“JOEL!”
Nabaling ang atensiyon ng lahat kay Amor. Nakauklo ito, sapo ang maumbok na tiyan.
“Manganganak na ako!”
Nabigla ang lahat pero si Joel ang pinaka-shocked. Ilang sandaling nakanganga lang ito at parang hindi pa matatauhan kung hindi pa muling tumili si Amor.
“Dalhin mo na ako sa ospital!”
Noon lang kumilos ang lalaki at mabilis na kinarga ang asawa. Habang palayo ang mga ito ay dinig pa rin ng lahat ang boses ni Amor.
“Ang sakit!”
“Sabi mo, sa isang buwan ang due mo?” reklamo ni Joel pero mahihimigan naman sa boses ang pag-aalala.
“Sa ngayon na sumakit, eh!”
“Tingnan mo ang dalawang iyon. Aso’t pusa talaga,” naiiling na sabi ni Ting. “Paano, guys, tuloy pa rin natin ang party?”
“Kunwari walang nangyari?” tanong ni Bebeth.
“Giving birth is a natural process. Sa tingin ko naman ay labas na tayo kina Joel at Amor. Dumalaw na lang tayong lahat bukas, kapag nakaraos na sila.”
“Mauuna na ako sa inyo,” seryosong sabi ni Lyndon. “Susundan ko ang dalawa. Baka kailangan ni Joel ng alalay.” Tiningnan nito sina Ting at Alejo. “The show must go on. Ituloy na lang ninyo ang party.” Tumalikod na ito.
“Ibang-iba na si Lyndon ngayon,” komento ni Elisa.
“Oo nga,” sabi naman ni Lea, isa rin sa kaklase nina January. “Kung ganyan siya noon pa, never akong magkaka-crush sa kanya!”
“Ibig sabihin, kahit na may Princess Grace na noon si Lyndon, crush mo pa rin siya?” tukso ni Benjie rito.
“Bakit, masama ba? Crush lang naman, ah! Hindi ko naman siya inagaw kay Princess Grace.”
Ngumisi si Benjie. “`Buti na lang pala at nalaman ko. At least...”
Pinandilatan ito ni Lea. “Ano?”
Umiling si Benjie. “Nothing.” Saka ito ngumiti nang makahulugan.
“Come on, guys, the show must go on,” sabi ni Alejo. “Marami pang pagkain diyan. At mayroon pa rin tayong mga parlor games!”
“All right!”
Pinalitan ng masiglang tugtog ang sweet music kanina para maalis ang tensiyong bumalot sa lahat dahil sa nangyari.
Bumalik ang iba sa dance floor, pero pinili ni January na maupo na lang muna.
“Hindi ka ba nagugutom? Kumain uli tayo,” yaya ni August sa kanya.
“Sige.”
Sa buffet table ay pasimpleng lumapit sa kanya si Joanna Marie, sinabing mauuna na ito at si Lemuel.
“Paano naman ako?” tanong niya.
Ngumiti lang ang kaibigan niya. “May cottages naman dito, `di ba? O kung gusto mo pa ring umuwi kina Lemuel, magpahatid ka na lang kay August.”
“Nakakahiya!”
“It’s all right, Jan,” sabad ni August. Tumikhim ito at tumingin kay Joanna Marie. “Narinig ko rin kasi ang pag-uusap ninyo. Huwag kang mag-alala. Ako na ang maghahatid kay January mamaya.”
“Naglilihi kasi si Misis,” ani Lemuel na nakalapit na rin sa kanila. “Alam n’yo na, masama ang sobrang puyat.”
“I understand,” sagot ni August. “Ako na ang bahala dito sa kaibigan ninyo. There’s nothing to worry about.”
“Of course,” mabilis na sagot ni Joanna Marie. “May tiwala naman kami sa iyo. Paano, mauuna na kami? Ingat na lang kayo sa biyahe ninyo mamaya.”
Hindi na nakapagsalita si January hanggang sa tumalikod na ang mag-asawa.
NAPAIGTAD si January nang tumunog ang cell phone niya. Dinampot agad niya iyon. Napangiti siya nang mabasa kung sino ang nag-text.
Si August.
Kanina pa siya naghihintay ng text mula rito. Ilang araw pagkatapos ng reunion ay naging regular text mates na sila. Paggising pa lang niya sa umaga ay hinahanap-hanap na agad niya ang texts nito.
At mas masaya siya ngayon dahil ang sabi ng binata sa text, paluwas na ito sa Maynila, dadalawin daw siya.
Mabilis siyang nag-reply. Tumitig pa siya sa cell phone hanggang sa mai-send na ang text.
Ibinaba na uli ni January ang cell phone. Kinuha niya ang walis at nagsimulang magwalis sa buong bahay.
“May bisita ka bang darating?” tanong ng tatay niya.
“Mamayang gabi pa, `Tay. Bagong kaibigan. Nakilala ko noong pumunta ako sa reunion namin.”
“Lalaki?” usisa naman ni Janet.
“Oo, bakit?”
“Siya siguro ang ka-text mo lately,” anito habang inililigpit ang pinagkainan nila ng almusal.
Inirapan niya ang kapatid. “Intrigera!”
Ngumisi ito. “Siguro, in love ka na sa kanya. Nililigawan ka ba niya, Ate? Sagutin mo na.”
Hinarap niya si Janet, pero bago siya makapagsalita ay sinaway na sila ng kanilang ama. “Baka magkapikunan kayo, ang aga-aga pa,” banayad na sabi nito.
Napabuntong-hininga si January at itinuloy na lang ang pagwawalis.
“Sino ba iyang kaibigan mong dadalaw rito?” tanong uli ng tatay niya.
“‘August’ ang pangalan niya, `Tay. August Marciano. Partner siya sa firm ng dati kong kaklase na si Alejo Sampana. Pamilyar sa inyo ang mga Sampana sa Sierra Carmela, `di ba?”
Tumango ito. “Pero wala akong kilalang mga Marciano na taal na taga-Sierra.”
“Dahil tagarito din sa Manila si August, `Tay. Sa Sta. Mesa raw sila.”
“Mukha ba namang mabuting tao? Manliligaw mo na ba iyan?” prangkang tanong nito.
Hindi na niya napigilang mapangiti. “Sa tingin ko naman po ay mabuting tao. Matinong kausap, eh. Hayaan n’yo po at makikilala rin ninyo siya mamaya. Sa pangalawang tanong ninyo, hindi ko po alam. Ang alam ko lang, nakikipagkaibigan siya.”
“Sus! Si Ate, para namang kahapon lang ipinanganak!” sabad ni Janet. “Manliligaw sa iyo iyon! Bakit mag-aaksaya `yon ng panahong pumunta rito kung wala lang?”
“Janet, ha!” napipikong sabi niya.
“January, anak, ikaw naman ay nasa edad na. Sa palagay ko nga, karamihan sa mga kaklase mo noong reunion ay may mga asawa na, `di ba? Taglay mo ang basbas ko kung gugustuhin mo mang mag-asawa. Huwag mo kaming intindihin dito ng mga kapatid mo. Mabubuhay na kami sa nasisingil namin sa dalawang pintong apartment, tutal ay patapos na rin si Janet at si Charlie naman ay may trabaho na. Si Joyce na lang ang tutustusan sa pag-aaral. Mairaraos na ang bunso natin. May sarili ka ring buhay, anak. Huwag mong kalilimutan iyan,” sabi ng kanyang ama.
“Marciano, Mariano. Aba, Ate, kung sakali pala ay isang letra lang ang madadagdag sa apelyido mo kapag naging mag-asawa kayo. Ang galing naman!” nakangising sabi ni Janet.
“Tse!” pikong wika niya. “Sabi nang hindi ko nga alam kung nanliligaw `yong tao, eh.”
“Pero in love ka sa kanya! I’m sure of that!”
Inirapan niya ang kapatid.