SIGURO ay ang pangalan ni Alejo ang naging magic word para kahit paano ay mapalagay si January nang kaunti sa kinauupuan niya. Sa kauna-unahang pagkakataon ay tumingin siya kay August nang deretso sa mga mata. At sa tingin niya ay sincerity ang nabasa niya sa mga mata nito.
“Kilala mo si Alejo?” tanong nito.
Tumango siya. Naisip niyang mas mabuting hindi magbigay ng anumang impormasyon. Baka mamaya ay hinuhuli lang siya nito.
“Partners kami ni Alejo sa subdivison project sa San Esteban. Ako ang head engineer niya. Halos isang taon na rin kaming magkasama. Okay ang taong iyon. Pati misis niya, si Ting, mabait.”
“Ting,” ulit niya. Walang dudang si Fatima Mae ang tinutukoy nito. At kung ang pagkaaliw sa boses nito ang kanyang pagbabasehan, iisipin niyang malapit na kaibigan ito ng mag-asawa.
“Kumusta na sila?” kaswal na tanong ni January.
“Busy. Buntis na si Ting kaya excited silang pareho na magka-baby. Plus, busy pa sila sa reunion ngayon. Nag-organize sila ng high school reunion ng batch nila. Mamayang hapon na iyon kaya nga kahit hindi ko schedule na bumalik sa Sierra ay bumalik ako ngayon. Inimbita nila ako kahit hindi nila ako kaklase.”
“Mabuti pala at halos hindi na kayo magkaiba,” sabad ni Aling Pinang. “Kunsabagay, dito naman sa probinsiya ay halos magkakakilala ang mga tao. Kaya nga malakas ang loob kong makisakay kahit sa estranghero. Bihira naman dito ang masasama ang loob.”
“Hindi naman po ako kasali roon,” nakangiting sabi ni August.
“Aba’y oo naman! Baka makalimutan mo, hijo, makalagpas sa zigzag road na ito ay San Nicolas na. Ibaba mo na lang kami sa crossing at magta-tricycle na lang kami.”
“Saan po ba ang inyo para ihatid ko na lang kayo?”
“Naku, hindi na. Malaking abala na iyon sa iyo. Nagpapasalamat na nga kami na isinakay mo kami. Hindi mo pa tinanggap ang alok naming makihati sa gasolina.”
“Wala po iyon. Dito naman po ang daan ko. Ihahatid ko na po kayo,” giit pa rin ng lalaki.
“Sabagay, malapit lang din ang sa amin. Iliko mo lang sa kanan pagdating sa crossing. Iyong tindahan sa unang kanto na matatanaw mo sa kaliwa, iyon ang sa amin.”
“Okay lang ba sa iyo, January? Ihatid na natin sila?” tanong ni August sa kanya.
“O-okay lang,” sagot niya. Wala naman siyang ibang puwedeng isagot maliban doon. Pero ang mas gumugulo sa isip niya ay ang mga susunod na mangyayari kapag silang dalawa na lang ang naiwan sa sasakyan. Kung tatanggi siyang sumabay rito hanggang Sierra Carmela ay hindi imposibleng magkita uli sila sa reunion kung totoong kaibigan nga ito ni Alejo. Siguradong siya ang lalabas na kahiya-hiya kung gagawin niya iyon.
Pero paano naman sila habang nasa biyahe? Awkward pa rin siya kahit na nga may link sila sa isa’t isa sa pamamagitan nina Alejo at Ting.
“August, diyan sa tindahang iyan,” ani Aling Pinang.
Ang tindahang itinuro nito ay isang dalawang palapag na bahay na ang ibaba ay isang maliit na grocery. Siguro ay sa pangalawang palapag nakatira ang mga ito. Nang ihinto ni August ang kotse sa tapat niyon ay may sumalubong agad sa mag-ina.
“Inang, akala namin ay napaano na kayo. Kanina pa kami naiinip sa inyo,” anang lalaki na mabilis nagmano kay Aling Pinang.
“Nasiraan `yong bus na sinakyan namin. Nakiusap lang kami kay August na makisakay sa kotse niya. Siya, maghanda kayo ng merienda. Dali!”
“Huwag na ho, Aling Pinang,” tanggi ni August.
“Ano bang huwag na? Iyon man lang ay maipambayad sa tulong mo sa amin. January, hija, bumaba ka na diyan at magsalo tayo sa merienda. Sige na, kahit sampung minuto lang. Magkakaibigan na tayo ngayon.”
“Nakakahiya naman sa matanda kung tatanggi tayo,” banayad na sabi ni August sa kanya.
Hindi alam ni January kung inuutusan siyang bumaba ng lalaki pero ang mas inisip niya ay ang punto nito. Alam niyang sincere si Aling Pinang sa paanyaya sa kanila. Medyo na-guilty pa nga siya na pinagdudahan niya ito at si Esther kanina.
Pinaakyat sila ni Aling Pinang sa lumang bahay. Mababakas doon ang pagiging masinop ng mga nakatira. Antigo ang mga gamit at ginantsilyo pa ang punda ng mga throw pillows at mga kurtina. May mga nakabiting water plant sa tapat ng bintana.
“Sandali lang at ipapahanda ko ang mesa,” ani Aling Pinang. “Esther, halika at tulungan mo ako.”
“ITO ANG mga bagay na halos wala na sa Maynila,” sabi ni August kay January nang sila na lang ang maiwan sa sala. “Matindi pa rin ang hospitality ng mga tao sa probinsiya. Pamilya ang turing nila sa mga bisita.”
“Taga-Maynila ka talaga?” tanong ni January.
“Oo. Sa Sta. Mesa kami. Ikaw?”
“Sa Marikina.”
“Ano’ng gagawin mo sa Sierra Carmela?”
“Dadalaw lang sa kaibigan.”
“Ah. Dadalaw ka rin kina Alejo? Teka, hindi kaya kayo magkaklase? Ilang taon ka na ba?”
Hindi niya napigilang mapangiti. “A-attend nga ako sa reunion.”
“Sabi na nga ba, eh!” anitong napapitik pa sa ere. “Iyan ang hinala ko kanina pa. January, January. Alam mo, naririnig ko ang pangalan mo sa kanila, eh. Sandali, iisipin ko. Madalas na sina Amor at Ting ang nagpaplano ng reunion. Ah, alam ko na! Singer ka ng batch ninyo, `no?” Ngumiti ito nang maluwang. “Sa palagay ko pakakantahin ka nila mamaya sa ayaw mo at sa gusto.”
Unti-unti ay nakukuha na ng lalaki ang tiwala niya. Nasasabi kasi nito ang mga bagay na tungkol sa kanya at sa mga kaklase niya.
“Matagal na akong hindi kumakanta.”
“Kung may boses ka talaga, kahit sampung taon ka pang hindi kumanta, lilitaw at lilitaw ang talent mo,” sabi pa nito. “Pagbigyan lang natin sandali si Aling Pinang at tutuloy na tayo para makapagpahinga ka. Saan ka ba tutuloy?”
“Sa bahay ng isa rin naming kaklase.”
“Bakit hindi pa kina Alejo? Alam mo, nagpatayo siya ng mga cottages para nga sa reunion. Welcome kayong lahat doon.”
“Hindi, may kausap na akong kasabay na pupunta sa reunion. Baka nga nag-aalala na sina Lemuel dahil wala pa ako. Hindi ko pa sila naite-text man lang.”
“Lemuel Crisostomo? Iyong kaklase ninyong PBA player?”
Tumango siya.
“Gusto ko siyang makilala. Mahilig ako sa basketball, kaso ayaw sa akin ng basketball. Kahit kailan, kapag naglalaro ako, hindi pa yata ako naka-shoot nang higit sa lima. Palagi pa akong nababalya.”
Napangiti si January. Napakakaswal ng usapan nila ni August na parang matagal na silang magkakilala.
“O, kumain kayong mabuti. Iiwan ko kayo sandali para hindi kayo mahiyang sumubo,” ani Aling Pinang nang bumalik sa sala. Inihain nito sa kanila ang merienda na sotanghon guisado at sandwich.
Palibhasa ay gutom, sa mga pagkain natuon ang pansin ni January. Mukhang gutom din si August kaya ilang minuto silang nag-concentrate muna sa pagkain.
Nauna siyang matapos kumain. Magana pa rin sa pagkain ang lalaki kaya pinagmasdan niya ito. Pino ang galaw ni August kahit na nagmamadaling kumain. Siksik din sa laman ang mga braso nito. Kahit maputi at litaw ang ilang ugat, halatang batak din ito sa trabaho. Makinis din ang kutis nito.
Kumunot ang kanyang noo. Parang kailan lang ay may mga ganoong katangian din siyang napansin.
Noong gabing muntik na siyang masagasaan...
“May dumi ba ako sa mukha?” nakangiting tanong nito.
Lalo siyang napatitig kay August. “You look familiar.”
Makahulugan ang ngiting sumilay sa mga labi nito. “Akala ko, hindi mo ako matatandaan.”
Nagulat si January sa sagot ni August. Ibig sabihin ay kanina pa siya nakilala nito. Mabilis siyang nag-iwas ng tingin. Hindi maipaliwanag ang pagkaasiwang bigla niyang naramdaman. Magpapaliwanag ba siya o mananahimik na lang?
“Matandain akong tao,” kaswal na sabi nito. “Kumusta ka na? Mukhang problemado ka no’ng gabing iyon.”
Tumingin si January sa lalaki at inulit sa isip ang sinabi nito, kinakapa kung may halo bang pang-iinsulto ang tono nito.
“Problemado nga,” sabi niya kapagkuwan.
“Boyfriend?”
Tinitigan niya ito. “Fishing for information?”
“Not exactly. Pamilyar ako sa kalyeng iyon. Karaniwan nang nandoon ang mga taong... alam mo na. `Tapos may babaeng darating, susundan ang asawa o boyfriend. Huhulihin sa akto.”
Umiling si January. “Hindi iyon ang dahilan kung bakit ako nandoon.”
“Well, at least, hindi ka nasagasaan. Alam mo ba, kung nagkataong mga jeep ang dumadaan nang gabing iyon, malamang nasagi ka na. Mukhang wala ka sa sarili habang naglalakad. I bet, ni hindi mo alam na tumatawid ka.”
“Salamat at hindi mo ako sinagasaan.”
August just smiled.