12

1002 Words
ANG USAPAN nina January at August ay alas-otso darating ang binata sa kanila. Alas-siyete ay pauwi na si January mula sa trabaho. May dala pa siyang pancit bihon. Pero nasa may gate pa lang siya ay alam na niyang naunahan na siya ng bisita, dahil natanaw niya ang pamilyar na bulto ni August. Biglang bumilis ang t***k ng puso niya. Ang totoo, maghapon siyang hindi mapakali. Aaminin niyang nami-miss niya ang binata. Hindi nga lang niya maamin sa sarili kung in love nga ba siya rito. Imposible iyon dahil hindi siya kagaya ng iba na basta-basta lang nai-in love. Bumuntong-hininga muna siya bago tuluyang pumasok. Nagkakaingay na sa bahay nila. Nang mas makalapit ay nalaman niya kung bakit: kompleto sa sala ang mga kapatid niya kaharap sina August at ang tatay niya. Sa mesita ay may isang family size pizza at bandehado ng spaghetti. Parang isang buong pamilya ang mga ito kung titingnan; nagtatawanan at mukhang magkakasundo. Napangiti si January. Hindi niya maipaliwanag ang gaan ng kalooban na naramdaman nang mga sandaling iyon. “Nandiyan na pala si Ate!” ani Joyce. “G-good evening!” bati niya na parang nagulat pa kahit bahay naman nila iyon. “Ate, okay pala itong si Kuya August!” sabi ni Charlie, at umakbay pa sa binata. “Oo nga,” sabi pa ni Janet. “Look, may pasalubong pa sa atin si Kuya August. Huwag kang mag-alala, Ate. Ipinagtabi na kita ng isang slice. Akala kasi namin, hindi ka pa darating.” Kuya August? May kasamang matunog na “kuya” sa pangungusap ng mga kapatid niya! “Hello, January!” bati ni August. Maaliwalas na maaliwalas ang mukha nito. “Hi! Napaaga ka yata?” “Oo nga, eh. Wala kasing traffic. Akala ko, mata-traffic ako papunta rito.” “Walang traffic dito sa Marikina, Kuya,” ani Janet. Pinagulong ng tatay niya ang wheelchair nito. “O siya, ikaw na ang bahala sa bisita mo, January. Ako naman ay magpapahinga na.” Mabilis ding tumayo si Janet. “Ako rin. May ginagawa pa akong term paper. Halika na, Joyce. Hindi ba, magpapaturo ka pa sa akin ng assignment mo?” Hinatak na nito ang bunsong kapatid nila. Si Charlie man ay tumayo na rin. “Ate, dadalaw nga pala ako sandali kina Abigail,” sabi nito. “Don’t worry, hanggang alas-diyes lang ako sa kanila. Good boy na ako ngayon.” “Bigla silang nag-evaporate lahat,” naiiling na sabi niya nang sila na lang ni August ang nasa sala. Ngumiti lang ito. “Kumusta ang araw mo?” halos magkasabay na tanong nila. Pareho silang natawa. “You first,” sabi nito. “Okay lang. Maghapong nasa opisina. Tinawagan ko ang mga contacts ko. Baka sakaling may magpa-insure para dagdag na sideline. Kaso, hindi na yata interesado ngayon ang mga tao na kumuha ng insurance. Dagdag-gastos lang daw iyon.” “We can’t blame them. Mahirap kasi ang buhay ngayon. May offer ako sa iyo kung gusto mo.” “Potential client? Sige, ba.” “No. Baka gusto mong mag-iba ng career.” “Huh?” “Narinig mo na ba ang Moon Records?” Muntik na siyang bumunghalit ng tawa. “Kabaligtaran ng Star Records?” “No, serious ito. Legal company ang Moon Records. Naka-concentrate dati ang company sa pag-produce ng mga educational tapes at CDs, `yong mga alphabet and correct pronunciation, stuff like that. Months ago, naisip na rin nilang pasukin ang show business. Naghahanap sila ng mga talents para i-groom na maging recording artists. Irerekomenda kita kung gusto mo.” “Baka bogus lang iyan?” nagdududang sabi niya. “No.” Isang envelope ang iniabot ni August sa kanya. “Here are the copies of their documents. Puwede mong i-verify sa SEC at DTI.” Pinasadahan niya ng tingin ang mga papeles. “Marciano? Kayo ang may-ari ng Moon Records?” “`Yong isang kapatid ko ang talagang may-ari. May kaunting share lang ako at ang iba pa naming kapatid. Actually, kaya `yan Moon Records ay dahil sa pangalan namin. April, June and August. Pangit pakinggan kung Month Records kaya naging Moon Records.” Napangiti siya. “Nakakaaliw naman.” Ngumiti rin ang binata. “Kung interesado ka, mag-set tayo ng appointment kay April. Nabanggit na kita sa kanya kaninang tinawagan ko siya. Pero nasa sa iyo pa rin ang desisyon. Nagsisimula pa lang na mag-penetrate sa showbiz ang Moon Records. Kung sakali, sabay kayo.” “Medyo matagal na rin pala ang Moon Records,” aniya nang mabuklat ang ibang papeles. “Yes. Lately ay naengganyo si April na mag-produce ng album. Iyong isang kaibigan niya, iyon ang nasa Star Records. Nagkaroon siya ng idea kaya ngayon, naghahanap ng mga talents. Willing siyang mag-produce basta may talent ang singer.” “Pasado kaya ako sa kanya?” tanong ni January, nabuhay ang pag-asa na magiging isa siyang sikat na singer. “Narinig na kitang kumanta. At hindi naman ako nambobola lang nang sabihin ko sa iyo noon na maganda ang boses mo.” “Thanks.” “Kung gusto mo, puntahan natin si April bukas. Iparinig mo sa kanya ang boses mo, `tapos, kayo na ang mag-usap.” “Sige, interesado rin ako.” “Good. Now, let’s eat. Hindi ako masyadong nakakain kanina. Madaldal pala ang mga kapatid mo. Para akong nirarapido ng tanong.” Natawa si January. “Pasensiya ka na sa kanila.” “Okay lang. Masarap din naman silang kausap.” Mahigit isang oras ding nagtagal si August sa kanila. Inubos nila ang lahat ng pagkaing nakahain sa harap nila. Nang magpaalam ito ay halos pareho silang hindi makahinga nang maayos dahil sa kabusugan. “Goodnight, January,” paalam nito. “Goodnight. Ingat ka sa pagmamaneho.” Nang makaalis si August ay saka niya naisip na hindi naman ito nagpunta sa kanila para umakyat ng ligaw. Sa dami ng pinagkuwentuhan nila, hindi sumagi sa panliligaw ang usapan. Napabuntong-hininga si January. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit parang nalungkot siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD