"Hi!" masiglang bati ni Reign kay Wryle. Saglit lang siya nitong tinanguan at inayos ang kabayo niya. Napalabi siya. Mukhang mainit ang ulo nito. Ilang araw na itong ganoon pero naiisip na lamang niyang marahil ay nape-pressure ito dahil sa nalalapit nitong pagtatapos.
Bigla siyang nalungkot. Narinig niya sa ina nito noong kakwentuhan nito ang isa nilang katulong na mayroong nag-sponsor kay Wryle para makapag-kolehiyo sa Baguio. Natutuwa siya para rito pero hindi niya maiwasang malungkot dahil aalis ito. Gayunman ay nagiisip na lamang siya ng isang bagay na maaaring ibigay dito bago ito umalis.
"Sabi ko, 'hi'." Untag niya rito.
Doon ito napatingin sa kanya at napalunok siya. Matagal siya nitong tinitigan at nabanag niya ang lungkot doon na tila dinaya lang siya ng paningin. Bumuntong hininga ito at inilabas si Tweety. "Okay na si Tweety, p'wede mo na siyang gamitin," malamig at malayong sagot nito.
"May problema ka ba? P'wede naman nating pagusapan. Makikinig ako," masuyo niyang saad at hinawakan ang kamay nito. Naghatid ng kakaibang boltahe ang init ng kamay nito sa palad niya na kumalat sa buong sistema niya.
"Naiisip ko lang si nanay kapag aalis na ako,"
Napangiti na siya sa pagkakataong iyon. Iyon pala ang inaalala nito at hindi niya maiwasang hangaan kung gaano nito kamahal ang ina nito. "Magiging okay siya rito sa rancho. Hayaan mo, paalalahanan ko siyang huwag masyadong magpapagod. Ako ang bahala," mayabang na saad niya.
Nawala na ang gatla nito sa noo at bahagyang natawa na lamang. Inalalayan siya nitong makasampa sa kabayo at lumabas na sila ng kuwadra. Tahimik lang siya nitong inalalayan hanggang sa makarating sila sa mga punong mangga.Agad siyang nangasim ng makita ang mga bunga doon.
"Ahm... Wryle," untag niya rito.
"Gusto mo ng mangga?" anito saka siya agad na inalalayang makababa. Napangiti siya dahil alalay talaga ito sa kanya. Kung tratuhin siya ay parang babasaging kristal.
Kumukutikutitap ang mga mata niyang tumango. Nababasa agad nito ang nasa isip niya. Kinikilig tuloy ang puso niya sa pagiging sensitibo nito. Itinali na muna nito si Tweety bago ito umakyat sa puno ng mangga. Nabilib siya sa bilis nito.
Ilang sandali pa ay bumaba na ito at agad nitong inayos iyon para makain nila. Natawa na lamang siya ng makitang may dala itong ginisang alamang, tubig at kutsilyo. Iyon pala ang laman ng maliit na body bag nito. "Boy scout, ah!" tudyo niya rito.
Natawa na rin ito. "Alam kong gusto mong kumain ng mangga kapag nakita mo kaya nagdala na ako ng ganito,"
"Naks! Talaga namang gusto mo akong pasayahin, ano? Pasimple ka pa, eh..." tudyo niya rito saka ito tinusok sa tagiliran. Natawa siyang muli ng makitang namumula na naman ang mukha nito sa pagpipigil.
"Tama na, Reign." Awat nito sa kanya.
Pero hinarot pa niya ito. Nang makitang napipikon na ito sa kanya ay natatawang hinawakan niya ang magkabilang pisngi nito at iniharap sa kanya. "Nakasimangot ka na naman. Sige ka, papangit ka. Pero kahit pumangit ka, wala akong paki. Wala kang kawala sa akin baka akala mo!"
Natawa na ito sa pagkakataong iyon at siya naman, tunaw na tunaw sa nakikitang kasiyahan sa mukha nito. Napakasarap sa pakiramdam na makitang napapasaya niya ito ng ganoon.
"Ikaw talaga... kumain ka na nga lang," Anito saka nangingiting napailing. Inayos pa nitong maigi ang lalagyanan bago nito iyon ibinigay sa kanya.
