9

1314 Words
“ACTUALLY, galing ako sa pamilya ng mga negosyante. Ako nga lang ang medyo naiba ng kurso—engineering. Siguro, dahil nakakasawa nang marinig na palaging negosyo ang topic sa bahay. But you know the irony of it? Sa business din pala ang bagsak ko,” kuwento ni August kay January. Sinabayan pa nito ng mahinang pagtawa ang sinabi. Naglalakad sila sa tabing-dagat nang mga sandaling iyon. Hindi matandaan ni January kung paanong napunta sila roon. Maingay sa mismong hall na pinaggaganapan ng reunion party, halos magsigawan na sila para lang magkarinigan. Kaya paunti-unti silang lumayo sa ingay. Hanggang sa umabot sila sa tabing-dagat. Payapa ang alon ng dagat. Kahit pamilyar kay January ang bahagi ng Sierra Carmela na malapit sa dagat ay ngayon pa lang niya nakita ang bahaging kinaroroonan nila. Mas maganda doon kaysa sa ibang bahagi. Hindi niya alam kung dahil naalagaan iyon ni Alejo o dahil suwerte lang na natapat sa property nito ang magandang bahagi ng baybayin. “Right after college, sinuwerte akong makapasa sa board exam,” pagkukuwento ni August. “Maganda pala `yong medyo mataas ang score sa exam, trabaho ang lalapit sa iyo. Naging connected ako sa isang malaking construction firm. Dalawang taon din ako roon. Maganda ang trabaho. Malaki ang suweldo.” Ngumisi ito. “Bakit dalawang taon ka lang doon?” tanong niya. “Mapulitika. Maraming intriga. May mga hawak kasi kaming government projects. Kung purong trabaho lang, maganda sana. Kaso maraming nakikialam. Saka, alam mo na, iyong talamak na graft and corruption. Ako mismo, nakikita ko kung paanong pinapalitan ng substandard materials ang mga gamit. Hindi kaya ng sikmura ko ang ganoon.” “Talaga?” Tumango ang lalaki. “Actually, kung mahina ang values mo sa buhay, matutukso ka. Ang laki ng perang involved sa lagayan, nakakalula. `Sabi nga ng mga kasamahan ko, makisama na lang ako, mabibiyayaan din ako. Kaya lang medyo idealistic ako. So, inisip ko, since hindi ko kaya ang ganoon, aalis na lang ako.” “Napunta ka na kay Alejo?” “Hindi. I joined a real estate company. Hindi lang pagde-develop ng subdivisions at pagtatayo ng mga bahay ang naging focus. Nakita ko rin `yong business side. Sabi ko sa sarili ko, kapag nagkaroon ng pagkakataon, magtatayo ako ng sarili ko. That was when I met Alejo. May sarili na siyang firm at naghahanap ng permanent engineer. Nag-usap kami. `Sabi ko gusto kong maging partner. Nagkasundo naman kami kaya, `eto, kahit na Manila boy ako dapat, nandito ako.” Huminto ito sa paghakbang at pumihit paharap sa kanya. “Upo muna tayo. Baka pagod ka na sa kakatayo.” Tumango si January. Inalalayan siya ni August sa pag-upo sa buhanginan. Iginala niya ang tingin sa paligid. Masarap sa balat ang hanging parang inihahatid sa kanila ng banayad na alon. Kahit naririnig pa nila ang ingay mula sa party ay hindi na iyon masakit sa tainga. Lalo tuloy niyang nararamdaman ang romantic ambiance. Napangiti siya sa huling naisip. Romantic? Mukhang nadadala na siya ng panunukso sa kanya ni Joanna Marie. At hindi rin siya masisisi. Solo nila ni August ang tabing-dagat. Maging ang malamlam na liwanag ng buwan sa langit ay parang may hatid na kilig. “Maganda rito sa Sierra Carmela,” sabi ni August. “Akala ko nga dati, hindi ako makakatagal dito. Pero `eto, ako pa ang kusang bumabalik ngayon kahit kung tutuusin ay hindi ko naman kailangang um-attend sa reunion ninyo.” “Hindi ka naiinip dito? Medyo atrasado pa ang bayang ito. Ni wala man lang Jollibee.” “Okay lang. Meron naman sa San Esteban. City na ang San Esteban kaya unti-unti nang nadadala roon ang ibang business sa Manila. Magkatabi lang naman ang Sierra Carmela at San Esteban. Kung sinasabi mo mang atrasado ang Sierra, hindi siguro `yon masyadong napapansin ng mga tagarito, palibhasa kung sakaling wala rito ang anumang gusto nila, nandiyan lang naman sa tabi