“HOW DO you find them?” tanong ni August kay January nang nasa biyahe na sila. “My family, I mean.”
“Okay naman. Mababait sila,” sagot niya.
“Oo naman. At full support sila ngayon sa pagpo-produce ni April ng album.”
“Natetensiyon ako. Binigyan kasi ako ng break ni April. Kung hindi bebenta ang magiging album ko, nakakahiya sa inyong lahat.”
“Sweetheart, you have the talent. And beauty, too. Bahala na si April sa packaging sa iyo at sa mga kantang ibibigay sa iyo. I’m sure, hindi ka maiinip at matutupad na ang pangarap mo.”
“Thank you, August. Ikaw ang nagbigay sa akin ng pagkakataon.”
“Welcome.” Isang matamis na ngiti ang ibinigay nito sa kanya.
“Bukas, pupunta ako sa office ni April. May ipapakilala raw siya sa akin na voice trainor para lalo akong mag-improve. Saka magka-crash course din daw ako sa personality development para mawala ang stage fright ko.”
“Sasamahan kita.”
“Paano ang trabaho mo? Hindi ba, may mga projects kayo ni Alejo?”
“Nag-usap na kami. I’m on leave. Siya na muna ang bahala sa firm.”
“Nakakahiya naman sa iyo, August. Naaabala kita nang husto.”
“Pabor sa akin ito, Jan. Palagi kitang nakikita at nakakasama.”
PAGKATAPOS ng voice lessons at crash course sa personality development ay unti-unti nang ipinakilala si January sa mga taga-media. Nagsimula na rin siyang lumabas sa telebisyon. Dalawang linggo lang pagkatapos ng ilang pagkanta niya sa mga variety shows sa TV ay may lumabas nang write-up tungkol sa kanya.
“Ate, nasa diyaryo ka na!” sabi ni Janet. “Sabi rito, ang galing mo raw kumanta.” Saglit lang na ipinakita sa kanya ng kapatid ang tabloid at ginupit na iyon. “Iipunin ko ito. Memorabilia mo. Malay mo, balang-araw, ipagpatayo ka ng memorial shrine. Kailangan, mula sa pag-uumpisa mo, documented na.”
“Memorial shrine ka diyan. Para namang mamamatay na ako agad.”
“Knock on wood,” sabad ng boses na sumulpot sa pintuan.
“Kuya August!” sabi ni Janet. “Saan na naman ang lakad ninyo ni Ate?”
“Marami. Si Tatay?”
“Natutulog.”
“Ikaw na ang magsabi sa kanya na umalis kami ng ate mo, ha?”
“Sure. Alam naman niya na marami talaga kayong lakad. Ingat lagi, okay? Kapag wala akong pasok, sasama naman ako sa TV guesting ni Ate.”
“Oo na. Ang kulit mo,” sabi ni January sa kapatid at kinuha na ang dadalhing bag. “Aalis na kami.”
Magkasunod silang lumabas ni August ng pinto.
“I missed you,” anito nang papunta na sila sa sasakyan.
Natawa siya. “Para namang hindi tayo magkasama kagabi.”
“Sa totoong na-miss kita,” parang batang sabi pa nito at inalalayan na siya pasakay sa kotse. “Oo nga pala, flowers for you.”
“May flowers na agad?” ani January nang tanggapin ang malaking flower arrangement. Mula nang mag-guest siya sa mga TV shows ay nasanay na siyang binibigyan ng bouquet pagkatapos. May TV guesting uli siya nang araw na iyon.
“Sa akin galing iyan,” kaswal na sabi ni August.
Nagulat siya. Kinuha niya ang maliit na card na kasama niyon at binasa.
“Don’t dare ask why,” nakangising banta ng lalaki.
Napangiti siya. “Sige, salamat na lang.”
“`Welcome. You like it?”
Tumango si January. “Oo naman. Kagaya rin ako ng ibang babaeng naa-appreciate ang bulaklak.”
Pumalatak ito. “Dapat pala dati pa kita binigyan. Kasi, sabi nila, corny na ngayon ang magbigay ng bulaklak. Nagka-idea lang ako kasi napapansin ko na nagugustuhan mo ang mga bulaklak na ibinibigay sa iyo sa mga guesting mo.”
“Siyempre naman. Ang gaganda, eh. Saka, ang mamahal n’on. Sayang naman kung hindi ko maa-appreciate.”
“Hopefully, mas ma-appreciate mo kung sa akin galing,” anito.
“Siyempre naman!” masiglang sabi niya.
Pagkatapos ng guesting ni January sa isang morning show ay dumeretso sila sa opisina ni April. Pag-aaralan niyang kantahin ang isang kanta sa album na inihanda para sa kanya. Malamang ay isalang na rin iyon sa recording kung mapeperpekto agad niya.
Noon siya nakatanggap ng tawag mula kay Joanna Marie. “Bruha, napanood kita sa TV,” bungad agad nito.
“Talaga? Ano’ng hitsura ko?” tanong niya.
“Nagtanong pa. Siyempre maganda,” sagot nito. “Ikaw, ha? Anong milagro ang nangyari sa buhay mo? Kaya pala ilang linggo ka nang hindi nagpaparamdam, iba pala ang ginagawa mo. Celebrity ka na ngayon!”
“Mahabang kuwento, eh.”
“Kailan tayo magkikita? This is a big surprise, friend. Akala ko nga, dinadaya lang ako ng paningin ko. Mabuti at hindi ka nagpalit ng pangalan?”
“Okay naman daw ang January na screen name. Hindi na nga lang idinugtong ang last name ko. Mas may dating daw kung January lang.”
“Nasaan ka ngayon?”
“Sa biyahe. Papunta kami sa Moon Records. Baka ngayon kami magsimulang mag-record ng kanta para sa album ko.”
“Wow! Matutupad na ang pangarap mo,” anito. “Teka, anong kami? Sino ang kasama mo ngayon?”
“Si A-August.”
“Huh?” Tumawa ito nang malakas. “Kayo na?”
“H-hindi pa.”
“Pa?” Lalong natawa ang kaibigan niya. “Magkita tayo, ha? Marami kang utang sa akin. Hindi ka nagkukuwento.”
“Oo na. Sige, kumusta na lang kay Lemuel. Saka sa magiging baby ninyo.”
“Okay! See you soon.”
“Si Joanna Marie,” sabi niya kay August nang matapos ang tawag. “Napanood daw niya ako sa TV. Nanunumbat nga, eh. Hindi ko man lang daw nasabi sa kanya ang tungkol dito. Sabagay, kasalanan ko nga. Nakalimutan kong sabihin sa kanya.”
“Excited ka kasi,” anito.
“Nakakahiya sa kanya.”
“Eh, di bumawi tayo,” sagot nito. “Invite them to dinner. Foursome tayo nina Lemuel.”