Aw... tunaw na tunaw ang puso niya. Napakamaalalahanin ng lalaking ito. Alam na alam talaga ang gusto niya at dahil doon, muli siyang naglambing dito. "Thank you, ha." Ngiting-ngiti niyang untag dito.
"Wala 'yon... ikaw pa? Ang lakas mo lang," anito ngunit halatadong naiilang na sinabi nito iyon sa kanya.
"Ang cute mong mailang," komento niya rito. Gusto niyang matawa sa kanilang dalawa. Ito pa ang naiilang sa halip na siya. "Ang pogi-pogi mo. Gusto kitang i-kiss,"
"Aray!"
Nagalala siya ng makitang bahagya nitong nahiwa ang isang daliri nito. Mukhang nabigla ito sa sinabi niya kaya nito nahiwa ang daliri. Bigla siyang na-guilty kaya siya mismo ang gumamot sa sugat nito. Panay na lamang ito iling hanggang sa natawa na lamang ito sa kanya at pinagmasdan na lamang siya.
"Lagi mo akong binibigla sa mga ganyang banat mo," anito habang nangingiti.
"Totoo naman ang lahat ng sinasabi ko, ah," nakangusong saad niya at itinali ang panyo sa daliri nito. Nang hindi ito sumagot ay napatingin siya rito. Napalunok na lamang siya ng magtama ang paningin nila.
Nababasa niya ang napakaraming emosyon sa mga mata nito. Ligaya, lungkot at paghanga. Hinawakan niya ang pisngi nito at nakiliti ang palad niya sa init ng balat nitong tumawid sa palad niya.
"Totoo ang lahat ng sinasabi ko, Wryle. At... natutuwa akong makakapag-aral ka sa kolehiyo. Basta... nandito lang ako." marahang sagot niya.
Nanikip ang dibdib niya ng hawakan nito ang palad niya. "Reign..." anas nito.
"Hihintayin kita, Wryle," pangako niya rito at namasa ang mga mata niya dahil sa kakaibang lungkot na lumukob sa puso niya. Ngayon palang ay nami-miss na niya ito pero alam niyang kailangan nitong umalis para sa sarili nito at hindi niya ito dapat na pigilan kahit gusto niya.
Doon niya napatunayang malalim na ang damdamin niya rito dahil dama niya na ito lang ang lalaking gugustuhin niya at handa siyang maghintay kahit gaano pa ito katagal na bumalik.
Mariin nitong ipinikit ang mga mata at pagmulat nito ay puno na iyon ng lambong. "Reign, basta mag-aaral kang mabuti dito, ha." Bilin nito sa kanya at marahang hinawakan ang magkabilang pisngi niya. Napapikit siya upang namnamin ang sandaling iyon. Masarap sa pakiramdam ang mga palad nito doon. "Mag-iingat ka. At please... huwag kang aakyat ng puno. Baka... baka mahulog ka..."
Hindi niya mapigilang mapabungisngis sa nakikitang pagaalala nito. Gayunman, nang seryoso nitong hintayin ang sagot niya at tumango siya rito. "Hindi ako kakain ng mangga hangga't wala ka. Ikaw ang gusto kong umakyat para kuhanan ako noon. Ayos ba 'yon?"
Doon na ito napangiti. Natulala na lamang siya ng halikan siya nito sa noo. Gusto sana niya sa labi o pisngi pero nakuntento na siya sa noo. Kaysa pa sa wala. Ayos na sa kanya iyon at kinikilig pa rin siya ng todo.
"Uuwi naman ako tuwing bakasyon." Pangako nito sa kanya.
"Hindi mo man lang ako iki-kiss sa lips?" hirit niya rito pero totoo iyon sa puso niya. Remembrance kumbaga pero tumawa lang ito at pinisil ang baba niya.
"Saka na ang kiss. Kapag dalagang-dalaga ka na. Hindi mo na kailangang hingin iyon dahil kusa kong ibibigay sa'yo,"
"Ibig mong sabihin, gusto mo rin talaga ako?!"
