 'yung letter ko?" tanong niya ng bigla iyong naalala. Wala naman kasi siyang narinig tungkol doon. Halos maloka na siya kakaisip kung ano ang sasabihin nito pero mukhang hindi pa nito iyong binabasa. "Inipit ko 'yun sa libro mo ng Physics—" "Nabasa ko na," anito saka nagiwas ng tingin. Napangiti siya at bahagya itong siniko. "Okay ba? Ano? Hindi mo ba sasagutin?" Namamanghang napatingin ito sa kanya hanggang sa natawang napakamot ng ulo. "Reign, hindi ko na alam ang iisipin ko sa'yo..." Napaisip siya. Mukhang nabibilisan ito sa moves niya hanggang sa napatango siya rito. "Okay... okay. Maghihintay naman ako, huwag kang mag-alala," Desperadong napahagod ito sa buhok hanggang sa natatawang napailing na lamang ito. "Ibang klase ka talaga, Reign," Napangiti siya dahil nakita nito ang bagay na iyon. Ibang klase talaga siya at sinisikap niyang makita talaga nito na naiiba siya sa lahat ng babae. Kinikilig siya sa ideyang iyon! "Salamat sa mangga, ha. Sumabay ka ng umuwi sa amin, please?" pagsusumamo niya rito. Napabuntong hininga ito at napatingin sa malayo. Nang mapatingin ito sa kanya ay lumambot ang mukha nito at pinisil ang baba niya. "'Yan ang ayaw na ayaw kong makita sa mukha mo. Huwag ka ng malungkot, sasabay na ako, okay?" Gusto niyang sumigaw ng 'yes!' dahil hindi talaga siya nito kayang tiisin. Ngiting-ngiti na siya sa sobrang kilig. Gusto na talaga niyang umuwi para kiligin sa sariling silid! Jusme! Nahihirapan siyang huminga, ever! "Pero Reign... huwag ka na ulit pupunta rito. Ayokong maging dahilan ito para mapagalitan ka," seryosong saad nito. Napalabi siya. "Wala naman tayong ginagawang masama, ah." Napabuntong hininga ito. "Pero ayokong malagay ka sa alanganin." Napangiti siya sa concern nito. Iniisip din talaga siya ng todo ng boylet niya. Dama niya na big deal dito ang agwat nila kaya ito ganoon. Pero gayunman, sisikapin niyang tawirin ang agwat na iyon para rito. Para na rin makita nitong maaari siya nitong maabot. Inalalayan na siya nitong makasakay at napangiti siya sa pagiging gentleman nito. Ah, hindi talaga siya nagkamali sa lalaking ito. Habang lulan sila sa likod ng sasakyan ay hindi na siya makahinga sa kilig! Damang-dama niya ang presensya nitong dumadarang sa puso niya. Hinawakan niya ang kamay nito at gusto niyang magtitili ng hindi ito umiwas. Pinagsalikop din nito iyon at pinisil. Gusto na niyang gumulong sa kilig! Ganoon pala ang bagay na iyon. Doon niya natuklasan na kahit tahimik lang sila nitong magkatabi at magkahawak ang kamay ay espesyal na ang dating noon sa puso niya. Napahinga na lamang siya ng malalim at kilig na napatingin sa labas ng bintana. Ninamnam niya ang sandaling iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD