HINDI ang sulok ng mga labi ni January ang tinutumbok ng halik kundi ang mismong mga labi niya.
Ilang sandaling hindi siya makakilos habang patuloy ang mga labi ni August sa banayad na paggalaw. Unti-unti ay nararamdaman niya ang sensasyong dulot ng halik na iyon.
She opened her mouth. At mukhang iyon din ang hinihintay ng binata dahil naging mas malalim at mas mainit na ang halik nito. Para siyang lumulutang sa ginagawa ni August kaya napakapit siya sa batok nito. Pero nang sa kanyang palagay ay kaya na niyang tumugon sa halik na iyon ay saka naman ito tumigil.
“I have to stop now,” anas nito.
“Bakit?”
Masuyong binakas ni August ng mga daliri ang kanyang mga labi. “Mahirap na. Baka mamaya, hindi ko na gustuhin pang tumigil.” Umayos na ito ng upo at humarap sa manibela.
“Bakit mo ito ginagawa, August?” lakas-loob na tanong niya. “Bakit mo ako hinalikan?”
Nilingon siya nito at binigyan ng alanganing ngiti “You’re so beautiful, Jan. I can’t help it.”
Napakalaki ng pagkadismayang pumuno sa dibdib ni January. “G-ganoon lang?”
Bumuntong-hininga ang lalaki, saka inabot ang kanyang kamay. “I’m very much attracted to you, Jan. Kaso nga lang, hindi ako marunong manligaw.”
Napanganga siya dahil hindi niya inaasahan ang sinabi nito.
“Alam kong lumang tugtugin na ang ganito. Ang pahawak-hawak sa kamay.” Huminga ito nang malalim. “Hell. Pero naiisip ko, para namang nagsimula tayo sa old school style.”
“Old school?” nakakunot-noong tanong niya.
“We met in a not unusual way. Natatandaan mo pa, `di ba? Muntik na kitang masagasaan. Hindi na bago iyon. Ilang beses na bang nagamit ang ganoon sa pelikula? And then we met again. Pagkatapos ay nagkasama tayo sa isang party. We talked. We danced. Nothing new about those. But you know what? Meron palang bago. I found it here. I felt it here.” Dinala nito ang kamay niya sa dibdib nito. “The attraction is so strong and so is the feeling.”
Could it be love? Gusto sanang itanong ni January pero wala siyang lakas ng loob.
“Sana ay huwag mong ikagalit ang pangangahas kong halikan ka, January. Ang totoo, noon ko pa gustong gawin iyon. Nagtataka nga ako sa sarili ko dahil nakapagpigil ako.” Tumingin ito sa kanyang mga labi. “I like kissing you. Ngayon ko lang natuklasan iyon. I hope you will always allow me.”
Ano ang ibig sabihin ni August? Na palagi na siyang hahalikan nito?
“Road familiar?” mayamaya ay tanong nito.
Napatingin siya sa lalaki bago ibinaling ang mga mata sa kalyeng tinatalunton nila. Nasa Sta. Mesa na pala sila. Sa partikular na kalye kung saan unang nagtagpo ang kanilang mga landas.
“Diyan kita muntik nang masagasaan,” nakangiting sabi nito.
“Si Charlie kasi,” aniya at naisip na ipaliwanag dito kung ano ang ginagawa niya sa lugar na iyon nang gabing iyon. Pero napamaang siya nang biglang iliko nito ang kotse sa drive-in garage ng isa sa mga motel. “August?!” bulalas niya.
“Relax,” amused na sabi nito. “Makikidaan lang tayo.” Binusinahan nito ang bellboy.
Sa sandali lang nilang pagdaan doon ay parang tumigil din sa pagtibok ang kanyang puso. Naging normal lang uli ang kanyang paghinga nang makalagpas na sila roon at taluntunin nila ang kabilang kalye.
“Shortcut ko iyon,” paliwanag ni August mayamaya. “Bawal dumaan doon, kaibigan ko lang ang mga iyon. Laki ako sa kalyeng ito kaya kakilala ko na rin ang mga nagtatrabaho doon.” Mayamaya ay itinigil nito ang kotse sa tapat ng isang bakal na gate, saka bumusina. “Ito ang amin.”
Mataas na pader ang nakapalibot sa bahay. Nang bumukas ang gate ay natuklasan niyang malawak ang bakuran sa loob. It was like an old mansion. May bakal na swing pa sa garden bukod sa konkretong gazebo na ginagapangan ng mga halaman. Halatang alagang-alaga ang landscape ng bakuran. Gawa sa tisa ang malaking bahay. Maliwanag na maliwanag doon.
Sinalubong sila ni April pagbaba nila ng kotse.
“January, muntik na kitang hindi makilala!” bulalas nito, halatang natuwa sa nakita. “Akala ko, binobola lang ako ni Darlene no’ng tumawag siya kanina.”
“Pasok ka, hija,” sabi naman ng may-edad na babae na malaki ang hawig kay April. “Ako ang mama nila.”
“Magandang gabi po,” bati ni January.
“Ako naman ang papa nila,” pakilala ng may-edad na lalaki na kamukha ni August.
Bumati rin siya rito. Mayamaya pa ay tinawag na ni April ang iba pang nasa bahay. Ipinakilala nito sa kanya ang asawa at ang nag-iisang anak nito. Nakilala rin niya si June, ang isa pang kapatid nina April at August, na kasama ang fiancée na si Lira.
“Nakahanda na ang pagkain sa mesa. Pagsaluhan na muna natin,” sabi ng mama ni August.
“January, hija, bagay na bagay ka sa aming pamilya,” sabi ng papa ni August. “Sa pangalan mo pa lang ay parang miyembro ka na ng pamilya.”
“Oo nga, buwan din!” sabi ni June. “Ako, `pag nagkaanak kami ni Lira, araw naman ang ipapangalan ko. Monday, Tuesday, et cetera. Bakit pa namin pahihirapan ang aming mga sarili na mag-isip ng pangalan?”
“Mag-asawa ka muna bago mo isipin ang ipapangalan sa mga anak mo,” sabi ni August.
“Nakaplano na nga, eh. Three years from now. Mauna ka na sa akin. Baka mamaya, kung kailan malapit na akong magpakasal ay saka ka mag-apura, magsukob pa tayo sa taon. Masama raw iyon sabi ng matatanda.”
“Mamaya na ang diskusyon. Kumain na muna tayo,” sabi uli ng mama ng mga ito.