Bigla nitong tinakpan ang bibig niya dahil napalakas ang boses niya! Agad nitong iginala ang paningin at nang masiguro nitong walang tao sa paligid ay doon nito inalis ang palad nito sa bibig niya. Namula ang pisngi niya sa ginawa at ang tinding t***k ng puso niya. Gayunman ay lalong naturete ang puso niya sa sinabi nito. Mahihimatay na yata siya!
"Reign naman... bakit ba napakaingay mo?" anitong namumula na ang mukha sa pagkabigla.
Napakahagikgik siya ng makabawi. "Excited lang ako. Ano na, ha?" untag niya rito at siniko-siko pa niya ito para umamin. Natuturete na siyang kakahintay dito!
"Saka na ang mga 'yan Reign pero pangako, babalik ako. Huwag ka sanang mainip, okay?"
Gusto sana niyang umangal pero sa huli'y ngumiti na lamang siya rito. Tutal, nangako naman itong babalik at willing naman siyang maghintay. Ibig sabihin ay mayroon siyang hihintayin dahil sa sinabi nito. Sa pagbalik nito'y pinapangako niya sa sariling nandoon lamang siyang matyagang naghihintay sa kanyang prinsipe...
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
Kinakabahan si Reign na naghintay sa pagdating ni Wryle buhat sa graduation nito. Ang mga nakalipas na linggo ni Wryle sa rancho ay ibinuhos nito sa pagtulong sa ina at sa mga assignments niya. Dahil third year high school na siya sa susunodna pasukan, ibinigay nito ang lahat ng notes nito sa kanya at mga libro. Kapag mayroon daw siyang hindi maintindihan ay itawag lang daw niya rito.
Mayroon na itong matitirhang boarding house sa Baguio. Sagot iyon ng Mayor nila dahil si Wryle ang salutatorian ng eskwelahan. Natutuwa at proud talaga siya sa kanyang crush. Naks! At dahil doon ay hindi siya maaaring bumili ng basta-bastang regalo. Sana lang ay magustuhan nito iyon.
Inayos na niya ang bestida at niyakap sa dibdib ang paper bag na naglalaman ng regalo niya rito. Nagluto pa ang ina nito ng pansit at dinig niyang magkakaroon ng munting salo-salo sa kubo sa likuran ng rancho. Sa susunod na araw ay magbibiyahe na ito dahil marami pa raw itong lalakarin sa unibersidad na papasukan nito sa Baguio.
Napaigtad siya ng makarinig ng busina. Agad niyang natanaw ang ilang tao napapunta sa likuran at dagli na siyang bumaba. Hindi na niya pinansin ang pagtawag ng lola niya sa kanya. Magmula ng gumanda ang marka niya ay hindi na siya nito nasesermunan. Nakakatuwang isipin na ang lahat ng iyon ay dahil kay Wryle.
Kabadong tinalunton niya ang damuhan hanggang sa tumambad sa kanya ang pinakaguwapong lalaking nakilala niya. Nahigit niya ang hininga. Kahit na napaka-simple lang ng polo at slacks nito ay napakaguwapo pa rin nito. Napakurap-kurap siya ng lumingon ito sa gawi niya at agad na lumiwanag ang mukha nito ng makita siya.
Natunaw ang puso niya at biglang namasa ang mga mata niya. Ngayon pa lang ay sobrang nami-miss na talaga niya ito pero kinalma niya ang sarili. Ayaw naman niya itong pabaunan ng atungal niya kaya sa huli'y isang matamis na ngiti ang iginawad niya rito.
"Congratulations," agad niyang saad at niyakap ito ng mahigpit. Hindi na niya napansin ang biglang pagtahimik ng kapaligiran nila dahil ito lamang ang importante sa kanya: ang madama niya ang init nito at makulong siya sa bisig nito.
"Thank you," natatawang saad ni Wryle at napapikit siya ng marahan siya nitong yakapin at bahagyang sinamyo ang buhok niya. Langit na iyon sa kanya. Sa bata niyang puso ay doon niya natuklasan kung gaano na kalalim ang tinawid ng paghanga niya rito.
