Chapter 4
Lallaine's POV
Mula kaninang nakarating kami sa bookshop cafe ni Layla ay hindi niya na ako tinantanan. Panay ang tanong niya sa akin sa mga nangyari sa amin noon ni Nathan. Alam niya ang storya namin, pero kulang pa ang nalalaman niya para maintindihan kung bakit ko iniiwasan ko si Nathan. Iyon nga lang ay kahit anong pangungulit niya ay hindi ko naman siya sinasagot. Ayokong isipin ang nakaraan, at ang mga nangyari kanina. Mabuti na lang ay may mga customers na dumating, at ayaw rin ni Ate Paula ng puro tsismis ang inaatupag namin sa oras ng trabaho. I mean, puwede naman magkuwentuhan, siyempre, pero kapag may customers ay dapat tama na muna ang tsismis.
Katatapos ko lang mag-serve ng pagkain sa isang table na inookupa ng limang teenagers. Halata sa kasuotan nila ang edad nila dahil mga naka-uniform sila ng malapit na school dito sa café. Simple lang ang mukha nila at hindi iyong tipo ng mga kabataan ngayon na magkakasingpula ang labi at pisngi, at may maaayos na buhok. Ang dalawa sa mga ito ay nakasuot pa ng salamin, habang ang tatlo ay walang kolorete sa mukha pero presentable pa rin ang hitsura. Sa hitsura nila, no offend, pero sila ang mukhang mga nerd sa school, pero magaganda sila ha.
Sa katunayan, mas interesado ako sa mga kagaya nilang kabataan. Pakiramdam ko ay malalalim silang mag-isip at makausap. 'Yong para bang may maisusulat ako na may sense kapag sila ang kinausap ko. Masarap kausap ang mga taong may alam, hindi lang puro chismis tungkol sa mga crush nila ang interesado silang pag-usapan. Mga ganoong klase ng tao ang gusto kong kausap.
Nagbalik ako sa counter habang pinapanood ang mga customers na mas mukhang interesado sa mga librong binabasa kaysa sa mga kinakain nila. Well, simple lang naman ang mga pagkain dito sa bookshop cafe. Tama lang pang-snack habang nagbabasa. Recipe lang din ni Ate Paula ang mga pagkain dito. Wala kaming high degree pastry chefs.
Nagsimula lang daw talaga itong bookshop cafe sa hilig ni Ate Paula sa pagbe-bake at pagluluto. Kaya naman nang matapos daw siyang mag-college at binigyan ng pangpuhunan ng Lolo niya bilang pamana ay itinayo niya itong cafe, at dahil sa kailangan niya ng gimik para bumenta ang cafe niya kahit simple lang ang mga recipe niya, dinala niya na rin dito ang mga collections niya na mga libro. Karamihan sa libro niya ay mga vintage, mga mahal dahil nabili niya pa talaga sa mga collectors. Mahal niya ang mga libro niya dahil collections niya talaga ang mga ito, kaya naman hindi siya nagbebenta at dito lang puwedeng basahin ang mga ito. Hanggang sa kumita at naging effective ang pagdi-display niya ng mga libro kaya natuto na siyang bumili ng galing sa mga bookshop sale, preloved books, at kahit mga sealed books ay meron na siya. Still, dito lang pa rin puwedeng basahin dahil hindi pa rin siya nagbebenta.
Stable na ang kaniyang bookshop cafe, ang Pau's Bafè, nang pumasok ako rito. Isang buwan na rin nagtatrabaho si Layla rito. Hanggang sa nauso na rin ang mga bookshops café, kaya nag-isip ng bagong gimik si Ate Paula. Nagsaktong narinig niya kaming nag-uusap ni Layla. Nagkasundo kasi kami dahil pareho kaming manunulat. Nang nalaman niya iyon ay nag-offer siya sa amin na mag-sponsor siya sa amin para ma-publish namin ang mga libro namin na sinusulat lang namin sa online blog namin. Saktong may kilala na siyang nagpi-print para sa mga small publishing house, kaya naman naging madali iyon para sa kanya. Ang usapan ay 5 copies each stories na magagawa namin, at dinagdagan niya rin ang sahod namin. That made her bookshop unique from others, dahil siya ay may sarili siyang author. Iyon nga lang ay sekreto lang na kami ang writers. Ayaw rin namin ni Layla na i-reveal ang sarili namin. Mas komportable kaming hindi kami kilala ng mga readers na dumadayo pa talaga rito para sa mga akda na rito lang sa Pau's Bafè maaring mabasa.
Kilala na kami ni Layla sa blog namin, pero siyempre under pseudonym or pen name lang namin. Pero nang ini-announced na namin sa blog account namin na published with limited copies ang ilan sa novel namin, may ilang nagpunta rito para doon. Wala nga lang silang idea na kaharap lang nila ang mga authors ng mga librong hawak nila.
Layla's pen name is Serene Rights, habang ako naman ay Katherine's Haven. Hindi kami pareho ganoon ka-famous, pero marami na rin kaming followers o subscribers.
Dito lang available ang mga libro namin, ang mga libro ko. Hindi ko alam kung para sa ibang published author ay achievements na ito, pero para sa akin ay sapat na ito para mapasaya ako. Ang makitang naisa-libro ang akda ko at binabasa ng ilang mga readers, at nakikitang nagugustuhan nila ang mga ito ay sapat na sa akin. Pangarap ko pa rin na makapag-published ng libro na makikita ko sa bookstores, kaya nga ako nagta-try na mag-submit sa mga open-submissions ng mga traditional publishing, dahil gusto ko rin maging kilalang published author. But that doesn't mean that I don't acknowledge this kind of achievement as my success.
"So, pipirma ka ba sa kontrata? Sa GotYou Publishing?" biglang tanong ni Layla mula sa may likuran ko. Halos mapapitlag ako sa gulat at nilingon siya. Ngumisi siya sa akin at tumabi sa akin sa counter.
Apat lang kaming tao ng Pau's Bafè. Si Ate Pau, kaming dalawa ni Layla, at si Joshua na siyang nagsisilbing tao sa dining. Lahat kami ay all rounder ang trabaho, iyon nga lang ay feeling gentleman si Joshua kaya madalas siya ang sa mga pinaka nakakapagod na trabaho. Siya rin naman ang nagpeprisinta, kaya madalas ay pinagbibigyan na namin. Pero minsan ay kami na rin ang tumatanggi dahil baka masyado na namin siyang nate-taking for granted.
Nagkunwari siyang nagpupunas sa counter kahit malinis naman iyon at halos kumintab na nga ang tiles. Combination ng tiles at wooden ang bawat pasemano ng café. Pero ang tiles ay wooden color din ang design. Habang puti naman ang pintura ng kabuaan ng walls at salamin ang sa may harapan. Ang mga tables ay wooden brown at black, halos kakulay ng mga shelves na isang linya sa gilid, mas light lang. Simple lang ang design ng café, si Ate Pau lang din daw kasi ang nag-interior, hindi na siya kumuha ng magde-design. Ang alam ko rin ay hindi rin bagong tayo lang ang café na 'to. Dati raw itong restaurant, kaso ay nag-abroad ang may-ari kaya nagsara at ibinenta. Konting renovation lang ang ginawa, at maganda na ang kinalabasan. I should give Ate Pau a thumbs up and credit, dahil siya lang lahat ang nag-ayos para makatipid sa bayad sa labour.
Tiningnan ko lang sa gilid ng mga mata ko si Layla, para kahit papaano ay magmukhang sa mga customers ang atensyon ko. Isa sa trabaho namin ang bantayan kung may magtatakbo ba ng mga libro, e.
"Kanina pa kita tinatanong tungkol sa past dahil gusto kong malaman kung kaya mo ba siyang makatrabaho, pero since ayaw mong magkuwento, didiretsohin na lang kita." Humarap siya sa akin, habang ako ay binalingan na siya pero natiling nakaharap sa counter. "Pipirma ka ba? Kasi ako, with or without you, pipirma ako. Pero kasi collaboration ang stories natin, so kailangan natin pag-usapan nang maigi 'to."
Bumuntong-hininga ako. Kagaya ko ay alam kong pangarap din ni Layla ang maging published author. Iyon ang una naming napag-usapan kaya madali kaming naging close noong bago pa lang ako rito. Pareho kaming hindi pinalad sa buhay na ipanganak sa marangyang buhay, pero pareho rin kami na ang tanging pangarap lang naman ay ito. At alam kong hindi niya ito palalagpasin ngayon. Ito na ang pagkakataon niya, namin.
"Lay, hindi pa ako nakakapagdesisyon, pero kung ano man ang magiging pasya ko ay hindi ko pa rin naman hahayaan na maging sagabal ako sa pangarap mo, pangarap natin."
Sumimangot siya. "Ibig sabihin ba..."
Umiling kaagad ako bago niya matapos ang sinasabi niya. "Kompanya ang papasukin natin, sa tingin mo ba puwedeng maging magkatrabaho ang mag-ex na?"
Nagkibit siya. "Ex na lang naman."
"Pero iniisip ko rin kasi si Gabriel. Siguradong hindi siya matutuwa kung malalaman niyang magiging magkatrabaho kami ni Nathan."
Sa katunayan, bigla ko na lang naalala si Gabriel. Nagu-guilty tuloy ako dahil halos makalimutan ko siya mula kanina nang magkita uli kami ni Nathan. Nakaka-guilty kasi siya dapat ang una kong naalala, hindi ang past ko sa ex ko.
Umikot ang mga mata ni Layla at nagpatuloy siya sa pagpupunas ng counter.
"Sana naiisip ka rin niya sa tuwing kasama niya ang asawa niya," mahina niyang sinabi, sapat lang para marinig ko.
"Layla," sabi ko sa halos may pagbabantang tono.
Naiintindihan ko ang pinanggagalingan niya. Hindi rin naman niya sa akin tinago na hindi siya sang-ayon sa relasyon namin ni Gabriel, iyon nga lang ay lagi niyang sinasabi na 'malaki na ako, alam ko na ang ginagawa ko at hindi niya ako kailangan pang sabihan.
Bumagsak ang balikat niya. "Basta pag-isipan mong maigi, Lallaine. Matagal na nating pangarap ito, 'wag mo nang pakawalan," sabi niya habang diretso ang tingin sa akin ng itim niyang mga mata.
Tumango na lang ako. Alam ko naman iyon, na hindi ko maaring basta pakawalan ang oportunidad na 'to. Isang hakbang na lang ay abot kamay ko na ang pangarap ko. Paano ko naman ito hahayaang mawala? Pero ang komplikado lang talaga kaya hindi ako makapagdesisyon. Sigurado rin naman na hindi rin papayag ang nobya ni Nathan na magkasama kami, o kung pumayag man ay siguradong hindi pa rin mawawala na maaring magkaroon ng doubt... Iyon ay kung may nobya nga siya?
Huminga akong malalim. Hindi ko na dapat alamin pa. Dadagdagan ko lang ang kasalanan ko kay Gabriel.
Alas otso ng gabi ang closing ng Cafe. Bago kami maghiwalay ni Layla ay muli niya sa akin ipinaalala ang tungkol sa contract. Sinabi ko na lang na babasahin ko sa bahay at pag-iisipan. Dalawang sakayan lang ang layo ng bahay ko sa café, isang jeep at tricycle. Kung sisipagin pa ako ay puwedeng lakarin ko na pagkababa ko ng jeep. Pero dahil sa pagod na ako ay sumasakay na lang din ako. Gabi na rin naman kaya nakakatakot nang maglakad nang mag-isa sa daan.
Pagkarating ko ng bahay ay sinalubong kaagad ako ng pamangkin kong si Pamela. Siya ang panganay sa mga pamangkin ko. Walong taon na siya ngayong taon. Magiliw sila laging mga bata, wala pa kasing iniisip na mga problema. Kaya minsan masarap din panoorin ang mga bata. Very unbothered.
"Oh, Lallaine, nandito ka na pala," bati sa akin ng hipag ko na ngayon ay buntis na naman sa pangatlo nilang anak ni Kuya Alvin.
Magkatabi lang ang bahay namin nila Kuya Alvin kaya kahit anong oras ay nakakapasyal sila sa bahay namin. Madalas sila dito tumambay dahil si Mama ang nagbabantay sa mga bata kapag nasa trabaho si Kuya at ang asawa niya. Si Ate Laura lang ang kasama namin sa bahay kahit na may isa na siyang anak. Wala naman kasi siyang asawa. Si Kuya Alvin, ang panganay sa amin, binukod lang ang asawa't anak niya nang mabuntis ulit ang asawa niya sa ikalawa nilang anak.
Tumango lang ako. Nagmano ako kay Mama na siyang abala sa pinapanood niyang teleserye sa TV. Habang si Papa ay natutulog na sa kaniyang kama rito sa first floor. Tatlong taon na magmula nang inatake sa puso si Papa. Mula niyon ay hindi na ulit siya nakapagmaneho o nakapamasada. Dito na rin naglagay ng kama sa baba si Mama para hindi na mag-akyat baba si Papa sa hagdan. Ang nasa second floor ay kami nina Ate Laura, Alex at Lisa. Kasama ko sa kuwarto si Alex, double deck ang kama. Si Lisa naman ay sa kabilang kuwarto, kasama si Ate Laura at ang anak niyang si Olivia.
Hindi na ako tumambay sa ibaba at umakyat na kaagad ako sa ikalawang palapag. Nasanay na akong ang hapunan ko ay ang mga tirang pagkain sa café kaya hindi na ako nagugutom pag-uwi ko at diretso tulog na. Ang kaso ay naabutan ko si Alex sa kuwarto, abala sa kaniyang homework. Nang tinanong ko rin siya kung bakit saradong-sarado ang kuwarto. Ang sabi niya ay napakaingay raw ng mga bata, wala raw siyang maintindihan sa inaaral niya. Napailing na lang ako sa kaniya. Nag-aaral ng engineering ang kapatid kong si Alex. Scholar siya kaya naman wala kaming problema sa gastos, at kaya naiintindihan ko kung bakit ayaw niya ng maingay. Mahirap nga naman ang course niya, 'di ba.
Kaya naman nang nag-ring ang cellphone ko at nakita kong si Gabriel ang tumatawg ay nagpasya akong lumabas muna ng bahay, kunwari magpapahangin lang. Hindi naman ako tinanong pa nang tinanong nina Mama, mukha rin naman silang hindi interesado.
Pagkasagot ko ng tawag ay sinimulan kaagad niyang magkuwento at mag-rant tungkol sa trabaho. Naupo ako sa swing na ginawa ni Papa para sa mga bata. Hindi na kaya ni Papa ang magtrabaho, pero kaya pa naman niyang gumawa ng mga ganitong bagay, basta dahan-dahan lang.
Presko ang simoy ng hangin dahil sa iilang mga puno sa loob ng subdivision namin. Bahagyang nililipad ng hangin ang buhok ko habang dinuduyan ko ang sarili ko. Tatlong araw pa lang siyang wala sa Pilipinas ay nami-miss ko na siya. Gusto ko iyon sabihin sa kaniya, pero hindi ko na sinabi at hinayaan ko lang siyang magkuwento tungkol sa kaniya.
"Pasensya na, sobrang dami lang ng nangyari dito. Ikaw, kumusta? Nasa labas ka ba? Parang ang ingay?"
Ang ingay na naririnig niya ay ang mga sasakyang dumadaan, pati na rin ang mga kuliglig at ang hampas ng hangin.
"Kailangan ng katahimikan ni Alex, nag-aaral sa kuwarto. Maingay din kasi 'yong mga bata sa loob."
"Sinabi ko na kasi sa 'yong gamitin mo na 'yong condo ko. Edi sana may peace of mind ka ngayon dahil hindi maingay doon."
Huminga akong malalim. Matagal niya na sa akin ino-offer iyon, kasabay ng offer niyang trabaho. Pero tinatanggihan ko pa rin. To be honest, alam kong sa aming mga number two ay tawag nila 'gold digger. Pero hindi naman pera ang habol ko, pero alam ko rin na walang maniniwala kung sakali. Kaya naman Ayokong tumanggap ng mga expensive things na galing sa kaniya, umaasa ako na kapag hindi ako tumanggap ng kahit na ano ay hindi ako magmumukhang pera lang ang habol.
"Sinabi ko na sa 'yo, 'di ba? Ayoko."
Narinig ko ang malalim niyang paghinga. "Fine." Of course, he got it. "Anyway, hindi pa tapos ang work hour dito. Tinawagan lang kita kasi alam ko nakauwi ka na. I gotta go."
Hindi nagtagal ay binaba na rin niya ang tawag. Nag-stay pa ako roon nang ilang minuto bago magpasyang muli nang pumasok sa bahay. Pero bago pa ako matayo ay muli nang nag-ring ang cellphone ko. Nagtatakang sinagot ko iyon. Unregistered number kaya wala akong idea kung sino ito.
"Hello?"
"Lala..." Nanlaki kaagad ang mga mata ko nang mabosesan ko kaagad ang nasa kabilang linya. "Kailangan natin mag-usap."
Hindi niya na kailangan magpakilala. Alam ko na kaagad na si Nathan ito.