“LYNDON, nag-iisa ka lang bang dumating?” tanong ni January. “Remember me?”
“January Mariano,” sagot ni Lyndon at bahagyang ngumiti. “You look the same. Gaya ko at nilang lahat, tumanda lang nang kaunti ang hitsura mo.” Tumawa ito nang bahaw bago nilagok ang natitirang alak sa hawak na baso.
“Kumusta ka na?”
“Fine,” mabilis na sagot nito. “Aren’t you going to ask about Prin?” prangkang tanong nito. “Mula nang dumating ako kanina ay si Princess Grace na ang hinahanap sa akin. Nakalimutan ko na nga kung ilang beses kong sinagot ang tanong na iyon ng: ‘Masama ang pakiramdam niya. Hindi niya kayang magbiyahe.’”
Hindi agad nakakibo si January. Ramdam na ramdam niya ang iritasyon sa boses ng dating kaklase. Saglit siyang nag-isip kung mas mabuting iwan na lang niya ito. Para kasing hindi ito ang Lyndon na natatandaan niya na masayahin, parang hindi marunong mapikon, mabiro pero seryoso rin sa buhay. Bakit parang kaseryosuhan na lang ang natira dito ngayon?
“Kumusta ka na?”
Ikinagulat niya ang paglambot ng boses ng lalaki.
“Hindi ka ba natuloy na maging singer? Napapanood ka namin dati sa TV. Lumalaban ka sa mga singing contests. Umabot ka sa grand finals, `di ba? Nag-absent pa si Prin noon sa trabaho para panoorin iyon. Nalungkot nga siya dahil hindi ka nag-champion.”
“T-talaga?”
Tumango si Lyndon. “I guess, kanya-kanya lang ng suwerte ang tao. Look at you. Kahit na sino ang tanungin mo rito, walang magsasabi na pangit ang boses mo. Lahat ay umasa na magiging professional singer ka. Pero hindi nangyari. Kunsabagay, kung ano naman ang expectation sa atin ng tao noon, iyon ang hindi nangyayari.”
Hindi alam ni January kung ano ang mararamdaman para kay Lyndon. Parang napakabigat ng problemang dinadala nito. At sa tingin niya, parang mas sa sarili nito sinasabi ang pangungusap na iyon kaysa sa kanya.
Hindi na tuloy niya nagawang kumustahin pa si Princess Grace. Malakas ang pakiramdam niyang hindi na siya dapat magtanong pa.
“Excuse me, Lyndon. May kasama kasi ako. Baka naiinip na. Lumapit lang ako sandali sa iyo para kumustahin ka.”
“Okay,” sagot nito. “See you around.”
I guess you think you really know me. I keep all the secrets you’ve told me. We’re such good friends, that’s where it ends. But at night I am dreaming that you hold me...
Kagaya noong high school ay nagtilian ang marami nang pumailanlang ang pamilyar na kantang iyon.
“Parang prom night natin noon, classmates!” ani Amor na may hawak ng mikropono. “Let’s all dance!”
Para namang masunuring mga estudyante na pumunta sa gitna ng hall ang mga dating kaklase nila.
Maybe we’ve known each other too long. You’ve laughed and you’ve cried on my shoulder...
“Hindi ba tayo makikisali sa kanila?” tanong ni August.
Napangiti si January. “Iyan ang hindi kasama sa talent ko. Singer lang ako, never a dancer.”
“Look at them. Para namang hindi sila sumasayaw. Sweet dance lang naman iyan. Madaling sabayan ang tugtog.”
“Are you inviting me?” she asked.
Tumango ang lalaki. “May I?”
Huminga siya nang malalim. “This is my first time.”
Namilog naman ang mga mata nito. “Really?”
“Yes.”
“Wow! Ako naman yata ang may edge sa iyo ngayon.” Inilahad nito ang kamay. “Come on. Madali lang sayawin iyan.”
Naniniwala naman siya. Ang ibang parehang nasa dance floor ay banayad lang na gumagalaw sa tugtog ng “Show Me The Way To Your Heart.” Sa prom night, basta iyon ang pinatugtog ay nagiging obvious ang mga may love life. Ang mga mag-boyfriend kasi ang nasa dance floor, pati na rin ang mga nagliligawan.
Maliban kay January ay wala na siyang matandaang wallflower noon. Pakiramdam nga niya noon ay napakapangit niya. She was a friend to everybody. Ni isa, walang nag-ukol sa kanya ng pagtingin higit sa kaibigan. Ni wala ring nagyayaya sa kanyang sumayaw.
Maliban na lang kay David.
And speaking of David, hindi pa rin niya nakikita ang lalaki. Bakit kaya hindi ito um-attend?
Tumikhim si August. “Earth to January.” Ngumiti ito nang tumingin siya rito. “Ang layo yata ng iniisip mo?”
Umiling siya. “Hindi naman. Naalala ko lang iyong isa naming kaklase. Wala siya rito. I wonder why.”
“Sino?”
“Si David.”
Nabura ang ngiti sa mga labi nito, parang nagseselos.
“Isa iyon sa mga comedian ng klase. Para bang si Joel,” nakangiting paliwanag niya.
“Bakit mo naman siya biglang naalala?” tanong ni August.
“Kasi nga niyaya mo akong sumayaw. Dati kasi, siya lang ang nagtangkang magsayaw sa akin. Ganito rin, sweet dance. Eh, para lang ito sa mga may partner noong high school. Wala naman akong boyfriend noon. I guess, para lang hindi ako magmukhang nagbubutas ng bangko, niyaya ako ni David. Ayoko naman. Eh, napahiya siguro, buong prom night, hindi na ako binati,” natatawang pagkukuwento niya.
“Ganoon lang?”
“What do you mean, ganoon lang?”
“Baka may gusto siya sa iyo noon?” Bahagyang kumunot ang noo ni August habang nagsasalita. Parang gusto na tuloy niyang maniwala na nagseselos nga ito.
“Imposible,” sagot niya. “He was everybody’s friend. Harmless.”
“Hindi naman bakla?”
“I don’t think so.”
Hindi na ito kumibo.
“Akala ko ba, magsasayaw tayo?” tukso niya. “Baka matapos na ang tugtog.”
Tumango ito. “Ganito lang iyan, January...”
Sa mga sumunod na sandali ay nakadantay ang mga palad niya sa balikat ni August. Ang mga kamay naman nito ay nakahawak sa kanyang baywang. Magkadikit din ang kanilang mga noo. Ang hanging lumalabas mula sa ilong nito ay mabining humahagod sa kanyang mukha. Para na rin silang magkayakap nang hapitin pa siya nito nang husto sa baywang.
Pasimpleng iginala niya ang tingin sa paligid. Halos lahat ng pareha, lalo na ang mga tunay na mag-asawa ay ganoon din ang ayos.
Lihim na napangiti si January. Ganoon lang pala kasimple ang sweet dance. Bakit ngayon lang niya iyon naranasan?
Patapos na ang tugtog nang maagaw ang atensiyon nila ng pagtili ni Amor.