Marahil ay ganoon ang bagay na iyon, natuklasan niya kung gaano niya ito kamahal kung kailan na ito aalis. Dahil dama niya... na mawawala ang puso niya oras na mawala ito sa rancho...
"Para sa'yo," aniyang sisinghot-singot. Natawang pinunasan niya ang luha. "P-pasensya ka na, hindi ko mapigilan,"
Napahinga ito ng malalim at marahan nitong pinunasan ang luha niya. "Tahan na. Babalik naman ako," masuyo nitong saad. Hindi siya nito tinitigilan hangga't hindi niya ito nginingitian. Ilang beses pa nitong pinagaan ang puso niya. "Hindi ka na sana nagabala ka pa," tukoy nito sa regalo niya.
Ngumiti na siya ng matamis rito. "Para sa'yo, magaababala talaga ako. Sige na, buksan mo na,"
Tumalima ito at naninikip ang dibdib niya sa labis na antisipasyon. Halatadong labis itong nabigla ng ilabas nito ang isang technical set ng mga ruler at tech pen. Narinig niyang Civil Engineering ang kukuhanin nito at iyon ang naisip niyang na bilhin.
"Reign... sobra naman ito..." namamanghang saad nito at bago pa ito makaisip na ibalik iyon sa kanya ay inunahan na niya ito.
"Hindi ako papayag na hindi mo 'yan kunin," pinal na saad niya at natawa na lamang ito sa kanya. Napangiti na rin siya dahil nakikita niyang na-appreciate nito ang binigay niya.
"At ayoko rin namang simangutan mo ako. At ipangako mo, ayokong mabalitaang nalulungkot ka, ha. Ang pag-aaral mo, pagigihan mo rin." Bilin nito sa kanya at nakangiting tumango siya rito. Ang dami pa nitong sinabi na parang siya naman ang aalis at ito ang maiiwan. Napahinga ito ng malalim. "Halika, kumain ka na,"
Lalo siyang natuwa ng inasikaso siya nitong maigi. Ipinakilala rin siya nito kay Mayor Canono na sponsor nito. Natutuwa daw ito sa lalaki at nakikitaan ng potensyal kaya hindi ito nagdalawang isip na tulungan ito.
"Magiingat ka doon, ha." Aniya rito at inilagay sa palad nito ang bagong rosaryo. Binilhan niya rin ito at pina-bless na rin niya.
Napangiti ito sa kanya. Lumukso ang puso niya dahil iyon ang unang pagkakataon na nginitian siya ng ganoon nito, pa-cute at parang kinikilig. "Nasaan 'yung bigay ko? Guardian mo rin iyon habang wala ako,"
"Itinago ko 'yung maigi." Aniya rito at napatango ito.
Sabay na sila nitong kumain hanggang sa lumalim ang gabi. Agad na siya nitong hinatid at bago siya nagpaalam dito ay mahigpit nitong hinawakan ang palad niya saka pinisil. Dumagsa na naman ang matinding boltahe sa sistema niya at nanikip ang dibdib niya.
"Mami-miss kita, Reign," anas nito at mahigpit siyang niyakap. Gumanti rin siya at sinamyo ito. Ah, mami-miss niya maging ang amoy nito. Lalo nitong hinigpitan pa ang yakap sa kanya na tila natatakot na itong pakawalan siya.
Bigla siyang natawa sa naging aksyon nito at namasa ang mga mata niya. Agad niya iyong pinahid. "Alam ko dahil wala ng iba pang babaeng mas kukulit sa akin," biro niya rito. "Tandaan mong iisa lang ang Reign sa mundo. Nandito lang sa rancho Fariñas," mayabang niyang saad.
"Tama, Reign... nandito lang," seryosong anas nito at hinawakan ang magkabilang pisngi niya. "Nandito lang kaya babalik ako,"
Kuntentong napatango na siya rito. Siya na ang kusang yumakap dito ng mahigpit. Napahinga siya ng malalim at kinabisado ang init ng katawan nito... ang amoy nito at ang paraan ng paghinga nito. Babaunin niya iyon sa loob ng ilang buwan na hindi niya ito makikita...