4

1677 Words
“ATE, BAUNIN mo na ito. Iba na `yong handa,” sabi ni Janet kay January nang araw na paalis na siya para um-attend sa reunion. “Uso pa ba ang minus one tape ngayon? Hindi ba’t mga CD na?” aniya pero inilagay pa rin ang tape sa bag. “At least may dala ka. Galingan mo ang pagkanta, Ate. Malay mo, isa sa mga kaklase mo, nasa showbiz na pala. Baka siya ang magbigay ng break sa iyo.” Napailing na lang siya. Number one fan talaga niya ang kapatid. Hanggang ngayon ay optimistic pa rin ito na may ibubuga ang naunsiyaming singing career niya. “Ingat ka sa biyahe, Ate. Enjoy yourself. Huwag mo kaming intindihin dito. Okay naman si Tatay. At lalong okay si Kuya Charlie na responsible na ngayon.” “Bahala na muna kayo rito. Kung may problema, tawagan ninyo ako sa cell phone.” Isinukbit na ni January ang bag sa balikat, saka lumapit sa ama. “`Tay, aalis na ho muna ako. Bukas na ho siguro ang balik ko. Makikitulog na lang ako roon.” “Sige, mag-iingat ka. Ikumusta mo na lang ako sa mga kaibigan natin doon.” Tumango siya. Hinagkan niya ito sa noo, saka umalis na. Alas-kuwatro ang nakalagay na oras ng reunion. Barbeque party iyon pero nabanggit ni Fatima Mae na inagahan nito nang kaunti ang oras para mas matagal na makapagkuwentuhan ang lahat. Alas-diyes pa lang ng umaga. Kung hindi traffic, bandang ala-una ay nasa Sierra Carmela na si January. Usapan nila ni Joanna Marie na doon muna siya tutuloy sa bahay ng tiyahin ni Lemuel. Magpapahinga lang siya nang kaunti at sabay-sabay na silang pupunta sa reunion. Air-conditioned bus ang sinakyan niya. Komportableng sumandal siya sa upuan. Mabuti na lang at paalis na ang bus at hindi na niya kailangang maghintay nang matagal. Hindi niya maiwasang isipin kung ano ang posibleng maganap sa reunion. Malamang ay walang humpay na kumustahan at kuwentuhan. Siniguro nina Fatima Mae at Amor na maraming pagkain kaya walang mag-aalala na magugutom ang lahat. Hindi nakatiis si January at muling inilabas ang class picture-c*m-invitation. Ilang oras na lang at makikita na uli niya ang mga dating kaklase. Sa mahigit sampung taong lumipas, alam niyang marami nang pagbabago sa kanilang lahat—sa hitsura man o katayuan sa buhay. Malamang ay hindi lang sina Joanna Marie, Amor, at Fatima Mae ang mga may-asawa. Siguro ay may ibang mayroon nang pamilya. Hindi imposible iyon, lalo at twenty-seven o twenty-eight years old na ang halos lahat sa kanila. Nang ibalik niya ang imbitasyon ay nakapa niya sa bag ang tape na ipinabaon sa kanya ni Janet. Mga piyesa niyang kanta ang laman ng mga iyon, at karamihan ay luma na. Kahit paano ay nag-alala siya. Baka hindi na ma-appreciate ng mga kaklase niya ang mga kantang iyon. Ano ba ang mga usong kanta noong high school sila? “If We Hold On Together” at “From A Distance” yata. Ang isa pa nga sa mga iyon ang naging graduation song nila. Kabisado pa rin niya ang kantang iyon hanggang ngayon. Pero hindi kaya masyadong maging sentimental ang dating kung iyon ang kakantahin niya? “Dito na ba ang stopover ng bus?” tanong ng pasaherong katabi niya. Noon lang naging aware sa paligid si January. Nakalampas na pala ang bus sa expressway at paakyat na sa bulubunduking kalsada papunta sa Sierra Carmela. “May problema lang ho nang kaunti sa makina. Sandali lang ho,” anang driver bago bumaba. Kanya-kanya ng reaksiyon ang mga pasahero. May galit agad at may parang bale-wala lang ang nangyari. Isa siya sa mga pasaherong hindi gaanong ininda ang pangyayari. Maaga pa naman. Kung matitigil sila nang mga fifteen minutes ay okay lang. Siguradong aabot pa rin siya sa oras ng reunion. “Walang signal!” angal ng isang pasahero. Napalingon si January dito. Naisip niyang tingnan din ang sariling cell phone. Wala ngang signal. Malas na nasa dead spot sila kaya hindi niya masasabihan si Joanna Marie na nasiraan ang bus na sinasakyan niya. Bago kasi umalis ng Maynila ang bus ay nag-text na siya sa kaibigan na nasa biyahe na siya. Pagdating sa terminal ay sasakay pa siya ng jeep papunta sa Sierra Carmela. Ang inaasahan niyang fifteen minutes ay naging kalahating oras. Mas marami nang iritadong pasahero, at affected na rin siya “Pasensiya na po. Malaki ang sira ng makina. Ita-transfer na lang po namin ang mga pasahero,” deklara ng konduktor. Lalong nagalit ang mga pasahero. Nagsitayuan na ang karamihan, ang iba ay nagmumura pa. Kahit naiinis ay tumayo na rin siya at binitbit ang mga dalang gamit. Kung magagalit siya ay hindi naman maaayos ang sira ng bus. Gaya ng ibang pasahero, nag-abang na lang siya ng susunod na bus. Kalahating oras ang interval ng pagdaan ng mga bus. Ang naunang dalawa ay punung-puno, iilan lang sa mga kasabay niyang pasahero ang nakasakay. Isang oras nang nakatayo si January doon. Kalahating oras uli siyang naghintay, nananalangin na sana ay makasakay na siya sa susunod na daraang bus. Nangangalay na siya at nagugutom na rin. “Atrasado pa rin ang lugar na ito! Halos walang nagdadaang sasakyan. Wala pa yatang sampu ang nagdaan mula kaninang nag-abang tayo,” himutok ng ale sa kasamang babae, mukhang mag-ina ang mga ito na kasabay din niya sa nasirang bus. ” “Makisakay na lang tayo kahit magbayad uli tayo. Makarating man lang tayo sa San Nicolas at doon na lang tayo umarkila ng tricycle pauwi sa atin,” sabi ng kasama nito. “Makapagtanong na nga ho,” sabad ni January. “Anong lugar ho ba ito?” Sa tagal na hindi siya nakapunta sa Sierra Carmela ay hindi na pamilyar sa kanya ang mga lugar na dinaraanan. “Taga-Maynila ka? Saan ang punta mo?” “Sa Sierra Carmela po. Dati po akong tagaroon pero matagal na akong hindi nakakauwi.” “Halos dalawang oras pa ang magiging biyahe mo. Kung makakasakay ka sa darating na bus, magtitiis kang nakatayo hanggang sa San Esteban. Kung papayag ka, makisakay na tayo sa daraang sasakyan. Siguro naman ay may mabubuting tao pa rin sa panahon ngayon. Hindi baleng magbayad tayo ng panggasolina. Ako nga pala si Pinang. Ito naman ang anak ko, si Esther. Siguradong nag-aalala na ang mga tao sa amin kaya gusto na naming makauwi.” “Ako naman po si January,” pagpapakilala rin niya. “Ano, makisakay na lang tayo sa dadaan? Sumama ka na sa amin ng anak ko. Nag-iisa ka, baka abutin ka na ng hapon dito ay hindi ka pa rin nakakasakay. Mukhang walang pag-asang magawa ang walang kuwentang bus na iyan,” iritadong sabi nito. Sandaling nag-isip si January. Mahigit pa sa kalahati ng mga pasahero ang nag-aabang sa susunod na bus—na malamang ay puno rin. Kung suwertehin man siyang makasakay ay siguradong tatayo siya. At isang oras na siyang nakatayo. Isa pa nagugutom na talaga siya. Tiningnan niya ang suot na relo. Ala-una na. Dapat ay nasa Sierra Carmela na siya ngayon. “Sige po,” sagot niya kay Aling Pinang. “Inang, may parating na sasakyan,” sabi naman ni Esther. “Parahin natin,” anang matanda. Nanatili siyang nakatayo lang. Hinayaan ni January na ang mag-ina ang pumara sa sasakyan kahit malayo pa iyon. Iniisip pa rin niya kung tama bang makisakay siya. Kung masamang tao ang mag-ina, ano naman ang mahihita sa kanya ng mga ito? Kahit cell phone niya ay hindi pag-iinteresan; lumang-luma na ang model niyon. Baka nga ipukpok pa iyon sa ulo niya sa sobrang mura niyon. Tumutok ang tingin ni January sa kotseng huminto sa tapat ng mag-inang Pinang at Esther. Bagung-bago iyon, kahit may kumapit na alikabok ay hindi maikakailang alaga sa car wash at ipinapahid na pampakintab doon. Nagbaba ng salamin ng bintana ang driver at doon yumuko ang mag-ina. Hindi siya nakisabad sa usapan pero alam niyang kasali siya sa ipinapakiusap ng mag-ina na makikisakay. Duda siya kung papayag ang lalaki. Kahit babae silang lahat ay napakahirap nang magtiwala sa panahon ngayon. “January, halika na!” tawag ni Aling Pinang sa kanya. “Diyan ka na sa unahan at dito na kami sa likod. Magpasalamat tayo at mayroon pang mababait na tao sa panahong ito.” “Maraming salamat po,” sabi niya sa driver at sumakay na rin. “Pasensiya na rin po sa abala.” “Walang anuman, basta huwag mo na akong popoin pa. Ilang taon lang yata ang tanda ko sa iyo.” “N-nakakahiya naman po—” “Po na naman?” Lumitaw ang mapuputing ngipin ng lalaki nang ngumiti ito. “Pakikabit na lang ang seat belt mo.” Tumalima si January. Sa likod niya ay hindi pa rin matapus-tapos ang pagpapasalamat ng mag-ina sa lalaki. Pabor naman iyon sa kanya dahil wala na siyang balak kumibo. Hindi niya alam kung ano pa ang dapat niyang sabihin. “Diyan lang naman kami sa San Nicolas. Hindi ko nga lang kayang tumayo sa bus, lalo at paekis-ekis ang daan sa bundok na ito. `Yang si January, sa Sierra Carmela pa. Saan ba ang tungo mo, hijo?” tanong ni Aling Pinang sa lalaki. “Sa Sierra Carmela rin po. January pala ang pangalan mo?” baling nito sa kanya. “Ako si August.” “Kagaling naman ng mga pangalan ninyo,” ani Esther. “Taga-Sierra ka ba talaga?” tanong pa ni August sa kanya. “Dati,” matipid na sagot ni January at bahagya lang iyong nilingon. Nakatingin siya sa mga bundok at bangin na dinaraanan nila. Maingat namang magmaneho si August pero hindi pa rin siya mapalagay. Estranghero ito, gayundin sina Aling Pinang at Esther. Kung bababa sa San Nicolas ang mag-ina, siguro ay bababa na rin siya roon. Malamang ay hindi rin siya magiging komportable na kasabay ang lalaking hindi naman niya kilala. “Taga-Maynila ako pero may project ako sa Sierra Carmela,” ani August sa palakaibigang boses. “May kilala ka bang Architect Alejo Sampana?” “Alejo?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD