After two years...
"Nakaisip ka na ba ng kukuhaning kurso?" untag ng lola ni Reign habang nagaagahan sila. Napakamot siya ng ulo. Gusto sana niyang kumuha ng business course dahil nais niyang magtayo ng sariling photoshop. Kukuha na lamang siya ng crash course para doon. Pagkakataon na niya iyon para i-pursue ang pangarap na maging photographer.
Graduating na siya at madalas pa rin ang balitaan nila ni Wryle. Kahit hindi ito nakauwi sa loob ng dalawang taon dahil abala ito sa pagaaral ay inintindi na lamang niya ito. Ang unang sembreak nito ay kumuha raw ito ng summer job kaya hindi ito nakauwi. Noong summer break naman ay kumuha ito ng summer class kaya buong dalawang taon ay nasa Baguio ito.
Hindi naman niya ito nagawang dalawin dahil noong nagpaalam siya ay napagalitan siya. Hindi niya alam kung bakit ayaw ng mga itong matuntong siya ng Baguio. Maging ang pagkuha ng entrance exam doon ay mahigpit na tinutulan ng mga ito kaya sa huli'y sa Maynila siya kumuha ng mga pagsusulit.
Naging maayos ang pag-aaral niya at doon niya napagtantong tamang nakinig siya kay Wryle. Ang grade niya ang passport niya sa paghahanap ng unibersidad kaya hindi siya nahirapang tanggapin. Tatlong unibersidad ang pinagpipilian niya pero hindi pa rin niya masabing ayaw niyang kumuha ng veterinary—iyon ang pinipilit na ipakuha noon sa kanya.
"Sabi naman sa'yo, veterinary ang kuhanin mo. Kakailanganin natin iyon dito sa rancho. Matanda na si Doctor Lacayanga." Tukoy nito sa beterinaryo nila.
"Business administration po ang gusto ko," mahinang saad niya at napahinga siya ng malalim. Sinalubong niya ang mga mata ng matatanda. "Gusto ko pong magtayo ng sarili kong photoshop," lakas loob niyang sagot.
Natawa ng nakakaloko ang lolo niya. "Manang-mana ka sa nanay mong matigas ang ulo. Kuhanin mo ang kursong gusto mo pero hindi kita tutulungan sa negosyong gusto mo,"
Napakagat siya sa ibabang labi ng mag-walk ito. Ang lola niya ay napapailing sa kanya. Bigla siyang nanghina dahil wala ang madalas na taong nagpapalakas at nagpapasaya sa kanya sa ganoong pagkakataon.
Napahinga siya ng malalim at nagtungo na lamang sa eskwelahan. Malapit na ang bakasyon at ilang araw na lamang ang bibilangin niya, magkokolehiyo na siya. Natutuwa siya at nasasabik pero mayroon pa ring isang tao ang hinahanap niya para ibahagi ang lahat ng iyon.
Kulang ang isang tawag sa telepono dahil gusto na niyang makita si Wryle. Hindi tuloy niya maiwasang makaramdam ng matinding lungkot sa dalawang taon na hindi niya ito nakita. Minsan ay naiiyak na siya sa gabi sa labis na pagiisip dito hanggang sa pinakakalma na lamang niya ang sarili sa huling sinabi nito. Inaasahan niyang labis din siya nitong nami-miss.
Halos wala ang atensyon niya sa practice march nila kaya ilang beses siyang napagsabihan. Napabuntong hininga na lamang siya. Ganoon siya kalumbay sa loob ng ilang araw na pagpa-practice nila hanggang sa sumapit ang takdang araw ng pagtatapos nila.
Pilit niyang pinasigla ang awra kahit labis na siyang nalulungkot. Ilang araw na lamang ay aalis na siya papuntang Maynila dahil kailangan pa niyang mag-enroll. Mukhang hindi na sila magkikita ni Wryle...
Pagdating sa eskwelahan ay itinuon niya ang atensyon sa seremonyas. Parang lutang siya siya. Sa lahat ng magtatapos, mukhang siya ang parang namatayan sa sobrang lungkot. Muli siyang napabuntong hininga. Nang matapos iyon ay inayos na niya ang gamit at inalis ang toga.
"O, bakit mo inalis 'yan ng hindi pa tayo nagpapa-picture?"
"Wryle!" nabibiglang saad niya sa lalaking nagsalita sa likuran niya.
Nanikip ang dibidib niya sa laki ng pagbabago nito. Lalo itong tumangkad at gumanda ang kutis saka katawan! Hindi tuloy niya masisisi kung bakit tila natulala ang ilang kaklase niya sa lalaking ngiting-ngiti na nakatitig sa kanya.
"Wryle!" sigaw niya ng masigurong ito nga ang prinsipe niyang hindi nagpakita ng dalawang taon. Lalong itong naging guwapo! Binatang-binata na at tumindi ang karisma nito saka karakter.
Agad niya itong sinugod ng yakap kesehodang maraming tao ang nakatingin sa kanila. Mukhang nabigla ito sa inasta niya hanggang sa natawa na lamang itong tinugon ang yakap niya. Napapikit siya ng maamoy ang personal nitong amoy na ilang gabi niyang na-miss. Ah... pati ang paraan ng pagtawa nito ay nagiba na. Mas lalo iyong sumarap pakinggan...
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
"I missed you," anas nito at tumayo ang balahibo niya sa mainit nitong hininga sa tainga niya. Gusto niyang sabihing sobrang miss na rin niya ito... na halos maiyak na siya kakaisip dito pero naunahan na siya ng hiya. Kung nagbago na ito... marahil ay ganoon na rin siya dahil naging pino na rin kahit papaano ang kilos niya.
Sa tuwing naiisip niya ang kapangahasan dito ay gusto niyang batukan ang sarili. Minsan, natatawa na lamang siya pero madalas ay napapahiya. Napakatabil kasi niya noon pero ngayong nagdadalaga na siya ay natuto na siyang kumilos ng tama.
"Akala ko, hindi na kita makikita. Aalis na rin ako n'yan, eh..." reklamo niya rito at agad siyang kumawala rito. Kinurot niya ito sa tagiliran at sinimangutan ito. "Ang daya mo..."
Itinaas nito ang dalawang kamay tanda ng pagsuko. "Sorry talaga. Pero... may regalo ako sa'yo,"
Napanganga siya ng ilabas nito sa bulsa ang isang pulang kahita. Siya na ang nagbukas noon at tumambad sa kanya ang isang set ng silver accessories. Ternong pares iyon ng singsing, kuwintas, hikaw at bracelet. Naluluhang napatingin siya rito.
"Sa susunod, mamahalin na ang ibibigay ko. Pasensya na dahil estudyante pa lang ako," anitong napapakamot na ang ulo. Astang nahihiya pa ito pero hindi nito alam na malaking bagay na iyon para sa kanya.
"Wryle..." aniyang namamasa ang mga mata. "Thank you dahil naalala mo pa rin ako..."
"Ano ka ba? P'wede ba naman kitang kalimutan?" natatawang tanong nito saka hinawakan ang pisngi niya. "'Yang mukhang 'yan ang hinding-hindi ko makakalimutan, Reign. Itaga mo 'yan sa bato,"
"Sabi ko na nga ba, eh..." aniyang naiiyak na sa labis na tuwa. Hindi siya nito nakalimutan! Nararamdaman niya iyo at nakikita sa mga mata nito kung gaano talaga siya nito ka-miss.
Natigilan sila ng makarinig ng pagtikhim. Tumigil ang t***k ng puso niya ng makitang seryosong nakatingin sa kanila ang lolo't lola niya. Biglang nawala sa isip niyang nasa manonood lamang ang mga ito. Pero naisip niya, wala naman silang ginagawang masama ni Wryle kaya sa halip na bitawan ang kamay ni Wryle ay mariin pa niya iyong hinakawan.
"Lolo, binisita po ako ni Wryle," nakangiting saad niya.
Umismid ang lola niya. "Nakikita nga namin. Tara na at naghihintay na ang mga bisita,"
Napahiya siya sa inasta ng dalawang matanda kaya agad siyang humingi ng paunmanhin kay Wryle.
"Hayaan mo na. Concern lang sila sa'yo," maunawaing saad nito at napangiti siya rito. Hindi talaga siya nagkamali sa lalaking nagustuhan dahil napakalawak ng pangunawa nito.
"Hindi bale, babawi ako sa'yo sa bahay." Nakangiting saad niya at pinisil niya ang kamay nito. "Tumulong akong gumawa ng lelot mais. Kinulit ko ang nanay mo," napangisi siya rito ng matawa ito.
"Sabi nga n'ya, makulit ka pa rin at... dalagang-dalaga na,"
Napalunok siya ng hagurin siya nito ng tingin. Kung mayroon man paghanga sa mga tingin nito noong mga bata pa sila, ngayon ay mas lalong tumindi iyon dahil nahahaluan iyon ng pananabik. Marahil ay dahil ilang taon silang hindi nagkita nito.
"Tara na," anito saka siya nginitian. Tumalima na siya at inalalayan siya nitong sumakay sa sundo niya. Nag-tricycle naman ito papuntang rancho. Hinintay niyang pagsabihan siya ng dalawang matanda pero tumahimik lamang ang mga ito. Nagtaka siya pero binalewala na lamang iyon dahil muli siyang napangiti ng makapa sa bulsa ang regalo ni Wryle.
Pagdating sa bahay ay hindi niya agad na-estima si Wryle dahil pilit siyang pinaharap sa isang apo ng kaibigan ng lolo niya, si Roj. Iyon ang unang pagkakataon na nakilala niya ito pero hindi na niya ito agad gusto.
Singkit ang mga mata nito, may kaitiman maging ang labi nito. May katabaan din ito at may kayabangan ang dating. Wala itong ibang bukambibig kundi ang mga achievements nito at kung paano nito nilampaso ang mga nakakalaban. Sa tingin niya, hindi pa natatapos ang gabing iyon ay baka hanginin na siya papuntang Mars.
"Mag-c-CR lang ako, ha." Magalang niyang paalam dito. Balewala itong tumango at pinagtuunan ng kayabangan nito ang katabi nitong matanda. Napailing siya rito at hinanap si Wryle. Natagpuan niya ito sa kusina na tahimik na kumakain. Agad siyang napangiti rito.
"Tinikman mo na 'yung lelot mais? Tumulong ako roon. Parang ako na rin ang nagluto," untag niya rito at napakunot ang noo niya ng maramdam ang kakaibang pananahimik nito.
"Natikman ko at masarap," malamig nitong saad hanggang sa mukhang hindi nito natiis, tinitigan siya nito sa mga mata. "Sino 'yung Roj? Nanliligaw ba siya sa'yo? Bakit hindi mo nababanggit na mayroon ka ng manliligaw? Hindi ka pa dapat nagpapaligaw. Ako nga, hindi ka magawang ligawan dahil bata ka pa. Ni hindi ka pa nagde-debut..."
Natawa siya sa nakikitang pagseselos nito. At lalong lumuwang ang ngiti niya ng matuklasan ang dahilan nito kung bakit hindi nga siya nito nililigawan ng pormal ay pinaghihintay muna ito ng tamang panahon. Pero nagseselos ito? Gusto niyang tumili sa saya!
"Ngayon ko lang siya nakilala. Pina-estima siya nila lola sa akin. Ikaw naman... nagseselos ka agad? Hindi na ba sapat ang lelot mais ko para malaman mong ikaw lang ang lalaking pagtutuunan ko ng effort?" namamanghang pahayag niya dahil hindi pa rin siya makapaniwala na marunong din pala itong magselos!
Napabuntong hininga ito at napahagod sa buhok. Gayunman ay umaawit ang puso niya sa saya dahil sa kaalamang natatakot din pala itong mawala siya rito. "Hindi ako nagseselos," pailong na sagot nito.
"Hindi daw... hanggang ngayon, nahihirapan ka pa ring magsabi ng totoo," tudyo niya rito.
Napabuga ito ng hangin. "Okay. Nagseselos ako. Masama ba?"
Nang titigan siya nito ay nanikip ang dibdib niya. Kung noong fourteen years old siya nito binanatan ng ganoon, siguradong hindi siya makapagpipigil. Pero iba na ngayon, bigla siyang pinitpit na luya sa pagkabigla! Ayaw paawat ng heartbeat niyang natuturete sa loob ng ribcage!
"Wryle..." nahihiyang saad niya saka naasiwa. Hindi na niya alam kung saan titingin. Nawalan na siya ng practice magpa-cute!
Natawa ito. "Ikaw naman itong todong mag-blushed ngayon?" tudyo nito sa kanya at pinisil ang baba niya. Sobrang na-miss niya iyon at hindi niya mapigilang uminit ang puso niya. "Ang ganda-ganda mo talaga. Sana, wala pa rin akong karibal sa'yo,"
Gusto na niyang mahimatay! Ano ba 'yan! Maha-heart attack na siya sa kilig! Biglang-bigla, gusto niyang magkulong sa silid at doon ilabas ang kilig sa puso niya. Napakahirap iyong itago. Nagiinit ang mukha niya at leeg!
"Wala... hindi naman ako nagpapaligaw... iisa lang a-ang g-gusto kong m-manligaw sa akin..." nagkakandautal niyang sagot. Letse! Masasabunutan niya ang sarili ng wala sa oras!
Nagkatunog ang ngiti nito. "Napaka-loyal mo rin pala sa lalaking gusto mong manligaw sa'yo,"
Hiyang-hiya na siya! Gayunman, ayaw din naman niyangputaktihin siya ng manliligaw. Iisa lang lalaki lang ang gusto niya. Si Wyle lang kaya bakit pa siya mage-entertain ng iba?
"Mamasyal tayo bukas, ha. Lubusin na natin 'to habang nandito pa tayo," untag nito.
Agad siyang tumango rito. Bigla siyang nasabik at baka hindi na siya makatulog. Gayunman, sangayon siya sa sinabi nito. Lulubusin niya talaga ang oras na iyon para makasama ito.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
"Ang daya mo talaga!" tili ni Reign kay Wryle at napasinghap na lamang siya ng sabuyan siya nito ng tubig sa mukha. Gumanti siya pero agad itong nakailag. Napaungol na lamang siya sa inis. Nasa isang private resort sila at napagkatuwaan nilang mag-swimming. Napatili na lamang siyang muli ng hulihin siya ni Wryle sa baywang at inaya sa mas malalim. Nagkanda-iling siya. "Hindi ko kaya doon,"
"Hindi naman kita pababayaan. Sige na..." napasinghap siya ng yakapin pa siya nito sa baywang at napalunok siya ng madama ang init ng katawan nito. Ang dibdib nito ay lumapad at naging matikas na sa takbo ng panahon. Nakaramdam siya ng seguridad ng mapawahak doon ang palad niya.
"Tsansing na 'yan," biro nito sa kanya at minulagatan niya ito. Ito na ang nagbibiro sa kanya ng ganoon! Hah! At siya naman, hindi na magawang ibalik ang panunudyo rito. Nauunahan na rin siya ng hiya kung minsan.
"Tse! Ikaw nga ang yakap ng yakap sa akin, eh."
Itinaas-baba nito ang kilay. Napamaang siya! Nagfi-flirt ito sa kanya! Biglang naginit ang pakiramdam niya at nabigla siya sa naging sariling reaksyon. Bago iyon sa kanya at naghatid iyon ng kakaibang kiliti sa gulugod niya.
"Ang tagal ko kayang inisip 'to. Sinasamantala ko lang," tudyo nito sa kanya pero biglang-bigla, hindi na niya iyon matagalan. Naiilang siya dahil sa kaloob-looban ng puso niya, alam niyang gusto rin niya iyon pero nahihiya siya kung paano ipapaalam dito.
Nagkatunog ang ngiti nito. "Pulang-pula ka na,"
"Ikaw naman kasi, eh!" Angal niya rito at pilit na kumawala rito. Nagwawala na ang puso niya at baka magtraydor na siya. Siya na ang yayakap dito at hindi ito pakawalan. Agad siyang kumawala rito pero napasinghap na lamang siya ng hapitin pa siya nitong maigi. Nagkada-letse na ang lahat ng cells niya sa katawan! "A-aba't! Pakawalan mo nga ako..." mabuway niyang sagot.
Napangisi ito. Gusto na niyang mapaungol! Naiilang na nga siya, ayaw pa siya nitong pakawalan! "W-wryle naman..."
Nagkatunog ang ngiti nito. "Dalagang-dalaga ka na. Marunong ka ng mailang sa crush mo,"
Napasinghap siya at nang makabawi ay pinagkukurot niya ito sa tagiliran. Tawa naman ito ng tawa sa kanya hanggang sa hinuli nito ang kamay niya. "Napapahiya na ako..." aniyang naginit na ng todo ang mukha. Natatawang pinakawalan na siya nito.
"Saan ka pupunta?"
"Dito lang," aniya saka umahon at naupo sa gilid ng pool. Lumangoy ito palapit sa kanya at gumaya ng upo. Ilang sandali pa ay umalis ito at pagbalik nito ay inilagay nito ang towel sa balikat niya at tinabihan siya ng upo.
"May naging girlfriend ka sa Baguio?" bigla niyang tanong rito at nanikip ang dibdib niya ng hindi ito nagsalita. Hindi niya maiwasang isipin iyon dahil sa guwapo nito, siguradong maraming magkakandarapang magpapansin dito.
"Reign." Marahang saad nito saka hinawakan ang kamay niya at pinisil. "Wala akong naging girlfriend. Bakit mo natanong?"
Napakamot siya ng ulo at sinabi ang saloobin dito. Natawa ito sa kanya at naramdaman na lamang niya ang marahang paghagod nito sa ulo niya. Natunaw ang puso niya dahil na-miss niya iyon at hindi pa rin pala nagbabago ang epekto noon sa puso niya.
"Iisang babae lang ang gusto kong maging girlfriend," mahina nitong saad at agad siyang napatingin dito. Bigla siyang napayuko ng makitang titig na titig ito sa kanya. Bahagya itong natawa at pinisil ang baba niya. "Ang talas mo, alam mo agad ang sagot,"
Gusto na niyang ilubog ang mukha sa pool! Natuturete na naman siya! Hayun na ang pagkakataong iyon pero nagkakandaletse na naman ang utak niya! Naasiwa siya na hindi niya maintindihan pero hindi niya maitatangging masaya siya kahit indirect way nitong sabihing siya iyon.
"Konting tiis pa, Reign ha? Marami pa tayong dapat na unahin. Sana... sana mahintay mo ako,"
Napatango siya rito. Gusto niyang sabihing handa siyang maghintay dahil maging siya, marami pa siyang kailangang gawin para sa sarili niya ng nagiisa. Na kuntento siya sa kung ano ang mayroon siya. Pinanghawakan niya ang lahat ng ngiti at masuyo nitong paghalik sa noo niya.
Sa loob ng maraming araw ay iginugol nila ang bakasyon na laging magkasama. Namasyal sila sa buong rancho at katulad ng dati ay pinagkuha siya nito ng mangga. Iyon marahil ang pagkakataong kumain siya noon dahil dumating ito. Tumupad siya sa pangako noon dito. Napakasimple lang ng naging lakad nila pero mananataling espesyal iyon sa puso niya. Napagusapan nilang maaari sila nitong magsulatan habang nasa Maynila siya.
Napahinga siya ng malalim. Kuntento na siya roon. Nakuha na niyang hintayin ito, magagawa pa niyang hintayin pa ito sa marami pang susunod na mga taon...