UM-ATTEND sina Janet, Charlie, at Abigail sa launching ng album ni January. Naiwan si Joyce sa bahay para magbantay sa kanilang ama. Kahit puwede nilang isama ang tatay nila sa TV station, mas pinili nitong magpaiwan sa bahay. Papanoorin na lang daw siya nito sa TV.
Nandoon din si April at ang pamilya nito, si June lang ang wala dahil may importanteng affair ang pamilya ng fiancée nito na kailangang attend-an. Pero nangako itong hahanap ng TV para mapanood siya.
Tumawag din sa kanya sina Joanna Marie na aabangan na lang din daw siya sa TV.
“Guys, narinig ninyo ang kanta ng bagong singer na si January. Maganda, `di ba? Kaya ano pa ang hinihintay nating lahat? Bili na! Iyong orig, ha? Huwag kayong bibili ng pirated!” sabi ng TV host na lumapit sa kanya pagkatapos niyang kantahin ang carrier single ng album niya. “Come on, January, invite them to buy your album.”
Nakangiting tumango siya. “Yes. Please support my album entitled Dream Come True. Magaganda po ang mga kantang kasama sa album. Mamaya po ay nasa SM City North EDSA ako. Sana ay magkita-kita tayo roon,” sabi niya. “Gusto ko rin pong magpasalamat sa mga taong nagre-request ng kanta ko. Salamat po sa inyo. Kayo ang dahilan kaya nasali ang kanta ko sa top ten.”
“And I’m sure, magiging number one hit iyan,” sabi ng TV host.
“I really hope so.”
Pagpasok ng commercial ay sinalubong siya ng mga kapatid, pero naunahan ni August ang mga ito. Agad siya nitong dinampian ng halik sa mga labi. “Congratulations, sweetheart.”
“Thanks!”
“Ate, ang galing-galing mo! Hangang-hanga ang audience sa iyo,” sabi ni Janet.
“Oo nga, Ate,” sabad ni Abigail. “Sigurado raw na sisikat ka. Maganda raw ang boses mo.”
“Sa sasakyan na tayo magkuwentuhan,” sabi naman ni April. “Naghihintay na ang press sa Anabel’s.”
“Nanlalamig ka,” puna ni August nang papunta na sila sa sasakyan. Magkahawak-kamay sila at kahit saglit siyang napapahinto para tanggapin ang pagbati ng iba, hindi nito binibitiwan ang kamay niya.
“Nakakatensiyon, sweetheart,” sagot ni January.
“Matetensiyon ka pa, eh, lahat sila hanga sa iyo.”
“Eh, sa presscon? Baka panay negative write-ups ang gawin nila pagkatapos ng presscon?” kabadong sabi niya.
“Hindi mangyayari iyon. Mga kaibigan ni April ang mga inimbita niyang press. Tutulong ang mga iyon para ma-promote ang album mo. Basta pagbutihin mo lang ang pagsagot sa mga tanong nila.”
Hindi naman ganoon karami ang reporters na dinatnan nila sa restaurant. Ayon kay April, pili ang mga press people na inimbitahan nito. Para lang silang nagkukuwentuhan. Pero siyempre, kumanta rin siya para sa mga ito.
“May kinabukasan ka sa pagkanta,” sabi ng isang reporter na patingin-tingin at tahimik lang kanina. Kabado siya rito dahil hindi niya alam kung madali o mahirap itong i-please.
“Salamat po,” sabi niya.
“Basta pagbutihin mo ang pagkanta. Seryosuhin mo. At huwag lalaki ang iyong ulo sa kaunting kasikatan. Nagsisimula ka pa lang.”
“Opo. Tatandaan ko po,” masunuring sagot ni January.
“Good luck.”
“Thank you po uli.” Tumingin siya sa iba pang reporters. “Salamat po sa inyong lahat.”
Mayroon nang namimigay ng posters ng album ni January sa SM nang dumating sila. Nang umakyat siya sa stage ay hindi pa rin mawala ang kanyang kaba. Pero dahil sa pagtanggap sa kanya ng mga tao ay nawala na rin iyon. Natanaw niya ang booth na itinayo para sa mga gustong bumili ng album niya at ganoon na lang ang tuwa niya nang makitang bukod sa maraming nanonood ay marami ring bumibili.
Kaya ginanahan siya sa pagkanta. Kahit natagalan sila dahil sa mga gustong magpa-autograph ng biniling album ay hindi siya nakadama ng pagod. Nawala na rin ang tensiyong umaalipin sa kanya kanina. Masayang-masaya siya sa kinalabasan ng kanyang album launching.
“Time for dinner,” sabi ni April nang matapos ang autograph signing. “We’re going to celebrate!”
Tumuloy sila sa isang kilalang restaurant. Pare-pareho silang excited dahil sa tagumpay ng album launching kaya ganadong kumain ang lahat. Parang hindi rin matapus-tapos ang kuwentuhan kahit kanina pa sila magkakasama at pare-pareho nilang alam ang mga nangyari.
Sinabi na rin ni April ang iba pang plano nito para sa kanya, kasabay ng pagpapaalala sa iba pa niyang schedule.
“Mag-vitamins ka, Ate. Baka mag-collapse ka na lang bigla. Ang dami mo palang guestings,” sabi ni Janet.
“Binilhan ko na nga siya ng multivitamins,” sabi ni August.
“Pahinga rin,” ani April. “Kailangan mo ng tamang pahinga at pagtulog. Nakakasira ng boses ang overfatigue.” Tiningnan nito ang kapatid. “Kaya ikaw, huwag mong pupuyatin si January. Baka masobrahan kayo ng date!”
“Para namang nakakapag-date pa kami,” reklamo ni August. “Panay nga para na lang sa singing career niya ang mga lakad namin. Alalay niya ako.”
“May reklamo ka, sweetheart?” malambing na tanong ni January.
“Wala!” mabilis na sagot nito, sabay ngisi.
Pagkakain ay umuwi na sila. Ang akala niya ay makakatulog na siya pero inihatid lang pala nila ang mga kapatid niya.
“Aalis uli kayo?” tanong ni Janet.
“We’ll celebrate alone,” sagot ni August, sabay ngiti sa kapatid niya.
“Ah. Sige, ingat, ha? Kumatok na lang kayo mamaya.”
“Saan tayo pupunta?” tanong ni January nang sakay na uli sila sa kotse nito.
“Somewhere.” Isang makahulugang ngiti ang ibinigay nito sa kanya.