CHAPTER 3
Lallaine's POV
***
Panay ang ngiti ko habang nagbabasa sa gilid ng library na kinaroroonan ko. Nakaupo ako sa sahig at nakasandal sa gilid ng puting shelf na pinupuno ng iba't ibang libro. Subject period namin ngayon, kaya naman nandito ako nakatambay sa library. Nandito ako kapag gusto kong magpahinga. Mamaya pagtapos ng school hour ko ay magtatrabaho na naman ako sa fast food restaurant na pinapasukan ko para sa part time job ko. Madalas ay nandito ako para naman makapagpahinga. Dito kasi ay tahimik, walang gulo at hindi puwede ang maingay. Hindi naman ako loner, may mga kaibigan din ako pero hindi ako nakikipagbarkada. Ang hirap din kasing makipagbarkada, usually kasi ay may mga gala sila, at kapag may gala ay ibig sabihin ay may gastos. Hindi ako iyong tipo ng estudyante na tila mas may pera pa sa mga nagpapabaon sa kanila. Hindi ako 'yong tipo ng estudyante na ang paglalaway o pagbili ng mga milktea o sosyalin na kape ay libangan lang at kayang pang-araw-arawin. Sa akin ay bawat sentabo ay mahalaga, dahil kung magwawaldas ako araw-araw o kada makakalabas ako ng eskuwelahan, malamang hindi ko na matatapos ang pag-aaral ko.
Kung tutuusin ay hindi na dapat ako makakapag kolehiyo. Ang plano lang kasi nina Mama ay mag-aaral lang ako ng high school para makakuha ako ng trabaho sa Maynila, kahit papaano kasi ay marami rin tumatanggap ng mga trabaho sa Maynila na may malaking pasahod kahit high school lang ang natapos. Ang kaso ay gusto kong mag-college. Gusto kong makapagtapos, at kahit na ako ang gumapang para sa pag-aaral ko ay ayos lang. Basta hindi nila ako pahihintuin. Ang suportahan at intindihin lang ako, iyon lang ang hinihingi ko sa kanila, suporta hindi sa pera pero para lang tanggapin nila ang desisyon at hiling ko na makapag-aral. Iyon lang.
Naiintindihan ko naman kung bakit ayaw nila akong pag-aralin na ng college. Lima kaming magkakapatid. Ang kuya ko ay nakabuntis, ngayon ay sa amin na sila nakatira habang nagtatrabaho si Kuya sa palengke. Sakto lang ang kinikinita nila para sa kanila ng girlfriend niya, nag-iipon pa sila para sa panganganak nito. Ang Ate ko rin ay nag-asawa na rin at sumama na sa boyfriend niya. May dalawa pa kaming bunso at pareho silang nasa high school na. Walang trabaho si Mama habang si Papa ay jeepney driver. Ang sabi nila ay hindi na nila kayang may dalawang high school at isang college na pag-aaralin, kaya mas mabuti raw kung hihinto na ako at magtrabaho na lang din sa palengke, at kung gusto ko raw ay mag-asawa na lang din ako kagaya ng mga kapatid ko. Iniisip kasi nila na kapag nag-asawa na ako ay ang magiging asawa ko na ang bubuhay sa akin, suwerte pa nila kung mayaman ang mapapangasawa ko o kung may pera. At least daw ay maambunan manlang sila. Pero hindi nila ako kagayang mag-isip.
Gusto kong mag-aral at maging journalist, kaya naman nang sinabi nila Mama na hindi na ako magka-college ay hindi ako pumayag. Gusto kong magpatuloy sa pag-aaral ko, at ayokong umasa lang sa lalaking pakakasalan ako at bubuhayin.
I want to be a journalist someday. Gusto kong maging reporter, o 'di kaya ay maging isang manunulat. Mahilig ako sa stories, histories, events. Nandoon ang passion ko, at gusto ko iyon tuparin. Kaya naman nakiusap ako kina Mama na kahit hindi na nila ko pag-aralin, ako na ang gagawa ng paraan para makapag-aral ako ng kolehiyo. Ayaw ni Mama, pero si Papa ay pumayag at siya ang nasunod. Hindi ako nagtatanim ng galit kay Mama dahil alam ko namang ang iniisip lang niya ay si Papa. Mas mapapagaan daw kasi ang pagtatrabaho ni Papa kung tutulong na lang ako sa pagpapaaral sa mga kapatid ko sa high school, pero si Papa na ang nagsabi na kaya pa niya, kaya naman kung talagang gusto ko at pursigido ako ay ayos lang sa kaniya.
Dahil doon ay pagtapos ko ng high school ay nagtrabaho kaagad ako sa isang fastfood restaurant. Tumatanggap sila ng part timer kaya naman 6hours lang ang pasok ko at sa tuwing gabi. Nakapuwesto ako sa cashier. Kahit pagod ay masaya ako na sa counter ako naitoka ng amo ko. Minsan kasi ay nakikipagkuwentuhan din ang mga customers habang kinukuha ko ang mga orders nila at payments. Syempre, kung sa pagkausap at pagkokolekta lang ng mga interesting topic galing sa ibang tao, magaling ako. Aba, future journalist yata ito!
Iyon nga lang, may times din na mas gusto kong tahimik lang ako, mag-isa at walang kausap. Well, meron. Ang mga libro. Hindi man ako pala-kaibigan o mabarkada, hindi ko kahit kailan naramdaman na mag-isa ako dahil sa mga librong binabasa ko. Sila ang best friends ko, at pati nga lovers ko ay sila lang din. Loner mang tingnan pero kuntento ako kahit sila lang ang katuwang ko. Kahit anong genre binabasa ko, pero pinakahilig ko ang chicklit romance. I feel powerful whenever I'm reading stories about the girl's struggle, also reading a romance making me thrilled. Sa libro lang talaga ako kinikilig.
Abala ako sa pagbabasa ng libro nang bigla na lang may kumalabog sa shelf na sinasandalan ko. Halos mapapikit pa ako dahil akala ko ay tataob iyon sa akin. Napasilip ako sa gilid ko. Shape L ang kabuuan ng library, at nasa dulo ako kung saan wala masyadong tao. Puro libro lang ang nasa kinapupuwestuhan ko at nasa center ang iilang table kung saan puwedeng mag-study group ang mga estudyante.
May klase ngayon ang mga high school students na siyang madalas tumambay sa library. Ang mga college ay hindi naman madalas pumasok dito, depende kung kailangan. Kaya naman ako lang ang nandito ngayon, at ang librarian na kulang na lang ay hindi huminga 'wag lang makagawa ng ingay. Well, sa pagkakaalam ko nandito ang librarian. Nandito pa siya kanina bago ako magkulong sa sulok.
Nanliit ang mga mata ko nang makita kong isang lalaki ang nakatago sa gilid ng shelf na sinasandalan ko. Nakatalikod siya sa akin at may sinisilip sa bandang kung saan palabas ng library. Naka-civilian siya kaya alam kong hindi siya high school student, at isa pa, binatang-binata na rin ang hubog ng katawan niya na halos halata sa polo shirt niya at pantalon. Kinailangan niya rin yumuko dahil mas mataas siya kaysa sa shelves na ka-height ko lang.
"Huy, nasa library ka, magdahan-dahan ka," sita ko sa mahinang boses. Napalingon siya sa akin na para bang nagulat siya sa presensya ko.
Nagsalubong ang itim niyang mga kilay na kasing kulay ng buhok at mga mata niya. Imbes na magsalita ay hinila niya ako. Nanlaki ang mga mata ko at pumitlag, pero mas malakas siya sa akin kaya wala akong nagawa kundi ang magpahila sa kaniya.
"Oy-"
"Shh," aniya. "May naghahanap sa akin, iligaw mo."
"Ha?"
Doon ko lang na-realised na namumula ang sulok ng labi niya. Wala iyon pasa pero halata pa rin na tinamaan siya roon. Kahit pinkish ang labi niya ay halata pa rin iyon dahil maputi siya.
"Napa'no 'yan?" Kahit hindi ko siya kilala ay may puso pa rin ako para mag-alala. Hindi naman masama iyon, hindi ba?
Bahagya niyang kinagat ang ibabang labi niya para pakiramdaman ang tama niyang tinitingnan at tinutukoy ko.
"Thanks for concern, pero puwede bang tulungan mo rin ako? Iligaw mo 'yong mga naghahanap sa akin, please?"
Hindi pa ako sumasagot ay pinagtulakan niya na ako. Walang nagagawa na lumabas ako sa shelf na tinataguan namin. Saktong may pumasok na tatlong lalaking nakasuot ng Jersey. Kilala ko sila, mga members sila ng basketball team ng school. Dalawa ang bangko lang at isang usual na MVP.
"Marquez!" sigaw ng isa. Napaikot ang mga mata ko, sabay tingin sa front desk. Wala ang librarian kaya walang sumita, at hindi ko alam kung nasaan na iyon nagpunta. Ako na lang ang naglakad patungo sa tatlo na panay pa rin ang tawag sa Marquez, at sa palagay ko si Marquez ay ang siyang nagtatago ngayon sa paborito kong puwesto.
Nakahalukipkip na lumapit ako sa kanila at kaagad naman nila akong napansin.
"May nakita ka bang lalaking pumasok dito? Naka asul na polo shirt?" tanong nito, sa may kalakasan na boses. Normal lang ang lakas ng boses nito, pero inappropriate para sa kinaroroonan niya ngayon.
"Masyado ba kayong focus sa paghahanap sa Marquez na iyon para hindi ninyo ma-realise na nasa library kayo at hindi puwede ang maingay rito?"
Nagkatingin-tinginan sila. Smug na lumapit sa akin ang MVP ng basketball team. Kung sa iba siyang babae lumapit ay siguro kinikilig na iyon. Famous siya sa school dahil MVP, pero para sa akin ay hindi naman siya kagwapuhan. Mas guwapo pa nga si Marquez, pero mas mabuting itago ko na lang 'yon sa sarili ko.
"Itinatago mo si Marquez, 'no?" tanong niya at mas lumapit sa akin. "O baka gusto ko mo lang pansinin kita?"
Tumaas ang kilay ko. Maraming nagsasabi na mukha raw akong mabait, iyon ay dahil hindi ako masyadong mapagbigay ng reaksyon sa mukha ko, tanging ngiti lang ang ibinibigay ko, nasanay na rin ako dahil sa trabaho. Iyon nga lang ay kapagnagmatapang na raw ako ay nag-iiba ang awra ko. At alam kong nakita nila iyon dahil nagsikuhan ang dalawang kasama ng 'MVP na parang nagtutuksuhan sila tungkol sa akin.
"Excuse me, 'wag ka ngang feeling. Hindi naman ako isa sa nauuto ng pawis mo. Puwede bang lumabas kayo, air-conditioned ang buong library, e, kahit malayo kayo ay amoy na amoy ko ang pawis ninyo. Imbes na makatulog ako dahil sa libro, sa alingasaw ninyo ako nahihilo."
Nagkatinginan silang tatlo. Nagsalubong ang kilay ni MVP, pero dahil sa pagkapahiya ay naiinis na nag-ayaan na lang sila paalis. Hindi na rin sila tumuloy sa pag-ikot sa library. Napabuntong-hininga ako.
Sorry not sorry. Hindi naman ako maldita, hindi ko naman sasabihin iyon kung may ibang tao. Kaming apat lang naman ang nakakarinig...
"Uy, napaalis mo?"
O lima? Umikot ako paharap sa kinaroroonan ngayon ni Marquez. Nakasandal siya sa isang shelf habang nakahalukipkip.
Tumagilid ang ulo ko. "Happy? Ano ba kasing ginawa mo?" tanong ko pero hindi ko na hinintay ang sagot niya.
Naglakad na ako pabalik sa kanina kong puwesto at nilagpasan siya. Naramdaman ko namang sumunod siya sa akin. Pinulot ko ang libro na kanina kong binabasa. Buti na lang ay kahit biglaan ang pagdating niya at pagtutuon ko sa kaniya ng pansin ay nagawa ko pang iipit ang ID ko na ginawa ko nang bookmark. Tiningnan ko ang page kung saan ako huminto sa pagbabasa saka iyon muling sinara, at this time ay hindi ko na iniwan ang ID ko. Sanay na akong umalala ng pages. Hindi ko kasi afford ang bumili kaya sanay na akong nanghihiram lang ng libro. Ayoko naman iuwi dahil baka mawala habang nasa trabaho ako. Mahirap na't mapagbayad pa ako.
"Talaga bang nabahuan ka sa kanila, Lallaine?"
Naningkit ang mga mata ko at nilingon ko siya. Hindi ako nagsalita pero mukhang nakuha niya kung bakit ganito ang reaksyon ko. Paano niya nalaman ang pangalan ko, aber? Imposible na kilala niya lang ako dahil pareho kaming student. Hindi ako famous at sobrang lowkey ko lang kumpara sa ibang ka-batch ko.
Nagtaas siya ng kamay niya. "Nabasa ko lang sa ID mo," sabi niya at ibinaba ang tingin sa libro ko na siguradong pinakialaman niya habang abala ako sa mga naghahanap sa kaniya.
Ibinalik ko na lang ang libro sa shelf at pinalagpas na lang iyon. "Matanda na kayo para mag-bully-han pa, kaya itigil ninyo na."
Naglakad na ako palagpas sa kaniya. Ilang hakbang na ang layo ko sa kaniya nang tawagin niya ako sa pangalan ko. Gulat na napalingon ako sa kaniya dahil hindi talaga ako sanay na mag-ingay o magsalita ng malakas sa loob ng library. Nang lingunin ko siya ay natatawang tinitikom niya ang bibig niya na parang na-realised niya rin iyon. Nagsalubong lang ang kilay ko.
"Anong course mo? Saan kita puwedeng makita ulit?"
Sarkastiko akong ngumiti. Halos kakaumpisa pa lang ng school year kaya hindi pa namin nakukuha ang ID namin, at ang ID kong dala bilang bookmark ay pang-high school pa, kaya normal lang na hindi niya malaman ang course ko kahit nakuha niya ang pangalan ko mula roon.
"'Wag mo nang alamin, hindi naman na natin kailangang magkita ulit."
Nakita ko ang pagbuka ng bibig niya na parang magrereklamo pa siya. Pero hindi ko na iyon hinintay na marinig at tinalikuran ko na siya, at nagsimulang maglakad.
"Lallaine!" Mahina lang ang pagkakatawag niya bilang hindi siya puwedeng sumigaw. Nagpanggap na lang akong hindi ko na iyon narinig.
Totoo ang sinabi ko. Hindi na namin kailangan pang magkita ulit.
***
Tiningnan ko lang si Layla. Hindi siya makapaniwalang pinagsasalinan ang tingin sa amin ni Nathan. Alam niya kung sino si Than sa buhay ko. Never kong binanggit sa kaniya ang buong pangalan ni Nathan, ang alam niya lang ay ang kuwento namin at ang nickname niya na ako ang nagbigay. Tumikhim ako. I should stop calling him that. And he should stop calling me Lala, too.
"Sir-"
"Can you stop calling me 'Sir and stop to pretend that you don't know me?" aniya na tila ba pagod na pagod na siya sa pagpapanggap ko. Mula kanina sa meeting ay panay ang pagkukunwari ko na hindi ko siya kilala, na para bang napakapormal kong tao para galangin siya nang husto.
Umiwas ako ng tingin sa kaniya. Nakakainis na ang mga alaalang limang taon kong kinalimutan ay walang kahirap-hirap na nanumbalik sa akin ngayon. Ang una naming pagkakakilala, at ang huli naming pagkikita na ayoko na sanang maalala.
"Please, Lallaine, let's talk," sabi niya sa isang bagsakan ng paghinga.
Marahan akong umiling at diretso na siyang tiningnan. "Wala na tayong dapat pang pag-usapan, Nathan."
Tinalikuran ko na siya. At kagaya ng dati, nagbingi-bingihan ako at nagkunwaring hindi ko siya narinig nang muli niyang tawagin ang pangalan ko.
Like how I did the last time I saw him...