17

1200 Words
ISANG linggo pa ang lumipas bago natuloy ang foursome date na iyon. Nang mga panahong iyon ay naririnig na rin sa mga FM station ang carrier single ng album ni January. Ilang araw lang mula nang unang patugtugin ang kanta sa radio ay nasali agad iyon sa mga most requested songs. Sa darating na Linggo pa ang nakatakdang launching ng album niya sa isang TV show. Pagkatapos niyon ay ang press conference na inihanda ni April at ang naka-schedule nang mall tours para sa pagpo-promote ng album. “Sikat ka na, friend,” sabi ni Joanna Marie. “Hindi naman. Nagsisimula pa lang ako,” tanggi ni January. “Kinakabahan nga ako, eh. Baka walang bumili ng album ko.” “Bibili kami,” ani Lemuel. “Sampu agad. Ipapamigay ko sa mga kaibigan.” “See? may sure ten sales ka na,” tudyo ni August. “Nasa top ten na ng mga FM station ang kanta mo, paano mangyayaring walang bibili ng album mo?” sabi ni Joanna Marie. “Actually, tinawagan ko sina Ting at Amor. Siyempre, kailangan mo ng suporta ng batch. Sabi nga ni Amor, wala namang problema since may record bar na rin sa supermarket nina Joel. Basta raw released na ang album ay kukuha sila at idi-display roon para madaling mabili ng mga taga-Sierra at San Esteban.” Na-touch si January sa narinig. “Thank you.” “Thank you ka diyan. Siyempre, para na tayong magkakapatid sa batch. Tuwang-tuwa nga sila, eh.” “At pabor sa akin iyon,” nakangising sabi ni Lemuel. “At least, hindi na ako ang solong itinuturing na celebrity sa atin. Dalawa na tayo ngayon.” “Magpa-autograph signing kayo pag-uwi ninyo sa Sierra para matuwa ang mga kababayan natin.” “Sus, hindi naman ako ganoon kasikat,” sagot ni January. “That’s good,” sabi ni August. “At least, hindi mo iniisip na sikat ka na. Kasi, kung kasikatan agad ang ipapasok mo sa isip mo, masasabihan ka ng marami na mayabang ka na agad.” “Maiba tayo,” ani Joanna Marie, saka kumindat sa kanya. “Kayo bang dalawa ay mag-ano na?” Muntik nang masamid si January. “Ano ka ba, Joan? Nakakahiya kay August.” Tumikhim naman si August. “Actually, nahihiya akong manligaw sa kanya, eh.” “Uso pa ba ang ligawan?” kantiyaw ni Lemuel. “Halikan mo agad. Kapag hindi ka sinampal, ibig sabihin, kayo na,” anito, saka humalakhak. “Lemuel!” saway ni Joanna Marie sa asawa. Humarap naman sa kanya si August. “Ganoon pala iyon, Jan?” “E-ewan.” “I LOVE you, January,” taimtim na pahayag ni August nang silang dalawa na lang ang magkasama. Kanina pa tapos ang dinner. Nagpaalam na sina Joanna Marie at Lemuel na mauuna nang umuwi. Nagpaiwan naman sila sa hotel at tumuloy sa coffee shop. Tahimik doon at walang gaanong tao. “Matagal ko na dapat sinabi sa iyo na mahal kita. Kaya lang, mas gusto kong patunayan muna sa iyo iyon,” dagdag pa nito. Hindi alam ni January kung ano ang isasagot. Nakatutok ang tingin niya sa kapeng hindi pa niya nagagalaw. “Look at me.” Hinawakan ni August ang kanyang baba at iniangat ang kanyang mukha. “I love you. I hope you believe me.” Siguro ay puwedeng hindi siya maniwala sa mga sinasabi ng lalaki, pero hindi maipagkakaila ang damdaming nasalamin sa mga mata nito. Bumuntong-hininga siya. Hindi ba’t mahal na rin niya ito? Ilang linggo na ba niyang pinipigilan ang damdaming iyon? Sa bawat araw na magkasama sila, pakiramdam niya ay daig pa niya ang nakatuntong sa alapaap. “Hindi naman kita pipiliting sagutin ako ngayon. Gusto ko lang sabihin sa iyo ang nararamdaman ko. Nahihirapan na kasi akong itago pa ito sa iyo. I love you so much, January.” Isang mahinhing ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. “Mahal din naman kita, August.” Nagliwanag ang mukha ng lalaki, hindi maikakaila ang pagniningning ng mga mata. “T-talaga?” Tumango siya. Saglit na parang natulala si August, pagkatapos ay bigla siyang niyakap. “Oh, January, I love you so much.” Natawa siya. “Tama na, August. Ang corny na natin.” “Eh, ano naman kung corny? Sa masaya ako, eh!” Lalo pang humigpit ang pagkakayakap nito sa kanya, pagkatapos ay hinaplos ang kanyang mukha at bigla siyang hinalikan sa mga labi. “Nakakahiya naman sa mga nakakakita,” aniya nang matapos ang halik. “Bakit naman? We love each other, sweetheart.” Hanggang sa sasakyan ay taglay nila ang kakaibang saya sa kanilang dibdib. “Alam mo, naisip ko lang, hindi kaya dapat noon pa naging tayo?” nakangiting tanong nito. “Bakit?” “Naaalala mo `yong sinabi ni Lemuel kanina? Na halikan kita agad? At kung hindi mo ako sasampalin pagkatapos, ibig sabihin tayo na. Wala naman akong matandaang sinampal mo ako, ah?” nanunuksong sabi nito. Umirap siya. “I love you, sweetheart,” sabi uli nito mayamaya. “I love you, too.” HALOS magdiwang ang buong pamilya ni January nang sabihin niya ang relasyon nila ni August. Halatang boto ang mga ito sa binata. Maging ang pamilya ni August ay boto rin naman sa kanya. Napakasaya niya. Siya na yata ang pinakapinagpala nang mga sandaling iyon. “Sa presscon, siguradong may magtatanong sa iyo kung available ka pa o hindi na,” sabi ni April sa kanya. “Hindi na siya available,” sabad agad ni August, sabay yakap sa baywang niya. Sa halip na mainis ay sumiksik pa siya sa nobyo. Gustung-gusto niya ang ikinilos nito. “Oo nga, hindi na ako available,” sabi rin niya. “Well, talent mo naman as a singer ang bibilhin sa iyo ng mga tao, hindi ang status mo. Sa mga artista lang mas possessive ang publiko. I don’t think it would harm your budding career,” sabi ni April. “Pero paano kung bigla ninyong maisipang magpakasal? Nagsisimula pa lang ang singing career mo, hija,” tanong ng mama ng mga ito. Nagkatinginan sila ni August. Ito na ang sumagot. “Buo ang suporta ko kay January, Mama. Kung magpakasal man kami in the near future, I don’t think makakasagabal sa singing career niya ang magiging family life namin.” “Good,” sabi naman ng papa nito. “Akala namin ay made-delay pa ang pagdami ng aming mga apo.” “Mauna ka na ngang magpakasal, August,” sabi ni June. “Tutal, mas marami ka nang ipon kaysa sa akin. Pero `yong idea ng mga ipapangalan sa anak, akin iyon, ha? Baka mamaya, pangalanan mo ng Sunday ang anak mo?” “Depende,” natatawang sagot ni August. “Kung Sabado siya ipapanganak, bakit ko naman papangalanan ng Sunday?” “Idea ko `yon!” parang batang sabi ni June. “Eh, di ipa-patent mo kung ayaw mong gayahin ng iba,” pang-aasar pa ni August sa kapatid. Nagkatawanan ang lahat. Pero siguro ay si January ang pinakamasaya. Hindi niya maramdaman sa piling ng pamilya ni August na hindi siya kabilang sa mga ito, lalo na ngayon. Damang-dama niya ang pagtanggap ng lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD