“MAGIGING recording artist ka na, Ate? Talaga?” excited na tanong ni Janet nang ibalita ni january sa kanyang pamilya ang tungkol sa pagpunta niya sa Moon Records. “Baka naman kagaya lang iyan ng dati? Hindi ka na naman matutuloy?”
“Iba naman siguro si August,” sabad ng kanilang ama. “Matinong kausap.”
Nagkatinginan sila ni Janet.
“May ten thousand pogi points na si Kuya August kay Tatay,” pabulong na sabi nito. “Akalain mo, may recording company pala sila.”
“Sa kapatid niya iyon,” sabi niya.
“Magre-resign ka na ba sa trabaho mo, January?” tanong ng tatay nila.
“Hindi pa naman ho, `Tay. Baka mag-leave na lang muna ako. Aayusin pa raw muna ang mga kantang isasama sa album ko, pero sisimulan na raw nila akong i-makeover. Saka isasabak na raw ako sa mga TV guesting para unti-unti akong makilala ng mga tao.”
“Ate, magiging showbiz ka na! Magagaya ka na kay Regine Velasquez! Ako na lang ang alalay mo.”
“Mag-aral ka, Janet. Hindi pa naman ito sigurado. Hindi ko pa nga alam kung tatanggapin ako ng mga tao.”
“Hmp! Umiral na naman po ang insecurity mo. Ate, may tiwala nga sa iyo ang producer, eh.”
“Basta huwag mong kalilimutang tumawag sa Diyos, January,” paalala ng kanilang ama.
“Opo, `Tay.”
“Si Kuya August!” sabi ni Janet habang nakatanaw sa labas ng bahay.
“Bakit ba kuya ka nang kuya do’n sa tao?” puna niya rito.
“Bakit, masama bang gumalang?”
“Baka isipin ni August, may iba kayong kahulugan sa pagtawag ninyo sa kanya ng kuya.”
“Ate, bagay kayong dalawa!” nanlalaki ang mga matang sabi ng kapatid niya.
“Hindi siya nanliligaw sa akin,” sagot niya.
“Ate, hindi ako bulag,” nakangising sabi pa ni Janet, sabay tayo para salubungin si August. “Hello, Kuya August! Totoo bang magiging celebrity na ang ate ko?”
Tumango si August, kapagkuwan ay tumingin sa kanyang ama. “Magandang araw po.”
Gumanti naman ng ngiti ang tatay niya. “Tuloy ka, hijo.”
“Susunduin ko lang ho sana si January. May appointment ho sila ng kapatid kong si April. Pupunta sila sa salon.”
“Ngayon na ang makeover mo, Ate!” excited na tanong ni Janet. “Puwedeng sumama?”
“May pasok ka,” kontra agad niya.
“Ipaparetoke ka rin ba, Ate? Wala ka namang ipapa-lipo. Sexy ka naman. Kaya lang, hindi katangusan ang ilong mo. Magpa-nose-lift ka.”
“Heh! Tumigil ka diyan,” saway niya, saka binalingan ang ama. “`Tay, aalis na po muna kami ni August.”
“Baka po gabihin kami pero ihahatid ko po pauwi si January.”
Tumango ang tatay niya. “Mag-iingat kayo.”
NAGPUNTA sina January at August sa isang sikat na salon and spa sa Libis. Pagdating doon ay sinalubong sila ng mismong manager.
“You must be January,” bati nito sa kanya pagkatapos batiin si August. “Tumawag na si April dito. Kami na ang bahala sa iyo.”
Napatingin siya kay August. “Wala si April?”
“Nag-text siya. May importanteng kausap kaya susunod na lang daw siya,” paliwanag nito.
“Ngayon mo lang sinabi,” banayad na sumbat ni January.
“You don’t have to worry, dear,” sabad ng manager. “By the way, I’m Darlene. At ito naman si Syl. Siya ang pinakamagaling naming hairdresser.” Dinala siya nito sa isang private cubicle kasama ang baklang hairdresser. “Let’s talk first, January.”
“Kailangan ba ako rito o sa labas na lang ako maghihintay?” sabad ni August.
Sandaling nag-isip si Darlene. “Siguro sa labas ka na lang muna. Para surprise paglabas niya mamaya. O kaya naman, balikan mo siya after five hours.”
“Five hours?” bulalas niya.
“More or less, dear,” sagot ng babae. “Complete makeover ang gagawin natin. Iba-body spa ka rin namin. Masarap iyon. At kapag namasahe ka, I’m sure na makakatulog ka.”
“Well, sa tingin ko nga ay hindi na ako kailangan dito,” sagot ni August. “I’ll be back later.” Dumukwang ito sa kanya. “I can’t wait, Jan. I’m sure, mas maganda ka pa mamaya,” anito, saka siya hinalikan sa sulok ng mga labi.
“`Kainggit naman!” kinikilig na bulong ni Syl habang nanunukso lang na nakatingin si Darlene.
Hindi makapagsalita si January, gulat na gulat pa rin sa ginawa ni August. Wala siyang nagawa kundi ang sundan na lang ng tingin ang palayong binata. Sa sulok ng mga labi niya ay parang nararamdaman pa niya ang mainit-init na mga labi ni August at ang kilig dahil sa paghalik nito sa kanya.
Pero lalo siyang nagulat sa isang realisasyon. Hindi siya makapaniwala. Na-in love na nga ba siya kay August?
“Dapat pala ay lalo ka pa naming pagandahin,” sabi pa ni Darlene.
“Yes, of course! Hindi ka lang pala future recording artist. Future hipag ka rin ni April!” ani Syl.
“Ha?”
Pinaikot ng gay hairdresser ang mga mata. “Don’t tell me sasabihin mong friends lang kayo ni August? Hay, naku! Showbiz na showbiz na ang ganyang sagot!”
“Well, papasok na rin naman siya sa showbiz,” ani Darlene.
Hindi alam ni January kung lima o anim na oras ang lumipas dahil naaliw siya sa mga ginagawa sa kanya. Bukod kina Darlene at Syl, tatlo pang staff ang nag-assist sa kanya.
Binawasan ang kanyang mahabang buhok at ni-relax para mas gumanda raw ang bagsak. Dumaan din siya sa facial treatment bago ginawa ang body spa and massage sa kanya.
Bukod sa manicure at pedicure, may special hand and foot treatment pa. Malambot na malambot ang kanyang balat pagkatapos. Ang pinakahuli ay ang pag-a-apply sa kanya ng manipis na makeup.
“Kailangan pa ba iyan?” tanong niya. “Wala pa naman akong alam na schedule ng lakad namin.”
“Oo naman. Mula ngayon, hindi ka na puwedeng lumabas nang hindi nakaayos. Celebrity ka na. Kailangan, palagi kang magandang tingnan. Mortal sin na ngayon ang losyang look.”
“Mukha ba akong losyang kaninang dumating ako rito?” medyo na-offend na tanong niya.
“Hindi naman. Mas sosyal ka lang tingnan ngayon. Ganyan ang mga celebrity. Kailangan, iba ang dating. Kailangang mag-create ka ng kahanga-hangang image sa masa,” paliwanag ni Syl.
Isang casual na bestida ang inabot sa kanya ni Darlene nang matapos ang lahat ng treatments. Napahanga siya nang husto roon. Feminine ang tabas ng bestida at malambot ang tela.
“May katernong shoes iyan,” sabi ni Darlene. “Here.” Pastel blue ang sapatos, katerno ng maliliit na flower print at silk edge ng bestida. “Isuot mo na.”
Tumalima naman si January. Nang maisuot niya iyon ay halos mapanganga siya. Kung hindi lang niya alam na siya ang nasa harap ng salamin ay hindi niya makikilala ang repleksiyong nakikita roon. Aaminin niya sa sariling malaki ang ipinagbago ng kanyang hitsura. Ang dating simpleng hitsura niya ay iba na. Ang sabi nga ni Syl, sosyal na ang dating.
“Wowowow!” tili ni Syl.
“Perfect,” sabi naman ni Darlene. “Ang ganda-ganda mo, January.”
Nahihiyang ngumiti siya. “Thank you.”
“Come on. Nasa labas na ang Prince Charming mo. Kanina pa naghihintay si August.”
Alam ni January na malaki ang iginanda niya pero kinabahan pa rin siya sa pagharap kay August. Hindi niya alam kung bakit gayong kanina pa niya nami-miss ito. Nakakapagtaka dahil iilang oras pa lang naman mula nang huli silang magkasama.
Wala sa loob na dinama niya ang sulok ng mga labi. Maybe it was because of his kiss. Or maybe because she was really in love with him.
“Diyaran!” exaggerated na sabi pa ni Syl nang iharap siya ng mga ito kay August.
“O-okay ba?” medyo naiilang na tanong niya.
Hindi sumagot si August. Nakatingin lang ito sa kanya na parang natuklaw ng ahas. May ilang sandaling nagduda siya kung totoo ba talagang gumanda siya. Baka kasi akala lang niya iyon.
“You’re so beautiful,” mayamaya ay sabi ni August.
Pumalakpak sina Darlene at Syl. “Mission accomplished!” sabay pang sabi ng mga ito.
“Congratulations to both of you for a job well done. “Nailabas ninyo ang itinatago niyang ganda. I’m sure, magkaka-bonus kayo kay April.”
Ngumiti lang ang dalawa sa sinabi ng binata.
“We’ll go ahead,” ani August at inabot na ang kamay niya. “Come on, sweetheart. We’ll have dinner.”
“Si April?” tanong niya. “Akala ko ba susunod siya?”
“We’ll meet her at dinner. Hinihintay na nila tayo.”
“Nila?”
“My family, sweetheart. They’re all eager to meet you.”
“Ha?”
“Relax. They won’t eat you,” nakangiting sabi nito.
Nang makasakay na sila sa kotse ay hindi pa agad nito pinaandar iyon. Pumihit ito paharap sa kanya.
“You’re so beautiful, Jan.”
“Thank you.”
“Hindi ko kailangan ng thank you,” nangingiting sabi nito, saka dumukwang. “Ganito ang gusto ko.”
Bumaba ang mga labi nito sa kanyang mga labi.