ang San Esteban.” “Mas mukha ka pang loyal sa Sierra kaysa sa akin,” tukso niya. “Hindi naman siguro. Bakit, kailan ka ba huling pumunta rito?” “Matagal na. Pagkatapos ko ng high school ay lumipat na kami sa Maynila. Doon kasi nagkaroon ng permanenteng trabaho ang father ko. Noong college, paminsan-minsan ay dumadalaw kami rito pero mga ilang taon na rin mula nang huli akong magpunta rito.” “Sa Marikina kayo, `di ba? Saan doon?” “Ha?” Ngumiti ang lalaki. “`Sabi ko, saan kayo sa Marikina?” “Bakit?” Lalong lumuwang ang ngiti ni August. “Kung okay lang sa iyo, papasyalan kita kapag lumuwas ako. Huwag mo nang itanong kung bakit. Sasabihin ko na sa iyo ngayon. I like you, January.” Hinawakan nito ang kamay niya. Hindi nagawang tumutol ni January. Pinakiramdaman niya ang sarili. Ilag siya pagdating sa pisikal na pakikipaglapit, lalo na sa mga lalaki. Kaunting dikit pa lang sa kanya ay alam na niya kung hindi niya gusto ang isang tao. May mga pagkakataon pa nga na parang napapakislot siya kapag ayaw niya ang nadidikit sa kanya. Pero iba ang hawak ni August. Wala siyang maramdamang negatibo sa pangangahas nitong hawakan ang kamay niya. Maging ang pagpisil nito sa kamay niya ay naramdaman niyang may kalakip na pagsuyo. “Wala naman sigurong ibang magagalit?” nakangiting tanong nito. Marahan siyang umiling. LAMPAS alas-dose na ng hatinggabi pero parang nagsisimula pa lang ang gabi sa bahaging iyon ng Sierra Carmela. Malulutong pa ang halakhakan ng kalalakihan at mataginting ang tawanan ng mga babaeng naiipon sa grupo na parang hindi matatapos sa pagkukumustahan. Kung si January ang papipiliin, masaya na rin siya sa pagsosolo nila ni August. Kahit halos bago lang niyang kakilala ang lalaki, palagay na ang loob niya rito. Gusto niyang isantabi ang idea na attracted na siya rito kahit sa kilos nito ay parang ganoon din ang nararamdaman nito para sa kanya. Kaya lang ay narinig ni January ang biglang pagkakaingay ng mga kaklase niya kanina. Dahil na-curious, bumalik sila sa pinagdarausan ng party. Nagkakatuwaan na pala ang mga ito sa parlor games. Ang naglalaro ay ang mga tinaguriang “high school sweethearts.” Siyempre ay hindi nawala sina Joanna Marie at Lemuel. Ang dalawa ang pinaka-game sa pagsagot ng mga pilyang tanong na ikinaaliw ng lahat. Nakita rin niya sina Miguel at Elisa. Napanganga siya. Hindi niya alam na mag-boyfriend rin pala ang mga ito noon. Hinanap agad niya ang asawa ni Miguel. Nakatingin ito kina Miguel at Elisa, parang game din at halatang hindi naman nagseselos. Pero iba ang tingin niya kay Elisa. Sa likod ng pakikitawa nito sa lahat ay may iba pa siyang nababasa sa mga mata nito, lalo na kapag napapatingin kay Miguel. Could it be...? Napailing si January. Ibinaling niya sa ibang bagay ang isip. Baka naapektuhan na siya ng mga panunukso ni Joanna Marie kaya pati siya ay kung anu-ano na ang naiisip. May isa pang parehang naroon, sina Bebeth at Kiko na may mga asawa na rin at nasa crowd ang mga asa-asawa. Mukhang harmless naman ang dalawa, hindi tulad nina Elisa at Miguel. They were doing the game for fun. Sina Lyndon at Princess Grace lang ang wala. Nagtaka siya. Sa klase nila, ang dalawa ang mas lantad ang relasyon pero ang mga ito ang wala ngayon? Hinanap niya si Lyndon. Nakita niyang tahimik na nakamasid ito sa mga naglalaro, tumatawa kapag may nakakatawa, pero malakas ang pakiramdam niya na hindi masigla ang pagtawa nito. “Excuse lang, ha?” aniya kay August. “Kukumustahin ko lang ang kaklase kong iyon.” “Okay.” Pero bago pa siya makalayo ay hinabol nito ng hawak ang kanyang kamay. “Bakit?” tanong niya. He smiled. “Please come back. I’ll wait for you here.” Sandaling napakunot-noo si January pero agad ding napalis iyon. Bago tuluyang tumalikod ay tumango siya at binigyan ito ng isang matamis na ngiti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD