6

935 Words
“ARE YOU sure, dito ka na lang?” tanong ni August kay January nang nasa Sierra Carmela na sila. “Saan ba iyong bahay ni Lemuel? Ihahatid na kita roon.” “Huwag na, salamat na lang. Balak ko kasing bumili ng kaunting pasalubong para sa tiyahin niya. Dito na muna ako sa palengke.” Tinitigan siya ng lalaki, saka tumango. “Okay. See you later then.” Nakangiting tinanguan niya ito. Nang makaalis ang sasakyan ay saka siya naghanap ng tricycle na maghahatid sa kanya sa bahay ng tiyahin ni Lemuel. Kahi medyo palagay na ang loob niya kay August, mas pinili niyang huwag nang magpahatid dito. Sigurado kasing uulanin siya ng tanong ni Joanna Marie tungkol dito. At iyon ang gusto niyang iwasan. “AKALA namin, kung napa’no ka na, Jan,” sabi ni Joanna Marie nang makita siya. “Ano ba’ng nangyari?” “Nasira `yong bus. Ang tagal kong naghintay, hindi naman ako nakasakay agad dahil puno rin ang dumarating na bus. Nag-hitchhike ako.” “Hindi ka natakot?” tanong ni Lemuel. “Bakit hindi mo na lang kami tinawagan? Sinundo ka na lang sana namin.” “Dead spot iyong lugar, walang signal. Saka okay naman.” Pahapyaw niyang ikinuwento kung paano niya nakilala sina Aling Pinang at Esther. “Iyong napara namin, nagkataong kaibigan ni Alejo. Engineer.” “Ano’ng hitsura?” usisa ng kaibigan niya. “Guwapo? Binata?” Tumaas ang sulok ng mga labi ni January. “As expected, iyan ang itatanong mo sa akin,” sabi niya. “Tisoy. Medyo guwapo. Hindi ko nga lang alam kung binata.” “Sana binata. Mamaya, itatanong ko kay Alejo.” “Hay, naku! Wala akong panahon sa love life.” “Sinasabi mo lang iyan kasi wala kang love life.” She rolled her eyes. “Magpahinga ka na muna, Jan,” sabi naman ni Lemuel. “O gusto mong kumain muna kahit kaunti? Mag-aalas-kuwatro na pero puwede naman tayong magpahuli nang kaunti para makapagpahinga ka. Malayo ang ibiniyahe mo, nagkaproblema pa.” “Magpapahinga na lang ako sandali. Mamaya na ako kakain, doon na lang sa party. Promise ni Ting, maraming pagkain doon.” “Okay. Kakatukin ka na lang namin after thirty minutes,” sabi ni Joanna Marie. “MARAMI nang tao!” excited na sabi ni January nang malapit na sila sa bahay nina Alejo. Matatanaw na ang maraming sasakyang nakaparada sa kalye. At parang naaamoy na rin niya ang masarap na barbeque. “Masaya ito!” sabi ni Lemuel. “Jan, nasabi nga pala nina Ting kagabi, hindi puwedeng hindi ka kakanta,” ani Joanna Marie. “Oo na. Kakanta na. Teka, hindi ba’t si Bebeth iyon? Tingnan mo, o! Ang laki ng tiyan. Buntis!” “Alam ko,” nakangiting sabi ni Joanna Marie. “Kagabi pa kami nagkita-kita nina Ting at Amor. Marami din sa batch natin ang nag-asawa na. Si Bebeth, ahead sa atin ng dalawang taon ang napangasawa. Teacher din sa SCA, kagaya nila nina Miguel at Elisa. Remember, sila ang ka-group natin sa cleaners ng classroom?” “Don’t tell me, sina Miguel at Elisa ang nagkatuluyan?” “Hindi, ah! Si Miguel, may asawa na. As expected, co-teacher din nila. Si Elisa ang single pa ring kagaya mo. Ang biruan nga kagabi, mas dapat daw na um-attend ang mga single dahil baka nandito sa reunion ang future partner in life nila.” “Kasali ba ako roon?” nakataas ang mga kilay na tanong ni January. “Ewan natin. We’ll see.” “Tara na at nang magkakumustahan na,” yaya ni Lemuel sa kanila. Sinalubong sila nina Joel at Amor. At ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya nang makita ang dalawang kaklase. Halatang in love na in love ang mga ito sa isa’t isa kahit parang aso’t pusa pa rin sa pag-iiringan, gaya ng nakasanayan nila. “Hanggang ngayon ba, aso’t pusa pa rin kayo?” natatawang tanong ni Joanna Marie sa mag-asawa. “Paminsan-minsan lang,” maluwang ang ngiting sagot ni Joel. “Ito kasing misis ko, kontrabida palagi.” “Lagi namang ako ang tama, ah?” katwiran agad ni Amor. “Kuu, kung hindi lang ako ginayuma nito, hinding-hindi ko pakakasalan ito.” “Ganoon?” angil ni Amor. Tumawa nang mahina si Joel at kinabig ang buntis na asawa. “Actually, mahal na mahal na mahal ko ito.” “Kailan ang due mo? Mukhang lalabas na iyan,” usisa ni Lemuel kay Amor. “Sa January pa ito,” sagot ng babae, sabay himas sa maumbok na tiyan, pagkatapos ay tumingin sa kanya. “O, Jan, kumusta? Kakanta ka mamaya, ha?” Ngumiti siya. “Hindi na kagaya ng dati ang boses ko. Tumanda na kasi.” “Kalabaw lang ang tumatanda!” sabad ni Alejo na lumapit sa kanila. “Tumuloy na kayo sa loob. Nandoon ang talagang party.” “Sina Lyndon at Princess Grace, nariyan na ba?” tanong ni Lemuel. “Wala pa. Pero nag-confirm silang darating.” “Si Ting?” tanong naman niya. “Nasa likod. Siya ang nag-aasikaso sa mga classmates natin doon. Tara na. Hayaan na natin sina Amor at Joel dito. Sila talaga ang receptionist.” “Marami pa bang hindi dumarating?” “Kaunti na lang. Mamaya ay pupunta na rin kami sa likod,” ani Amor. “Sige na, mauna na kayo roon. Be prepared. Naghanda kami ng parlor games.” “Kasali ka, Amor?” biro ni Lemuel. “Of course not!” protective na sagot ni Joel. “Paano kung bigla siyang mapaanak?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD